Nanghahapdi ang aking mga mata nang idilat ko ito. Marahan ko iyong kinusot-kusot. Nakailang bukas at sara pa ako nito bago naging malinaw ang aking paningin. Kalat na ang liwanag sa kabuohan ng aming tahanan. Pumapasok sila sa bintanang nakaligtaan naming isara kagabi ni Geron. Saglit ko siyang nilingon sa aking tabi na natutulog pa rin nang mahimbing, yakap ang naiwang unan na may amoy pa ng kanyang yumaong ama. “Good morning.” bulong ko habang titig na titig sa kanyang payapang mukha. Iinot-inot akong bumangon at tinungo ang aming kusina. Nagsalin ako ng tubig sa baso at tuloy-tuloy na tinungga ito upang maibsan ang labis na panunuyo ng aking lalamunan. Bahagyang nangunot ang aking noo nang makarinig ng munting ingay sa labas ng aming bahay. Walang imik kong tinungo ang nakapinid nami

