Nagkagulo na ang buong Blackwood.
Kagabi lang, may pinatay.
Isang estudyante natagpuan sa likod ng lumang gym. Wala nang ulo. Sa dibdib niya, may nakadikit na papel.
"Isa pa lang ‘yan. Marami pa kami."
Walang CCTV. Walang saksi. Walang nakakaalam kung sino. Pero lahat ng estudyante, takot na. May mga magulang na pumunta na sa gate para kunin yung mga anak nila. Pero hindi sila pinapalabas. Lockdown. Utos ng Board.
At pag-gising ko kanina, mas lumala pa.
May nakasabit sa pinto namin.
Isang maliit na kahon. Kahoy. Luma. Amoy sunog. Sa ibabaw, may nakasulat
Para kay Ixcey. Galing kay Rosa.
Binuksan ko.
Abo. Kinabahan ako ng sobra.
Puro abo. May kasamang maliit na papel. Gusot. May mantsa ng dugo. Tila hinila mula sa apoy.
"Patay na ang Mama Rosa mo, Kasalan mo ito"
Nabitawan ko yung kahon. “Shai!” Sigaw ko. "Danie! Kira! Aria!"
Pumasok sila sa room ko. Nakita nila yung abo sa sahig. Yung papel sa kamay ko.
"Kanino galing ‘yan?" Tanong ni Kira. Namutla siya.
"Sabi..." Nanginginig yung boses ko. "Galing daw kay... kay Rosa."
"Mama Rosa mo?" Tanong ni Shai. "Yung nagpalaki sayo?"
Tumango ako. Hindi ako makasalita.
Si Mama Rosa. Yung kumupkop sa akin nung baby pa ako. Yung naglalabandera para may pambili ako ng notebook. Yung yumayakap sa akin kapag umiiyak. Hindi ko siya kadugo. Pero siya yung nanay ko.
At ngayon... abo na lang siya. Pinatay. Sinunog. At pinadala sa akin.
May kumatok. Malakas. Tatlong beses.
Pagbukas ni Danie, si Head Prefect Marquez. Kasama yung dalawang guard.
"Lahat. Auditorium. Ngayon na. Utos ng Chairman."
"May nangyari ba?" Tanong ni Aria.
Tumingin sa akin si Marquez. "Marami. At isa dun, ikaw." Tapos umalis.
Dali-dali kaming nagbihis. Binalot ko yung abo sa panyo. Nilagay ko sa pouch. Yung papel, tinago ko sa bulsa. Dikit sa dibdib ko.
Paglabas namin ng dorm, mas magulo na.
May mga estudyanteng umiiyak. May mga sirang gamit sa hallway. May basag na salamin. May dugo sa pader ng east wing. May mga guwardiyang may baril na. Ngayon lang nangyari ‘to sa Blackwood.
"Anong nangyari?" Tanong ni Shai sa isang studyante.
"Pinatay yung kaklase ko." sagot nung bata. Nanginginig.
Napahawak ako sa bulsa ko. Yung abo.
Si Mama Rosa.
Puno. Pero tahimik. Kasi nasa gitna ng stage, may dalawang kabaong.
Yung isa... walang picture. Walang pangalan. Sarado lang. Pero alam ko yan yung studyante.
At sa anim na upuan sa stage, nandun yung Board.
Si Don Sebastian Reiden sa gitna. Katabi si Ernesto Dominguez. Tapos si Atty. Victor Montenegro, si Madam Celeste Valerian, si Gen. Armando "Mando" Javier, si Dr. Helena Voss.
Lahat nakaitim.
Pero yung mata ni Don Sebastian... hindi lungkot. Galit.
Walang huminga.
"May pinatay sa loob ng teritoryo ko oras," sabi ni Don Sebastian. "Isang estudyante" Tumingin siya sa akin. "At isang... sibilyan na may koneksyon sa isa sa mga estudyante dito."
Alam niya. Alam niyang si Mama Rosa yun.
"Parehong may kinalaman sa Blackwood. Parehong mensahe para sa atin." Tumayo siya. Lumapit sa mga kabaong. "Matagal na akong Chairman dito, walang nakakapasok na hindi ko alam, walang namamatay sa loob ng bakod ko nang hindi ko utos." Huminto siya. Kamao niya, nakasara na. "Kahapon, may lumabag!"
Humarap siya sa aming lahat.
"Kaya mula ngayon, giyera na."
Nagtinginan kaming lahat.
"Isa pa," dagdag ni Don Sebastian. Tumingin siya sa pinto ng auditorium. "May bago tayong estudyante. Transfer. Simula ngayon. Pumasok ka."
Bumukas yung pinto.
Pumasok yung lalaki.
Matangkad. Mga 6'1. Naka-itim na hoodie, naka-maong, naka-boots. Nakatakip yung hood sa ulo niya. Hindi makita yung mukha. Walang bag. Walang gamit. Pero yung tayo niya... parang sundalo. Parang laging handang sumuntok.
Tumayo siya sa gitna. Harap sa Board.
"Pangalan," sabi ni Atty. Montenegro.
"Zack," sagot nung lalaki. Malalim yung boses. Malamig. Parang yelo. "Zack."
Nagbulungan yung mga estudyante.
Tumingin si Don Sebastian sa kanya. Matagal. Parang kinikilala. Parang may inaamoy. Yung mata ni Don Sebastian, lumiit.
"Saan ka galing?" Tanong ni Dr. Voss.
"Malayo," sagot ni Zack. "Hindi niyo kailangan malaman."
Tumawa nang mahina si Don Sebastian. "Matapang ka, bata." Tumayo siya. Bumaba ng stage. Lumapit kay Zack. Magkaharap sila. "Sa Blackwood, lahat may pangalan. Lahat may apelyido. Lahat may pinagmulan. Kung ayaw mong gamitin yun... ibig sabihin nagtatago ka."
Hindi sumagot si Zack. Hindi gumalaw. Pero yung kamao niya sa loob ng bulsa, nakita kong sumara.
Sa isang segundo na nagkatinginan sila ni Don Sebastian, may naramdaman ako.
Kaba.
Hindi ko alam kung bakit. Pero pagtingin ko kay Zack, sumisikip yung dibdib ko. Parang... parang kilala ko siya. Parang dugong dumadaloy sa ugat ko, sumisigaw na konektado kami.
Bumalik si Don Sebastian sa stage. "Mas hihigpitan ang seguridad. Dahil may kalaban na tayo sa loob."
Tumingin siya sa aming lahat. "At pag nahuli ko kung sino ang gumawa nito" Huminto siya. Tumingin ulit sa akin. "Ako mismo ang papatay sa kanya. Sa harap ninyong lahat."
Hawak ko pa rin yung papel ni Mama Rosa. Hahapin ko ang totoo kong pamilya.
"Hoy," siko ni Aria. "Ayos ka lang?"
Umiling ako. "Hindi." Tapos tumingin ako sa kanila. Inilabas ko yung pouch ng abo. "Pinatay nila si Mama Rosa. Sinunog. Tapos pinadala yung abo sa akin. Para ipaalam... na kaya nila akong saktan. Na kaya nilang kunin lahat sa akin."
Tahimik silang apat.
Tapos tumayo ako.
"Sobrang sakit," sabi ko. Nanginginig yung boses ko pero buo. "At hahanapin ko kung sino ang may gawa nito." Tumingin ako sa langit. "Ipaghihiganti ko ang Mama ko. Isusumpa ko sa abo niya."
Tumayo si Aria. "Count me in."
"Ako rin," sabi ni Shai.
"Hindi ka nag-iisa," sabi ni Danie.
Ngumiti si Kira. Pero may luha sa mata niya. "Black Roses Circle. Hindi lang tayo tinik, Ixcey. Tayo yung bagyo."
Nagyakapan kami.
Sa di kalayuan, nakita ko si Zack.
Mag-isa. Nakatayo sa ilalim ng puno. Nakatingin sa amin. Sa akin.
Hindi siya lumapit. Hindi ako lumapit.
Pero nung nagtama yung mata namin, parang may kuryenteng dumaloy sa katawan ko.Tapos tumalikod na siya.
"Kilala mo siya?" Tanong ni Kira.
Umiling ako. "Hindi. Pero... parang oo."
Napahawak ako sa dibdib ko.
"Alam mo na ba?"
Napalingon ako.
Si Vance.
Mag-isa. Walang Archons.
"Alam ko na pinatay nila si Mama Rosa," sagot ko. Hindi ako lumilingon.
Sasagot pa sya kaso hindi niya natuloy.
Kasi biglang may sumabog.
BOOM!
Sa girls dorm.
Sa tapat ng kwarto namin.
Kwarto ng Black Roses Circle.
Nakita namin yung apoy. Yung usok. Yung mga estudyanteng nagsisitakbuhan.
Nandun si Shai. Si Danie.
"Wala sila dun, di ba?" Tanong ko kay Vance. Nanginginig na ako. "Sabihin mong wala sila dun!"
Hindi siya sumagot. Tumakbo na siya.
Sumunod ako.
Pagdating namin, si Kira at Aria lang ang nasa labas. Umuubo. Maitim yung mukha.
"Si Shai? Si Danie?" Sigaw ko.
Umiling si Kira. Umiiyak. "Nasa loob pa. Nung sumabog... naka-lock yung pinto. Hindi namin mabuksan. Si Aria, sinipa na. Ayaw!"
"Shai!" Sigaw ko. Tatakbo na sana ako papasok sa apoy.
Pero hinila ako ni Vance. Mahigpit. "Hindi! Mamamatay ka!"
"Pakawalan mo ako!" Nagpupumiglas ako. "Nandun sila! Kailangan ko sila iligtas!"
"Vance!" Sigaw ni Zein. Kararating lang niya kasama yung Archons. "May naiwan sa loob ng dorm! Yung banner!"
Anong banner?
Tumingin kami.
Sa bintana ng third floor, may nakasabit. Malaking tela. Nasusunog na yung gilid. Pero nababasa pa.
Pintura. Itim.
Isang malaking butterfly.
At sa ilalim, may nakasulat:
Nanlambot ako.
"Tulong! Tulong!"
Si Shai.
Buhay siya.
"Tulong! Si Danie! Hindi ko siya... hindi ko siya maalis! Nabagsakan siya!"
Hindi na nakapaghintay si Zion. Tumakbo na siya papasok. Kasunod si Vance.
Ako, nakaluhod na lang. Niyakap ako ni Kira. Niyakap ako ni Aria.
_"Diyos ko, wag naman sila. Wag naman sila."_
Ilang minuto. Parang oras.
Tapos, lumabas si Zion. Karga niya si Danie. Walang malay. Sunog yung binti.
Sumunod si Vance. Karga niya si Shai. Umuubo. Itim yung mukha. Pero buhay.
Buhay sila.
Niyakap ko si Shai. Umiiyak. "Akala ko... akala ko wala na kayo."
"Okay lang," sagot ni Shai. Umubo ulit. "Makulit ako, di ba? Hindi ako mamamatay..."
Tumingin ako sa nasusunog na dorm. Sa banner.
Tumayo ako.
Hinarap ko si Vance. Si Zein. Si Xander. Si Rion. Si Zion.
"Tapos na ako matakot," sabi ko. Malamig yung boses ko. Kahit nanginginig ako sa loob. "Tapos na ako magtago. Tapos na ako umiyak."
Kinuha ko yung pouch ng abo ni Mama Rosa sa bulsa ko.
"Blackwood," sabi ko. Malakas. Para marinig ng lahat. Ng mga estudyante. Ng mga guro. Ng Board na nanonood siguro sa CCTV. "Binigyan niyo ako ng abo. Ibabalik ko sa inyo... abo rin."
Tumingin ako kay Kira, kay Aria, kay Shai, kay Danie.
"Black Roses Circle," sabi ko. "Simula ngayon, hindi na tayo biktima. Tayo na ang mangangaso."
Tumingin ako sa nasusunog na butterfly.
Ngumiti ako. Pero walang saya. Puro galit. Puro sakit.
"Giyera ang gusto mo. Giyera ang ibibigay ko."
Sa gilid ng mata ko, nakita ko si Zack.
Nakatayo sa malayo. Hindi lumalapit. Pero nakatingin.
Sa kanya, sa mga mata niya, nakita ko yung hindi ko nakita kay Vance.
Paghihiganti.
Pareho kami.