HINDI natuloy ang sana ay pag-alis ni Ara nang araw na iyon. Ang dahilan: May kakatwang proposisyon si Zeph na sa umpisa ay ikinataas ng kilay ng dalaga pero nang isa-isahin nito ang advantages sa panig niya ay napaisip si Ara.
“Twenty thousand para samahan ka ng…ng ten days?” ulit ni Ara. Hindi niya alam kung matatawa siya o maiinis. “Zeph, uulitin ko lang, ha? Hindi ako bayarang babae. Hindi ako tatakas sa Neon kung pabor ako sa mga ganyang alok.”
“I’m not gonna pay you for s*x, Ara.”
Umangat lalo ang mga kilay niya. “Eh, ano pala ang babayaran mo?”
“Time. Your time.”
“Time?” susog niya uli. “Dalawang libo sa isang araw? Ang mahal, ha? Dobleng mas mataas sa minimum wage. Para saan? Ano’ng gusto mong gawin ko habang magkasama tayo?” Natutukso si Ara sa alok dahil kailangan niya ng sapat na halagang maiuuwi sa pamilya. Pero kung isang kapahamakan na naman ang pinapasok niyang iyon ay may gusto na ng dalaga na umuwing wala ni isang gamit.
“Sasamahan mo lang ako—na kumain, mag-sketch, gumala sa kung saan man na maiisip kong puntahan `pag bored na ako ko rito—at mag-uusap tayo. ‘Yon lang, Ara.”
“Ganoon lang? Babayaran mo ako ng twenty-k para lang kausapin ka?”
“Ganoon lang.”
“Nagtatapon ka ba ng pera o may binabalak kang masama sa akin?” Ang prangkang tanong ni Ara. Nakakagulat ang alok ni Zeph kaya hindi na rin niya pinigilan ang dila. “Kahit duda ako na pagnanasaan ako ng isang gaya mo, alam kong maganda rin naman ang katawan at mukha ko kaya hindi imposibleng—”
“Wala sa dalawa.” putol ni Zeph.
“Eh, ano nga?”
Huminga ito nang malalim. “Kailangan ko lang ng kasama.”
“B-Bakit ako? Puwede ka namang magbayad ng…ng mga babaeng—ano, ‘yong talagang bayaran. M-Magagawa n’yo pa ang kahit ano. Sayang naman ang twenty thousand mo sa sampung araw kung tititigan mo lang ako. Lugi ka, Zeph.”
“Kung s*x ang kailangan ko, Ara, kaya kong magdala rito ng pinakamagandang babae pa—nang hindi ko kailangang magbayad.”
Napaisip si Ara. Sa hitsura nga ni Zeph ay hindi ito mahihirapang makuha ang kahit na sinong babae. Pero bakit siya ang inaalok na maging ‘kasama’ ng sampung araw?
“Alam mo, Zeph, aaminin kong kailangan ko ng pera para sa pamilya ko at malaking tukso ang alok mo. Kaya lang…” huminga siya nang malalim at sinalubong ang tingin ng lalaki. Wala sa loob na umangat sa dibdib ang kamay niya, sa pendant ng kanyang kuwintas. Hindi na namamalayan ni Ara na ginagawa na rin niya iyon sa mga pagkakataong nalilito siya.
“Nahihirapan kang maniwala na wala akong gagawin sa ‘yo?” si Zeph, bumaba sa kamay niya na nasa dibdib ang tingin nito.
Hindi umimik si Ara.
“Kailangan mo ng witness?” inilapit nito ang sarili at naramdaman niya ang init ng palad nito sa likod ng kamay niya. “Ang pendant na ‘to na lagi mong hinahawakan, puwede na bang witness?” Wala sa loob na niyuko niya ang kamay ni Zeph. Hindi naman nito hawak ang crucifix pendant dahil siya ang may hawak niyon. Ang kamay niya ang hawak ng lalaki. “Trust me,” sabi pa ni Zeph. “You’re safe here. You’re safe with me.”
Napatitig siya rito, napakurap-kurap at napaawang ang mga labi. Kung pagbabasehan niya ang damdamin sa mga mata ni Zeph, wala siyang dapat ikatakot. Pero hindi siya dapat nagtitiwala sa isang estranghero…
“Ten days, Ara.”
Halos tulala na si Ara sa harap ni Zeph.
“YOU’RE DOING it again,” sabi ni Zeph at itinigil ang pagguhit pero hindi bumaling kay Ara. Abala ang lalaki sa pagdo-drawing samantalang siya ay nasa couch at paulit-ulit na sinusulyapan ito. Hindi niya mapigilan ang sarili. Iniisip ni Ara kung brokenhearted nga ang lalaki gaya ng kutob niya. Kanina pa siya nag-iisip ng rason kung bakit kailangan nitong magbayad ng kasama. Wala bang kaibigan na matatawagan? Bakit wala? Matino naman ang hitsura. Mukhang ang bait pa nga. Bakit wala ni isang kaibigan na puwedeng samahan si Zeph?
“Tinititigan mo na naman ako, Ara.”
Kaswal na binawi niya ang tingin. Gustong-gusto niyang magtanong kay Zeph ng personal pero pinigil ni Ara ang sarili. Bayad siya para maging kasama lang. Wala siya dapat pakialam sa buhay nito.
“Gusto kong isipin na obvious na miserable ang pakiramdam ko at naaawa ka sa akin kaya mo ginagawa ‘yan.”
Tipid na ngumiti si Ara. “Iniisip ko lang kung totoo ang naiisip ko, Zeph— na brokenhearted ka? Kasi kung totoo iyon, nabo-broken din pala ang puso ng mga gaya mo?”
“What do you mean by ‘mga gaya ko’?”
“Gaya mong guwapo, maganda ang katawan, mabango—at mabait,” tapat niyang sagot. Ang talagang gusto ni Ara ay pagaanin ang pakiramdam ni Zeph. Natuwa siya nang bumaling ito sa kanya at ngumiti. Ngiti na umabot sa mga mata nito.
“Wow. Thank you.”
Ibinalik ni Zeph sa ginagawa ang atensiyon. Naging abala na ang lalaki nang mga sumunod na sandali.
Bago lumapit si Ara kay Zeph kanina ay natawagan na niya si Edgar gamit ang cell phone—cell phone ni Zeph. Abot-abot na pala ang pag-aalala ng kaibigan dahil maling taxi nga ang nasakyan niya. Namuti raw ang mga mata ng driver ng taxi na kinausap ni Edgar sa kakahintay sa kanya. Naawa siya nang sabihin ni Edgar na halos forty eight hours na raw na walang tulog ito at naghihintay ng tawag niya matapos i-text ng driver na hindi siya dumating. Sinabi ni Ara na ligtas siya pero tulad ng napag-usapan nila ni Zeph, hindi niya sinabi kung nasaan siya. Napanatag naman agad si Edgar. Sapat na raw na malaman nitong maayos ang kalagayan niya. Paulit-ulit siyang nagpasalamat.
Pagkatapos ng tawag ay naupo si Ara sa couch at kay Zeph na naging abala ang mga mata niya. Hinuhulaan na dalaga ang problema nito na maaring dahilan kung bakit nagtatapon ng twenty thousand para lang may makausap.
“Ara?”
Napakurap ang dalaga.
“Ano’ng iniisip mo tungkol sa akin except sa guwapo ako?” itinuloy ni Zeph ang pagguhit, napapangiti.
“Wala na. ‘Yong issue lang talaga ng puso mo at ‘yong pagiging guwapo mo. Akala ko kasi heartbreaker ang mga guwapo, eh.”
Naging buo ang ngiti ni Zeph. “Matulog ka na lang. Nadi-distract ako sa titig mo.”
Magaang tumawa si Ara. Nahiga nga siya sa couch at pinilit na huwag nang titigan si Zeph. Nakatulog na siya nang mga sumunod na sandali.
Takipsilim na nang magising si Ara. Tahimik ang buong silid. Kaagad hinanap ng mga mata niya si Zeph na natagpuan niyang nasa isang bahagi ng silid, nakatanaw sa labas. Tahimik na nagmamasid ang lalaki sa papadilim na kapaligiran.
Napatitig na naman siya rito.
Bakit ba parang ang lungkot-lungkot ni Zeph?
Naramdaman yata nito ang titig niya, lumingon ang lalaki. Naudlot saglit ang paghinga ni Ara nang marahang ngumiti si Zeph matapos magtama ang mga mata nila.
Inaya siya nitong bumaba para sa dinner.