Four

1564 Words
             Narinig ni Ara na nagmura si Zeph. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito nang titigan siya nang ilang segundo bago makadalawang beses na napahagod sa batok.              “Paano ka napunta sa lugar na iyon?”             “Nagtiwala ako sa isang kababayan. Nangako siya ng magandang trabaho dito sa Maynila. Nagpa-recruit ako, walang ideya na sa ganoong lugar pala niya dinadala ang mga naloloka niya sa amin. Bagong pasok lang ako. Isang linggo pa lang bukas. Takot na takot nga ako kanina. Akala ko, hindi ako makakalayo, eh. Kung nahuli ako, pati si Ed mapapahamak…” Aktong magsasalita ang lalaki nang mag-ring ang cell phone nito. Nag-excuse si Zeph sa kanya at sinagot ang tawag. Naglatag naman ng pagod na mga binti si Ara. Naghalo-halo na ang antok at pagod, nakatulog siya nang mga sumunod na sandali.   PAGKATAPOS ng pag-uusap nina Zeph at ang Daddy niyang si Mattheas De Villar. Nasa  Mandaue City ang parents niya. Naga-update ang ama kung safe niyang nakarating sa hotel. Napahaba ang usapan. Ang ina ang naging topic nila. Hindi nagawang tapusin agad ni Zeph ang tawag. Pagbalik niya, tahimik na si Ara. Naawa siya nang makitang nakatulog na ito. Pinagkasya ang sarili sa couch. Hindi na yata nakayanan ng katawan ang pagod kaya bumigay na. Sa tingin niya kay Ara kanina, hindi nito gugustuhing makatulog na lang sa hindi pamilyar na lugar—at may kasama pang lalaking hindi nito kilala. Lumapit siya at maingat na tinanggal ang boots ni Ara. Inayos niya nang dahan-dahan ang mga binti nito para maging komportable. Ilang oras na lang naman ang natitira bago mag-umaga. Hindi na siya matutulog. Itutuloy na lang ni Zeph ang mga designs na pinipilit niyang tapusin. Ang isa sa mga dahilan ng pagtawag ng ama. Dumeretso siya sa kama at naupo sa bandang ulunan. Sumandal siya sa headboard at inihanda ang sarili para mag-sketch—sana lang ay may mabuo siyang magandang disenyo. Habang pinipilit ni Zeph ang sariling maging abala, napansin niyang hindi iisang beses na napapatingin siya sa sa babaeng kasama sa silid at mahimbing ang tulog. May kakaibang init na hatid sa dibdib niya ang payapang anyo ni Ara. Natutuwa siyang naging payapa ang tulog nito sa kabila ng pinagdaanan sa nakalipas na linggo at nang gabing iyon mismo.             Hindi na napansin ni Zeph na mas nagtatagal ang titig niya kay Ara kaysa sa design na dapat niyang tinatapos.   ISANG lalaking nakaputing bathrobe na hindi nakabuhol ang namulatan ni Ara paggising niya. Palakad-lakad ang lalaki sa silid at may kausap sa cell phone. Ilang segundo bago nag-sink in sa kanya kung nasaan siya—sabay lang ang pagsinghap niya at pagpabalikwas ng bangon.             Natigilan ang lalaki, humarap sa direksiyon niya. Kaagad inilayo ng dalaga sa lantad na katawan ng lalaki ang tingin. Inipit ni Zeph sa tainga at balikat ang cell phone para ibuhol ang robe na suot. Pagkatapos gawin iyon ay ngumiti ito sa kanya at itinuloy ang pakikipag-usap sa cell phone. Wala sa loob na niyuko ni Ara ang sarili. Napasinghap uli siya at parang pagong na umuklo—para ikubli ang katawan sa ilalim ng kumot matapos niyang makitang suot parin niya ang halos hubad na niyang uniporme sa Neon.             Saglit na pinakiramdaman ni Ara ang sarili. Wala naman siyang kakaibang nararamdaman sa katawan at may kumot pa siya. Boots lang ang hindi na niya suot. Ibig sabihin, walang masamang nangyari. Walang ginawa sa kanya si Zeph. Nakalantad man halos ang katawan nito, hindi siya pinakialaman. Naglagay pa ng kumot sa katawan niya para hindi siya lamigin—o para takpan yata ang katawan niya?             Nagsasabi ng totoo si Zeph, na ligtas siya kasama ito. Na kung may lugar man na walang makakalapit sa kanya buong gabi, sa loob ng silid na iyon. Mali pala na nag-isip siya ng masama. Pero sa pinagmulan niyang lugar at tinakasang sitwasyon, hindi talaga madaling magtiwala. Lalo na sa isang lalaking unang beses pa lang niyang nakita at wala siyang ideya kung anong klaseng pagkatao mayroon. Pero iba si Zeph. Hindi pala ito katulad ng mga lalaki sa Neon na kulang na lang ay sunggaban siya. Hindi na gustong isipin ni Ara ang naging kalbaryo niya sa bawat gabing pinagpipiyestahan ang katawan niya hindi lang ng tingin kundi ng mga walang pahintulot na haplos na laging nagpapatindig ng balahibo niya. Salamat na lang at nakatakas na siya sa impiyernong iyon bago pa niya pandirihan ang sarili.             “Good morning,” kaswal na bati ni Zeph matapos ilapag ang cell phone. “Puwede ka  nang mag-freshen up. Gamitin mo na muna ang damit kong kakasya sa ‘yo. Magpapahatid ako ng foods, mag-breakfast ka habang wala ako. Mag-usap tayo pagbalik ko, okay?”             Marahan siyang bumangon, hila pa rin ang kumot para itakip sa katawan. Wala nang itinago ang uniporme niya kaya kailangan niyang ibalabal sa sarili ang kumot. Napansin niyang nakasuot na si Zeph ng shorts at puting t-shirt  Mas bata pala ang lalaki kaysa sa akala niya.             “Saan ka pupunta—ahm, ang ibig kong sabihin, kailangan ko nang umalis. Hindi na kita hihintaying bumalik—”             Umangat ang mga kilay ni Zeph kaya napatigil si Ara. “Aalis ka nang ganyan ang suot?” balik nito, bumaba ang mga mata sa bahagi ng dibdib niyang nakalantad. Hinila uli ni Ara ang kumot hanggang sa may leeg niya. Nawala sa isip ng dalaga na wala nga pala siyang ibang damit na maisusuot. Lahat ng gamit niya ay hawak ni Mami, pati mga identifications, pera at iba pang mga dokumentong dala niya mula sa probinsiya para sa inakala niyang marangal na trabahong dadatnan niya sa Maynila. Nangako si Edgar na kung susuwertehin raw ito ay maibabalik sa kanya ang mga gamit pero binalaan na siya ng kaibigan na huwag masyadong umasa. “You need to change your clothes,” sabi ni Zeph at ngumiti. Parang ang bait-bait nito tuwing ngumingiti nang ganoon. “Agaw atensiyon `yang suot mo sa labas. Mas madali ka rin mahahanap ng mga tinataguan mo sa suot mo pa lang.”             Tama ang lalaki kaya hindi na umimik si Ara. Nakakahiya man, wala siyang pagpipilian kundi tumanggap ng tulong. Sa panalangin na lang niya ibabalik ang kabutihan ni Zeph. Ipagpe-pray niya na laging ligtas ang lalaki at lagi sanang maging masaya. Nang mga sumunod na sandali ay nag-iinit na ng husto ang mukha ni Ara habang sinasagot niya ang mga tanong ni Zeph tungkol sa ‘size’ niya. Hindi lang kasi damit ang itinanong nito, pati size ng mga panloob niya!             Nahiling ni Ara na lumubog na lang siya sa puwesto nang makitang napapangiti ang lalaki nang palabas na ng silid. Lumingon si Zeph hustong nasa tapat na ng pinto. “Ara ang sinabi mong pangalan mo kagabi, tama?”             Tumango siya.                                               “Is that your real name?”             Tumango siya. “Carnation Bernardo.”             Tumaas ang sulok ng mga labi nito. “May kapatid ka bang Rose, Jasmine or Dahlia?”             “Rose ang Ate ko. Daisy naman ang bunso namin. Tres marias daw kami kaya pangalan sana ng mga Santa ang ipapangalan sa amin ni Nanay pero si Tatay naman, bulaklak ang naisip.”             “Oh,” anitong lumapad ang ngiti. “Mahilig pala sa flowers ang tatay mo.”             Panatag na siyang tumugon ng tipid na ngiti rito. “Oo, eh. Ikaw, saan naman galing ang pangalan mo? Sa gusto rin ng parents mo?”             “Si Dad at si Tito Zer, mukhang fan ng Greek Mythology. Zephyrus ang binigay na name sa akin. Only child ako ng mga overly-protective parents ko. Ang nag-iisang pinsan ko naman, Zeus ang name.” “Pareho ba kayong mukhang Greek god ng pinsan mo?” magaang tanong niya para may mapag-usapan na lang.             “Ako lang ang mukhang god,” agad sagot nito, kinindatan pa siya. “And that’s a secret.” Natawa si Ara, hindi niya napigilan. Matagal na nagtama ang mga mata nila ni Zeph habang ngiting-ngiti rin ito. Siya ang unang nagbawi ng tingin. Hindi dapat pero gusto niya ang lalaki. Hindi siya madaling ma-attract sa isang lalaki kaya bago sa kanya ang nararamdamang hatak ni Zeph. May kung ano rito na hindi niya maipaliwanag. Malakas na hatak? Koneksiyon? Magic? O baka reaksiyon lang iyon ng puso niya dahil sa tulong nito?             “Hintayin mo na lang ang breakfast,” sabi ni Zeph at itinuloy na ang pagbubukas ng pinto.             “Zeph?”             Lumingon ang lalaki. May naiwan pa rin na kinang sa mga mata ang ngiti kanina.             “Salamat, ha? Hindi ko alam kung pa’no ko ibabalik ang tulong mo, pero pangako, sa ibang paraan, ibabalik ko.”             Ngumiti si Zeph at tumango. “You’re welcome, Ara,” ang sinabi nito. “Don’t worry, wala akong gustong kapalit. When I help, I help—`yon lang. Wala kang dapat isipin. `Pahinga ka.” Itinuloy na nito ang pag-alis. Mahabang sandaling nakatitig lang si Ara sa nakasarang pinto. Ginagabayan nga siya ng Diyos. Good Samaritan ang natagpuan niya nang sandaling kailangang-kailangan niya ng tulong. Umangat ang kamay ni Ara sa pendant ng kanyang kuwintas na bigay ng ama, na bilin nitong huwag niyang tatanggalin sa katawan. Naging habit na niyang ikulong sa palad ang crucifix pendant na iyon sa mga pagkakataong nag-aalala o natatakot siya.             Pumikit si Ara at paulit-ulit na bumulong ng panalangin ng pasasalamat.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD