INIIWASAN ako ni Rodel. Ako rin naman gano’n ang ginagawa ko. Nag-iiwasan na kaming dalawa. Pero ang bigat sa pakiramdam. Pakiwari ko, lahat ng aking kilos ay lagi kong babantayan dahil baka mamaya bigla kaming magkasalubong sa hallway o kaya magpang-abot sa dining room o madaanan namin ang isa’t isa sa sala. Haisst! Pambihira naman! Ang hirap ng ganito! Dinaig ko pa ang magnanakaw nito, eh. Bago ako lumabas ng kuwarto, sinisilip ko pa kung may tao sa hallway. Tapos tinatawagan ko pa si Manang Jovie kung nakakain na ba si Rodel bago ako bumaba sa dining room. Kailangan ko ring siguruhin na wala siya sa sala o sa iba pang parte ng bahay na madadaanan ko kapag lalabas ako ng kuwarto. Grabe naman! Naiinis na ako. Bahala na. Kahit makasalubong ko siya o makita ko, hindi na lang ako iimik.

