Chapter 2
“Hoy! Doon ka nga!” sabay hampas kay Vekvek ng patpat na hawak ng isang batang lalaking mga nasa sampung taong gulang na pataas. May mga kasama rin itong kabataang lalaki at halos magkakasing edad lang.
“Teritoryo namin ang lugar na ito kaya wala kang karapatan na mangalakal dito!” pagtaboy muli ng batang lalaki kay Vekvek na tumango na lang at saka paika-ikang naglakad palayo sa mga bata.
“Dapat huwag nating kausapin ang babaeng yan. Kita mo iyong mga sugat niya sa katawan? Baka mamaya mahawa pa tayo,” sabi ng isang bata sa kaibigan niya na nagtaboy kay Vekvek.
May mga tabukbok sa ulo ang tatlong batang lalaki at tanging mga mata lang nila ang nakikita habang pare pareho rin na may dalang patpat na may patusok sa dulo para pangkuha ng mga bote lata na kanilang pwedeng kalakalin sa bangketa.
“Kaya nga pinaalis ko diba?” sagot ng batang nagtaboy mismo kay Vekvek.
Hindi rin talaga makalakal ng mabuti si Vekvek dahil madalas ay awayin siya ng mga batang nangangalakal din sa paligid dahil kanila raw ang buong lugar kaya walang karapatan si Vekvek na agawin ang kanilang kalakal.
Wala naman kasing tataggap kay Vekvek kahit gusto niya pang mag apply ng trabaho dahi nga ang iba niyang mga sugat sa katawan ay hindi pa magaling. Habang ang mga ibang sugat ay nag iwan na ng malalaking peklat sa kanyang balat maging sa kanyang magandang mukha.
“Paano ba ako makakabili ng pagkain nito? Limang piso na lang ang hawak kong pera at bukod tanging candy na lang ang mabibili ko,” ani ni Vekvek sa kanyang sarili habang pinupunusan ang tumatagaktak na pawis sa kanyang noo at leeg na nagdudulotng hapdi sa kanyang mga sugat na hindi pa magaling.
Dahil wala siyang pambili ng gamot ay lumapit na lang siya sa mga health center para makahingi siya ng pwedeng inumin na gamot para matuyo ang kanyang mga sugat.
“Ano kaya kung bumalik na ako sa amin? Kung magpakita na ako sa kanila? Ang kaso lang ay baka galit pa ang pamilya ko sa akin. Baka ano lang ang marinig kong mga masasakit na salita. Ayokong magkakakasalanan ang pamilya ko dahil sa akin. Kaya paano ako makakauwi?” pagdadalawang isip ng kawawang babae kung uuwi na ba sa kanyang pamilya na matagal niya na rin na hindi nakakasama.
Sa nangyari kasi noon na may nanakit sa miyembro ng kanyang pamilya dagil sa mga utang ni Tongtong ay lalo ng itinakwil si Vekvek ng kanyang buong pamilya
Iyong lalaking pinaglaban niya upang makasama habang buhay ay basta na lang siyang iniwan ng makahanap ng ibang babaeng mas mabibigay ang lahat ng mga materyal na bagay ng dating kinakasama.
Ngunit dahil sa kagustuhan na makita man lang ang pamilya ay sinuong ni Vekvek ang mainit na araw at naglakad kahit malayo pa sa lugar kung nasaan siya ang lugar kung saan siya lumaki.
Gaya ng dati ay nasa malayo lang si Vekvek at nakatanaw sa tindahan ng kanyang mga magulang na parehong nasa lugawan at tulong pa rin sa pagtitinda.
“Nay, Tay, miss ko na po kayo. Sorry kung naging pasaway akong anak. Sorry kung hindi ko po kayo sinunod. Sorry po talaga,” ang umiiyak na pagsisisi ni Vekvek ngunit ano pa nga ba ang magagawa niya na nangyari na ang lahat-lahat.
Napariwa na ang buhay niya at halos mawalan na nga siya ng buhay dahil sa pinili niya ang buhay kasama si Tongtong.
Inayos ni Vekvek ang malapad na tela na napulot niya lang sa lansangan upang takpan na ang mukha. Mahirap ng may makakilala sa kanya.
“Sabi na nga ba at babalik ka sa lugar mo, Vek. Kamusta ka na?”
Naudlot ang tangkang paghakbang ni Vekvek ng marinig ang isang pamilyar na boses.
Si Erik na kasamahan niya sa casa gobernador.
“Ops! Huwag mo ng tatangkain pang tumakas pa, Vek dahil wala ka ng takas pa. Tandaan mo na malaking sindikato ang binangga mo kaya kung ako sayo ay susuko na ako para hindi na madamay pa ang mga mahal ko sa buhay,” pananakot ni Erik sabay sindi pa ng kanyang sigarilyo.
Tumayo naman ng tuwid si Vekvek at saka buong tapang na hinarap ang lalaking malaki ang galit sa kanya sa hindi malamang dahilan at hanggang ngayon ay para ba itong atat na atat na makita siyang mamamatay.
“Talaga ba? Erik? Kung ganun ay bakit hindi niyo subukan? Oras na sinaktan niyo ang sinuman sa pamilya ko o malapit sa akin ay hindi ako magdadalawang isip na magpakamatay. Huwag niyo akong susubukan dahil sa estado ng buhay ko ngayon ay wala naman akong dapat na panghinayangan,” matigas na pananalita ni VekVek na hindi natatakot sa naging pananakot sa kanya.
Gumalaw-galaw ang mga labi ni Erik at halatang nagtitimpi lang sa galit pero wala siyang magagawa dahil hindi malayong gawin nga ni Vekvek ang sinabi nitong pagpapakamatay kapag may nasaktan sa isa sa pamilya nito.
Ngumisi si Vekvek at saka nilapitan si Erik sabay tapik ng tatlong beses sa balikat nito.
“Alam mo, Erik, mas mabuti pang habang maaga pa ay lumayo ka na kay Dimitri dahil sigurado akong kapag wala na siyang pakinabang sayo ay basta ka na rin niyang ipapatapon sa mga gutom niyang alaga para ipakain,” ang payo ni Vekvek kay Erik.
“Hanggang kailan mo balak makipagmatigasan kay Dimitri? Hindi ka ba talaga natatakot na mamamatay sa ginagawa mong ito? Alam mong mas mabangis pa sa mga leon at tigre si Dimitri,” wika naman ni Erik.
Ngunit mapang insultong tawa ang isinagot ni Vekvek.
“Erik, Erik, Erik, oo at mabangis na hayop si Dimitri. Wala nga siyang awa ngunit anong magagawa ng tapang niya kung kasabay kong mawawala lahat ng mga kayamanan niya na pinaghirapan sa tanan ng kanyang buhay? Anong pipiliin niya? Patayin ako dahil hindi niya makuha ang gusto sa akin o mamamatay siyang dilat sa gutom gaya ng mga pulubi na siyang nakakasalamuha ko ngayon?” ang sabi ni Vekvek na hindi talaga kakikitaan ng takot gayong noon lang ay pangalan lang ni Dimitri ay kinakabahan na si Vekvek.
Si Erik naman ang natawa.
“Tuso kang babae ka. Paanong sa konting panahon lang ay naging mabangis na hayop ang dati ay hindi man lang makabasag pinggan?” ang pagtataka ni Erik sa pagbabago ng ugali ni Vekvek.
“Sa hirap na dinanas ko ay huwag ka ng magtaka pa kung bakit ako biglang nagbago. Sa hindi mabilang na hagupit ng latigo na lumapat sa katawan ko ay natuto na akong maging manhid dahil wala na sigurong mas sasakit pa sa hapdi ng paghaplit nito sa akin. Tuso? Ako?
Hindi naman. Nagkataon lang na nasa huling yugto na sana ng buhay ko ay napunta sa akin ang alas,” pahayag ni Vekvek.
“Tama, napaka swerte mo, Vek. Swerte ka at hanggang ngayon ay buhay ka pa. Pero huwag na huwag kang pasisiguro dahil baka masagad mo ang galit ni Dimitri at magkalasug-lasog ang katawan mo,” muling pananakot ni Erik
Tumawa na naman ng malakas si Vekvek..
“Magalasug-lasog ang katawan ko? Matatakot ba ako, Erik? Matagal ng nagkalasug-lasog ang katawan ko kasama ng kaluluwa ko at pagkatao ko. Kaya kahit anong gawin mong pananakot ay hindi niyo ako matatakot. Si Dimitri ang matakot dahil isang pagkakamali niya lang din ay magpapaalam na siya sa kanyang mga mahal na kayamanan,” wika ni Vekvek sabay lakad na palayo kay Erik.
Tama.
May pinanghahawakang alas si Vekvek laban kay Dimitri kaya hinding-hindi siya nito magagawang ipapatay o saktan ang mga mahal sa buhay ni Vekvek.
“Anong akala mo, natatakot ako sayo, Dimitri? Kahit makalabas ka pa ng kulungan ay wala kang magagawa para kunin sa akin ang bagay na sa akin mo lang makukuha. Subukan mong kantiin kahit hibla ng buhok ng mga mahal ko sa buhay ay magpapakamatay talaga ako ng sa ganoon ay masama ko na sa hukay ang lahat ng iyong mga kayamanan,” bulong ni Vekvek sa kanyang isip.
Kasalukuyan na nakakulong si Dimitri sa piitan dahil muling may mga NBI na nagraid sa casa gobernador at hindi na nga nagawa pang makatakas ni Dimitri dahil napaligiran ng mga alagad ng batas ang loob at labas ng casa noong gabing sana rin ay ipapakain na ang mahinang-mahina ng katawan ni Vekvek sa mga alagang leon at tigre ni Dimitri. Ngunit dahil nga sa raid at nagkagulo ang mga tao sa loob ay hindi na nagawa pang isagawa sa katawan ni Vekvek ang kalunos-lunos sana niyang sasapitin.
Nakatakas ang ibang mga tauhan gaya nga ni Erik kaya naman para itong asong ulol na sunod-sunuran pa rin sa among si Dimitri sa kabila ng ito ay nasa kulungan.
Alam din naman ni Vekvek na hindi magtatagal sa loob ng kulungan si Dimitri sa dami nitong kakilalang maimpluwensyang tao sadyang nagpapalamig muna ang demonyong boss dahil mainit na mainit ito sa alagad ng mga batas at maging sa mga medya.
“Tingnan lang natin kung sino ang mas matigas sa ating dalawa ngayon, Dimitri, “ waring paghahamon pa ni Vekvek sa walang awang amo sa casa gobernador.
“Tingnan nating dalawa kung sino ang matira-matibay. Hanggat na sa akin ang alas ay hindi mo ako magagalaw gayundin ang pamilya ko. Iyon nga lang ay habang buhay mo akong babantayan at iingatan na walang mangyaring masama sa akin dahil katapusan mo na rin,” sabay tawa ni Vekvek sa kanyang isipan.