Hindi ko na tinuloy ang pagtatrabaho sa fast food chain. Lakas-loob ko ng sinubukan ang mag-apply ng tourist visa sa isang bansa na gustong-gusto ko talagang puntahan na kasama sana ang asawa ko.
Asawa ko na ngayon ay masaya na sa piling ng babae na totoo niyang mahal.
Akala ko nga ay okay na ang lahat. Na maayos na ang mga bagay-bagay at makapag-umpisa na ako ng bagong buhay ng mag-isa.
Ngunit hindi pa pala.
Nakatitig ako ngayon sa aking cellphone na nakapatong sa side table ng aking kama. Kanina pa ito ring ng ring na para bang isang emergency ang sasabihin ng kung sinuman na tumatawag. Hindi ko na nga alam kung ilang text messages na rin ang kanilang pinadala.
Ngunit nagdadalawang isip ako kung dapat ko bang sagutin ang tawag at kung dapat ko bang basahin ang mga messages?
Sino ang mga tumatawag?
Sina Mama at Papa.
Mukhang sa sunod-sunod na pagtunog ng cellphone ko ay desidido nila akong makausap.
Ayoko talagang sagutin ang tawag dahil may pupuntahan pa akong trabaho.
Dahil nga hindi ko naman tinuloy ang pagiging service crew sa isang fast food chain ay isa sa mga kasamahan ko rin na trainee na hindi na rin tinuloy ang training ang nag-alok sa akin na kung gusto ko raw sumama sa kanya sa isang kilalang catering service kung saan isa siyang waitress at kailangan raw nila ng dagdag na mga tauhan dahil malaking event ang nangangailangan ng kanilang serbisyo.
Agad naman akong pumayag dahil sayang din ang kita. Libre pa ang mga pagkain. Sa isang probinsya sa south ang punta namin kaya dapat na talaga akong magmadali ngunit heto at tumatawag ang aking mga magulang.
Atas ng kagandahang-asal at sila pa rin ang aking mga magulang ay nagdesisyon na akong kausapin sila upang matapos na rin ang lahat.
Nag-ipon muna ako ng lakas ng loob bago ko sinagot ang tawag ni Papa.
"Abegail!"
Halos na bingi ako ng marinig ko ang malakas na sigaw ni Papa ng banggitin ang pangalan ko. Sa timbre pa lang ng boses niya ay malamang na nasaktan na ako kung narito lang siya sa harap ko. Sa lahat pa naman din ng ayaw ng mga magulang ko ay ang pag hintayin sila ng matagal lalo pa at importante ang anuman na kanilang kailangan at sasabihin.
"Where are you?! Matigas talaga ang ulo mong bata ka! Hindi ba at sabi ko sayo na umuwi ka sa bahay ng asawa mo?! Ayusin mo ang relasyon niyong mag-asawa! Sinasabi ko sayo, sundin mo ang utos namin ng Mama mo dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin namin sa oras na magmatigas ka at ipilit mo ang kagustuhan mong mangyari, Abegail!" gigil na gigil na hayag ni Papa.
Alam ko naman na hindi talaga ang relasyon namin ni Lyndon ang inaalala nila. Ayaw lang nila na mapahiya sa mga kaibigan sa business world. Ayaw lang nila na maging center ng kung anu-anong negatibong panghuhusga sa oras na malaman na ibang tao na wala na kami ng aking asawa.
"Pa, sorry.. Ayoko na po talagang makisama pa kay Lyndon. Hayaan niyo na ako sa gusto kong gawin sa buhay ko. Hindi ko na kaya ang magpanggap na masaya. Kaya, sorry po talaga. Gusto kong maging mabuting anak pero hindi ko na po kayo kayang sundin pa dahil ang sarili ko naman ang magdurusa. Maintindihan niyo naman sana na hindi na ako masaya sa anuman na relasyon namin ni Lyndon. Hindi ko po kaya ang magpanggap na masaya. I want to be free and pursue my dreams. Lyndon and I were not meant to be with each other." Mga paliwanag ko kahit pa alam ko naman na hindi pa rin papayag si Papa kahit kumuha pa ako ng magaling na spokesperson para lang ipaliwanag sa kanya ng mabuti ang mga nais ko.
"You can't do this, Abegail! I have already warned you! Alam ko na nag-apply ka ng visa! Sapalagay mo ay makakalabas ka ng bansa ng ganun lang?!"
Waring binuhusan ako ng malamig na tubig sa narinig. Hindi ko alam kung paano nalaman ni Papa pero alam ko rin na hindi na ako dapat magtaka sa bagay na iyon. Maraming connection sina Papa at Mama kaya nakarating agad ang kaalaman tungkol sa visa ko.
Wala rin naman patutunguhan pa ang pag-uusap namin ni Papa. Kaya naman kahit galit na galit siya ay tinapos ko na ang pag-uusap namin. Ayoko sanang mag palit ng cellphone number ngunit sa palagay ko ay kailangan na. Ang social media account ko naman ay madalang sa patak ng ulan ko lang buksan kaya kahit doon ako kontakin ni Papa o ni Mama ay hindi ko naman mababasa.
Dumagdag na sa iniisip ko ang tungkol ang pagbabanta ni Papa. Malamang na baka hindi ko na matupad ang mga pangarap ko sa oras na pakialaman nga ng mga magulang ko ang mga nais kung mangyari sa buhay ko.
Pero tuloy pa rin. Hindi ako dapat magpasindak at matakot. Kailangan kong pangatawanan ang naging desisyon ko.
Pagod pala talaga ang maging waitress. Wala kaming tigil sa pag-ikot sa mga lamesa ng mga guest hawak ang aming kanya-kanyang dala na pagkain at inumin.
Isang kilalang pulitiko ang nagdaos ng kanyang birthday. Kaya naman iba't-ibang tao ang imbitado. Ngunit ang nakakahanga ay lahat ng mga tao ay welcome sa kanyang party. Mayaman ka man o mahirap.
Kahit naman mabigat ang loob ko sa naging pag-uusap namin ni Papa ay mahusay ko naman na ginagampanan ang trabaho ko sa catering.
Nakakangalay ang magdala ng tray na may mga baso na laman ay tubig. Bukod sa mabigat na ay kailangan ko pa na balansihin ng maigi. Isang maling galaw ko lang ay basag ang lahat ng mga baso at ang masaklap pa ay baka ipabayad pa sa akin ng may-ari ng catering.
"Abby, ayos ka lang ba?" untag ni Shielalyn sa akin. Siya ang nagyakag sa akin dito sa catering. Kasalukuyan na kaming nagliligpit ng mga gamit dahil tapos na ang event.
"Oo naman." Walang buhay kong sagot kahit pa ako ay nakangiti. Hindi ko alam kung dahil first time ko lang na ginawa ang maging isang waitress o sadyang pagod lang talaga ang naatang na trabaho sa akin o pwede rin na dahil umaga na ay nagliligpit pa rin kami ng mga gamit kaya naman iba na talaga ang pakiramdam ko.
"Ang putla mo kasi, Sis. Kumain ka ba kagabi? Alam ko naman na maputi ka pero iba ang puti sa putla." Paliwanag pa ni Shielalyn habang nakatingin sa mukha ko.
Napahawak tuloy ako ng hindi oras sa aking mukha. Hindi ko pala maitatago na talagang pagod ako dahil nakikita sa mismong mukha ko.
"Dahil siguro sa pagod at puyat, Sis. Ngayon ko lang kasi naranasan ang ganitong trabaho," saad ko.
"Alam mo ba na mukha ka naman talagang hindi sanay magtrabaho? Unang kita ko pa lang sayo ay may pakiramdam na ako na iba ka. Akala ko nga ay manager ka sa fast food chain kung saan tayo naging trainee."
Napangiti na lang ako sa sinabi ni Shielalyn.
"Akala mo lang 'yon. Mula ng bata ako ay sanay na ako sa mga gawaing bahay. Bawal ang tamad sa bahay namin." Komento ko.
"Ganun? Pero matanong ko lang, Abby. Single ka pa ba o may asawa na?"
Natigilan ako sa naging tanong na naman ng bago kong kaibigan.
Isang buntong-hininga muna ang aking ginawa bago ako sumagot.
"May asawa pero hiwalay na kami." Walang emosyon kong tugon at saka nagpatuloy lang sa pag-aayos ng mga monoblock na isasakay na sa mga truck pabalik na ng Maynila.
"Hindi nga? Bakit naman kayo naghiwalay? Paano ang anak niyo?" sunod-sunod na mga tanong ni Shielalyn.
Umiling ako.
"Iyon ang dahilan kung bakit kami naghiwalay. Dahil wala kaming anak. Dahil hindi ko siya mabigyan ng anak." At saka ako bahaw na tumawa.
"Grabe naman ang asawa mo! Hindi basehan ng pagmamahal o pag-ibig kung may anak man kayo o wala. Baka hindi ka naman totoo na minahal ng asawa mo kaya sa ganun dahilan lang ay pumayag siya na maghiwalay na kayo. Ang babaw naman niya?"
Gusto ko sanang umaray sa naging sagot ni Shielalyn dahil nasapol niya ang tamang sagot sa tanong niya.
Ang babaw nga. Ngunit hindi ko man lang nahalata dahil nalunod ako sa kabutihan na ipinakita niya. Kabutihan na puro pabalat-bunga.
Kahit hilong-hilo na talaga ako sa antok at gutom ay pinilit ko pa rin na tumulong sa mga kasamahan ko. Mahirap na at baka may masabi silang hindi maganda sa akin lalo pa at extra lang naman ako sa catering services na ito.
"Abby, kumain muna tayo. Nagpahanda raw ng almusal si Mayor para sa atin bago tayo umalis." Masayang sambit ni Shielalyn at hinawakan pa ako sa braso para sumunod sa kanya. Ang Mayor na kanyang binanggit ay ang may kaarawan kahapon kaya kami narito.
Maraming pagkain ang aming naabutan na nakahapag sa mahabang lamesa sa loob ng bahay ni Mayor.
Halata na gutom na rin ang aming mga kasamahan dahil kanya-kanya na talaga ng kuha. Kaya naman balak ko na sanang hintayin na makakuha na silang lahat ng pagkain bago ako kumuha ng para sa akin.
"Abby, halika na! Doon na tayo maupo." At saka inabot sa akin ni Shielalyn ang isa sa dalawang plato na hawak niya sabay turo sa hilera ng mga upuan kung saan niya ako niyayakag na maupo para kumain. Hindi ko man lang napansin na nawala na pala siya sa tabi ko at nakakuha na ng aming almusal.
"Salamat, Shielalyn."
Ngunit biglang nag-iba ang pakiramdam ko ng malanghap ang amoy ng pagkain. Ordinaryong sinangag na kanin at longganisa lang naman ang laman ng plato na hawak ko ngunit nakapagtataka na bakit iba yata ang amoy?
Nagpatuloy ako sa paglalakad upang makarating kung saan na nakaupo si Shielalyn ngunit nakaramdam ako na para akong nahihilo.
Napahawak ako sa ulo ko dahil tila lumilindol ang pakiramdam ko.
Naririnig ko ang malakas na tinig ni Shielalyn habang tinatawag ang pangalan ko ngunit sadyang patindi ng patindi ang nararamdaman kong hilo kung saan hindi ko na kaya pang ihakbang pa ang mga paa ko.