Three

1198 Words
             Hindi nagtangkang lumapit si Zeph. Ibinigay niya ang sapat na distansiyang kailangan nito.             “And I don’t know you either,” nagpipigil ng emosyong sabi ni Zeph. Hindi niya gusto ang kilos nito na para bang masamang tao siya. “Gusto ko lang tumulong kaya naisip kong dalhin ka rito. Sa room kung saan ako nag-stay, safe ka. Hindi ka mahahanap ng sinumang tinatakasan mo.” Napahugot siya ng hininga, napilitang bumaling sa babae. Nang makita niyang mukhang magpa-panic na, inagapan ni Zeph na hawakan ang babae sa mga balikat. Kailangang maintindihan nito na hindi siya kasama sa mga taong may dalang panganib. “Hey, look at me,” may diin na sabi niya. Mula kanina ay hindi na nito sinasalubong ang tingin niya. Napamura na si Zeph nang kumilos na naman ito para umalpas. “Makinig ka nga muna!” pasigaw nang sabi niya nang mapansing hindi nakikinig ang babae. Ang makaalpas lang sa kanya ang focus nito. Lalo yatang natakot sa sinabi niyang hindi rin niya ito kilala.             Nagtagumpay siyang mapatigil ang babae sa pagtaas niya ng boses. Unti-unting nag-angat ito ng tingin sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Kung tama siya, saka pa lang siya nakita talaga ng babae.   “You’re safe, Miss. Hindi ako masamang tao,” banayad na ang tono na sabi niya. “Ligtas na lugar ang kailangan mo, tama? Ligtas ka sa room ko. Makikita kita magdamag kaya sigurado akong walang makakalapit sa ‘yo…ako lang.”             Matagal na napatitig sa kanya ang babae. Mayamaya ay umawang ang mga labi nito at napalunok. Sinamantala niya ang pagkakataon na tila ina-absorb na nito ang sinasabi niya.             “Kung hindi ka sana pumasok sa taxi kanina na takot na takot, kung hindi sana kita nakitang nanginginig sa backseat at hindi mapakali, kung hindi kita nakitang nag-break down sa simbahan—tahimik sana ang gabi ko,” Hinigpitan niya uli ang hawak sa mga balikat nito. “Pero nakita kong lahat ‘yon kaya paano kitang hahayaan na lang mag-isa nang ganitong oras sa labas? Hindi kita kaanu-ano at ni hindi ko alam ang pangalan mo kaya wala dapat akong pakialam mapahamak ka man sa kalye. Ang problema, hindi ako patutulugin ng konsensiya ko kapag pinabayaan kita.” Pagdididiin pa niya.             Hindi umimik ang babae, lumunok lang. Mayamaya ay, “W-Wala kang masamang gagawin sa akin?” “I swear to God, wala. Now, will you stop moving away?” Tumitig lang ang babae sa mga mata niya na parang hinahanap doon ang sincerity niya. “Gusto ko lang tumulong, believe me, please?” Umayos ito ng tayo at naramdaman niya ang unti-unting pag-relax ng katawan. “A-Ara ang pangalan ko.”             “Zeph,” pakilala niya. “Zephyrus De Villar. Kung kailangan mo ng identications ko para mapanatag ka, walang problema sa akin.”             “Hindi ko…hindi ko maintindihan. Bakit hindi mo kilala si Ed?” Malinaw na pagkalito ang nabasa niya sa mga mata nito. Curious na rin siya kung sino ang Ed na sinasabi nito. “Sinunod ko naman ang sinabi niya. Sumakay ako sa taxi sa may drug store—”             “Sa maling taxi ka siguro nakapasok. Hindi for hire ang taxi na dala ko kanina. Hiniram ko lang iyon sa isang kaibigan. May bibilhin lang ako sa drug store kaya huminto ako—” hindi na niya itinuloy ang sinasabi nang suminghap ang babae. Nanlaki ang mga matang napatutop sa bibig. Mas naging visible ang halo-halong emosyon. “H-Hindi ikaw ang taxi driver na kausap ni Ed?” “Hindi ko kilala ang Ed na sinasabi mo. Takot na takot ka kanina kaya sinunod ko ang gusto mo.”             Napalunok ang babae. “Kung ganoon…hindi talaga ikaw ang driver na…na kinausap ng kaibigan ko para…para tulungan akong tumakas.”             “Hindi ako.”             “Eh, sino ka?”             “Zeph,” hindi dapat pero naaaliw na si Zeph sa sitwasyon.             Ang babae naman, nakamaang na sa kanya. “N-Nagkamali ako ng sakay ng taxi…” usal nito, napahagod sa buhok. “Hindi dapat ikaw ang kasama ko ngayon. Pa’no na `to. Si Ed, kailangan niyang malaman na—” “Hindi ko rin naisip na babae ang kasama ko sa room sa first night ko sa Manila,” sabi naman ni Zeph, pinagaan niya ang tono. “Pareho lang naman tayo—”             “P-Paano ba bumaba uli?” natutulirong tanong ni Ara. “Aalis na lang ako—”             “Sa suot mong ‘yan, hindi ka safe sa labas.” putol ni Zeph. “Hintayin mo na lang na magliwanag. Dito ka na muna.”             “Pero—”             “Isipin mo na lang na guardian angel mo ako ngayong gabi.”             Napatitig ito sa kanya. Ayaw yatang tanggapin ang idea. Biglang nagduda si Zeph sa sarili. Mukha ba siyang masamang tao? Ang alam niya, hindi nakakatakot ang looks niya. Mas maamo pa nga ang mukha niya sa pinsang si Zeus. Huminto ang elevator sa palapag ng place ni Zeph. Natuwa siya nang tahimik na lumabas ang babae nang sumenyas siyang mauna ito. “KANINA ko pa gustong itanong kung ano’ng place `yong tinakasan mo?” si Zeph pagkapasok nila sa silid na tinutukoy nito—na hindi pala basta silid lang. Parang bahay na nila ang lawak. Sumenyas ang lalaki na maupo siya. Tumalima si Ara dahil kanina pa pagod ang mga binti niya sa taas ng takong ng kanyang boots. “Masyadong nag-iimbita ng panganib `yang suot mo. Nagta-travel ka pa sa gabi. Hindi safe.”             “Putikan,” sagot niya sa mahinang boses. Niyakap ni Ara ang sarili. “‘Tong suot ko, uniform namin. Galing talaga ako sa trabaho no’ng tinutulungan akong tumakas ni Ed. Wala nang chance kaya ngayon na daw. Mahihirapan na siya kung magtatagal pa. Si Ed, friend ko `yon do’n sa parang impiyernong lugar. Siya lang ang sigurado akong `di demonyo do’n. Contact niya `yong taxi driver na dapat kasama ko ngayon.”             “Putikan,” ulit ni Zeph binitbit ang maleta at travel bag na dinatnan nila sa loob ng silid at itinabi sa isang sulok. “Ano’ng trabaho mo?”             “Waitress.”             “Waitress?” ulit nito, sinipat ang kabuuan niya na nagpalunok kay Ara. “Halos hubad ka na sa usot mo. Kung tama ang naiisip ko—”             “Tama,” putol ni Ara. “Prostitusyon ang tunay na mukha ng Music ‘N Lights.” “Music ‘N Lights?” “Pangalan ng music bar na front ng impiyernong tinakasan ko,” paliwanag niya. “Sa mga mata ng sinuman na papasok sa lugar, ordinaryong bar lang iyon na may tumutugtog na banda pero ang totoo, may isang sekretong pinto sa isang sulok niyon na naglalagos sa Neon—lugar ng prostitusyon. Sa pintong iyon ang daan ng mga parokyano. Lahat ng waitress puwede nilang ilabas. Pinagsusuot kami ng…ng ganito para mas makaakit daw. Mas revealing na outfit, mas malaki raw ang chance na mapili sa mas mataas na presyo.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD