PILIT na itinaboy ni Ara ang hindi normal na reaksiyon ng puso niya sa titig ni Zeph. Kakaiba na naman ang pintig sa kanyang dibdib. Dumating ang lalaki mag-aala-una na ng hapon, bitbit ang mga damit at underwear na ready to wear na raw ayon dito.
Hindi napigilan ng dalaga ang pag-iinit ng mukha. Lalo siyang naging hindi komportable nang hagurin ng tingin ni Zeph ang katawan niya—suot niya ang isa sa mga long sleeve shirt na iniwan nito bago umalis.
Ngumiti si Zeph, huling inabot sa kanya ang plastic ng toiletries.
“Gutom ka na ba? Medyo natagalan ako sa labas. May ilang bagay pa kasi akong inasikaso. Parating na ang late lunch natin.”
“Okay lang ako, Zeph. Salamat…”
“Mas gusto ko ‘yang suot mo ngayon kaysa ‘yong kagabi,” kaswal na sabi nito. “Paborito kong shirt ‘yan. Bagay pala sa ‘yo?”
Nag-init lalo ang mukha niya sa titig nito.
“Masyado na kitang naabala,” nasambit ni Ara. “Pasensiya ka na talaga…”
“Gusto ko nga na may nang-aabala sa akin,” sabi ni Zeph at lumipat sa mga mata niya ang titig. “Napapaligiran ako ng tao madalas pero…” huminto ito at huminga nang malalim.
Tumingin lang siya rito, naghintay sa susunod na sasabihin ng lalaki.
“Alam mo ba ‘yong pakiramdam na…” hindi na naman itinuloy ni Zeph ang sinasabi. Sa halip ay idinugtong ang: “Never mind.” Ibinagsak nito ang sarili sa kama na para bang pagod na pagod.
Natahimik na sila pareho.
Bumangon rin si Zeph nang dumating ang pagkain nila mayamaya. “Mag-lunch ka na,” baling nito sa kanya pagkaalis ng naghatid ng pagkain nila. Bumalik ang lalaki sa kama at nahiga. “Hindi ko na kaya ang antok.”
Ilang minuto lang ang lumipas ay nakatulog na nga si Zeph. Sa halip na kumain ay natukso si Ara na titigan ang kasamang natutulog Si Zeph ang unang lalaking ‘ninakawan’ niya ng titig. At hindi siya magdadalawang isip na ulit-ulitin ang pagtitig rito kapag nagkaroon uli siya ng pagkakataon.
Masarap titigan si Zeph. Guwapo nang gising, parang mas guwapo ngayong natutulog. `Yong dating na ‘walang kalaban-laban’ sa lahat, parang nag-iimbita ng yakap. Ano kayang pakiramdam nang matulog sa tabi nito?
Biglang tinampal-tampal ni Ara ang mukha. Bakit nag-iisip siya ng ganoon?
Hinarap na ni Ara ang lunch niya habang libre pa. Paggising ni Zeph, magpapalam na talaga siya. Kailangan na niyang umuwi ng Calabanga. Kapag nasa kalinga na siya ng pamilya ay saka na lang niya tatawagan si Edgar. Mas importanteng makaalis na muna siya ng Maynila. Makuha man ni Edgar o hindi ang mga importanteng gamit niya ay hindi na mahalaga. Mas mahalagang ligtas siyang makabalik sa pamilya.
Pagkatapos kumain ay bumalik rin si Ara sa puwesto niya silid—ang couch kung saan siya nakapagpahinga nang maayos.
Siguro dahil sa katahimikan at sa masarap na lamig sa silid, nakatulog na naman si Ara. Paggising ng dalaga ay nagisnan niya si Zeph na nakasandal sa headboard ng kama, basa pa ang buhok, naka-boxers lang at walang damit pang itaas habang abala sa kung anumang ginuguhit nito sa hawak na sketch pad.
Marahang bumangon si Ara. “Zeph?”
“Yeah?” nakatutok ang buong atensiyon nito sa ginagawa, hindi humihinto ang kamay sa paggalaw.
Ang dapat ay magpapaalam na ang dalaga pero iba ang lumabas sa bibig niya. “Ano’ng ginagawa mo?”
Awtomatiko ang pagtigil ng kamay ni Zeph. Nag-angat ito ng mukha at marahang ngumiti nang magtama ang mga mata nila. Inabot ng lalaki ang robe at isinuot iyon. Pagkatapos ay sumenyas ito na lumapit siya. Tumalima ang dalaga. Hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa ni Zeph nang magkatabi na sila—ipinakita sa kanya ang sketch pad.
“Upuan ba ‘yan o mesa?” curious niyang tanong matapos makita ng drawing nito. Sa tingin niya ay glass ang ibabaw pero ang stand ay tila alon sa dagat ang shape. Wala pa siyang nakitang ganoon na mesa o kahit upuan. “Kakaiba, ah?”
“Glass table ‘to,” sabi ni Zeph, ibinalik na sa ginagawa ang atensiyon. “And this is what I do. Create something different.”
“Mag-drawing ng kakaibang mesa ang trabaho mo?”
“Designer ako ng furnitures.”
“Ah! Designer ka ng mga kakaibang furnitures!” Unang pagkakataon na nakatagpo siya ng tulad nitong artist.
“Ikaw, ano’ng job mo bago ka napunta sa trabahong tinakasan mo?”
“Exsalaba expert.” sagot ni Ara sa seryosong tono pero nagpipigil siya ng ngiti.
“Exsalaba expert?” kumunot ang noo ni Zeph.
“Exsalaba—Extra Sa Lahat ng Bakante,” nakatawang sabi niya. “Bakit expert? Magaling akong humanap ng bakante!” Kahit kailan ay hindi naging problema sa kanya ang kawalan ng permanenteng trabaho. Natulungan niya ang pamilya na sipag at tiyaga lang ang kanyang puhunan. Hindi pumasok si Ara sa permanenteng trabaho dahil mababa masyado ang suweldo. Mas mataas pa ang nakukuha niya sa mga pag-extra-extra sa mga pagawaan ng bags, tsinelas, banig at iba pang native crafts sa bayan nila. Mas madalas ay weaver siya o kaya naman ay sewer. Mas mataas ang kita niya roon kaysa kung papasok siyang cashier sa supermarket. Hindi sapat ang suweldo niya para matulungan ang ama sa gastusin nila. Kung hindi naman peak season ng mga souvenir items ay sa pagawaan siya ng processed foods rumaraket dati.
Hindi na nakapagpatuloy sa kolehiyo si Ara dahil nag-asawa na si Ate Rose. Ang kapatid ang sumusuporta sa pag-aaral niya mula nang mag-retire ang nanay nilang isang guro sa Elementarya. Ang tatay nila ay bus driver. Niregaluhan ito ng jeep ng brother-in-law niya noong naging entertainer iyon sa Japan. Musikero ang bayaw ni Ara at miyembro ng banda. Hindi na nga lang ito pinalad na makabalik uli sa ibang bansa dahil naaksidente sa motorsiklo at napilay. Hindi na naipagpatuloy ng dalaga ang pag-aaral pagkatapos noon. Nasa second semester na sana siya sa unang taon niya sa kolehiyo. Masyadong mabibigatan ang mga magulang kung ipipilit niya. Naisip ni Ara na tumulong na lang para ang bunso nilang si Daisy ang makapagtapos hanggang sa kolehiyo.
First year college na si Daisy sa pasukan. Alam ni Ara na hindi kakayanin ng kita ng Tatay nila sa pamamasada at pension ng Nanay niyang suportahan ang pag-aaral ni Daisy, lalo at sa Maynila nito gusto mag-aral kaya naisip niyang sunggaban ang alok ni Mila—na isang panloloko lang pala. Sa Sales ang ipinangakong trabaho ni Mila. Bukod sa mas mataas raw kaysa sa minimum wage ang susuwelduhin niya, malaki raw ang makukuha niyang komisyon sa bawat produkto ng kompanya na mabebenta niya. Napakarami ng magandang sinabi ng babae na pinaniwalaan niya dahil pabalik-balik naman ito sa bayan nila at kumukuha ng mga trabahante—na sa iba’t-ibang Club pala nito dinadala at ginagawang p********e, tulad ng sana ay bagsak niya kung wala sa Music ‘N Lights si Edgar para protektahan siya. Salamat sa kababata niyang iyon, ligtas siyang uuwi sa kanyang pamilya.
“Bakit mo iniwan ang Exsalaba job mo sa inyo? Saan nga pala ang province mo?”
“Camarines Sur. Taga-Calabanga si Tatay pero si Nanay, laking Maynila. Nine years old na ako no’ng umuwi kami sa probinsiya ni Tatay thirteen years ago.” pagkukuwento pa niya. Hindi niya alam kung ano ang mayroon ito at panatag siyang magkuwento kahit estranghero sila sa isa’t isa.
Pinakinggan naman siya ni Zeph.
“Kailangan kong kumita nang mas malaki, eh. Magko-kokolehiyo ang bunso namin. Kahit siya man lang ang makapagtapos sa pamilya, okay na iyon.”
“Mas malaki ang kita sa Club kaysa sa exsalaba job mo?”
“Hindi ko alam na prostitusyon pala ang babagsakan ko rito. Sa Sales daw ang magiging trabaho ko at malaki ang kikitain ko sa komisyon. Niloko ako ng pinagkatiwalaan kong kababayan. Bugaw pala ang contact niya.”
“‘Yong binanggit mong tumulong sa ‘yo, sino ‘yon?”
“Kababata ko, si Edgar. Siya ang unang naging kaibigan ko no’ng lumipat kami ng Calabanga. Teenager pa lang siya nang umalis sa lugar namin. Hindi ko naisip na ganoong mundo pala ang ginagalawan niya rito sa Maynila. Bouncer at macho dancer rin.”
“Oh.”
“Ikaw, dito ka ba sa Maynila nakabase, Zeph?”
“Cebu pero dito ako sa Maynila nag-aral ng college. Nakabase sa Mandaue ang business ng family ko. Furnitures. Local and export ang market namin.”
“Design mo lahat?”
“Design namin ni Dad.”
Tumango-tango siya. “Bakit pala nasa Maynila ka ngayon?”
Napatitig si Zeph sa kanya nang ilang segundo na para bang may kung anong pinukaw sa isip nito ang tanong. Huminga nang malalim ang lalaki, hindi na umimik nang mga sumunod na sandali.
Itinigil na rin nito ang pagguhit.