Pinagmasdan kong muli ang ultrasound photo ng sanggol na ilang buwan lang ay iluluwal ko na.
Napangiti ako habang nakatitig sa larawan na nasa kapirasong papel at saka pilit inaaninag kung ano ang itsura ng aking anak. Hinulaan sa isip kung sino ang kanyang kamukha. Matangos kaya ang ilong niya? Singkit ba ang mata? Babae ba siya o isang lalaki?
Hinaplos ko ang larawan at saka dinala sa aking mga labi. Isang banayad na halik ang idinampi ko rito kasunod ng pagyakap ng itapat ko sa aking dibdib.
Kay sarap pala talaga sa pakiramdam ng ganito. Iyong magkakaroon ka na ng isang supling na sayo mismo manggagaling.
Ang tagal ko kasi itong hinintay. Kaytagal kong hiniling. Araw-araw ay laman ng aking panalangin.
Maingat kong isinilid ang maliit na larawan ng ultrasound ng aking anak sa aking maliit na sling bag.
Ilang ulit akong nag-isip kung dapat ko bang ipaalam na nagdadalang-tao ako kay Lyndon. Na sa wakas ay magkakaroon na kami ng isang anak na siyang aming matagal ng pangarap.
Ilang beses rin akong nag-alinlangan. Nagtalo ang isip at puso ngunit sa huli ay naisip ko na dapat mas manaig ang karapatan.
Karapatan ni Lyndon na malaman na buntis ako at karapatan din ng anak ko na makilala siya ngayon pa lang ng kanyang ama.
Lakas loob akong muling lumuwas ng lungsod upang puntahan ang aking asawa at sabihin ang isang magandang balita sa pagitan naming dalawa.
"Anak, excited na ako sa magiging reaksyon ng Daddy mo. Siguradong magugulat yon at matutuwa sa pagdating mo," bulong ko habang nakahawak sa aking tiyan.
Hindi ko rin naman napansin na lumaki o lumobo ang tiyan ko dahil malaki naman talaga ang bahagi ng katawan kong ito dahil sa bilbil.
Dalawang buwan na raw akong buntis ayon sa naging resulta ng aking ultrasounds. Maaari rin na hindi ko talaga nahalata na may nabago na sa katawan ko dami kong iniisip nitong mga nagdaan na mga linggo. Hindi naman regular ang buwanang dalaw ko kaya hindi na rin ako nagduda dahil ilang beses na akong nagbigo.
"Alam mo, anak. Pangarap namin ng Daddy mo na makapag-travel at makapunta sa lahat ng mga bansa ng mundo." Dagdag kong mga kwento at saka nakamasid sa labas ng bintana ng airconditioned bus na sinakyan ko pumunta sa lugar kung nasaan si Lyndon.
Ayokong mag-isip ng kahit na anumang negatibo dahil hindi naman talaga makakatulong sa akin lalo na sa anak kong kasalukuyan pa lang lumalaki sa sinapununan ko.
Ngunit kahit anong gawin kong pagtaboy sa aking isip ay pilit pa rin na sumisiksik sa aking balintataw ang itsura ng kabit ng asawa ko.
Magkasama sila habang masayang-masaya na parang walang nasaktan at naapakan.
Isang mapanghamon na ngiti ang sumilay sa aking mga labi.
"Sorry, Crissan. Pero babawiin ko na ulit si Lyndon, sayo. Kami ng anak ko ang mas may karapatan sa kanya at hindi ikaw o kahit pa kayo," saad ko sa aking isip.
Patas na marahil ang laban namin ng babae ng asawa ko. Pareho kaming buntis at sa iisang lalaki. Iyon nga lang, kami ng anak ko ang nakakalamang. Ako ang legal na asawa at ang anak ko ang legal na anak.
Napakabagal ng oras sa pakiramdam ko. Gusto ko ng palitan ang driver ng bus sa kanyang pwesto sa sobrang kupad naman niyang magpatakbo ng sasakyan.
Pumikit ako ng madiin at saka bumuntong-hininga upang kalmahin ang sarili. Inayos ko rin ang mahabang bandana na nakabalabal sa aking balikat. Tamang-tama naman at talagang malamig ang buga ng aircon ng bus at ginagamit ko ang bandana na siyang naiisip kong gamitin upang hindi masyadong ma expose ang mukha ko.
Heto ang isang napansin ko sa akin sarili. Madali akong magalit at mawalan ng pasensya na hindi ko naman ugali dati.
Tulad ngayon, naiinis na ako sa konduktor at driver ng bus.
Iniisip ko na lang na dala siguro ng aking pagdadalang-tao kung bakit parang may na iba sa akin.
Hanggang sa hindi ko na lang napansin ang oras at narito na pala ako sa village kung saan naroon ang bahay ng buong pamliya ng aking asawa.
Kilala naman ako ng mga guards kaya madali lang para sa aking ang makapasok sa loob ng village.
Hindi ko maalis ang ngiti na nakapaskil sa aking mukha.
Pakiramdam ko nga ay mauubusan na ako ng hangin dahil sa sobrang excitement na nadarama habang papalapit ako ng papalapit sa bahay ng asawa ko. Malapit lang naman kasi sa ang bahay ng mga Dela Vega sa main gate ng village kaya pwede naman lakarin.
Halos takbuhin ko na nga ng ilang bahay na lang ang kailangan kong lampasan upang makarating na sa bahay na aking pakay.
Ngunit ganun na lamang ang aking pagkadismaya ng makita ang naka-locked na gate ng bahay.
Ibig sabihin lang ay walang tao sa bahay ng aking asawa.
Saan na naman kaya sila nagpunta? Namasyal na naman na? Namili ng mga gamit ng isang sanggol?
Tila may bumangon na kung anong damdamin sa aking dibdib at nayukom ko ang aking palad ng mahigpit.
Ang layo ng pinanggalingan ko ngunit ganito lang pala ang aabutan kong eksena.
"Miss, ang pamilya ba sa bahay na yan ang hanap mo?
Tumingin ako sa babaeng nakasuot ng uniform ng isang kasambahay at mukhang nasa fourties na siguro ang edad at saka ako tumango bilang tugon sa kanyang paanyaya.
"Alam ko kasi ay hindi na sila diyan nakatira. Binebenta na ang bahay na yan," sabi ni Ate na magtatapon ng basura.
"Binebenta?" kunot-noo kong tanong.
Tumango naman ang aking kausap at sabay turo sa maliit na karatola na nakasabit sa mismong harap gate. Hindi ko man lang napansin kanina ng dumating ako na may karatola na pala.
Nagpasalamat ako sa babae bago ito tuluyan pumasok sa kanilang bahay.
Ako naman ay lumapit sa gate upang kunin ang cellphone number na nakasulat sa karatola. Wala na kasing nakaregister na mga number sa phonebook ko.
Hindi ko naman pwedeng puntahan si Lyndon sa kanyang opisina dahil naroon sina Papa at Mama. Malamang na baka makarinig ako ng mga hindi magandang mga salita at masaktan ako sa oras na makita nila akong dalawa.
Ilang sandali pa ang pinalipas ko ng magdesisyon na kailangan ko ng umalis para hanapin ang aking asawa.
Ngunit ipipihit ko na sana ang aking katawan ng mapansin ang lalagyanan ng mga basura na tila punong-puno ng mga laman.
Lumapit pa ako dahil may nakita akong tila pamilyar sa aking mga mata.
Inabot ko ang bagay na nakita ko.
Hindi nga ako nagkamali ng sapantaha. Kilalang-kilala ko ang aking mga gamit
Inalis ko muna ang kumapit na dumi sa bagay na hawak ko na ngayon.
Ang bagay na kinuha ko sa basurahan ay walang iba kung hindi ang aming wedding album ni Lyndon.
Unti-unti kong binuksan ang wedding album.
Ang masayang mukha namin ni Lyndon ang siyang bubungad pa lang sa unang pahina. Sa bawat paglipat ko ng pahina ay lalong nadudurog ang puso ko habang nakikita ang mga ngiti sa labi ng aking asawa.
Mga ngiti na akala ko ay tagos sa puso. Ngunit isa lang pa lang ngiting peke.
Ganun na lang ba talaga ako kadaling ibasura? Para itapon na lang ng ganito ang mga alaala ng kasal namin ni Lyndon? Sino ang nagtapon nito ng ganun na lang?
Sinubukan ko pang tingnan ang mga gamit sa basurahan. At ang halos mga bagay nga na nakatapon ay mga gamit ko. Maging ang paborito kong cook book.
Kinuha ko ang mga mahalagang bagay na gamit ko at saka tumayo.
Isang buntong-hininga ang ginawa ko upang mapakalma ang aking sarili dahil bahagya akong nanginginig sa nararamdaman ko sa aking dibdib.
Sinasadya na talaga na makita at maabutan ko kung paano nila binastos at hindi pinahalagahan ang mga pag-aari ko.
Talaga sigurong inadya na makarating ako ngayon dito. Para isampal na muli sa pagmumukha kung ano ang katotohanan.
Mali pala ako ng sapantaha.
Patas ang laban namin ng kabit ng aking asawang si Lyndon. Dahil kong kami ng anak ko ay ang siyang legal na may karapatan. Ang kabit at ang anak nila naman ang mahal ng Tatay ng anak ko.
Muli akong napangiti ng mapait.
Natawa ako kung paano ko nga na nakumbinse ang sarili ko na bumalik muli dito sa bahay na ito.
Tungkol sa karapatan.
Karapatan bilang asawa. Karapatan bilang anak.
Pero paano kami lalaban ng anak ko kung hindi pa nag-uumpisa ang laban ay ang mga kalaban na ang idineklara na panalo?