Three

1386 Words
Eleven years later... NAKATITIG sa labas ng bus si Ingrid sa mahabang sandaling lumipas. Hindi man lang nabawasan ang bigat sa dibdib niya. Biglaan niyang iniwan ang Maynila. Hindi niya gustong manakit—lalo na ng isang kaibigan kaya mas pinili niyang lumayo na lang. Hindi rin niya alam kung paano niya titingnan ng diretso si Elton sa mga mata na hindi siya masasaktan kaya biglaan siyang nagdesisyon nang hindi masyadong nag-iisip. Nasa iisang condo unit sila ni Leida kaya sigurado siyang kung hindi siya aalis ay mapipigtas ang pagtitimpi niya. Mapagsasalitaan niya ito ng masama or worst baka sabunutan at ingudngod niya sa semento. Ang sakit ng ginawa ni Leida. Alam nito na gusto niya si Elton, ang nag-iisang lalaking espesyal sa puso niya. Sa kolehiyo pa lang ay magkaibigan na sila kaya nga ipinagkatiwala ni Ingrid maging ang lihim niyang damdamin kay Elton. Hindi nagbanggit si Leida nang kahit ano tungkol sa damdamin nito kaya hindi sumagi kahit sa panaginip ng dalaga na si Elton rin pala ang tinutukoy nitong lalaking hindi raw nito hahayaang mapunta sa iba. Hindi pinangalanan ni Leida ang lalaking binanggit kaya naisip niyang isa sa mga manliligaw nito. Halos limang taon na niyang kaibigan si Leida. Magkasama sila sa bahay at magkasosyo rin sa negosyo. Nagsimula sila bilang online seller ng mga damit pambabae. Teens to mid-age women ang target market nila na nasa kategorya ng B and C bracket. Nakilala sila online hanggang nagtayo sila ng sariling store. Si Leida ang namamahala sa Finances at Marketing, siya naman ang Designer at head ng production. Kasabay ng pagbubukas nila ng isa pang branch ay kumuha pa sila ng dagdag taong makakatulong niya. Akala ni Ingrid ay habang-buhay na ang pagkakaibaigan nila ni Leida. Hindi niya naisip na darating ang isang araw na ipaparamdam nito sa kanya na sa tagong tailoring house lang siya bagay—sa hindi nakikita ng tao. At ito ang bagay na nakabalandra ang ganda. Matagal na niyang alam na ordinaryong babae lang siya at wala sa kanya ang appeal at confidence na taglay nito... Pagod si Ingrid sa buong maghapong trabaho kaya naisipan niyang magpalipas muna ng oras sa malapit na ice cream house. Ice cream ang pang-tanggal pagod niya. Tuwing ginagawa niya iyon pagkatapos ng trabaho ay may energy na siya pauwi. Sa tapat ng Ice cream house ay coffee shop na paborito namang pinupuntahan ni Leida. Kung ice cream ang comfort food niya, ang kaibigan naman ay kape. Si Elton ang iniisip ni Ingrid habang ninanamnam niya ang tamis ng ice cream. Ang ngiti ni Elton ang nakikita niya. Supplier nila ito ng tela. Madalas na nakikipagkuwentuha sa kanya tuwing may deliveries. Unti-unti niyang napansin ang lalim ng pagkatao nito. Nagustuhan niya at habang tumatagal ay mas napapalapit siya sa lalaki. Nag-confess siya kay Leida ng lihim na damdamin kay Elton. Pinakinggan nito ang mahabang oras niyang pagkukuwento. Hindi siya humingi ng advice kaya naisip niyang iyon ang dahilan kaya wala rin itong sinabing kahit ano. Pinakinggan lang talaga siya nito. Sa huli ay binanggit ni Ingrid kay Leida na aaminin na niya kay Elton ang totoong damdamin. Seryoso siya roon at ilang linggo na niyang pinaghahandaan ang gagawing confession. Paghahandang masasayang lang pala dahil sa nakita niyang eksena sa coffee shop—sina Elton at Leida, masayang nag-uusap. Pag-uusap na humantong sa halikan, tanawing nagpahinto sa ikot ng mundo ni Ingrid. Daig pa niya ang ibinabad sa mainit na tubig pagkatapos ay inilublob naman sa drum ng niyebe. Pakiramdam niya ay mas masakit pa ang eksenang iyon kaysa sa literal siyang sinaksak ni Leida nang diretso sa puso. Alam nito ang tungkol sa damdamin niya. Paano nagawa ni Leida na hindi man lang magbanggit nang kahit ano sa kanya? Sa ginawa nito ay ipinaramdam lang sa kanya kung gaano sila nagkakalayo ng agwat sa pisikal na katangian. Alam niya iyon pero hindi siya handa sa impact. Isang bahagi niya ay nadurog. Pakiramdam ni Ingrid ay ang liit liit niya at ang pangit pangit niya kompara kay Leida. Pinatunayan lang ng babae na kaya nitong makuha sinumang lalaking gustuhin nito samantalang siya ay mananatiling tila anino lang nito—gaya ng papel niya sa negosyo nila. Si Leida ang kilala ng lahat ng customers bilang may-ari at designer at siya ay hamak na mananahi lang. Walang kaso iyon sa kanya. Mas mahalaga para kay Ingrid na makilala ang store at umunlad silang pareho kaysa sa recognition. Ngunit nang sandaling iyon na pabigat nang pabigat ang dibdib niya, pakiramdam ng dalaga ay malaking bagay ang ninakaw ni Leida sa kanya mula pa nang binuksan nila ang GN-X clothing. At bukod sa malaking bagay na iyon, inagaw na rin nito sa kanya ngayon ang nag-iisang lalaking ginusto niya. Hindi gustong umiyak ni Ingrid pero hindi niya napigilan ang sunod-sunod na patak ng luha. Masidhing awa sa sarili ang naramdaman niya. Pagsapit ng gabi ay hindi siya nakatulog. Dalawang araw siyang hindi pumasok. Umalis siya ng condo para pag-isipan ang lahat. Bago siya bumalik ay nakapag-desisyon na siya. Kinausap niya si Leida. Inilabas niya lahat ng nasa loob. Hindi niya nais kimkimin iyon. Inamin ng dalaga na hindi siya komportableng kasama ito sa bahay at sa negosyo. Nagkibit balikat lang si Leida, sa anyo ay walang anuman ang lahat, maging ang pagkalas niya bilang Industrial partner nito. Nakaangat pa ang kilay ng sabihing makakakuha ito ng mas mahusay kaysa sa kanya. Nang araw rin na iyon ay inabutan siya nito ng tseke na pirmado na—nasa halagang iyon na raw ang lahat lahat ng share niya sa GN-X Clothing. Kinabukasan ay nagisnan ni Ingrid ang isang dokumento na naghihintay ng pirma—ang katunayan na wala na siyang kahit anong karapatan sa lahat ng tungkol sa GN-X. Pinirmahan ni Ingrid ang dokumento at nang araw na iyon rin ay umalis siya bitbit ang lahat ng gamit. Pagkatapos ng ilang araw na pilit niyang nililibang ang sarili sa kapaligiran ay natagpuan niya ang sariling nasa bus pauwi ng Pulosa. Umaasa siyang sa tahimik na town, at sa kalinga ng mga kadugo ay maibabalik niya ang bahagi ng pagkatao na nawala sa kanya. Umaasa si Ingrid na mabubuo uli ang tingin niya sa sarili sa mga susunod na araw... Sumandal si Ingrid sa backrest ng upuan at mariing ipinikit ang mga mata. Tuwing uuwi siya ng Pulosa ay nagbabalik sa isip ang kanyang kabataan, pero nang sandaling iyon ay walang alaalang sumagi sa isip niya. Sina Elton at Leida sa coffee shop ang nakikita niya sa diwa. At wala siyang ibang nararamdaman sa dibdib kundi bigat na hindi nawawala. Hindi sigurado ng dalaga kung magagawa pa niyang hayaan ang sariling makaramdam ng espesyal sa isang lalaki. Kasabay kasi ng sakit ay takot na ang nasa kanyang dibdib. Takot na dala ng isiping makatagpo man siya ng isa pang Elton ay makakatagpo rin iyon ng isang Leida—babaeng mas higit sa kanya sa lahat ng aspeto. Ayaw na niyang kaawaan uli ang sarili kaya hindi na siya maghahangad ng bagong Elton. Ang pagtutuunan niya ng pansin ay ang pagsisimula uli pagkatapos ng mga linggong ilalagi niya sa Pulosa. Sapat ang halagang hawak niya para magsimula ng isang bagong negosyo. Kailangan niyang gawin iyon para sa sarili. Kailangan niyang kayaning mag-isa o mas patutunayan lang niya sa sariling talunan siya sa lahat ng bagay. Bitbit ang mga gamit, tumayo si Ingrid para bumaba na sa bus. Napansin niya ang isang pink na bagay sa katapat na upuan. Pink journal? Hindi sana papansinin ni Ingrid ang notebook pero nakuha ng bagay sa cover ang atensiyon niya—pulang puso na hati sa gitna. Napahagod siya sa sentido. Pati ba naman simpleng naiwang notebook, ipinagsisigawan ang kalagayan ng puso niya? Natagpuan ni Ingrid ang sariling kinuha ang pink notebook. Tinanong niya ang konduktor kung napansin ang nakaupo sa tapat niya. May babaeng itinuro ang konduktor. Pagkababa ay tinawag ni Ingrid ang babae para ibigay ang pink notebook. "Hindi sa akin 'yan," ngiti ng babaeng itinuro ng konduktor kay Ingrid at itinuloy na ang paglayo. Nagkibit balikat na lang siya at inilagay sa bulsa ng bag ang pink notebook. Hindi naman siguro listahan ng isang sindikato ang laman nasa loob na manganganib ang buhay niya kapag itinago iyon. Sa bahay na niya iche-check. Kung may contact number, tatawagan niya para ibalik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD