Nine

2092 Words
“GANOON pala ang nangyari,” nasabi ni Ara pagkatapos ng paputol putol na kuwento ni Zeph. Natuwa ang dalaga na itinuring nga siya nitong magic poste. “Hindi mo na ba naayos ang lahat? Nag-reach out ka ba? Baka nagpapasuyo lang iyon.”                     Nakita niya ang mapait na ngiting gumuhit sa labi ni Zeph bago huminga nang malalim. “Reach out? Hindi nga ako tumigil. Gusto kong bumawi. Pero wala na, nakalimutan niya lahat ng ipinakita kong pagmamahal dahil lang sa isang gabing iyon. Hindi siya nakinig sa paliwanag ko.” tumingala si Zeph sa kalawakan. “Naghiwalay kami na naiwan sa akin ang pakiramdam na ang sama-sama ko, iyon ang ipinaramdam ni Tiffy sa akin. Hindi maalis sa isip ko ang nasasaktang anyo niya kaya pinilit kong bumawi sa lahat ng paraang alam ko. Kahit wala na kami, nagde-design pa rin ako para sa kanya. Somehow natuwa akong kahit wala na kami, hindi pinutol ni Tiffy ang komunikasyon. Na-kontento na lang akong maging kaibigan.”             “Masakit ‘yon ‘no? Na maging kaibigan lang sa babaeng mahal mo?”             “Oo naman. Pero kasalanan ko, eh. Kailangan kong tanggapin ang consequence nang nagawa ko. Mas na-guilty pa ako na hindi niya sinabi sa parents ko na kasalanan ko kung bakit kami naghiwalay. Hindi raw niya gustong masira ang ‘perfect son’ image ko.”             Hindi umimik si Ara. Nakinig lang siya kay Zeph.             “Three months later, she found a new man. And you know what’s worst? Hindi ko mapilit ang sarili kong lumayo, Ara. Pakiramdam ko kasi, hindi pa ako nakakabawi sa kanya. Tuwing lumalapit siya para hingin ang opinyon ko sa mga bago niyang designs at humihingi siya ng mga karagdagang designs, pinagbibigyan ko pa rin siya. Nagde-design pa rin ako para sa kanya.” Ngumiti ito, bakas ang lungkot sa anyo. “Siguro, nakasanayan ko nang mahalin siya sa ganoong paraan kaya ang hirap tumigil.”             Nakatitig lang si Ara kay Zeph. Pakiramdam niya ay nahawa siya sa bigat na dinadala nito sa dibdib.             “Ganoon naman daw ang love ‘di ba? Parang addiction. Sabi lang iyon ng mga kaibigan ko sa probinsiya na nagmahal at nasaktan.” Pinagaan ng dalaga ang tono.              “Two weeks ago, engagement party niya. Last week, nag-argue kami ni Mommy dahil sa kanya. Nagalit at nasaktan si Mom na pinuntahan ko pa rin siya nang tinawagan ako. Sabi ni Tiffy, pinasok ng magnanakaw ang bahay niya. Pagdating ko, takot na takot siya. Late na akong nakauwi sa amin. In-invite niya akong mag-dinner. She cooked for us, ‘thank you’ daw niya iyon na dumating ako para tumulong. Nagkuwentuhan kami. Bago ako umalis, she asked me to do a loveseat for her.” “Ginawa mo agad-agad?” “Hindi pa pero plano kong gawin.” Huminga nang malalim si Zeph. “Three days ago, kinausap ako ni Dad na hanapin ko raw ang sarili ko. I realized right then, tama ang sinabi ng parents ko. Hindi ko na nakikita ang self worth ko dahil sa pagmamahal ko kay Tiffy at sa kagustuhan kong makabawi sa kanya.”             Nanahimik saglit si Zeph at tumingin uli sa kalawakan. Naudlot ang pagsasalita ni Ara nang mag-ring ang cell phone nito. Kinuha ng lalaki sa bulsa ang gadget at sinipat. Nakita niyang ilang segundong tumitig ito sa gadget bago mariing pumikit at ibinulsa uli iyon. Nabasa niya sa anyo nitong pinilit lang labanan ang sarili.             “Siya ba ‘yan?” hindi napigilang usisa ni Ara. “Parati ka pa rin niyang tinatawagan?”             Marahang tumango si Zeph.             “Hindi mo sasagutin?”             “Kapag ginawa ko ‘yon, marami siyang sasabihin at babalik na naman ako sa sitwasyong gusto kong iwan na, Ara. Pagbibigyan ko na naman siya. Nagawa ko nang humakbang. Ang bagal pa lang pero nagawa ko na. Sobrang ikli pa lang pero nagawa ko na. Hindi ko alam kung paano ko itutuloy ang paghakbang pero gusto ko nang makalayo, makaalpas. Gusto ko nang lumaya sa bigat sa dibdib ko. Alam mo ba ‘yong pakiramdam na hindi ka na makahinga?” Hinagod-hagod nito ang batok. “At nasasaktan na rin ang mga taong mahal ko. Hindi na talaga tama ang ginagawa ko.” Umiling-iling si Zeph kasunod ang tawang walang laman. “Pasensiya ka na kung sa ‘yo pa ako napakuwento. Ang tagal kong ikinulong sa dibdib ko ‘to, eh. Sorry, Ara. Nakakahiya `to—”             “Okay lang, ano ka ba? Magic poste nga ako ‘di ba?”             Matagal na nagtama ang mga mata nila. Mayamaya ay ngumiti si Zeph. “Thanks, magic poste.”             Ngumiti rin siya. Paulit-ulit na nagri-ring ang cell phone nito hanggang sa nagdesisyon na silang bumalik na sa hotel. “HINDI ko kailangan ang mga ‘yan, Zeph—” naudlot ang paglabas ni Ara sa store na pinasukan nila matapos pigilan ni Zeph ang braso niya. Napabalik siya sa harap nito. Nasa isang kilalang mall sila nang araw na iyon, sa ikatlong araw ng usapan nilang ten days. “Hindi ko naman magagamit ang mga ‘yan pag-uwi ko sa amin—”             “Hindi kita binabayaran para mag-argue lang tayo,” putol nito. “Gusto kong bilhin ang mga ‘yan para sa ‘yo. Inuutusan kitang tanggapin lahat.” Tinawag nito ang isa sa tatlong babaeng naroon. “Tulungan mo siyang pumili at magsukat, please,” sabi ni Zeph sa babae na kaagad namang tumango.             Prenteng umupo ito habang siya ay napilitang sumunod sa babaeng kinausap nito. Nang mga sumunod na sandali ay sunod-sunod na ang kuha ng babae ng iba’t-ibang estilo ng damit habang siya ay halos hindi na huminga habang iniisip ang presyo ng bawat isang damit. Ang totoo ay naiwan sa store na iyon ang mga mata ni Ara kanina. Gusto niya ang estilo ng mga damit pero matapos niyang makita ang presyo ng mga iyon kanina lang ay natakot na siyang lingunin man lang ang nagustuhan niyang bestida na suot ng mannequin. Isang buwan na nilang gastos sa pagkain ang presyo niyon!             “Sa fitting room na po tayo, Ma’am,” anang babae na tumulong sa kanya. Napapangiwing sumunod siya rito.             “Hindi ba masyadong marami ‘yan?”             “Para mas maraming choices ang boyfriend mo, Ma’am. Ang sabi po niya, piliin ko ang pinakamagaganda at best creations namin, ‘yon daw ang bagay sa inyo.”             Alanganin ang naging pagtugon ni Ara ng ngiti sa babae. “G-Ganoon ba?” iginiya na siya nito papasok sa fitting room. Paisa-isa nitong ipinasukat sa kanya ang bawat damit at lumalabas siya para ipakita iyon kay Zeph. Ang ‘boyfriend’ niya ang nagpapasya kung alin ang mga bibilhin nila at kung alin ang hindi. Lihim siyang kinilig na napagkamalan siyang girlfriend ng isang guwapong tulad ni Zeph. Pakiramdam ni Ara ay nasa eksena lang siya sa isa sa maganda niyang panaginip.             Paglabas nila sa store, pareho sila ni Zeph na maraming paper bags na bitbit—lahat mga damit niya ang laman.             “Para saan ito, Zeph?” hindi napigilan ni Ara ang magtanong nang patungo na sila sa basement parking para iwan ang mga paper bags sa kotseng gamit ni Zeph—na ayon rito ay sa kaibigan nitong si Ferdz.             “Sasagutin ko ‘yan, mamaya ‘pag tapos na ang plano ko ngayong araw.”             “Hindi pa ba tapos ‘to?”             “Start pa lang `to ng araw natin,” anito at malapad siyang nginitian. Kinabahan si Ara. Bakit gumagastos ito nang ganoon na lang para sa kanya? Hindi iyon tama dahil wala siyang maibibigay na kapalit. Ang pera lang na napag-usapan nila ay sobra-sobrang tulong na. At libre pa siyang tumutuloy sa silid na okupado nito sa hotel. Hindi tamang abusuhin niya ang kabutihan ni Zeph.             Pinigilan ni Ara ang braso ni Zeph nang paalis na sila sa basement parking para bumalik sa loob ng Mall. Huminto ito sa paghakbang at bumaling sa kanya. “May problema?”             “Hindi ako komportableng ganito, Zeph. Hindi tamang gumagastos ka sa akin. Magi-guilty ako. Mag-iisip ako ng kapalit. Ayoko namang mawalan ng choice. Baka mag-offer na ako ng ganda.             Buong-buo ang magaang tawa ni Zeph. “Don’t worry, okay? Hindi ko tatanggapin ang offer mong ganda.”             “Kasi pangit ako?”             “Because you deserve better.”             “Sobrang bait mo…”             “Ikaw rin naman.”             “Bagay tayo.”             “Oo nga.”             Tawanan sila.             “Pero seryoso, tama na `to, ah? Hindi talaga tama, Zeph.”             “Nasabi ko na kanina, gusto kong gawin ito kaya huwag mo akong pigilan.”             “Mali nga kasi.”             “Bakit mali? Ano’ng masama kung gusto kong mag-shopping? Kailangan kong gawin `to na parang theraphy.”             “Zeph—”             “Para talaga `to sa akin, Ara. I’m not doing this for you. `Wag mo nang ina-analyze.”             Hindi na nakapagsalita si Ara. Tahimik na lang siyang sumunod kay Zeph pabalik sa loob ng Mall. Sinadya niyang huwag sumabay sa paglalakad nito para may pagkakataon siyang pagmasdan ang lalaki. Tuwing lilingon ito ay inilalayo ng dalaga ang tingin. Habang abala si Zeph sa pagsipat sa dinadaanan nila ay abala naman siya sa pagtitig rito. Pero hindi rin naman umobra nang matagal ang ginagawa niya, nakahalata ang lalaki na sinasadya niyang magpaiwan. Binalikan siya nito sa malalaking hakbang.             “Sinasadya mong lumayo sa akin?” tanong ni Zeph nang magkaagapay na silang naglalakad.             “Hindi ah. Naaliw lang ako sa paligid…”             Nagkalambong ang maaliwalas na anyo ni Zeph. “Hindi ka na kumibo pagkatapos nating mag-usap kanina.”             “Wala lang akong maisip sabihin, Zeph.”             “Gusto mong lumayo sa akin,” napatingin si Ara sa kamay niya nang ginagap nito iyon at hawakan nang mahigpit. “Kung nasa paligid ang mga taong tinatakasan mo, hindi ka nila makukuha.” “Itim ang budhi ng mga ‘yon, wala kang laban sa kanila—” “Hindi ka nila makukuha kasi hindi ko bibitawan ang kamay mo. Kaya `pag nakuha ka nila, kasama ako.” Nanibago si Ara sa pakiramdam na may nakahawak sa kamay niya. “A-Ang higpit ng hawak mo…”             “Tama lang, para hindi ka makawala.” Niyuko siya nito kaya nagtama ang mga mata nila. Nag-iba ang pintig ng puso ni Ara. Napalunok na nagbawi siya ng tingin. “K-Kailangan ba talagang hawakan mo pa ang…ang kamay ko?”             Marahang hinila siya nito patungo sa isang direksiyon. Bumagal ang mga hakbang ni Zeph kaya bumagal rin ang paghakbang niya para sabayan ito. “Hindi ka komportable?” Mababang tanong nito, parehong sa unahan nakatutok ang tingin nila.             “Hindi lang siguro ako sanay.”             “Is this your first time?”             “Na maglakad na may ka-holding hands? Oo, eh…”             Hindi umimik si Zeph pero sa sulok ng mga mata ay nakita niya ang pagngiti nito.             “Ano’ng pakiramdam, Ara?”             “Ikaw? Ano ba’ng pakiramdam mo?”             “Great! Gusto ko `yong feeling na hindi ako mag-isa.”             “Pawis ang nararamdaman ko, eh.” Naisip ni Ara na magbiro na lang para itaboy ang bumabangong tensiyon sa dibdib niya. “Parehong nagpapawis ang palad natin, Zeph.”             Napatigil ang lalaki sa paghakbang. Tumigil rin si Ara. “Sa lahat naman ng puwede mong mapansin, pawis pa?”             Tumungo siya at pinawalan ang pinipigilang ngiti. “Masama bang maging honest? Pawis talaga ang naramdaman ko!” Kasunod ang magaang tawa.             Tumawa rin si Zeph. “You did it again.”             “Ha?”             “Make me laugh.”             “Hindi joke iyon. Mas malakas talagang magpawis ang palad mo kaysa sa akin, Zeph!” Pag-angat niya ng tingin ay ngiting-ngiti si Zeph. Naramdaman ni Ara na lumuwang ang hawak nito sa kamay niya. Bumalik uli sa kamay ang tingin niya nang maramdamang may ginagawa si Zeph—maingat na tinuyo nito ng asul na panyo ang pawis sa palad at sa pagitan ng mga daliri niya. Ilang segundo nitong ginawa iyon. Pinunasan rin nito ang sariling kamay bago ginagap uli ang palad niya.             “Ano na ang nararamdaman mo?” tanong uli ni Zeph nang naglalakad na sila. Naramdaman ni Ara na bahagyang humigpit ang hawak nito sa kamay niya.             Napalunok muna siya bago nagawang isatinig ang sagot. “I-Init ng…ng palad mo?”             Ngumiti si Zeph pero hindi na nagsalita.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD