“ANO’NG ginagawa mo?” si Ingrid kasunod ang biglang pagbawi ng kamay na pasimpleng hinawakan ni Zeus. Nasa rest house siya ng pamilya nito. Kinabukasan na iyon. Nag-aya si Zeus na lumipat siya sa kabilang bahay. Pag-uusapan raw nila ang tungkol sa dramang pinaplano nito. Lumipat siyang dala ang sariling almusal. Paraan niya iyon para may ibang mapagbalingan. Hindi niya gustong nakatuon lang kay Zeus ang kanyang buong atensiyon. Mahina pa ang sikat ng araw kaya pinili niyang makipag-usap sa labas—sa garden set. Kape naman ang dala ni Zeus nang samahan siya roon. Akala niya, marami pa silang pag-uusapan ‘yon pala, may masamang balak si Zeus sa almusal niya! Nagtapos silang ang lalaki ang umubos ng dala niyang almusal at siya naman ang umubos sa kape nito!

