Chapter 1 - The Young Mafia Boss

2129 Words
“BOSS, maawa ka! Maawa ka! Huwag mo akong papatayin!” pakiusap ng lalaking nakaluhod sa harapan ko. Nakaposas ang dalawa niyang kamay. May pasa at natuyong dugo sa mukha niya. Pumutok din ang gilid ng labi niya. Pawisan na rin ang lalaki. Tuloy-tuloy rin ang pagtulo ng kanyang luha at pati sipon ay humalo na. “Kilala mo naman ako, Bogart, hindi ba? Alam mong ayaw ko sa lahat iyong manloloko at hindi sumusunod sa sinasabi ko. Ang simple lang ng patakaran ko. Walang involve na menor de edad sa trabaho natin. Pero putragis…!” Napamura ako ng malutong saka ko siya sinikmuraan. Halos mapasubsob si Bogart. Mabuti na lang at naagapan siya ng mga tauhan ko na nasa likuran lang nito. “Alam mo ang sentensiya ko sa mga taong sumusuway, hindi ba?” mahinahon ngunit may diing saad ko. Pinandilatan ko pa siya. “Boss, pakiusap, maawa ka sa akin! May pamilya ako! Maliliit pa ang mga anak ko!” hiyaw ni Bogart. “Sana inisip mo ang bagay na iyan bago mo ako sinuway!” Pinanlisikan ko siya. Nabubuwisit na talaga ako sa kanya. Pangalawang beses na niyang ginawa ito sa akin. Noong una ay binugbog ko lang siya para magtanda siya. Ngunit ang walang hiya, umulit pa sa pangalawang pagkakataon. Ang negosyo ko lang naman ay gunrunning at money laundering. Tumatanggap din ako ng bayad sa mga taong may gustong ipatumba. Pero wala sa isip ko na pasukin ang white slavery, child prostitution, kidnapping, at maging ang illegal drugs. Kaya lang ang peste kong mga tauhan gaya ni Bogart ay naaakit pa rin sa mga gawaing ito. May asawa na nga siya at mga anak pero ang gagong lalaki ay may gana pang mambabae. Nabalitaan ko sa mga ibang tauhan ko na ang aking capo ay may pinuwersang menor de edad. Pinagsamantalahan na nga niya, nagawa pa niyang bugbugin. Ayun! Ang pobreng dalagita ay nakaratay ngayon sa ospital. Nalaman kong matagal na pala niyang palihim na ginagawa iyon. Wala naman akong pakialam kung mambabae siya dahil ako naman ay aminadong mahilig din sa babae. Pero pesteng yawa! Kung mayroon man sana siyang pag-interesang babae, huwag iyong mga bata at may gatas pa sa labi. Iyong biktima niya ay kinse anyos lang. Doble sa edad niya. Kaya talagang kumulo ang dugo ko nang mabalitaan ko ito. Hindi ako manghihinayang sa mga tauhan na tulad niya. Hindi ako mabuting tao. Pero ayokong kinokontra ako. Higit sa lahat, ayoko sa rapist at nambibiktima ng menor de edad. Kahit mawala siya, hindi ako magsisisi. Hinila ko ang nakasuksok na baril sa aking baywang. Ikinasa ko ito at itinutok sa mismong noo ni Bogart. “Boss! Parang awa mo na!” Nanginginig na ang buong katawan ni Bogart. Pero wala akong pakialam kahit ano pa ang nararamdaman niya. Basta kapag hindi nasunod ang gusto ko, dumadanak ang dugo. Nabubuwisit na talaga ako at naririndi sa boses niya. Sa halip na barilin ko siya sa noo, inilipat ko ang dulo ng baril sa mismong bunganga niya. Nanlaki ang mga mata niya. “Hinihintay ka na ni Satanas.” Tuluyan ko nang hinila ang gatilyo pagkatapos kong sabihin iyon. Halos walang ingay na bumagsak si Bogart habang nakatirik ang mga mata. Tiningnan ko pa siya nang masama bago ko ibinalik sa aking baywang ang baril na hawak ko. “Ipadala na iyan sa punerarya. Tapos sabihin ninyong ihatid nila iyan sa bahay ng pamilya niya para paglamayan. Magpadala na rin kayo ng bulaklak at pera sa kanyang pamilya,” utos ko bago tuluyang tumalikod. Dumiretso ako sa banyo at naghugas ng kamay. Sanay akong kumikitil ng buhay. Pero sumasama ang loob ko kapag sarili kong tauhan ang kailangan kong iligpit. Maayos naman akong makisama sa kanila kaya lang ayoko talaga iyong hindi marunong sumunod sa mga regulasyon ko. Galit ako sa mga pasaway at matigas ang ulo. Pagkatapos kong maghugas ay tinungo ko ang aking opisina. Nadatnan ko sa loob ang malalapit kong tauhan. Ang abogado at consigliere na si Gino, ang underboss na si Lucio, ang mga capo na sina Greg, at Arnold. Silang apat kasama na si Bogart ang bumubuo ng inner circle ng organisasyong hawak ko. Sa kasamaang palad wala na ang isa sa capo ko. “Itinumba mo na ba?” walang kangiti-ngiting tanong ni Greg sa akin nang umupo ako sa aking puwesto sa conference table. “Tapos na. Ipinadala ko na sa punerarya,” balewalang sagot. Nagpapalatak naman si Gino habang nagkakamot ng ulo. “Mahirap talagang makalusot sa mga mapanuring mata ni Arnold,” saad ni Lucio. “Huh? Bakit ako ang sinisisi sa nangyari? Kasalanan ko ba kung nahuli siya ng mga espiya ko,” depensa ni Arnold. “Oops! Tama na iyang diskusyon ninyo. Ginagawa lang naman ni Arnold ang trabaho niya. Kasalanan naman talaga ni Bogart kung bakit siya naparusahan. Magsilbi sanang babala sa inyo ang nangyari sa kanya. Hindi ko sasantuhin ang sinumang gumagawa ng kabulastugan sa inyo. Huwag ninyo akong kakalabanin kung ayaw ninyong maging mitsa ito ng buhay ninyo.” “Yes, boss!” sabay-sabay na sagot ng apat. Binalingan ko si Gino. “Anong agenda ng meeting natin ngayon?” “May bago tayong transaksyon, boss.” Inilapag niya ang isang folder sa harapan ko. Binigyan din niya ng tig-isang folder ang iba pa naming kasama. Tumaas ang kilay ko nang mabuksan ang folder. Nakalatag ang lahat ng impormasyon tungkol sa isang kilalang pulitiko na tumatakbo sa susunod na halalan. Siya ang susunod naming assignment. Pinag-usapan namin kung paano siya ililigpit sa lalong madaling panahon. Maaaring madamay ang pamilya niya o ang mga taong nakapalibot sa kanya. Minsan hindi talaga maiiwasan na may nadidisgrasyang iba pang buhay. Kaya pinaplano naming mabuti ang bawat hakbang nang sa gano’n hindi kami papalpak at walang gaanong ibang tao na madadamay. Kinumusta ko rin ang mga parating na shipment ng mga armas at bala na ibebenta namin sa isang grupo ng mga terorista sa Middle East. Magkakasunod na shipment iyon at pinababantayan kong mabuti para walang mabulilyaso. Malaking pera ang iaakyat ng mga transaksyon na ito. Pagkatapos ng meeting namin ay umakyat na ako sa aking kuwarto. Balak kong magpahinga muna habang hinihintay ang oras ng tanghalian. Maaga kasi akong nagising kanina para iligpit ang lintik na si Bogart. Alas-tres pa lang nang bumangon ako. Pinagsusuntok ko siya at pinagsisipa. Sinakal ko na rin dahil sa tindi ng galit ko. Ayos lang ang mambabae basta huwag lang sanang menor de edad ang kukursunadahin niya. Alam kong kriminal ako. Pero hindi ko kayang isipin na isang dalagita ang sisipingan ko. Bata pa ako kung tutuusin dahil twenty-five pa lang ako. Ngunit putragis naman! Wala akong balak pumatol sa isang disesiete o mas bata pa. Baka patusin ko pa iyong katatapos mag-debut. Pero ang lintik na Bogart! Pumatol sa isang kinse anyos! Hindi ko ma-imagine ang sarili kong nakikipaglampungan sa isang high school student. Nandidiri na ako iniisip ko pa lang iyon. Mag-isa lang ako na anak ng mga magulang ko. Sabik akong magkaroon ng kapatid. Kaya kung papatol ako sa bata, para na rin akong pumatol sa kapatid ko sana. Hinubad ko ang suot na jacket. Tinanggal ko rin ang aking sapatos at medyas. Hinugot ko ang aking baril at cellphone saka ito inilapag sa side table. Pagkatapos humiga na ako sa kama. Alas-diyes y media pa lang. Inaantok pa ang pakiramdam ko. Eksaktong pagpikit ng aking mata siya namang pagtunog ng cellphone ko. Napamura ako nang malutong. Isa pa ito sa kinaiinisan ko. Kung kailan ka nagpapahinga saka ka naman aabalahin. Hindi ko sana papansinin ang pagtunog ng cellphone. Pero mukhang makulit ang tumatawag. Buwisit! Napilitan akong bumangon. Nang tingnan ko ang caller ID, pangalan ni papa ang nakarehistro roon. Damn! Emergency siguro ang tawag niya. Bihira naman niya kasi akong tawagan magmula noong umuwi siya ng Pilipinas at iniwan ako dito sa New York. Pinindot ko ang green button saka itinapat sa tainga ko ang cellphone. “Papa, kumusta po kayo?” “I’m fine, iho. Ikaw ang dapat kong kumustahin? Kumusta ang negosyo natin?” “Everything is good, papa. May mga asungot lang na hindi maiiwasan. Pero nailigpit ko na. Kaya wala ng problema,” paliwanag ko. Ang tinutukoy ko ay ang nangyari kay Bogart. “Hey! What are you talking about?” Ikinuwento ko kay papa iyong ginawa ko kay Bogart. “That’s good. You should have killed him in front of all your men. Show them that you are the boss. Don’t let them overpower you. That should serve as a lesson to everyone. Make a stand. Hindi maganda na maging malambot ka sa mga tao mo kahit pa sa pinakamalapit mong tauhan. Lolokohin ka lang nila at hindi irirespesto.” “Papa, I’ll remember that.” “Alright. Kailan ka uuwi ng Pilipinas? Wala ka bang assignment dito?” “Wala pa po. Next year na lang siguro ako uuwi diyan.” “Oh! That’s bad. Balak ko na rin na mag-retire sa Union Bank at ipapasa na lang sa iyo ang pagiging CEO.” Namilog ang mga mata ko. Gusto ko ang ideya ni papa. Gusto kong maging CEO ng isang kompanya lalo na at iyon naman talaga ang pinag-aralan ko. Nag-graduate ako ng Business Management sa isang prestiyosong unibersidad dito sa New York. Pero noong isang taon ay nagretiro na si papa bilang boss ng organisasyong kinabibilangan ng pamilya namin dito sa New York. Bilang underboss, ako ang napiling ipalit sa puwestong iniwan niya. Lalong naging malabo iyong pangarap kong maging CEO. Mabuti na lang at nabanggit ni papa na nagbabalak na rin siyang magretiro bilang CEO. Magandang pagkakataon iyon para mailigaw ang mga otoridad sa tunay kong pagkatao lalo na at mainit ang mga mata ng FBI sa aming mga boss ng Mafia dito sa New York. Ginawang front din ni papa ang pagiging may-ari ng malaking bangko sa Pilipinas para mailigaw ang FBI na tumutugis sa kanya. Nagtagumpay naman siya kaya nga walang nakakaalam sa tunay niyang pagkatao lalo na at malayo ang Pilipinas sa New York. Sa Pilipinas na niya nakilala ang mama ko. Katulad niya ay purong Italyana rin ang aking ina ngunit sa Pilipinas lumaki dahil mag-asawang Filipino ang umampon sa kanya. Sa Manila na ako ipinanganak. Pero nang magsimula akong mag-aral sa high school ay ipinadala ako sa boarding school sa New York. Dito na ako nag-aral hanggang makatapos ng kolehiyo. Taon-taon akong nagbabakasyon sa Pilipinas at mga Pilipino ang nag-alaga sa akin mula pa pagkabata kaya matatas akong magsalita ng Tagalog. Bukod dito magaling din ako magsalita ng Italian, French, Arabic, at siyempre English. Noong tumuntong ako sa edad na fifteen, nagsimula na akong mag-training sa mundong ginagalawan ni papa bilang soldato. Sixteen lang ako nang unang beses na makapatay ng tao. Pagdating ko ng eighteen, ginawa na akong capo. Ako ang pinakabatang naging underboss ng organisasyon sa edad na twenty-one. Tatlong taon akong underboss bago naging boss. Sa sampung taon kong pananatili sa loob ng organisasyon, hindi lang dibdib ko ang tumibay. Pati utak ko, kasinsama na rin ni Satanas kung mag-isip. Siguro sa dami ng kasalanan ko, pwede nang sabihin na buhay pa ako sinusunog na ang aking kaluluwa. Pero wala sa itsura ko ang pagiging kriminal at masamang tao. Mukha akong inosenteng at pangkaraniwang anak mayaman sa paningin ng marami. Ang hindi nila alam, halang pala ang kaluluwa ko. Mas mabait lang ako ng isang paligo sa mga rapist at kidnapper. Wala akong balak na baguhin ang nakasanayan kong buhay. Masaya na ako sa ganitong buhay. Sa edad kong twenty-five, nagagawa ko ang lahat ng gusto kong gawin. Nabibili ko ang lahat ng nais ko. Nararating ko ang mga lugar na tanging mga milyonaryo at bilyonaryo ang makaka-afford. Higit sa lahat maraming tao ang napapasunod ko sa isang pitik lang ng daliri ko. Sa laki ng impluwensiya at kapangyarihan ko, niluluhuran na ako ng mga babae. Para akong diyos sa paningin ng mga nasasakupan ko. Gustong-gusto ko ang ganitong buhay. Wala na akong mahihiling pa. Kompleto na ang buhay ko. Kahit maraming panganib ang nakaamba, balewala iyon sa akin. Ang mahalaga sa akin, masaya ako sa ginagawa ko. Pero minsan iyong inaakala mong maayos na buhay, may kulang pa pala. Hindi mo nga lang naiisip kung ano ang nawawala sa iyo hanggang hindi ka sinasampal ng katotohanan. Napatunayan kong may kulang pa pala sa aking buhay nang makilala ko siya. Siya ang taong hindi ko inakalang darating upang guluhin ang pagkatao ko at baguhin ang pananaw ko sa buhay. Ipinadala ba siya ng langit para parusahan at pahirapan ako? O isa lamang siyang pagsubok na dapat kong malagpasan? Tama nga yata ang sinasabi ng marami. You will never know what you are missing until the day you come face to face with it.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD