Aaminin kong mahirap umusad lalo at lugmok na lugmok ako.
Ang hirap. Meron akong mga magulang ngunit mas inisip pa nila ang sasabihin ng ibang tao kaysa sa kung ano ba talaga ang nararamdaman ko. Ang problema ko.
Hindi na ako makakabalik pa sa bahay namin dahil siguradong hindi na nila ako tatanggapin doon. Tulad ni Ate Alexis, itinakwil na ako ng aking mga magulang.
Wala akong malapitan at wala man lang makaramay sa malungkot na yugto ng aking buhay.
Ayoko ng puntahan si Ate April. Alam kong hindi lang siya nagsasalita ngunit alam ko na may pinagdadaanan siya sa buhay ngunit hindi na lang nagsasalita at pilit kinakaya ang lahat ng kanyang problema. Kaya ayoko ng mag dagdag sa kung ano pa man na iniisip niya. Ayoko ng mag-alala si Ate.
Baka nga sa oras na ito ay alam niya na ang ginawa kong pakikipaghiwalay kay Lyndon dahil sinabi na ni Mama at Papa. Malamang na sa kanya rin ako unang hahanapin ng aming mga magulang.
Ngunit gusto ko na munang mapag-isa. Ayoko na may maka perwisyo pa akong buhay ng may buhay.
Gaya ng ginagawa ni Ate April, gusto ko rin na maging matapang at harapin ng mag-isa ang aking bagong buhay.
Kailangan kong magpatuloy para mabuhay. Hindi ako dapat magpatalo at dapat na talaga akong tumayo sa aking sariling paa at harapin ang bukas na wala na ang taong pinangarap kong makasama.
Ilang ulit kong tinangka at iniisip na bumalik kay Lyndon at bawiin siya kay Crissan. Ngunit sa tuwing maaalala kung paano nila ako niloko at tinraydor ay nanghihina na lang ako at uupo sa isang sulok hanggang sa matuyo na lang ang mga luha ko na hindi ko alam kung hanggang kailan mag landas sa aking pisngi at mauubos.
Kaya naman nag hahanap ako agad ng trabaho upang magkaroon ng panggastos sa mga pangangailangan ko sa araw-araw. Madali lang maubos ang pera na hawak ko kahit gaano pa ito karami kong wala akong trabaho. Hindi naman laging ganito na lang ako. Madali lang lumipas ang mga araw. Sana lang sa isa sa mga araw na magigising ako sa umaga ay hindi ko na maalala ang sakit na dulot kahapon.
Kung saan-saan ako nagpasa ng aking requirements. Wala akong pakialam kung ano ang maging trabaho ko dahil wala akong karapatan pumili dahil nga high school graduate lang naman ako.
May nagturo sa akin na sa HR ng mall raw ako magpasa ng aking papel dahil bagay daw sa akin ang maging saleslady dahil nga matangkad ako.
Kaya naman kasalukuyan akong nasa isang malaking mall na malapit lang sa kung saan ako nangungupahan na apartment.
Mabuti na ang malapit lang ang trabaho ko kung saan ako nakatira dahil makakatipid ako sa pamasahe kung sakaling matatanggap ako.
Matapos akong magpasa ng aking papel ay nagpasya muna akong maglakad-lakad at tumingin-tingin sa loob ng mall.
Gusto ko naman maglibang kahit ngayon lang. Gusto ko munang huminto sa pag-iyak at saglit na makalimot sa totoong mukha ng aking buhay sa kasalukuyan.
Bakit ba kasi mas pinipili ko ang magmukmok gayong kaya ko naman na libangin ang sarili ko.
Sa paglakad-lakad ay nakakita ako ng isang store kung saan puro mga gamit pang infant ang tinda. Ang cute ng mga nakadisplay na mga maliit na mga damit na panlalaki at pambabae gayundin ang mga maliit na mga sapatos.
Nakakita ako ng isang magandang dress na pang baby girl.
Kulay pink ito at may maliit na ribbon. Nahinto tuloy ako sa paglalakad at tiningnan ng mabuti ang magandang dress sa loob ng store.
Kung may anak lang sana ko ay tiyak na bagay na bagay sa kanya ang damit.
Isang anak na babae na kamukhang-kamukha ng kanyang Daddy.
Pero sino ba ang niloko ko? Baka nga ang lahat ng babae ay manganak na maliban sa akin. Kung bakit naman kasi abnormal ako? Marami rin naman na mga kababaihan na mas mataba pa sa akin ngunit may mga anak. Ako lang talaga itong malas.
Mapait akong napangiti at nagdesisyon na umalis na sa tapat ng store ngunit isang pamilyar na tao ang nahagip ng aking paningin ng tangka na akong aalis. Kaya naman muli akong huminto at tumingin sa loob ng infant store.
Hindi ako pwedeng magkamali. Siya ang nakita ko.
Maya-maya ay ibang mga pamilyar na tao ang nakita ko.
Masaya sila habang namimili ng mga gamit pang baby.
Kitang-kita sa kanilang mga mata ang labis na kasiyahan at ang pagka sabik na magkaroon ng apo at pamangkin.
Oo, ang biyenan kong si Mama Donna ang nakita ko kasama ang aking hipag.
At ang una kong nakitang pamilyar na tao, walang iba kung hindi ang asawa ko.
Maya-maya nga ay nagsama-sama na silang lahat habang may kanya-kanyang hawak na gamit ng baby.
Ewan ko kung bakit nanatili pa rin akong nakatayo dito at nakatitig sa kanila. Hindi ko rin alam kung anong nararamdaman ko. Kung lungkot, inggit at galit?
Sa dinami-dami talaga ng mall na pwede nilang puntahan ay dito pa talaga kung saan ako naroon at naghahanap ng trabaho?
Bakit ang saya nila? Bakit nagagawa nilang magsama-sama para saktan ako ng ganito kasakit?!
Minsan kaya naisip nila kung kamusta na ako? Kung okay ba ako?
Ganito ba talaga kalupit sa akin ang kapalaran? Na paulit-ulit na dapat isampal sa akin ang katotohanan kung gaano ako ka walang silbi? Na gaano sila kasaya habang ako ay hindi alam kung paano magsisimula na pulutin ang sarili ko na dinurog nila?
Gusto kong umiyak. Gusto kong manakit pero wala akong magawa. Gusto kong manumbat pero umurong na yata ang aking dila.
Akala ko walang makakapansin na nakatayo ako dito sa labas ng infant store habang malungkot na nakatunghay sa kanila. Ngunit nagtagpo ang mga mata namin ni Lyndon.
Ang gulat na bumalatay sa kanyang mukha ay hindi matatawaran.
Ngunit ngumiti ako ng may pait at saka tumango at maya-maya ay kumaway para magpaalam.
Ang salamin na nakapa gitna sa aming dalawa ay isang malaking hadlang para hindi ko na siya mahawakan.
Tipong pwede ko lang siyang tingnan. Ngitian.
Pero hanggang doon na lang.
Dahil kahit walang salamin na namamagitan sa aming dalawa. Meron naman isang Crissan na ngayon ay dala na ang kanyang anak na siyang hadlang para hindi na kami muli pang magsama.