Tahimik ang buong mansyon nang makarating ako sa silid ni Daddy. Ang tanging maririnig ay ang mahinang ugong ng aircon at ang pag-indayog ng kurtinang hinahampas ng malamig na hangin. Pagbukas ko ng pinto, bumungad sa akin ang nakahandusay na katauhan ng aking ama sa malaking kama, maputla ang mukha at mababa ang kanyang paghinga. Sa tabi niya, nakaupo ang isang nurse na tila hindi inaalis ang tingin sa monitor.
Agad akong lumapit, mabigat ang bawat hakbang, at naupo sa gilid ng kama niya.
“Kamusta na po siya? Ano ang nangyari sa kanya? ” tanong kong hindi maitago ang kaba sa aking boses.
Tumayo ang nurse at magalang na yumuko.
“Maayos na po siya, ma’am. Nagka-high blood lang pero mabilis na naagapan. Wala na po kayong dapat ikabahala. Ako na po ang bahala mag-monitor sa kanya.”
Napabuntong-hininga ako.
“Mabuti naman kung gano’n. Kanina pa ba siya natutulog? ”
“Opo, señorita. Sandali na lang po at magigising na rin siya.”
“Sige, iwan mo muna kami. Ako na ang magbabantay sa kanya.”
Ngumiti siya bago nagpaalam.
Pag-click ng pinto, tuluyan nang bumigat ang dibdib ko. Tila naglaho ang lakas ko nang makita ko siyang ganoon—mahina, tila helpless, at malayo sa imaheng kilala ko bilang pinuno ng isang malupit at makapangyarihang organisasyon.
Kinuha ko ang kamay niya at marahang hinaplos.
“Dad… hanggang kailan ba kayo ganito? Hanggang kailan tayo mabubuhay sa mundong punô ng panganib? ”
Hindi ko napigilan ang pag-iyak.
“Napakarami na nating pera. Bakit kailangan n’yo pang ipagpatuloy ang lahat ng ito? Bakit kailangan n’yong magsakripisyo at magdusa? Ilang buhay na ang nawala para lang sa kapangyarihan at kayamanan natin…”
Tumulo ang luha ko sa kamay niya.
“Ayoko na ng ganitong buhay, Dad. Gusto ko lang ng tahimik na buhay kasama ka. Ikaw na lang ang natitira sa akin. Wala na si Annie… ayoko mawala ka rin.”
At doon ko naramdaman ang bahagyang paggalaw ng kanyang mga daliri.
“Dad?”
Dumilat siya nang marahan, tila hirap pa sa pagbangon.
“Anak… bakit ka umiiyak? ”
Hinawakan niya ang pisngi ko nang palambing.
“Ayos na ako. Huwag ka nang umiyak.”
“Nag-aalala ako, Dad. Natatakot ako para sa’yo.”
Umupo siya nang bahagya, pinilit tumatag.
“Pasensya ka na, Iha. Hindi ko inaasahan na mangyayari ito.”
“Kaya nga, Dad… itigil mo na ang negosyo natin. Delikado na. Kung magpapatuloy ka, baka tuluyan mo nang ikapahamak ito.”
Umiling siya, malungkot pero matigas.
“Anak… kahit tumigil pa ako, hindi na ako ligtas. Kamatayan pa rin ang hahabol sa akin. At kung wala akong iiwanang tagapagmana, mas lalo kang malalagay sa panganib.”
Napasinghap ako, may malakas akong kutob, pero ayaw ko sanang marinig.
“Ano ang ibig n’yo sabihin, Dad? ”
Tumingin siya nang diretso, puno ng bigat ang mga mata.
“Ikaw ang nag-iisa kong anak. Ikaw ang magmamana ng lahat ng ito. Ikaw ang mafia princess, Iha.”
Nalaglag ang puso ko sa sinabi niya.
“Hindi ko ‘yan tatanggapin.”
“Wala tayong pagpipilian. Batas itong samahan—hindi natin puwedeng talikuran. Kung gusto nating mabuhay, kailangan mong gampanan ang tungkulin mo.”
Nanginginig ang kamay ko.
“Pero, Dad… hindi ito ang buhay na gusto ko.”
Pumikit siya, tila pilit nilalamon ang emosyon.
“Kaya nga hinihiling kong pumayag ka sa isa pang bagay.”
Kinabahan ako.
“Ano na naman po iyon? ”
“Kailangan mong magpakasal kay Dominic de Carpio.”
Parang sumabog ang dibdib ko.
“Dad! Hindi ko mahal ang taong ‘yon! ”
“Matututuhan mo rin.”
Puno ng katigasan ang boses niya.
“Tapat siya sa samahan. Nagmula sa maayos at makapangyarihang pamilya. Siya lang ang nakikita kong makakapagprotekta sa’yo at makakapagpangalaga ng pwersa natin.”
Umiling ako nang paulit-ulit, halos hindi makahinga.
“Dad… gusto ko ng sariling pamilya. Yung pipiliin ko, hindi yung ipipilit sa akin.”
“Anak… minsan hindi puso ang dapat masunod kundi tungkulin.”
Napayuko ako, halos madurog ang kaluluwa ko.
“Ikaw lang ang meron ako,” dagdag niya.
“Alam kong hindi mo ako bibiguin.”
At iyon ang tumapos sa lakas ko.
Tumayo ako, binitiwan ang kamay niya, at naglakad palabas nang hindi lumilingon. Habang pababa ako ng hagdan, ramdam ko ang panginginig ng tuhod ko. Hindi ko alam kung galit ba, takot, o sobrang sakit.
Sa baba, nasalubong ko ang isang ginang na mukhang nasa edad sisenta. Ang mga mata niya ay puno ng kabaitan na tila kakilala ko pero hindi ko agad matandaan.
“Hindi mo ba ako natatandaan, Iha? ”
Napakunot-noo ako.
“Sino kayo? ”
Ngumiti siya nang malumanay.
“Ako si Ester. Yung nag-alaga sa’yo noong bata ka pa.”
Nanlaki ang mata ko.
“Yaya Ester? ”
“Ako nga, anak. Ang laki-laki mo na.”
Niyakap ko siya nang mahigpit habang bumuhos muli ang luha ko.
“Akala ko hindi na kita makikita. Akala ko iniwan mo na kami…”
Hinaplos niya ang buhok ko.
“Hindi ko na nga sana balak bumalik, anak. Mula nang mamatay ang anak ko—ang kapatid mo—nawala ako sa sarili. Nagpalaboy-laboy ako, walang direksyon. Pero nakita ako ng iyong ama, at tinulungan niya ako bumalik sa tamang pag-iisip.”
Lalo akong napaiyak.
Hindi ko alam na gano'n pala ang pinagdaanan niya.
“Binigyan niya ulit ako ng tahanan at pagkakakitaan. Kaya bumalik ako para manilbihan ulit dito.”
Habang nag-uusap kami, napatingin ako sa malaking portrait ng Mama sa dingding. Nakasuot siya ng puting gown, may malambing na ngiti, at tila may liwanag sa kanyang mga mata.
Lumapit ako at hinawakan ang frame.
Parang naramdaman ko ang init ng pagmamahal na hindi ko man lang naranasang personal.
“Kamukha mo siya,” sabi ni Yaya Ester.
“Sayang at maaga siyang nawala dahil sa panganganak sa’yo.”
Napatingin ako sa kanya.
“Fixed marriage din ba sila ni Daddy? ”
“Oo. Pero minahal ng Daddy mo ang nanay mo. Kahit nagkaroon siya ng ibang babae noon, hindi niya inalis ang portrait na ito. Para sa kanya, walang hihigit sa sakripisyo at pagmamahal ng mama mo.”
Hindi ko napigilang mapahawak sa dibdib ko.
Dahil sa narinig ko doon ko lang naisip na kaya ako pinipilit ni Daddy. Na magpakasal ay umaasa siya na matutunan ko rin mahalin ang tao nais niya para sa akin.