NAPAKURAP ako ng wala sa oras nang mapansin kong namatay ang TV kung saan nakatutok ang tingin ko. Napansin ko si Ate Lyla na nakatayo sa tabi ko.
"Hey! Bakit mo naman pinatay, ate? Nanonood pa ako, ah."
"Talaga lang, ha? Nanonood ka? Hindi ko napansin. Ang alam ko nakatunganga ka sa harapan ng TV," sagot ni ate saka umupo sa tabi ko.
Hindi ako umimik. Yumuko lang ako.
Agad naman akong inakbayan ni ate saka pinasandal sa kanyang balikat. "Nagbibiro lang ako, bunso. Huwag mong masyadong dibdibin. Pareho lang naman tayong nawalan ng magulang. Pero dahil ako ang panganay, kailangan kong magpakatatag para sa ating dalawa. Umiyak ka lang kung kinakailangan. Ilabas mo ang lahat ng sama ng loob mo. Lilipas din ang problemang ito. Makakaya din natin ang lahat kahit wala na sina mama at papa."
"Bakit ba kasi nangyari sa atin ito, ate? Bakit ang aga namang kinuha ng Diyos sina mama at papa? Tapos ngayon iniwanan nila tayo ng napakalaking utang. Bakit hindi man lang nila sinabi sa atin ang bagay na iyon? Bakit sila naglihim?" naiiyak kong tanong.
"Hindi ko rin alam ang sagot sa mga tanong mo, bunso. Pero nakausap ko si Attorney Arenas kanina. Tayong dalawa daw ang makikipag-usap kay Mr. Callanta. Siya iyong presidente ng United Bank na pinagsanlaan ng bahay at lupa nina mama at papa."
"Kailan tayo makikipag-usap sa kanya, ate?"
"Hindi ko pa alam, bunso. Hihinatyin ko pa ang message ni Attorney Arenas."
"Okay. Pero, ate, tingin mo ba papayag iyong may-ari ng bangko na ma-extend iyong pagbabayad natin?"
Napabuntung-hininga si Lyla. "Wala pang kasiguruhan ang bagay na iyan. Pero pipilitin kong makakuha tayo ng magandang pabor mula kay Mr. Callanta. Hindi ako papayag na mawawala sa atin ang bahay at lupa. Kung mawala man ang kompanya nina mama at papa, kahit itong bahay at lupa man lang ang maisalba natin."
"Tutulungan kitang makipag-usap, ate. Tutal naman kasama mo ako sa araw na haharap tayo sa may-ari ng bangko."
"Salamat, bunso."
Nang araw din na iyon, natanggap ni ate ang mensahe ni Attorney Arenas. Nakalagay roon na magkikita sila ni Mr. Callanta sa Majesty Restaurant na nasa main branch ng Glorious Hotel sa Makati. Alas-siyete ng gabi ang usapan nila pero alas-sais pa lang ay umalis na kami ng bahay. Si ate na ang nagmaneho ng Toyota Fortuner na ginagamit ni papa dati.
Eksaktong alas-sais y medya nang makarating kami sa hotel. Pagpasok namin sa restaurant, iginiya kami ng maitre d'hotel sa aming upuan pagkatapos sabihin ni ate na may reservation kami sa pangalan ni Mr. Callanta.
"Ate, may ideya ka ba kung ano ang itsura ni Mr. Callanta? Bata pa kaya iyon o matanda na?" usisa ko sa kanya nang makaupo kami.
"Wala akong alam sa kanya kasi kahit si Attorney Aragon walang sinasabing impormasyon maliban sa pagiging presidente ng lalaking iyon sa United Bank. Hindi ko sigurado kung bata pa siya o matanda na. Isa lang ang sigurado ko, lalaki siya. Bahala na kung matanda na siya o bata pa. Mas maganda kung matanda na siya para mas madaling kausap. Mahirap iyong medyo bata pa dahil very idealistic ang mga negosyanteng gano'n. Mas okay iyong mga kasing edad ni papa dahil mas malawak na ang pang-unawa nila. Mas madali na ang maki-bargain kung saka-sakali."
"Sana nga magdilang-anghel ka, ate," kinakabahang saad ko.
Halos bente minuto rin na naghintay kami bago dumating ang aming kausap.
"I'm sorry, ladies. Seven o'clock kasi ang sinabi kong time. Hindi ko naman ini-expect na darating pala kayo ng maaga," hinging-paumanhin ng lalaking lumapit sa mesa naming.
Napatingin kami ni ate sa bagong dating na lalaki. Halos kasing edad lang ito ni papa o baka mas matanda pa ito ng ilang taon. Matangkad siya, maputi, at medyo singkit ang mga mata. Nakasuot ito ng coat at tie. Mukha itong kagalang-galang at may malapad pang ngiti sa amin.
"I'm Ramil Julio Callanta from United Bank. How are you, ladies?" Inilahad ni Mr. Callanta ang kamay.
Tinanggap agad ni ate ang kamay niya.
"I'm Lyla Marie Tembreza, sir. This is my younger sister, Maria Stella," sabi ni ate nang sumulyap sa akin.
Kinamayan ni Mr. Callanta si ate. Akala ko kakamayan din niya ako pero nagulat siya ako nang dinala niya sa kanyang bibig ang kamay ko. Nanginig ang mga kalamnan ko. Nagkatinginan din kami ni ate nang pakawalan niya ang kamay ko. Ngunit hindi siya sinita ni ate dahil may lumapit na waiter sa mesa namin. Itinutulak nito ang isang trolley na puno ng pagkain.
"Let's eat. Mamaya na natin pag-usapan ang proposal ko," wika ni Mr. Callanta nang umupo ito sa tapat ko.
"Okay, sir," sagot naman ni ate.
Habang kumakain kami, nagtatanong si Mr. Callanta tungkol sa aming magkapatid. Kaya lang nahahalata kong mas marami siyang tanong tungkol sa akin. Kinakabahan ako sa asta niya pero hindi ako nagpahalata. Sinasagot ko pa rin ang mga tanong niya.
"Sir, makikiusap sana kami kung puwedeng bigyan ninyo kami ng extension para mabayaran iyong utang ng parents namin sa bangko. Kahit three to six months lang po para makaipon kami ng pambayad," pakiusap ni ate nang matapos kaming kumain.
"Walang problema, iha. Hindi ko na sisingilin ang utang ng parents ninyo. Nakahanda rin akong magbigay ng twenty-five million na pandagdag sa puhunan ng Pacific Pages Corporation."
"Ano ang kapalit, sir?" tanong ni ate.
"I want Stella to be my wife in exchange for all the help that I will extend to you," tugon ni Mr. Callanta sabay tingin sa akin.
Hindi ako nakaimik. Pakiwari ko ay tumakas ang lahat ng dugo sa katawan ko. Hindi ako makapaniwala sa narinig. Nagpalipat-lipat ang tingin ko kay Mr. Callanta at kay ate.
"Sir, bakit ganyan naman ang kondisyon na hinihingi mo? Ang bata pa ng kapatid ko at nag-aaral pa siya," reklamo ni ate.
"Kulang pa ba ang twenty-five million. Sige gagawin kong thirty million. Sapat na ba iyon?"
Namilog ang mga mata ko. Ano ito? Gamit ba ako na binibili lang ni Mr. Callanta?
"Sir, hindi natin pinag-uusapan dito kung magkano ang kaya mong ibayad. Pero, sir, napakabata pa ni Stella. Hindi pa siya puwedeng mag-asawa. Kailangan muna niyang magtapos ng pag-aaral," depensa ni ate.
"Hindi na problema iyon. Ako na ang magpapaaral sa kanya. Pag-aaralin ko siya kahit saang eskuwelahan pa niya gustong mag-aral."
Ano daw? Walang pakialam si Mr. Callanta kahit bata pa ako at nag-aaral pa lang? Nangilid tuloy ang luha ko.
Marahas na napailing si ate. "Sir naman, maawa kayo sa kapatid ko. Para na niya kayong tatay."
Tama si ate. Para ko ng tatay si Mr. Callanta. Tapos gusto niya akong mapangasawa. Ano siya? Matandang manyakis?
"Iyan ba ang dahilan kung bakit ayaw mong pumayag, Miss Tembreza?"
Tumango si ate sa tanong ni Mr. Callanta.
"Take it or leave it, Miss Miss Tembreza. Kung ayaw mong pumayag, kukunin ko ang bahay at lupa na nakasanla sa bangko. Mawawalan kayo ng tirahan, babagsak din ang Pacific Pages dahil maba-bankrupt na ito."
Nalaglag yata ang panga ko sa sinabi ng matanda. My goodness! Ganoon na ba katindi ang pagkagusto niyang mapangasawa ako? Tuluyan nang umagos ang luha ko.
"Sir, ako na lang po ang magpapakasal sa inyo. Huwag na lang po ang kapatid ko," pakiusap ni ate.
"No. Si Stella ang gusto ko. Kung hindi mo kayang sundin ang proposal ko, wala na tayong dapat na pag-usapan pa."
Hinugot ni Mr. Callanta ang wallet niya saka naglabas ng ilang libo at ipinatong sa mesa. Pagkatapos tumayo na siya.
Shit! Seryoso talaga siya? Ako talaga ang hihingin niyang kapalit sa uatang ng mga magulang namin? Nang mapansin ko ang disappointment sa mukha ni ate, nakaramdama ako ng awa. Isang pasya ang naisip ko. Pinahid ko ang aking luha.
Ilang hakbang na ang layo ni Mr. Callanta nang tumayo ako.
"Sige na, Mr. Callanta. Payag na ako sa gusto mong mangyari. Basta pakasalan mo ako kung gusto mo akong maging asawa."
Nanlaki ang mga mata ni ate. Hindi niya siguro inaasahan ang sasabihin ko. Pero wala nang ibang solusyon kung hindi ang pagpayag ko sa kagustuhan ni Mr. Callanta. Gusto kong makatulong. Ayokong maging pabigat sa ate ko. Kung ito lang ang paraan upang matulungan ko siya. So be it.
Malapad ang ngiti ni Mr. Callanta nang bumalik sa mesa.
“I knew it. Alam kong mapapapayag ko rin kayo. Huwag kang mag-alala dahil pakakasalan kita,” nakangising sabi nito.
Hinila niya ang kamay ko bago niya binalingan si ate.
“We’ll go ahead. My lawyer will talk to you tomorrow.”
Bago pa makaimik si ate. Iginiya na ako palabas ni Mr. Callanta. Nakailang hakbang na kami nang muli kong nilingon si ate. Nakatayo na siya at tumutulo ang luha niya habang nakatingin sa akin. Nakakuyom din ang dalawa niyang kamay na para bang pinipigilan niya ang sarili na magwala.
Umiling ako. Alam kong nasasaktan siya sa nangyayari. Pero ayoko rin namang solohin niya ang lahat ng problemang iniwan ng mga magulang namin. Gusto ko rin namang makatulong kahit paano. Higit kanino man, ako dapat ang gumawa ng paraan kung paano mababayaran ang lahat ng utang ng aming mga magulang.
Kung tutuusin, kahit hindi na tumulong si ate dahil ampon lang naman siya nina mama at papa. Ako ang tunay na anak.
Nalaman ko ang bagay na ito nang minsang nag-away sina mama at papa dahil kay ate. Narinig ko mula sa kanilang sigawan na ampon lang si ate. Kaya kinompronta ko noon si mama. Umamin naman siya na inampon nila si Ate Lyla noong panahong hindi pa ako ipinagbubuntis ni mama.
Hindi ko alam kung alam ni ate ang bagay na iyon. Kaya nakokonsensiya ako dahil siya ang gumagawa ng lahat ng paraan upang mabayaran namin ang utang na iniwan nina mama at papa. Baka nga wala pang mapakinabangan si ate sa mga iniwang ari-arian ng mga magulang namin.
Hindi sinasadyang narinig ko kasi noon ang usapan nina papa at Attorney Arenas. Sinasabi ni papa na huwag na daw hahatian si ate sa mga ari-arian ng pamilya namin kung sakaling mamatay sila ni mama. Kaya nakokonsensiya ako ngayon na nag-e-effort si ate na huwag mawala ang bahay at lupa naming maging ang kompanya gayong wala siyang mapapakinabangan.
Napakagat-labi ako saka muling ibinalik ang tingin sa katabi ko.
Ano ang mangyayari sa akin ngayon? Magkikita pa kaya kami ni ate? Kakayanin ko bang makisama sa lalaking kasing tanda na ng papa ko?
Litong-lito ang isip ko. Para akong robot na naglalakad. Ni hindi ko namalayang nasa loob na pala kami ng sasakyan. Magkatabi kami sa backseat. Isiniksik ko ang aking sarili sa tabi ng bintana. Ayokong madikit man lang sa kanya. Tama na iyong hinawakan niya ang kamay ko kanina. Ayoko nang magdikit pa ang mga balat namin hanggang maiiwasan. Nandidiri akong hindi ko mawari.
Makalipas ang mahabang biyahe napansin kong pumasok ang sasakyan sa nakabukas na mataas na gate. Habang binabaybay nito ang kahabaan ng driveway, hindi ko maiwasang humanga sa ganda ng tanawin. Nakahilera sa daraanan ang mga naglalakihang mga puno na nagsisilbing lilim.
Mga dalawang dang metro yata ang binaybay naming driveway bago tuluyang huminto ang sasakyan sa harap ng isang mataas na bahay.
Inalalayan ako ni Mr. Callanta na makababa sa sasakyan. Ang ganda ng tanawing tumambad sa aking harapan. Napakaganda ng pagkaka-landscape sa harapan ng malaking bahay. Napansin ko rin ang mga maid na nakahilera sa aming daanan.
Lahat sila ay bumabati ng magandang gabi kasabay ng kanilang pagyuko. Pilit ko silang nginitian kahit na masama ang loob ko. Maganda man ang lugar na ito, hindi ko magawang magsaya. Pakiwari ko kasi bibitayin ako kapag nakapasok na ako sa loob ng bahay.
Kaya nga kahit nakabubusog sa mata ang karangyaang bumungad sa akin pagpasok sa bahay, hindi ko magawang i-appreciate. Aanhin ko ang kayamanang ito kung hindi naman ako magiging masaya sa piling ng mapapangasawa ko?
Isipin ko pa lang na magiging asawa ko si Mr. Callanta, para na akong maiihi at pinanlalamigan. Ang bata ko pa para sumuong sa ganitong uri ng relasyon. Pero kung hindi ko naman gagawin ito, kawawa kami ni ate. Mabuti kung bahay at lupa lang namin ang mawawala. Baka pati kompanyang iniwan nina mama at papa ay mawala rin.
Paano na lang kami ni ate? Pareho pa naman kaming nag-aaral pa. Wala naman akong alam na trabaho dahil may yaya ako at naroon pa si Tita Inez na umaalalay sa akin. Ultimo nga underwear ko ay hindi ko kayang labhan. Iyon pa kayang magtrabaho ako.
“Jovie, ihatid mo nga si Stella sa kuwarto niya para makapagpahinga na siya,” utos ni Mr. Callanta sa maid na lumapit sa amin.
“Opo, senyor.” Yumukod pa ang may edad na babae.
“Matulog ka na. May aasikasuhin pa ako,” seryosong wika ni Mr. Callanta bago nito tinungo ang pintong pinasukan naming.
Napakunot ang noo ko. Bakit kaya bigla na lang siyang parang nanlamig? Anong problema niya? Akala ko ba interesado siya sa akin. Hindi ba’t ang mga matandang katulad niya ay sabik sa mga babaeng mas bata sa kanila? Ano kayang nangyari?
Haisst! Stella, hayaan mo na lang siya. Mabuti nga na umalis siya nang sa gano’n hindi ikaw ang pagtuunan niya ng pansin. Kapag nagkataon, baka mawala ang iniingatan mong puri bago ka pa maikasal.
“Senyorita Stella, halina po kayo. Tara na po. Ihahatid ko kayo sa kuwarto ninyo.”
Napilitan akong sumama sa matanda. Pumasok kami sa elevator na nasa gilid lang ng living room. Napansin kong pinindot ng matanda ang number three sa panel. Ibig sabihin nasa third floor ang master bedroom.
Nang bumukas ng elevator. Sinundan ko ang matanda hanggang huminto siya sa isang pinto. Inilabas niya ang bungkos ng susi mula sa kanyang bulsa at ginamit nito para mabuksan ang pinto.
Napadilat ang mga mata ko nang makita ko ang loob ng kuwarto. Isang four-poster na queen sized bed ang nasa gitna. Sa magkabilang gilid nito ay night table na parehong may lamp shade. May sofa set na malapit sa pintuan. May built-in cabinet at banyo sa loob. Wala ng ibang palamuti sa loob maliban sa flower vase sa center table at ang wall clock na nasa taas ng kama.
Binuksan ng matanda ang aircon.
“Ito po ba ang master bedroom?” curious kong tanong.
Binalikan ako ng matanda at iginiya paupo sa kama.
“Hindi, iha. Kuwarto mo ito. Nasa cabinet ang mga damit na pinamili ni senyor. Ang master bedroom ay nasa dulo sa kabilang wing,” sagot ng matanda.
Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Ibig sabihin, hindi kami magkasama sa kuwarto ni Mr. Callanta. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa nalaman ko. Pero kinakabahan pa rin ako.
“Sige na. Magpahinga ka na. Gigisingin na lang kita bukas para makapag-almusal ka. Nasabi sa amin ni senyor na kumain na raw kayo ng hapunan.”
Tumango na lang ako. Tumalikod na ang matanda at tinungo ang pinto. Ngunit bago ito tuluyang lumabas, lumingon siya sa akin.
“Ikinagagalak kong makilala ka Senyorita Stella. Tawagin mon a lang akong Nanang Jovie,” nakangiting saad nito bago lumabas ng kuwarto.
Why does she mean by that? Inaasahan niya ang pagdating ko? Kilala na ba ako ni Mr. Callanta bago pa niya ako makita kanina?
Iwinaksi ko ang bagay na iyon. Imposible naman kasi ang naisip ko. Hindi ko siya kilala. Ngayon ko lang siya nakita.
Tumayo ako at lumapit sa cabinet. Napasinghap ako nang makita ang laman nito. Puno ng damit pambabae ang buong cabinet. Nang hilain ko ang isang hanger, natanto kong kasya sa akin ang night dress na para bang isinukat sa katawan ko mismo. Napailing ako.
Kumuha ako ng tuwalya at mga underwear saka tinungo ang banyo. Kumpleto ang gamit sa banyo mula sa sabon, shampoo, conditioner, lotion, pabango hanggang sa mga toothbrush, toothpaste, mouthwash, at dental floss. Para bang nakahanda na ang lahat. Hindi kaya inilaan ang kuwartong ito sa magiging babae ni Mr. Callanta?
Kinabahan ako sa ideyang pumasok sa isip ko. Nag-shower lang ako saka nagbihis. Nang dumantay ang likod ko sa kama, agad akong napapikit. Ang lambot ng kama at ang bango ng mga unan at maging ang comforter. Ipapahinga ko muna ang aking katawan. Ayoko munang mag-isip ng problema.
Hindi ko alam kung anong oras na. Pero naalimpungatan ako nang maramdaman kong may mabigat na bagay na dumantay sa aking tiyan.
Nagmulat ako para lang magulat nang marinig ko na may humihinga sa tabi ko. May ibang tao sa kuwarto?
Madilim ang buong paligid dahil walang ilaw. Ni hindi ko maaninag ang nasa tabi ko.
Pinasok ba ako ni Mr. Callanta habang natutulog? Oh, s**t!
Dahan-dahan kong kinapa ang bagay na nakadantay sa tiyan ko. Kamay pala iyon! Maingat kong inalis ito at pilit na dumistansiya sa katabi ko.
Napaungol ang katabi ko.
“Let me sleep, please. I’m so tired,” paos ang tinig na saad ng katabi ko at muling ibinalik ang kamay sa tiyan ko.
Shit! Si Mr. Callanta ba ang lalaking nasa tabi ko? Bakit parang iba naman ang boses niya? Hindi pa ako nakababawi sa pagkagulat nang biglang hapitin ako ng lalaki kaya ngayon nakayakap na siya sa akin. Maging ang ulo niya ay halos dumikit na sa mukha ko.
Hindi ako makagalaw sa ginawa niya. Halos hindi na rin ako makahinga. Kaya pumikit na lang ako. Sana naman hindi ako pupuwersahin ni Mr. Callanta ngayong gabi. Hindi pa ako handa. Hindi pa ako handang ipagkaloob ang virginity ko. Hindi ko pinangarap na sa isang katulad lang niya ko iaalay ang aking iniingatang puri.