PAGKATAPOS mag-dinner ay napagkasunduan nina Ara at Zeph na lumabas muna at sumagap ng hangin. “Hindi tayo gaanong lalayo,” mukhang napansin nito na nag-aalangan siyang magtagal sa labas. “Perfect ang weather, Ara. Masarap maglakad-lakad nang ganitong oras. Don’t worry, you’re safe here. Imposibleng nasa vicinity ng hotel na ito ang mga taong tinatakasan mo.”
Naisip na rin niya iyon pero hindi niya maiwasang matakot. Hindi niya gusto ang pakiramdam na parang lagi niyang gustong lumingon para tiyaking walang nagmamasid sa kanya na naghihintay lang ng pagkakataon na hablutin siya para ibalik sa impiyernong lugar na pinanggalingan. Gusto ni Ara ng katahimikan.
Umagapay si Ara sa marahang paglalakad ni Zeph. Pagkalabas nila ng lobby ay sinalubong sila ng dapyo ng panggabing hangin.
“Mag-usap tayo, Zeph,” basag niya sa katahimikan. “Ang tahimik, eh. ‘Di ba binabayaran mo ako para may kausap ka? Magkuwento ka. Hindi kita kilala at hindi mo rin ako kilala kaya puwede kang magkuwento ng kahit ano. Ikuwento ko man sa iba ‘yon—na ipinapangako kong hindi ko gagawin, wala kang poproblemahin kasi hindi ka naman kilala ng mga kakilala ko. Isipin mo na lang na magic poste ako.”
“Magic poste?”
“Poste na pinupuntahan ng mga taong may mga pasan-pasang bigat sa dibdib. Magic, dahil may kakayahan ang posteng iyon na higupin lahat ng negatibong emosyon ng taong naglalabas ng masamang pakiramdam.”
“Sana may totoong magic poste.”
“Meron nga—ako!” kasunod ang nanghihikayaat na ngiti. “Sige na,” huminto si Ara sa paglalakad, pinigilan niya ang braso ni Zeph kaya napilitang huminto rin. Ipinihit niya ito paharap sa kanya. Tumayo siya ng tuwid na tuwid para magmukha siyang poste.
Napangiti si Zeph. “Mapapagod ka sa ginagawa mo,” sabi nito, hinawakan ang bisig ng dalaga at hinila siya. “Doon tayo sa unahan,” May iilang guests rin ng Hotel na naroon at kasabayan nilang naglalakad-lakad.
Huminto si Zeph at tumingala. Hindi niya napigil ang sariling pagmasdan ang lalaki. Ilang segundong tahimik lang ito na parang may mahalagang iniisip.
“Ano’ng nakikita mo sa kalawakan, Zeph?”
“A face,” mababang sagot nito.
“Mukha ng babaeng mahal mo?” hula ni Ara.
“Yeah…”
“Nakangiti ba siya?”
“Hindi. She’s crying. Nanunumbat ang titig niya and I deserve it…”
“Nagawan mo siya ng kasalanan?”
ANG TANONG na naman ni Ara ang nagbalik ng eksenang dahilan kung bakit nasira ang relasyon nila ni Tiffany, kung bakit nawala ang babae sa kanya, kung bakit natakot na itong muli siyang pagkatiwalaan.
Ayon kay Tiffany, minsan na niyang nagawa, hindi na mawawala pa ang pagdududa nito na uulitin niya iyon. Hindi na sila magiging masaya gaya ng dati. Nakipaghiwalay sa kanya si Tiffany. Tandang-tanda ni Zeph ang sunod-sunod na mga patak ng luha nito, nasa anyo at mga mata ang sakit na idinulot niya…
“Why, Zeph? Why did you do it with her? Kulang pa ba ako sa ‘yo, ha?” nakatayo si Tiffany sa binuksan nitong pinto, nasa kama naman si Zeph, hubad at nalilito sa mga pangyayari. Lumipat sa isang sulok ang namunumbat na tingin ng Tiffany, nagkaroon ng tunog ang pag-iyak nito bago sumigaw. “Get out, slut! Get out of my sight!” saka ito humagulhol. Larawan ito ng babaeng nasaktan nang sobra.
Noon lang naging aware si Zeph na may babae siyang kasama sa silid. Bagong ligo iyon at towel lang ang takip sa katawan. Naalala niya ang babae, tumabi ito sa mesa niya at nakipagkuwentuhan habang umiinom siya nang nagdaang gabi.
Si Tiffany ang iniisip niya habang mag-isa siya sa mesa. Hindi sumama sa kanya sa despdida party na iyon ng kaibigan nila si Tiffany dahil marami raw utos ang ama nitong pinipilit ng babae na makuha ang atensiyon.
Adopted child si Tiffany ng pamilya Guevas. May sakit ang kinagisnan nitong ina at bed-ridden. Ang ama naman ay subsob sa negosyo. Tulad ng pamilya niya, nasa furniture business rin sa Cebu ang pamilya nito pero focus sa local market. Ang ama nito na si Nicholas Guevas ang founder ng Balay Disenyo, na nakilala sa Traditional furnitures na gawa sa wood at rattan. Ayon pa sa girlfriend niya, ang ina lang nito ang may gustong mapabilang si Tiffany sa pamilya kaya nang maratay iyon, pakiramdam ng babae ay nawalan ito ng nag-iisang kakampi. Nagpilit si Tiffany na makalapit sa ama pero tuwina ay malamig na pagtrato ang ibinabalik ni Tito Nicko. Laging nasasaktan si Tiffany at siya ang laging nasa tabi ng babae. Ibinigay niya ang pagmamahal na kailangan nito. Buo ang pamilya ni Zeph at mahigpit ang bigkis nila kaya nauunawaan niya ang kakulangang nararamdaman ng girlfriend. Pilit na lang niyang inintindi na masidhi ang pagnanais ni Tiffany na makuha ang approval ng ama —na nangyari naman mula noong unang beses na ipinakita nito sa ama ang mga designs niya at inako nitong sariling gawa.
Mula noon ay napansin na si Tiffany ng ama nito. Pinagkatiwalaan na ni Nicholas Guevas ang kakayahan ng ‘anak’ na hindi nito pinapansin sa mga nakalipas na taon. Isang mahinang adopted child ang ayon kay Tiffany ay tingin dito ng ama kaya nagpipilit itong gawin ang lahat para mapansin. Iyon rin ang dahilan kung bakit sumasama si Tiffany sa mga trainings na dinadaluhan niya sa Pilipinas at sa abroad. Nais nitong maging magaling sa paningin ng ama. Nakita ni Zeph kung gaano naging masaya si Tiffany sa naging bunga ng designs na hiniling nitong gawin niya. Walang kaso kay Zeph na inangkin ng babae ang designs niya, ang importante ay masaya na ito.
Tuwing hihiling si Tiffany ng bagong designs ay pinagbibigyan ni Zeph. Hindi niya itinuturing na competitor ng De Villar Furnitures ang Balay Disenyo dahil bukod sa kaibahan ng materyales at disenyo, tatlong beses na mas malaki rin ang market ng DVF kaysa sa Balay Disenyo na sa local market lamang naka-concentrate. Bilang tulong kay Tiffany na aminadong walang tiwala sa sariling kakayahan dahil na rin siguro sa mababang tingin rito ng ama, naging designer rin si Zeph ng mga produkto ng Balay Disenyo—ng lingid sa kaalaman ng ama ni Tiffany. Ang alam ni Tito Nicko ay designs iyon ng anak.
Mahal ni Tiffany ang Balay Disenyo kaya minahal rin iyon ni Zeph. Ngunit habang tumatagal, nagsimulang ma-pressure si Tiffany. Naging takot na nito ang hindi maabot ang expectations ng amang lumaki na ang tiwala rito. Kasabay ng laging pagdedemand ng babae ng mga bagong designs kay Zeph ay unti-unting umikli ang oras na ibinibigay nito sa kanya sa pagpipilit na mapantayan ang mga designs niya, at para magawa lahat ng utos ng ama na na finally ay binigyan na si Tiffany ng lugar sa Bahay Disenyo.
Unti-unting naramdaman ni Zeph na tila lumalaki ang distansiyang nasa pagitan nila. Inunawa pa rin niya ang girlfriend. Naiintindihan niya ang damdamin nito. Hindi na gusto ng babae na mawala ang tiwala ng ama. Nasasaktan man na tila siya na ang isinasakripisyo nito ay patuloy siyang nagmahal at tumulong.
Isa lang ang despidida party ng araw na iyon sa maraming events na hindi na nila nadadaluhan ng magkasama. Iisa lang ang laging dahilan ni Tiffany, abala ito sa trabaho o kaya ay may utos ang ama na tinatapos nito.
Nitong mga huling linggo bago ang party na iyon ay ramdam ni Zeph na laging mainit ang ulo ni Tiffany. Naisip niyang marahil ay pressured ito sa trabaho. Napansin rin niyang marami nang napupunang mali sa kanya ang babae at madalas ay ang bad mood nito ang ugat ng argumento nila. Dumating si Zeph na mag-isa at masama ang loob sa party dahil nag-away sila ni Tiffany. Pinagselosan nito ang isa sa mga business acquaintance niyang naka-base sa Singapore at dumalaw sa DVF—si Reneevy Wong na isang araw lang sa Pilipinas kaya tinawagan niya si Tiffany para i-cancel ang usapan nilang dinner sa bahay nito para sa dinner meeting nila ni Reneevy. Hindi iyon nagustuhan ni Tiffany. Alam niyang sa mood ng babae ay hindi siya nito sasamahan sa party. Mag-isang dumalo si Zeph.
Habang mag-isa sa mesa at masama ang loob, iniisip niya ang maraming pagbabago sa pagitan nila mula nang makuha ni Tiffany ang tiwala ng ama nito. Hindi na napansin si Zeph na marami na siyang nainom. Lasing na siya nang lumapit ang isang babae at nakipagkuwentuhan sa kanya. Napangiti siya nang mapait nang sabihin ng babae na pareho sila ng nararamdaman. May issue rin daw ito sa puso. Sinamahan siya nitong uminom . Hindi na rin nag-protesta si Zeph nang igiya siya nito sa tahimik na lugar raw para makapag-usap sila. Nag-boluntaryo rin itong kumuha pa ng alak para sa kanila. Natatandaan pa ni Zeph sa isa sa mga silid sa Villa na para talaga sa mga guest na hindi makakauwi ang tinutukoy nitong lugar. Nagpatuloy ito sa pagkukuwento samantalang siya naman ay sa pag-inom.
Naramdaman ni Zeph na bibigay na ang kamalayan niya kaya naupo na siya sa kama para matulog. Madaling-araw na nang mga sandaling iyon. Hindi na niya masyadong natandaan ang detalye ng mga pangyayari pero ang huli niyang naalala ay si Tiffany ang hinagkan niya at mainit nitong ibinabalik ang halik niya. Siguro, pinag-igting ng nararamdaman niyang espasyo sa pagitan nila, at pangungulila ang damdamin niya nang sandaling iyon kaya hinayaan niya ang sariling magpadala sa emosyon—na nang umagang iyon lang naging malinaw sa kanya na bunga lang pala ng kalasingan. Ibang babae pala ang kasama niya at si Tiffany ay kadarating lamang, huling-huli siya nitong nasa kama at hubad pa habang ang babaeng kasama niya ay napasukan nitong katatapos lamang mag-shower.
Patuloy ang pagbalong ng luha ni Tiffany sa mahabang sandaling sinusumbatan siya nito. Sa huli ay sinugod siya nito at sinaktan. Tinanggap ni Zeph lahat ng atake nito. Hindi niya masabing walang nangyari sa pagitan nila ng babae dahil natatandaan niyang may ginawa siya—they were sharing wild kisses and she was touching him, pero si Tiffany ang inakala niyang kasama at hindi ang babaeng iyon na nasa silid rin at na ni hindi niya alam ang pangalan.
Tinapos ni Tiffany ang relasyon nila at iniwan siya sa silid. Nang lumapat pasara ang pinto, pakiramdam ni Zeph ay nagsara rin ang mundo niya at nasadlak siya sa isang madilim na lugar…