"Alam mo ba, Mrs. Shania?" Sabi ni Charles kay Shania sa lasing na boses.
Sobrang dami na nilang nainom at heto sila ngayon, sobrang kukulit. Kanina pa kami nandito at sa tingin ko ay mag-aala una na at malapit nang magsara itong bar. Kanina ko pa gustong umalis dito at umuwi na kasama si Shania pero todo pigil sila sa amin. At ito namang kasama ko wala ring imik. Hindi kaya napapanis na ang laway nito?
Muli kong naalala iyong ginawa niya kanina when Warren grabbed me. Ang cool niya sa ginawa niyang pagligtas sa akin kahit wala siyang imik at ang cold pa rin. Maging si Warren nga ay natulala na lang sa ginawa ng asawa ni Kuya. Nagpapaka-sister-in-law na ba siya sa akin?
"'Yang si Savien. Sus!" Tuloy ni Charles at nasapo nito ang kanyang ulo, "first love ko 'yan, kaso iyong hinayupak na si Warren ang gusto niya," tumingin siya sa akin, "don't worry, Sav. Move on na ako sa 'yo at may iba na akong gusto," tinaas niya ang isang bote ng alak at tinuro ito, "kita mo 'to? Mahal na mahal na mahal ko 'to at sigurado na ako sa kaniya. Mas masarap pa itong kalaplapan," napailing-iling ako nang uminom siya mula sa boteng hawak niya at hinalikan ito na tila bibig ng isang tao.
"It's already 1. Hindi pa ba tayo uuwi?"
Napatingin ako sa katabi ko, she's looking at me with her bored and cold eyes. Nakainom na siya at lahat hindi pa rin nagbabago 'yung mga titig niya, the way she talk. Ganoon pa rin.
Tatayo pa lang sana ako nang pigilan na naman ako ni Rafael, "Hoy, Sav. Ano? Iiwan mo kami dito?" Sabi nito at umiyak. Oo, totoong iyak, may luha pa nga.
Lasing na talaga silang lahat at hindi ko alam kung paano takasan itong mga bugok kong kabanda kasama si Shania. Nahihiya na rin ako kasi halatang gusto na niyang umuwi at hindi lang din siya makaalis.
"Do you know where they live?"
Muli akong napatingin kay Shania at tumango. Gusto niya bang ihatid namin itong mga kabanda ko sa mga lugar nila? Goodness, 'wag naman sana. Pwede naman naming iwan na lang sila rito.
"Let's go, ihatid na lang natin sila."
Tama nga si Kuya. Ang hirap manalo sa babaeng ito. Kung ano iyong gusto niya ay iyon na talaga. Hindi pa man ako nakakapagsalita sa sinabi niya ay umalis na siya at nagtawag ng bouncer at ilang waiter para tulungan kaming ilabas ang mga kasama namin at isakay sa sasakyan niya. Para na silang mga basura ngayon sa backseat at nagkukumpulan.
Imbes na mga lalaki ang umalalay sa mga babae sa inuman ay hindi, kabaliktaran iyon sa sitwasyon namin ngayon.
"Kaya mo pang magdrive?"
"Yes-"
"Okay," putol nito sa akin at binigay na sa akin ang susi. Pumasok na siya sa passenger seat without even looking at me.
Ang sungit talaga. Hindi ko na lang din pinansin iyong kasungitan niya dahil iniisip ko pa rin iyong pagtulong niya sa akin kanina at itong sitwasyon namin ngayon.
Iniisip ko ngayon kung saan ko sila dadalhin dahil kung ihahatid namin sila isa-isa sa mga bahay nila ay baka abutin na kami ng umaga. May headquarter kami pero malayo iyon at hindi na namin masyadong ginagamit kaya naging bodega na. Madalas sa bar na lang din kami nagprapractice. Napatingin ako sa rear-view mirror, kahit madilim ay kita ko ang mga kabanda kong tulog na.
Ah, tama. Doon na lang sila sa bahay nila Charles tutal ay medyo malapit naman na ito mula rito. Sana ay pumayag iyong daddy niya na doon muna pati mga bandmates namin para hindi na kami mahirapan pa.
Napatingin ako sa nasa passenger seat. Nakapilig ang ulo niya ngayon sa bintana at nakatingin lang ito sa labas, halatang inaantok na. Bakit ba kasi ang hihina ng mga bandmates ko pagdating sa inuman? Para silang hindi mga lalaki.
"You can sleep if you're already sleepy. I'll wake you up kapag nasa bahay na tayo," sabi ko sa kaniya pero ni hindi man lang ako nilingon, parang wala siyang narinig.
Bakit pa kasi ako nagsalita? Iyong pasensya ko sa kaniya ay pudpod na, inis na inis na rin ako sa kasungitan niya, pero wala rin naman akong magagawa. Siguro mamuti na buong mata ko sa karo-roll eyes sa kaniya ay wala pa rin siyang pakialam sa akin. Ibang klase.
"Wait for me here," paalam ko sa kaniya at lumabas na. Hindi ko na siya hinintay pang magsalita dahil alam ko namang wala rin akong mahihintay.
It's already 2am at hindi ko alam kung may magbubukas pa ba sa amin ng gate ng bahay nila Charles. Nakailang pindot na ako sa doorbell pero wala pa rin. Siguro nga tulog na silang lahat. Dapat kasi iniwan na lang namin sila sa bar, eh.
"Savien?"
Napatingin ako sa likuran ko, si Manong Henry, iyong driver ng dad ni Charles. "Hello po. Mabuti na lang at nandito kayo. Sila Charles po kasi," sabi ko rito at tinuro ang sasakyan ni Shania na nakaparada kung saan naroon ang mga walang kwenta kong bandmates.
"Bakit? Anong nangyari?"
Binuksan ko ang pintuan sa backseat. Umiiling-iling na lang si Mang Henry habang inaalalayan sila Charles. Nagtawag na rin siya ng kasama para mabilis silang maipasok dahil tulog na tulog na talaga sila at mahirap nang buhatin.
"Pasensya na sa abala, Sav. Hina talaga ng mga ito at babae pa ang naghatid sa kanila," sabi ng kapatid ni Charles na si Richard nang maipasok na silang lahat, "ingat sa pag-uwi, ha."
"Parang hindi ka rin naman mahinang uminom," natatawang sabi ko sa kaniya dahil minsan ko na rin siyang nakainuman at masasabi kong mas mabilis pa siyang malasing kaysa sa kapatid niya, "sige na. Aalis na kami," paalam ko at kumaway sa kaniya.
Muli akong napatingin kay Shania, she's already asleep. Iyong ibang buhok niya ay nasa mukha na nito. How can she sleep like that? Ang peaceful ng mukha niya pero parang nandoon pa rin iyong lamig at kasungitan niya, siguro dahil nakilala ko siyang ganon lagi.
Papaandarin ko na sana ang sasakyan nang makita kong hindi siya nakaseatbelt. Lumapit ako sa kaniya para ilagay iyon pero natigil ako nang gumalaw ito. Akala ko ay magigising siya pero hindi, nagbago lang iyong posisyon ng ulo niya pero tulog pa rin.
Hindi man sadya ay amoy na amoy ko talaga iyong pabango niya. Ang tamis ng amoy at sobrang bango. Nakita ko rin iyong maputi niyang leeg na tila nang-aakit. Shut up, Sav!
Napalunok ako nang mailagay ko na ang seatbelt niya. Napapikit ako nang marahan at pinaandar na ang sasakyan bago pa ako makapag-isip ng kung ano sa kasama ko ngayon.
"Sav, kanina pa kita tinatawagan. Ni hindi ka man lang sumasagot," nag-aalalang bungad ni Kuya nang makababa ako nang sasakyan, "nasaan si Shan?"
"Nasa passenger seat, tulog. Hindi ko namalayan iyong tawag mo, Kuya. Nakasilent iyong phone ko."
"Sige na, magpahinga ka na. Ako nang bahala rito."
Bago pumasok sa loob ng bahay ay napatingin muna ako kay Kuya na ngayon ay buhat na si Shania na tulog na tulog na. Siguro nga naparami rin iyong inom niya kanina kaya kahit binubuhat na siya ngayon ay hindi na siya magising-gising.
Napakasungit niya at naiinis ako sa kaniya but she's so interesting. Iba iyong personality niya. This is my first time seeing someone na napakaupredictable, sobrang sungit at cold, but at the same time cute at mukha pa ring inosenteng tignan.
Nang makapasok na sila Kuya ay pumunta na rin ako sa room ko at agad na binagsak ang sarili ko sa aking kama hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na ako.
Pagkagising ko kinabukasan ay naligo na muna ako bago bumaba para kahit papaano ay mawala iyong sakit ng ulo ko. Pagkababa ko ay agad kong nakita sa kusina si Kuya na naghahanda na ng almusal.
"Coffee?"
Tumango ako kay Kuya at naupo sa isang barstool habang tinitignan siyang nagtitimpla. Nang matapos ay lumapit siya sa akin at inabutan ako ng isang basong kape.
"Napapadalas na 'yang pag-inom mo, Sav."
Hindi ako umimik. Hindi ko naman kasi maiwasang hindi mag-inom lalo na't sa bar ako nagtratrabaho. Lagi akong inaakit ng alak kahit ayokong uminom.
"Oh, Shan, gising ka na pala. Coffee for headache?"
Napalingon ako sa tinitignan ni Kuya at halos maibuga ko ang iniinom kong kape nang makita ang suot nitong white long sleeve polo ni Kuya. May nangyari ba kagabi sa kanila? May ginawa ba sila nang makauwi kami?
Matangkad si Kuya kaya malaki iyon sa kaniya. I think she's just wearing undies. At naka-messy ban ang kanyang buhok. f**k! She's so sexy right now–yeah, sexy talaga siya, pero iba ngayon!
"Sav, we never did what you are thinking right now," pailing-iling na sabi ni Kuya at tumalikod ito para muling magtimpla.
Okay? Kung ginawa man nila iyong bagay na iyon, anong masama ro'n? They are married. Pero ayon nga at sinabi sa akin ni Kuya na hindi nila gusto ang isa't isa dahil may gusto silang iba. Pero Shania's drunk, hindi ko talaga maiiwasang isipin 'yon lalo na't suot niya ngayon ang damit ni Kuya.
Tumingin sa akin si Shania at hindi ko inaasahan ang kaniyang pagngisi. She smirked! Is she seducing me right now– why am I even thinking that?
To be continued...