Two

1775 Words
2004. Summer. Pulosa "ANG tagal naman, gutom na ako..." Palakad-lakad si Ingrid sa balkonahe ng bahay ng Tiyo Monching at Tiya Precy niya. Si Monchito Alemaria ay kapatid ng kanyang ama. Sabay na namatay sa aksidente ang mga magulang niya. Nahulog sa bangin ang bus na sinasakyan ng mga ito. Walang nabuhay. Anim na taong gulang siya noon. Mula sa edad na iyon, ang mag-asawang Tiyo Monching at Tiya Precy na ang tumayong mga magulang ni Ingrid. Ang nag-iisang anak ng mga ito na si Percival ay naging Kuya Val niya. Mula nang dumating si Ingrid sa poder ng mga ito ay pilit na siyang ginagawang 'lalaki' ni Kuya Val para maging kalaro nito sa baril-barilan at tumbang-preso. Pinasusuot rin nito sa kanya ang mga pinaglumaang damit. At noong minsang nagpagupit ng buhok ay isinama siya—pinagupitan siya na katulad ng gupit ng buhok nito. Marami ang nagsasabing malaki ang pagkakawig nila ni Kuya Val kaya ang resulta, mukha siyang nakababatang kapatid—na lalaki ni Kuya Val. At 'Go' o Inggo sa halip na 'Ingy' ang endearment nito sa kanya. Napatili si Tiya Precy nang makita si Ingrid pagkauwi nila. Hinayang na hinayang ito sa mahaba at tuwid na tuwid niyang buhok. Ang Tiyo Monching niya naman ay naaaliw na humalakhak. Tatlo na raw silang lalaki sa pamilya. Ngumisi naman si Kuya Val at tulad ng pangako nitong kapalit ng pagiging magka-'buddy' nila, araw araw na libre ang paborito niyang merienda. Limang minuto nang late ang naglalako ng merienda na si Manang Juaning. Suki siya nito ng camote cue. Walang araw na hindi siya bumibili kaya kahit may mga nauuna na sa kanya ay lagi siyang may 'reserved'. Hindi buo ang araw niya sa Pulosa—na noong panahon raw ng mga ninuno nila ay tinatawag iyon na Pulo Sa Silangan—ang tahimik na bayang nilipatan niya matapos siyang maulilang lubos. Mayamaya lang ay natanaw na ni Ingrid si Manang Juaning sakay ng tri-bike. Malayo pa ay nakangiti na ang matanda. "Ginutom n'yo naman ako, Manang Juaning," salubong niyang nakangiti nang huminto ang tri-bike sa tapat ng bahay nila. Nabura rin ang ngiti ni Ingrid nang makita niyang wala ni isang tira sa camote cue. Turon at pancit na lang ang paninda nito. "Wala na po ako?" bigla siyang nalungkot. Nadoble yata ang gutom niya. "Hindi ka ba binigyan ni Zeus?" Agad napasimangot ni Ingrid pagkarinig sa pangalan. Si Zeus De Villar ang tinutukoy ni Manang Juaning. Si Zeus ang bagong kaibigan ni Kuya Val. Bagong lipat ang pamilya nito sa Pulosa. Maglilimang buwan pa lang pero ang mag ninuno nitong De Villar ay kilala sa Pulosa. Sa lahat naman ng puwedeng maging kapitbahay nila ay ang bruho na iyon pa ang naging anak ng bagong lipat sa kabila. Mababait ang mga magulang nito pero si Zeus? Ah! Ubod lang naman ng yabang! Mas bagay na pangalan nito ang 'Horse' dahil sing-taas ng sipa ng kabayo ang kayabangan nito. Kung makaasta, parang ito na ang pinakaguwapong teenager sa buong Pulosa. Nakakainis lang dahil guwapo nga ang bruho. Pero kahit ganoon, hindi nito dapat sinasapawan ang mga binatilyo sa Pag-asa at sa buong Pulosa. Sikat ang mga ninuno kaya matunog agad ang pangalan nito. Sa tingin ni Ingrid ay nililigawan ni Zeus lahat ng magagandang babaeng kaedad nito—pati mga babaeng may mga may nanliligaw nang iba. Nakikipag-kompetensiya sa lahat ang bruho, at dahil guwapo nga at bagong mukha, nag-uunahan yata sa pagsagot ang mga babaeng sabay-sabay na nililigawan nito! Si Ingrid lang ang hindi nito pinapansin dahil nga 'lalaki' siya. Wala siyang pakialam sa trip nito pero ngayong pinakialaman na ni Zeus ang nag-iisang kaligayahan niya sa hapon—ang camote cue moment niya ay malalagot na sa kanya ang isang iyon. "Si Zeus?" susog ni Ingrid. "Bakit ako bibigyan ni Zeus, Manang?" "Si Zeus ang umubos sa lahat ng tinda kong camote cue, Ingy," Ingy—na ang bigkas ay 'En-ji' ang palayaw niya. "Sinabi ko nga na hindi na niya puwedeng bilhin 'yong dalawang stick dahil itinitira ko talaga sa 'yo pero kinuha pa rin. Siya na lang daw ang magbibigay sa 'yo tutal ay papasyal rin naman siya rito sainyo." Napailing-iling ang matanda. "Mukhang naharang ng magagandang dalagita diyan sa daan kaya hindi na umabot sa 'yo." "Hindi kayo dapat nagpapaniwala sa isang 'yon, Manang Juaning. Uunahin talaga ng bruhong 'yon ang pambobola sa mga babae niya. Sa susunod po, sa akin n'yo lang ibibigay 'yong para sa akin." Parang gusto niyang maiyak. Nagugutom na talaga siya at hindi niya gusto ng tinapay, turon o pansit. Camote cue lang talaga ang gusto niya at malamig na tubig o kaya ay buko juice. "Pasensiya na, Ingy, ha? Hayaan mo at babawi ako bukas." Malungkot na tumango siya. "Sige po, salamat na lang. 'Pag nakita n'yong pakalat-kalat si Zeus, pakitusok ng stick." Natawa si Manang Juaning. Pagkaalis nito ay pabagsak na naupo si Ingrid sa balkonahe ng bahay. Binubugbog niya sa isip si 'Horse'. Ini-imagine niyang pulos latay ang buong katawan ni Zeus habang ngumunguya ng camote cue. Ang sarap talaga nitong tusukin ng stick! Panay ang buntong-hininga ni Ingrid nang mga sumunod na sandali. Bagsak ang mga balikat na parang binagsakan ng mundo. "O, bakit mukha kang namatayan, 'Go?" Ang pamilyar na boses ng pinsan. Pilit talaga siya nitong ginagawang lalaki pati sa palayaw. Twelve years old siya, sixteen naman ang pinsan. Magka-edad ito at si Zeus. "Gutom na kayo, Kuya Val," nagpapaawang sagot ni Ingrid, hindi niya ito nilingon. Nakatutok ang tingin niya sa papalayong si Manang Juaning. "Wala akong merienda ngayon..." "Kaya nga dinalhan kita, 'Go." Napatuwid ng upo si Ingrid pagkarinig sa nagsalita. Walang ibang nakiki-"Inggo" kay Kuya Val kundi si 'Zeus the horse'. Paglingon ng dalagita ay nakita niyang kasama nga ng pinsan ang lalaking binubugbog niya sa isip kanina lang. "O, merienda mo. Huwag ka nang malungkot diyan!" Si Zeus, inabot sa kanya ang limang stick ng camote cue. Hindi siya natuwa. Alam niyang medyo chubby siya. Hindi nito kailangang ipamukha sa kanya na matakaw siya! Matalim niyang sinulyapan si Zeus. Hindi nga ito nagsasalita ay nilalait naman siya nang hindi lantaran. Nadagdagan ang disgusto niya sa bruho. Kung hindi lang talaga isang linggo na ang gutom niya sa camote cue nang sandaling iyon ay nunca na tanggapin niya ang camote cue! "Hindi ako sing-takaw ng iniisip mo, hoy!" singhal niya, inirapan si Zeus. "Akin na nga 'yang dalawang stick!" "Hindi ko naman sinabing ubusin mo lahat," sagot naman ni Zeus, sa anyo ay parang gusto pa siyang pagtawanan. "Kina Tito at Tita!" ang mga Tiyo at Tiya niya ang tinutukoy nito. "Ikaw lang ba ang tao sa bahay na 'to?" Lalong nainis si Ingrid. Hindi niya maintindihan kung bakit negatibo ang dating sa kanya nang kahit anong sabihin ni Zeus. Inirapan niya ito at halos hablutin niya mula sa kamay ang dalawang stick ng camote cue. "Hayan, bayad ko! Sa susunod, huwag mong pinakikialaman ang naka-reserve sa akin." Aktong ibabato niya rito ang pera na hindi na niya nagawang itinuloy dahil tinalikuran na siya ng bruho. Ibinunton na lang ni Ingrid sa pagkain ang inis kay Zeus. Nagtutunugan ang bagang niya sa pagnguya. Hindi niya namalayang naubos agad niya ang isang stick. Nilalantakan na niya ang isa pa nang bumalik ito sa balkonahe. "Ilang araw ka bang hindi kumain, Inggo?" Lalo siyang nainis. Ang Kuya Val niya lang ang may karapatang tumawag sa kanya ng 'Inggo' dahil naging endearment na iyon sa kanya ng pinsan. Hindi niya maintindihan kung bakit kapag si Zeus na ang bumigkas niyon ay pakiramdam niya ang pangit pangit niya. "Eh, sa gutom ako, ano ba'ng pakialam mo?" matalim parin ang sulyap niya rito. "Kahit lunukin ko pati stick nito, wala kang pakialam—" "Ganoon katindi ang gutom mo?" namimilog pa ang mga matang susog ni Zeus. "Pati stick hindi mo patatawarin?" ilang segundong umawang ang bibig nito na para bang na-shock talaga pero mayamaya ay ngumisi na. Naningkit ang mga mata ni Ingrid. Binato niya ng stick si Zeus na kaagad nailagan nito. Tinawanan siya. Lalong napikon ang dalagita. "Bakit ba ganyan ka lagi?" tanong ni Zeus "Nag-iiba agad ang mood mo 'pag nandito ako? Parang gusto mo akong patayin sa tingin lang. Wala naman akong maalalang masamang nagawa ko, 'Go—" "Tigilan mo ang kaka-Inggo sa akin!" singhal ni Ingrid. Sila lang ang nasa balkonahe kaya malaya siyang makipag-away. Hindi na sumagot si Zeus. Tinitigan siya nito na parang may dumi siya sa mukha. Mayamaya pa ay nawala na ang ngisi. Pati tingin nito ay seryoso na...at napansin niyang mas guwapo ang bruho kapag ganoong hindi nagloloko o nagpapa-cute. Parang ang mature na ng dating nito kahit kaedad lang naman ni Kuya Val. "Galit ka ba sa 'kin?" "Oo!" singhal ni Ingrid. "Kaya huwag kang naglalalapit sa akin kung ayaw mong tusukin kita ng camote cue stick!" "Oh. May I know why?" "Hindi ko gusto ang mga tulad mo. Inis ako sa mga gaya mong—" "Gaya kong guwapo at mabait?" agaw nito. "Naiinggit ka ba sa looks ko o may pinormahan akong crush mo kaya mainit ang dugo mo sa akin?" Hindi na siya basta galit kay Zeus. Kinasusuklaman na niya ang pagmumukha nito ngayon. Inabot niya ang baso ng buko juice sa harap at sunod-sunod ang lagok na ginawa para malamigan ang nag-iinit niyang ulo. "O baka naman crush mo lang ako tulad ng lahat ng babae rito, 'Go?" nginisihan na naman siya. Kung hindi lang napigil ni Ingrid ang sarili ay tinapunan na niya ang pagmumukha nito ng buko juice. "Hindi ka guwapo sa paningin ko!" nanggigigil na hiyaw ni Ingrid. "Mukha ka kayang kabayo! Bawasan mo 'yang sobrang hangin sa katawan mo! Wala ka kahit one fourth man lang sa charm ng crush ko! Ang yabang mo!" hindi na nag-isip na bulyaw niya. Pakiramdam ni Ingrid ay maaatake siya sa puso kung hindi niya naisigaw iyon. Nagawa pa tuloy niyang magsinungaling na may crush siya kahit wala naman talaga. Nag-martsa siya palayo kay Zeus. "Ingy!" Awtomatikong huminto ang mga paa niya. Hindi niya matandaang tinawag siyang 'Ingy' ni Zeus. Nakiki-'Inggo' ito sa Kuya Val niya. Lalaki rin ang turing nito sa kanya tulad ng pinsan. Para siyang robot na nag-about face—para mapatanga lang nang makitang nasa harapan na niya si Zeus. Mahigpit na hinawakan nito ang mga braso niya. Sa gulat, hindi nagawang tuminag ni Ingrid. At naramdaman niya ang biglaang halik sa mga labi niya! Nanigas sa gulat si Ingrid. Sinira ng 'kabayo' ang pangarap niyang pang-fairy tale na first kiss—at iyon na rin ang huling sandaling nakita niya si Zeus De Villar sa Pulosa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD