Simula

1938 Words
------- ***Zariyah’s POV*** ----- Nagising ako at sinalubong ako ng mapuputing dingding. Mabigat at masakit ang ulo ko, at agad kong napansin ang dextrose na nakakabit sa aking kamay. Sa estado ko ngayon, malinaw na nasa ospital ako. Kunot-noo akong napahawak sa sentido ko. Pilit kong inalala ang mga nangyari bago ako magising dito, ngunit halos manigas ang katawan ko nang bigla kong maalala ang lahat. Si Hannah. No! Hindi maaari. Hindi ko matatanggap kung—kung may masamang nangyari sa kanya. Kailangan kong malaman ang totoo. Kailangan kong makasigurado na ligtas si Hannah. Na bago pa man--- napailing- iling ako. Hindi kayang ituloy ng utak ko. Mabilis akong bumangon, hindi alintana ang sakit ng ulo at bigat ng katawan ko. Plano ko na sanang bumaba mula sa kama upang hanapin siya, ngunit biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang isang doktor na pamilyar na pamilyar sa akin—si Dr. Dannah Mendoza. Kasama niya ang asawa niyang si Mr. Benedict Mendoza. Napalunok ako. Malaki ang utang na loob ko kay Dr. Mendoza. Naalala ko nung limang taon gulang ako, may nakita na defect sa puso ko at kailangan itong operahan. Nalaman ko na lang na ang tawag pala sa kondisyon ko noon ay Atrial Septal Defect (ASD) —isang butas sa pagitan ng dalawang atrium ng puso na nagdudulot ng abnormal na pagdaloy ng dugo. Ayon sa doktor, kung hindi agad maaagapan at maisasara, maaari itong humantong sa iba’t ibang komplikasyon tulad ng heart failure o pulmonary hypertension. Kinakailangan ko na agad ng operasyon. Ngunit wala kaming sapat na pera para sa napakamahal na operasyon. Ang lola ko, na siyang nagpalaki sa akin, ay simpleng nagtitinda lamang ng isda sa palengke. Maliit lang ang pwesto niya at sapat lang para may makain kami sa araw-araw. Siya na lang din ang natitirang nag-aalaga sa akin, dahil ang ina ko ay namatay noong ipinanganak ako. Ayon sa kanya, nagkaroon daw ng malubhang UTI ang nanay ko na humantong sa komplikasyon habang ito ay nanganak. Mabuti na lamang at nailuwal pa ako ng nanay ko bago ito binawian ng buhay. Ang ama ko naman ay ni minsan ay hindi nakilala ng lola ko, pero sabi raw ng ina ko, isa itong Moroccan na naging kasintahan nito. Naghiwalay ang dalawa nang mabuntis ang aking ina. Dahil sa kabutihang-loob ni Dr. Mendoza, naisagawa ang operasyon ko. Libre ang lahat—mula sa mismong operasyon, sa mga gamot, hanggang sa mga follow-up check-up. Siya mismo ang nag-asikaso sa lahat para wala ni isang kusing na ilabas ang lola ko. Isang kilalang cardio-surgeon si Dr. Mendoza, at siya mismo ang bumuo ng team ng mga espesyalista upang matiyak ang kaligtasan ko. Kaya naman, ang laki ng utang na loob namin sa kanya ng lola ko. Itinanim ko sa isip at puso ko na kung sakaling dumating ang pagkakataon na makababayad ako sa kabutihan niya, gagawin ko iyon. Buo ang pasya ko—anumang paraan, anuman ang kapalit—hindi ko hahayaang mabaon sa limot ang malaking utang na loob ko kay Dr. Mendoza. “Kumusta ka na, ija?” tanong ni Dr. Mendoza. Nakangiti siya, ngunit ewan ko—parang may kakaiba sa ngiti niya ngayon. Dati naman siyang palangiti sa akin, mabait at magaan lagi ang aura niya. Pero sa pagkakataong ito, may ibang bagay akong naramdaman sa likod ng kanyang ngiti. “Okay na po ako. Pero si—” bigla kong natigilan. Nanlaki ang mga mata ko nang muling sumagi sa isip ko ang buong pangyayari, ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon sa ospital. At kasabay niyon, mabilis ding pumasok sa isipan ko ang isang pangalan—si David, ang nag-iisang anak ng mag-asawa. “Naalala mo ba ang pangyayari, Zariyah?” tanong naman sa akin ni Sir Benedict. Malumanay ang kanyang tinig, ngunit ramdam ko ang bigat ng tanong na iyon. “Naalala mo ba ang buong pangyayari, ija?” Napalunok ako ng mariin. Hindi ko mapigilang maramdaman ang panginginig ng buong kalamnan ko habang nakatitig ako sa kanila. Para bang gusto kong magsalita, ngunit hindi ko magawang buuin ang mga salita. Ang takot ay unti-unting gumagapang sa akin—hindi dahil sa kanila, kundi dahil sa mismong alaala ng nangyari bago ako magising dito sa ospital. Si David. Ang nag-iisang anak ng mag-asawa. Kilala ko na siya simula pa noong bata ako. Kaibigan ko siya at, sa totoo lang, itinuring ko na ring kuya. Mabait si David sa akin; ni minsan ay hindi niya ako pinakitaan ng masama, kahit pa medyo barumbado siya. Pangarap niyang maging doktor tulad ng ina niya, pero hindi naman siya ganoon kaseryoso sa pag-aaral. Si Hannah naman ang matalik kong kaibigan mula pa noong unang taon namin sa high school. Nag-iisang anak din siya at anak-mayaman. Working student ako noon sa paaralang pinapasukan ko—isang paaralan para sa mga mayayaman na tulad ni Hannah—kaya nakapag-aral ako roon. Sa kabila ng malaking agwat ng estado namin sa buhay, naging sobrang malapit kami sa isa’t isa, na para bang magkapatid na at halos hindi na mapaghiwalay. Dahil sa akin, nagkakilala sina Hannah at David, na kalaunan ay naging magkasintahan. Umabot ng apat na taon ang kanilang relasyon bago sila naghiwalay. Ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ay hindi na sila magkaintindihan, at dahil na rin sa pagiging sobrang seloso ni David. Patuloy pa ring nangungulit si David kay Hannah kahit tapos na ang lahat sa kanila. Hanggang sa walong buwan ang nakalipas, ipinakilala ni Hannah sa akin ang bago niyang nobyo—si Aiden. Bata pa lamang daw ay magkakilala na silang dalawa. Dati pa raw may gusto si Aiden kay Hannah, pero naunahan siya ni David. Aminado ako, unang kita ko pa lang kay Aiden ay may kakaiba na akong naramdaman. Masasabi kong siya ang naging first love ko. Ayaw kong lumalim pa ang nararamdaman ko kay Aiden kaya iniiwasan ko siya, kahit pa madalas akong isinasama ni Hannah tuwing may lakad sila. Pinilit pa nga ni Hannah na maging malapit kami ni Aiden, at nangyari nga iyon lalo na nang pareho ang unibersidad na pinapasukan namin. Naging full scholar ako ng Montreal Educational Grant Program—isang prestihiyosong programa para sa mga estudyanteng walang sapat na kakayahang pinansyal upang makapag-aral sa kolehiyo, ngunit itinuturing na karapat-dapat dahil sa kanilang sipag at determinasyon. Ang programang ito ay mula sa angkan ng Montreal, isang kilalang pamilyang bilyonaryo na hindi lamang tanyag sa kanilang kayamanan kundi pati na rin sa kanilang walang sawang pagtulong sa mga kabataang may pangarap. Full scholarship ang ibinigay sa akin—ibig sabihin, wala akong gagastusin ni singkong duling para sa lahat ng bagay na may kinalaman sa aking pag-aaral, kasama na ang allowance. Sila na rin ang pumili ng paaralan para sa akin—ang St. Elysian University of the Philippines—kung saan nag-aaral din si Aiden ng Political Science. Galing din sa angkang Montreal si Aiden, ang angkan na nagpapaaral sa akin. Masasabi ko na walang naging malaking problema sa relasyon nina Aiden at Hannah, pero isang buwan na ang nakalipas simula nang madalas makipagkita si Hannah kay David. Lagi ko siyang pinagsasabihan, pero ang lagi niyang sagot ay kaibigan lang niya si David. Ayaw kong isipin na pinagtataksilan niya si Aiden, pero hindi ko maiwasang magduda. Laging magkasama sina Hannah at David, at sa tuwing ganoon, ako naman ang laging kasama ni Aiden. Pakiramdam ko, itinutulak ako ni Hannah palapit kay Aiden. At ang nakapagtataka, mukhang hindi man lang ito napapansin ni Aiden. O sadyang wala siyang pakialam. Hanggang sa….. Pinigilan ko si Hannah. Sinabi ko sa kanya na huwag siyang sumama kay David. Bukod sa lasing ito, tila may kakaiba rin dito—namumula ang mga mata nito na parang naka- druga. Halata din na may matinding pinag-aawayan ang dalawa. Ayaw sanang sumama ni Hannah, pero nagbanta si David na magpapakamatay siya kapag hindi siya sinamahan at hindi siya kinausap ni Hannah. Walang nagawa si Hannah kundi pumayag. Nakiusap pa ako kay David na hayaan na si Hannah, pero itinulak niya ako nang mariin. At bago pa ako muling makatayo, naisakay na niya si Hannah sa loob ng kotse. Pinilit niya itong isakay. Nag-aalala ako kung saan niya dadalhin si Hannah. Kaya imbes na pumunta ako sa palengke upang puntahan ang lola ko, sumunod ako sa kanila gamit ang bisikleta ko. Ang gusto ko lang ay malaman kung saan niya dadalhin si Hannah. Ngunit hindi pa man tuluyang nakakalayo ang sasakyan, napansin ko na agad na hindi maayos ang takbo nito—parang paliko-liko at halos nawawalan ng kontrol—hanggang sa bigla itong sumalpok sa isang nakaparadang 6-wheeler truck. Kasunod noon, parang bumagal ang lahat. Kitang-kita ko kung paano nabaliktad ang sasakyan, ang mga gulong nito’y umikot sa ere bago bumagsak nang malakas sa sementado. Ang tunog ng bakal na nagkakadurog-durog ay bumaon sa pandinig ko, at saglit akong natigilan, nanlaki ang mga mata at nanigas sa kinatatayuan. Nang makabawi ako, mabilis akong tumakbo papunta sa kinaroroonan ng kotse. Amoy na amoy ko ang gasolina at usok na nagmumula sa butas ng makina. Nakita ko si David, sugatan at duguan, gumagapang palabas ng kotse, halos wala nang lakas. Ngunit hindi ko siya pinansin. Ang nasa isip ko lang ay si Hannah. Nagpatuloy ako sa paglapit, sapo ang dibdib ko na parang sasabog sa kaba. “Hannah!” sigaw ko, pero hindi na ako nakalapit pa. Isang malakas na pagsabog ang sumabog mula sa kotse—isang dagundong na parang gumiba ng buong paligid. Ang init ng apoy ay biglang dumapo sa balat ko, kasabay ng alon ng hangin na tumulak sa akin pabalik. Amoy nasusunog na goma at gasolina ang pumuno sa ilong ko, habang ang paningin ko ay napuno ng nakakasilaw na apoy at makapal na usok. Bago ko pa man naabot si Hannah sa loob, sumabog ang sasakyan. Naging malabo ang lahat. Umikot ang paligid ko, hanggang sa naramdaman ko na lamang ang katawan kong bumagsak nang bigat sa lupa. Wala na akong marinig kundi ugong sa tenga ko, at unti-unting nagdilim ang paningin ko bago tuluyang mawalan ng malay. Doon… Hanggang doon lang ang naalala ko. Napatingin ako muli sa mag-asawang nasa harapan ko. Nanginginig ang labi ko. Natatakot ako—natatakot isipin kung ano ang tunay na nangyari kay Hannah. Natatakot ako sa katotohanan. “Si David…” Pilit kong binuka ang bibig ko kahit ang dibdib ko’y halos mabiyak sa bigat. Unti-unti ring tumulo ang luha ko. “Pinilit niyang isama si Hannah. Lasing siya at parang…” Hindi ko naituloy; natakot akong sariwain ang itsura ni David noong mga oras na iyon. “Pinilit niya si Hannah. Kinidnap niya si Hannah. Hanggang sa… hanggang sa nadisgrasya sila at su—sumabog ang kotse bago pa man… bago pa man—” Napailing-iling ako, halos hindi makapaniwala. Ayaw kong tanggapin na kasama si Hannah sa pagsabog… na hindi siya nakaligtas. “Hindi ganyan ang nangyari, Zariyah…” malamig na sagot ni Sir Benedict. “Magkasama sina David at Hannah, galing sila sa kung saan na sila lang ang nakakaalam. Lasing si David, kaya si Hannah ang nagmaneho ng kotse. Bumangga ang kotse dahil may problema ito sa preno.” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Pilit kong inalala ang mga pangyayari, pero gaano ko man balikan, hindi iyon ang nakita ko. Hindi iyon ang nangyari. “Hindi… hindi iyan ang totoo. Si David ang dahilan… si David ang may kagagawan ng lahat ng ito!” Halos hindi ko maituloy. Napailing-iling ako, hirap na hirap tanggapin ng utak ko ang sinasabi nilang “katotohanan” dahil sigurado ako sa naalala ko, kahit hirap itong tanggapin ng isip ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD