EXCITED si Tricia nang makarating sa bahay ng mga Monticello. Agad siyang pinapasok ng katulong na nagbukas ng pinto.
Nagtuloy siya sa sala at nadatnan na masayang nag uusap ang matanda at si Precila. Naririnig niya pa ang tawanan ng mga ito. Nang malapit na siya sa mga ito ay saka lamang niya napansin na may bisita ang mga ito. Natigil ang pag uusap ng mga ito nang mapansin ang pagdating niya.
"Hija, mabuti at nadalaw," baling ni Precila sa kanya. Nginitian niya ang mga ito.
"Maupo ka dito apo. Ipakikilala namin sayo itong kababata ng apo ko. Naku siguradong magkakasundo kayo nito," singit ng matanda. Agad naman silang tumalima. Umupo siya katabi ng mother in law niyang si Precila. Katapat niya ang babaeng bisita ng mga ito. Isang pilit na ngiti naman ang ibinigay nito sa kanya.
"Siya ang naikuwento namin sayo, Katy. Siya ang asawa ni Zac," may pagmamalaki sa tinig ng matanda.
Tiningnan siya nito ng tila nanunuri. Nakaramdam naman siya ng bahagyang pagkaasiwa. Maging siya ay sinuri rin ang babaeng nagngangalang 'Katy'
Maganda ito. Sa hitsura pa lang ay halatang may lahi ito. Maputi at makinis ang balat. Tuwid ang mahaba at itim na buhok nito. Tila ito modelo ng isa sa mga sikat na shampoo.
"Nice to meet you," bati nito sa kanya.
"Nice to meet you rin," nahihiya niyang bati dito. Medyo nakaka-intimidate ito. Parang napaka perpekto kasi nito. Sa haba ng binti nito na nahantad dahil sa maiksing skirt na suot nito ay natitiyak niyang mas matangkad ito sa kanya.
"Naku magsasaya tayo dahil nandito kayong dalawa," natutuwang sabi ni Precila.
"Mukhang may dalang pasalubong itong apo ko," tukoy ng matanda sa dala niyang paper bag.
"Ipinagluto ko po ulit kayo," nahihiya niyang sabi.
"Ang mabuti pa ay ihahanda ko na ang hapag para makakain na tayo," ani Precila. Kinuha nito ang paper bag na kanina pa nakapatong sa center table.
"Mabuti pa nga nang matikman natin ang luto nilang dalawa," nakangiting sabi ng matanda. May pasalubong din pala iyong 'Katy' sa mga ito.
"Tulungan ko na po kayo," sumunod na siya dito papunta sa dining area.
Magkatulong nilang hinanda ang mga pagkain. Ilang minuto rin ang itinagal nun.
Amoy pa lang sa niluto niya ay napaka sarap na.
"Mukhang masarap iyang niluto mo ah," ani Precila. Napangiti naman siya. Sinarapan ko talaga!
Maya-maya ay tinawag na ni Precila ang dalawa. Magkatabing umupo ang mga ito. Katapat niya iyong Katy. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit iba ang pakiramdam niya sa babaeng ito. Tila naiinis siya na hindi niya mawari. Wala naman itong ginagawang masama sa kanya. Nagsimula na silang kumain. Si Precila ay kumuha sa inihanda niyang Garlic butter shrimp. Inumpisahan na iyong kainin.
"Masarap itong luto mo, Tricia," puri nito nang matikman ang niluto niya. Sumubo pa ulit ito.
"Salamat po," nasabi na lang niya. Nagsimula na rin siyang kumain.
"Ituro mo rin sa akin itong recipe mo," sabi muli ni Precila. Mukhang nagustuhan talaga nito ang niluto niya.
"Syempre naman po. Walang problema," napakasaya niya dahil nagustuhan nito ang niluto niya.
"Tikman ko nga rin ang niluto mo apo," singit ng matanda. Akmang tutulungan niya ang matanda na makakuha ng iniluto niyang ulam nang magsalita si Katy.
"Lola, should avoid this kind of food. It's not healthy," singit naman ni Katy. Nagulat siya sa sinabi nito. Ayon sa kaibigan niya ay healthy ang seafood. Natigilan naman sila ng matanda.
"I mean, don't get me wrong. Seafood is one of the healthiest food but since it has butter and garlic it's dangerous for your heart," mahabang paliwanag nito. Doctor ba ito? Tila ang dami naman ata nitong alam.
"Hindi naman siguro masama kung minsan lang. Na miss ko na kasi ang luto ng apo ko," tila nanghihinayang naman ito.
"Lola you're not getting any younger na po. It is better if you try this marinated tofu salad," tukoy nito sa dalang pagkain nito. Nilagyan nito ang plato ng matanda.
"Nutritionist ang mom ko. Kaya naging vegetarian ako. I just want to eat healthy foods," dagdag pa nito habang inaasikaso ang matanda. Na ichapwera tuloy ang niluto niya. Kaya pala hindi ito kumukuha sa dala niyang pagkain dahil vegetarian ito.
"Ahm.. Opo lola mas mabuti pang iyan na lang po ang kainin niyo," hindi niya alam kung nahata ang konting tampo sa boses niya. Kung mas makabubuti iyon sa matanda ay ayos lang sa kanya.
Tila nahalata naman siya ni Precila.
"Ayos pala dahil solo natin itong dala mo," sabi ni Precila. Ngumiti ito sa kanya. Bahagya namang gumaan ang loob niya. Para itong ina niya. Nanay mo na nga siya singit ng isang tinig sa isip niya.
Nahagip ng mata niya ang pagsimangot ng mukha ni Katy. Itinuon na lang niya sa pagkain ang atensyon.
"Tita Precy, you should try this too," inalok nito ang nilutong pagkain.
"It's more healthier than seafood, trust me," dagdag pa nito.
"Okay, sige," kumuha naman ito ng tofu. Pakiramdam niya ay ayaw nitong masapawan niya. Pinagpilitan pa talaga ang niluto nito. Eh, tofu lang na may gulay pinasosyal lang. Kahit bata kayang lutuin 'yan! Ngali-ngaling sabihin niya dito.
Matapos kumain ay nagtungo sila ng mga ito sa sala at nag kwentuhan. Hindi naman siya maka-relate sa usapan dahil puro tungkol sa karanasan noong Katy ang topic. Nagsasalita lang siya kapag tinatanong siya ni Precila at Lola Caridad. Hindi nagtagal ay nagpaalam na si Katy. May dadalawin pa daw kasi ito. Saglit na inihatid ito ni Precila. Pagkatapos ay bumalik sa kinauupuan.
"May natira pa naman sa niluto mo apo hindi ba?" tanong ng matanda sa kanya.
"Naku, hindi po pwede sa inyo 'yun," paalala niya.
"Mas gusto ko naman iyon kaysa sa tofu," tila nagtatampo ang boses nito. Hindi niya napigilan ang matawa. Tila napilitan lamang itong kainin ang niluto ni Katy.
"Ipinagtabi kita, ma," baling ni Precila sa ina. Kinindatan pa ito.
Nakakatuwa talaga ang mga ito. Magkasundong-magkasundo sa halos lahat ata ng bagay. Muli ay naalala na naman niya ang yumaong ina. Kung hindi siguro ito maagang nawala ay ganito sila ka-close.
Nang makauwi siya ay madilim pa sa loob. Marahil ay gagabihin na ng uwi ang asawa niya. Nag shower siya at nagpalit ng damit pantulog. Humiga na siya sa kama ngunit hindi pa naman siya inaantok. Tiningnan niya ang cellphone. May one message received sa screen. Nang basahin niya ay galing iyon kay Zac. I'll be late. Don't wait for me.
Busy na naman ito sa trabaho. Nag reply siya dito. Dahil hindi makatulog ay nakinig na lang siya ng kanta sa cellphone. Syempre ang walang kasawa-sawang two is better than one. Naka repeat one lang iyon. Mula nang maging theme song nila iyon ay 'yun na lang ang pinapakinggan niya.