Halos dalawang linggo na nang huli kong makita si Kyle. Simula nang pangyayaring iyon ay hindi na siya muling nagpakita pa sa akin, hindi na rin siya pumupunta pa sa rooftop at ako, kahit na wala siya ro'n ay pinipilit ko pa ring manatili sa lugar na 'yon. Pinipilit ko pa ring paniwalain ang sarili ko na darating siya kahit na alam ko namang napaka-imposible na mangyari pa ang bagay na 'yon. Alam kong malabo na, sino ba naman ako? Hindi ko alam pero siguro gano'n kalabis ang galit niya dahil sa ginawa ko sa kaniya. Siguro, galit na galit talaga siya sa akin na halos ayaw niya nang makita ang pagmumukha ko — na halos ayaw niya nang magparamdam sa akin. Hindi na muna ako pinatrabaho at pinanatili na lang ako sa kuwarto namin ni Edward dahil hindi ko na raw alam ang mga pinaggagagawa ko.

