Habang masaya kaming nag-uusap ng mga kaibigan ko, dumating na rin ang aming mga pagkain.
Isa-isa nila iyong ibinaba sa aming table, at nang matapos ay yumuko sila sa aming harapan na may ngiti sa kanilang mga labi.
“Enjoy your meal, ma’am, sir,” nakangiting wika nila sa amin, kaya tumango na lamang ako.
Hindi nagtagal ay sinimulan na rin namin ang aming pagkain.
Agad akong napatango nang malasahan ko ang napakasarap na pagkain. Matagal na rin kasi mula nang huli akong kumain ng Filipino food kaya panibago ito sa aking panlasa.
“Is everything okay with your food? ” tanong ng waitress sa’kin.
Kita ko na medyo kinakabahan ito dahil hindi ako agad nakapagsalita.
Agad akong ngumiti nang malunok ko ang pagkain, at nakita ko sa mukha niya na para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib.
“Yes, masarap ang pagkain ninyo dito,” nakangiti kong tugon sa waitress, at agad siyang napangiti.
“Thank you, Ma’am,” nakangiting sabi nito.
“Ma’am, I’ll just go to the counter area. If you need anything, just call me.”
“Okay, thank you,” sagot ko bago siya umalis sa aming harapan.
Pagkaalis niya ay muli naming sinimulan ang pagkain habang masaya pa ring nag-uusap.
Hindi nagtagal ay natapos na rin kami kaya agad akong tumawag ng waitress upang ipaayos ang aming bill.
Hindi naman siya kalayuan kaya madali niya kaming narinig.
Nang makalapit siya ay narinig namin ang malambing nitong tinig.
“Would you like to check the bill now? ” tanong nito.
“Yes, please,” nakangiti kong tugon.
Agad siyang tumango at nagpunta sa counter area para kunin ang bill. Pagbalik niya ay dala na niya ito, kaya agad ko iyong kinuha at inabot ang black card ko—bagay na ikinagulat niya.
Bihira lang kasi ang nagkakaroon ng ganoong card, at kadalasan ay mayayaman lang na kagaya ko ang nagkakaroon ng ganoon.
Kita ko ang labis niyang pagkamangha nang makita iyon.
Agad siyang tumalikod at nagpunta sa counter para i-swipe ang card ko, at pagbalik niya ay dala na niya ang resibo.
“Thank you, ma’am, sir. Have a great day,” nakangiti niyang wika, kaya sinuklian ko rin iyon ng ngiti.
Matapos mabayaran ang bill ay niyaya ko na sila na lumabas ng restaurant para makauwi na. Sobra na rin ang pagod ko kaya nais ko na rin magpahinga.
Agad silang nagsipasok sa kani-kanilang sasakyan at umalis. Nang makaalis na sila ay saka ako sumakay sa aking sasakyan.
Hindi nagtagal ay may paparating na magarang sasakyan.
Isang gwapong lalaki ang biglang lumabas, at aaminin ko—napakalakas ng dating nito. Maganda ang tindig niya at halatang galing sa marangyang pamilya.
May kasama siyang magandang babae na hindi ko maitatangging perpekto ang mukha at katawan nito.
Ganoon pa man, hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagpisil ng lalaki sa matambok na puwitan ng babae.
Napairap ako at napailing dahil pakiramdam ko ay nabastusan ako. Nasa public place kami at maraming nakakakita sa ginawa niya.
Sa inis ko ay naisipan ko na lang umalis.
Nang malapit na ako sa lalaki ay bahagya ko siyang pinahagingan gamit ang sasakyan ko, dahilan para mainis siya.
“F*ck, mag-ingat ka nga! ” sigaw nito dahil muntikan ko na siyang masabitan.
Agad kong hininto ang sasakyan nang marinig ko ang sigaw niya. Kita ko ang galit sa mga mata nito.
Lumapit siya at malakas na hinampas ang likurang bahagi ng kotse ko.
“Hoy! Lumabas ka nga diyan! ” galit niyang sigaw—na lalong ikinangiti ko. Kita kong naiinis na siya.
Kaya mas lalo ko pa siyang ininis. Agad kong pinaandar ang sasakyan at siniguradong mabubugahan ko siya ng usok.
Natawa ako nang halos mapaubo siya sa lakas ng usok.
Mabilis kong pinatakbo ang sasakyan habang sunod-sunod ang mura niyang naririnig ko.
Hindi ko mapigilang matawa sa reaksyon niya, lalo’t gigil na gigil siya sa akin.
Iyon kasi ang pinakaayaw ko—ang mga taong walang pakundangan sa public place. Kahit lumaki ako sa abroad na puno ng liberated na tao, hindi ko pa rin kayang masanay sa public display of affection.
Ewan ko ba. Siguro dahil hindi pa ako nagkaka-boyfriend kaya affected ako kapag may nakikita akong naglalambingan sa harap ko.
Sa totoo lang, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko kung ano bang mali sa akin. Sa edad kong 25, wala pa rin akong boyfriend.
Maganda naman ako at sexy, kaya nagtataka ako kung bakit walang nagkakainteres.
Siguro dahil hindi ako kagaya ng iba kung kumilos at manamit. Hindi kasi ako mahilig magsuot ng sexy outfits kahit maganda naman ang katawan ko. Mas komportable ako sa pantalon at sando.
At wala rin akong arte sa mga lakad ko; parang pangkaraniwang tao lang ako.
Sa lalim ng pag-iisip ko, hindi ko namalayang nasa harap na pala ako ng aming bahay.
Agad bumungad ang napakataas na gate. Nang bumukas iyon ay laking gulat ko nang sinalubong ako ng napakaraming kalalakihan na may hawak na armas.
Napakunot ang noo ko kaya agad akong bumaba.
“Ano’ng nangyayari dito? ” tanong ko.
“Señorita, kayo po pala. Buti nakabalik kayo nang ligtas.”
“Bakit? May nangyari ba? ”
“Opo, señorita. Kanina po may nagtangka sa buhay ng daddy ninyo.”
“What? Ano nangyari kay Dad? Kamusta na siya? ”
“Maayos na po ang lagay niya. Nasa silid na po siya ngayon at nagpapahinga.”
Pagkarinig ko noon ay nagmadali akong ipasok ang sasakyan sa garahe at agad bumaba para puntahan siya sa silid.
“Panginoon ko… bakit kailangan mangyari ito? Bakit hindi matigil ang gulong ito? Noon pa man ay tutol na ako sa negosyo ng pamilya namin. Simula nang mawala ang kapatid ko, ayoko nang may mawala pa sa buhay ko. Pero kahit anong pigil ko sa masamang gawain ni Daddy, ayaw niya itong bitiwan.
Kahit anong tago ko sa aking pagkatao, lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan—hindi ako pangkaraniwang tao. Ang ama ko ay isang mabagsik na Mafia.
Isa akong bilyonaryo, pero pinipilit ko pa ring maging isang simpleng tao.
Sa totoo lang, ayokong yakapin ang pagiging isang Miller dahil alam ko kung saan nagmumula ang kayamanan namin.
Isa kami sa pinakamayayaman sa mundo, at napakarami na naming tauhan sa iba’t ibang panig ng mundo.”