Lumipas ang mga araw at hindi ko na mabilang kung ilang araw na ‘kong nandito sa Blackwood.
Simula kasi nung nag-usap kami ni Audry — oo, Audry pala pangalan nung blonde — araw-araw na niya akong ginugulo.
Sa hallway, "aksidente" niya akong mababangga.
Sa cafeteria, "aksidente" niyang matatapunan ng juice yung upuan ko.
Sa cr, "aksidente" niyang maba-block yung pinto pag papasok ako.
Sa klase, "aksidente" niyang malalaglag yung libro niya sa paa ko.
Lahat "aksidente". Pero alam naming dalawa, hindi.
At sa loob ng isang linggo, napagod ako.
Hindi sa pisikal. Sa utak. Sa puso. Sa kakaiwas. Sa kakaisip kung anong susunod niyang gagawin. Kung kailan siya susugod nang hindi na "aksidente".
Kaya isang hapon, pagkatapos ng klase, hinarap ko si Vance.
3:40 PM. Rooftop ng Main Building. Ako lang at si Vance.
"Lumayo ka na sa akin," sabi ko agad. Walang pasikot-sikot. Diretso. "Pagod na ako, Vance."
Nakatayo siya sa railings, nakatingin sa baba. Sa buong Blackwood. Nung narinig niya ako, hindi siya lumingon agad.
Ilang segundo pa bago siya humarap.
"Anong sinasabi mo?" Malamig yung boses niya. Pero yung mata, nagulat.
"Pagod na ako sa gulo," ulit ko. Humakbang ako palapit. "Simula nung dumating si Audry, araw-araw niya akong ginugulo. Kasi akala niya inaagaw kita. Kasi akala niya... ewan. May gusto ka sa akin."
Tumahimik siya.
"At ang malala," dagdag ko. "Baka totoo. Baka may gusto ka nga sa akin. O baka wala. Hindi ko alam. At ayaw ko nang alamin. Kasi pag nalaman ko, mas lalong gugulo."
Lumapit siya. Isang hakbang. Dalawa. Hanggang isang dangkal na lang yung layo namin.
"Hindi mo ako pwedeng layuan, Ixcey," sabi niya. Mahina, pero madiin. "Hindi sa ngayon."
"Bakit? Dahil mapapahamak ako?" Tumawa ako. Mapait. "Vance, sa dalawang linggo ko dito, laging may nananakit sa akin. Laging may gustong pumatay sa akin. Kahit nandyan ka. Kahit anong bantay mo. Nasasaktan pa rin ako."
"Pero buhay ka pa," sagot niya. "Kasi nandyan ako."
"At buhay din ako kahit wala ka," sagot ko. "Kasi marunong na akong lumaban. Kasi tinuruan ako ni Knox."
Nanigas yung panga niya pagkarinig sa pangalan ni Knox.
"Yan na naman tayo," sabi niya. "Si Knox na naman."
"Hindi tungkol kay Knox ‘to," sabi ko. "Tungkol ‘to sa akin. Sa pagod ko. Sa gusto kong katahimikan. Kahit sandali lang."
Huminga siya nang malalim. Tumingin siya sa kamay niya. Sa pulso niya.
Nandun pa rin yung panyo ko. Luma na. Kupas na yung itim. Pero hindi niya tinatanggal.
"Kung lalayo ako," sabi niya. "Sino magbabantay sayo? Si Knox?"
Hindi ako sumagot.
Kasi oo. Si Knox. Sa mga nakalipas na araw, si Knox yung palaging nasa tabi ko. Si Knox yung sumasalo ng gulo. Si Knox yung nagtuturo sa akin kung paano sumuntok, kung paano umiwas.
Pero hindi ko ‘yon sinabi kay Vance. Kasi alam kong mas lalo siyang magagalit.
"Pagod ka na," ulit ni Vance. Bulong. "Sige. Pagbibigyan kita."
Nagulat ako. Akala ko makikipagtalo siya. Akala ko pipilitin niya ako.
Pero tumango lang siya. "Lalayo ako. Hindi ako lalapit. Hindi kita kakausapin."
Huminga ako nang maluwag. "Salamat."
"Pero," dagdag niya. Tumingin siya sa mata ko. "Pag napahamak ka, Ixcey. Pag nasaktan ka. Pag umiyak ka..."
Lumapit siya lalo. Hanggang halos magkadikit na yung noo namin.
"Babalikan kita. At susunugin ko yung buong Blackwood kung sino man yung nanakit sayo. Kasama si Audry. Kasama si Knox."
Pagkasabi nun, tinalikuran niya ako. Bumaba siya ng rooftop.
Naiwan ako. Mag-isa.
At sa unang beses sa loob ng dalawang linggo, nakaramdam ako ng takot.
Hindi dahil wala na si Vance.
Kundi dahil... parang may binitawan akong bagay na hindi ko dapat binitawan.
Kinabukasan. 7:30 AM. Blackwood Main Hall.
Tahimik.
Hindi dahil walang tao. Punong-puno yung hall.
Tahimik kasi wala si Vance.
Simula nung sinabi ko sa kanya na lumayo siya, hindi na siya nagpakita. Hindi pumasok sa klase. Hindi dumaan sa hallway. Hindi nagpakita sa rooftop.
Sabi ni Kira, nasa bahay daw. May "family business" daw na inaasikaso.
Pero alam ko — lumayo talaga siya. Kasi ‘yon yung hiningi ko.
At nung nawala si Vance, mas lalong lumakas si Audry.
"Oh, buti naman wala na Vance mo," sabi niya sa akin sa locker area. Nakangisi. Kasama niya yung apat na alalay niya. "Akala ko kasi hindi ka marunong mabuhay nang walang nagbabantay sayo."
Hindi ko siya pinansin. Binuksan ko yung locker ko. Kinuha ko yung libro ko.
"Hoy, kinakausap kita, Scholar," sabi niya. Tinulak niya yung locker ko para sumara ulit. Malakas. Muntik tumama sa kamay ko. "Bingi ka ba?"
Humarap ako sa kanya. "Ano bang kailangan mo, Audry?"
"Gusto kong mawala ka," sagot niya. Diretso. Walang paligoy-ligoy. "Gusto kong lumayas ka sa Blackwood. Gusto kong bumalik si Vance, at pagbalik niya, wala ka na. Kasi hangga’t nandito ka, hindi siya babalik sa akin."
Tiningnan ko siya. Mula ulo hanggang paa.
Maganda siya. Mayaman. May apelyido. May koneksyon. Lahat ng wala ako, meron siya.
Pero takot siya. Takot na takot. Kasi ako, wala akong kahit ano, pero si Vance, pinili akong bantayan. Pinili akong samahan. Kahit sandali lang.
"Hindi ako aalis," sabi ko. Mahinahon. "Nandito ako para mag-aral. Hindi para kay Vance. Hindi para sayo. Para sa sarili ko."
"Tanga!" Sigaw niya. "Akala mo ba papasukin ka sa Blackwood kung hindi dahil kay Vance? Scholar ka lang! Basahan! Wala kang karapatan dito!"
"Sige," sagot ko. Ngumiti ako. "Edi patunayan mo. Ipatanggal mo ako. Gamitin mo yung pera mo. Yung apelyido mo. Yung koneksyon mo."
Natigilan siya.
Kasi alam naming dalawa — hindi niya kaya. Kasi si Vance yung naglagay sa akin dito. At kahit wala si Vance ngayon, yung pangalan niya, nakatatak pa rin sa record ko.
"Ano, Audry?" Lumapit ako ng konti. "Wala kang magawa, ‘no? Kasi kahit wala si Vance dito, takot ka pa rin sa kanya. Takot ka pa rin sa multo niya."
Itaas niya sana yung kamay niya para sampalin ako, pero may humawak sa braso niya.
Si Knox.
"Wag mong subukan, Audry," malamig na sabi niya. Nasa likod ko siya. Hindi ko man lang naramdaman pagdating niya. "Kasi pag sinaktan mo siya, hindi si Vance ang kakatakutan mo. Ako."
"Ikaw?" Tumawa si Audry. Peke. "Dati, ako yung pinoprotektahan mo, Knox. Nakalimutan mo na ba? Umiyak ka, Nagmakaawa ka. Ngayon, siya na? Itong basahan na ‘to?"
Hindi sumagot si Knox. Hinila niya ako palayo kay Audry. "Tara na, Princess. May klase pa tayo."
Hindi ako pumalag. Sumama ako.
Pag nakalayo na kami, binitawan niya ako. "Okay ka lang?"
Tumango ako. "Okay lang. Sanay na ako."
"Hindi ka dapat masanay sa ganyan," sabi niya. Kumunot yung noo niya. "Tsaka... totoo ba? Pinalayo mo si Vance?"
Tumingin ako sa kanya. "Oo. Sinabi ko sa kanya. Kasi pagod na ako sa gulo."
Tahimik si Knox. Tapos tumango siya. "Mabuti. Kasi kung nandito si Vance, hindi kita mapoprotektahan nang maayos. Kasi lagi siyang nakabantay. Lagi siyang selos."
"At ngayon?" Tanong ko. "Hindi ka na ba magseselos?"
Ngumisi siya. "Ako? Selos? Kay Vance?" Umiling siya. "Hindi, Princess. Kasi alam ko..." Lumapit siya sa tainga ko. Bumulong. "Hindi ka niya girlfriend. Ako, pwede pa."
Nanlaki yung mata ko. Umatras ako. "Ano bang sinasabi mo?"
"Wala." Tumawa siya. "Tara na. Late na tayo sa Combat Training. Ako pa rin partner mo, ha. Walang aagaw."
3:00 PM. Underground Gym. Combat Training ulit.
Wala si Vance. Kaya maluwag yung pakiramdam ng lahat. Walang tension. Walang kaba.
Maliban kay Audry.
Nandun siya sa kabilang dulo. Kasama yung mga alalay niya. Panay tingin sa akin. Panay bulong. Panay tawa.
Hindi ko pinansin. Nag-focus ako kay Knox na nasa harap ko.
"Ngayon," sabi ni Knox. "Tuturuan kita kung paano kumawala pag hinawakan ka sa leeg. Kasi si Audry, mahilig mang-sakal. Ginagawa niya ‘yan sa mga babaeng gusto niya mawala."
"Paano mo alam?" Tanong ko habang pinoposition niya yung kamay ko.
"Alam ko lang" Sagot niya. Tumingin ako sa kanya.
Natahimik ako.
BOOGSH!
May sumabog. Sa labas ng gym.
Nayanig yung buong building. Nabasag yung mga ilaw. Nagsigawan yung mga estudyante.
"Anong nangyari?!" Sigaw ni Coach.
Lumabas kami. Lahat.
Sa courtyard, may umuusok. Yung limusine ni Audry — yung itim na mahaba kanina — basag. Wasak. Sunog.
At sa gitna ng usok, nakatayo si Audry. Duguan yung braso. Sunog yung laylayan ng dress. Pero buhay. Galit na galit.
Tapos sumigaw siya. Turo niya ako.
"SIYA! SI IXCEY YUNG NAGPABOMBA! SIYA YUNG GUSTONG PUMATAY SA AKIN!"
Nanigas ako.
Lahat ng estudyante, lumingon sa akin. Lahat ng mata, sa akin.
Kahit si Knox, napatingin sa akin. Gulat.
"Hindi ako—" simula ko, pero
"Arestuhin niyo siya!" Sigaw ni Audry. "Bago pa siya makatakas!"
At sa isang iglap, napalibutan ako ng mga guard. Mga naka-itim. May baril.
Hinawakan nila yung braso ko. Mahigpit.
"Teka!" Sigaw ni Knox. "Wala siyang ginagawa! Kasama ko siya buong oras!"
"May ebidensya kami!" Sigaw ng isang alalay ni Audry. May hawak siyang cellphone. "May video! Nakita namin siyang naglalagay ng bomba kagabi sa parking lot!"
Sinungaling. Hindi ako lumabas kagabi. Nasa dorm ako. Tulog.
Pero wala akong ebidensya. Wala akong kakampi.
Kasi si Vance, wala. Pinalayo ko.
At ngayon, ako mag-isa.
Hinila ako ng mga guard.
Huling nakita ko bago ako kaladkarin papasok sa van — si Knox, sinusuntok yung isang guard. Si Audry, nakangisi habang duguan.
At si Vance... wala.
Wala siyang alam. Wala siyang dito. Kasi pinalayo ko siya.