PROLOGUE
Hindi ko alam kung kailan nagsimulang maging mabigat ang hangin sa San Felipe. Baka nung araw na tumigil akong ngumiti, o baka nung gabing hindi na siya sumunod sa akin kahit alam niyang aalis ako.
Tahimik ang buong bahay ng hacienda. Wala ni isang ilaw sa pasilyo, maliban sa maliit na lampara sa tabi ng kama ko. Nakabukas pa rin ang bintana—yung bintanang minsan niyang pinasok para lang magdala ng taho sa akin nung tinamad akong bumaba. Ang hangin malamig, pero amoy pa rin ng gabi ang paligid: lupa, dahon, at kape na naiwan sa mesa.
Nakatitig lang ako sa mga gamit ko—isang lumang backpack, ilang damit, at ‘yung folder ng project na dahilan kung bakit ako napunta rito. Ang irony, no? Nagpunta lang ako dito para sa school requirement. Pero heto ako ngayon, aalis na dala ‘yung pinakamalaking consequence ng mga panahong hindi ko naman pinlano maramdaman.
Tinignan ko ang sulat na ilang beses ko nang gustong punitin. “E.C.” lang ang nakasulat sa ibabaw. Hindi ko rin alam kung bakit pa ako nagsulat—siguro kasi hindi ko na kaya sabihin nang harapan. Ang hirap magsabi ng “paalam” kapag alam mong ayaw mo pa talagang umalis.
Bumigat ang dibdib ko habang nilalagay ko ang jacket niya sa bag.
Hindi ko na siya hihintayin.
Hindi ko na siya kakausapin.
Kasi minsan, mas madaling masaktan nang mag-isa kaysa hintayin pa ‘yung tao na sanay nang manahimik kahit nasasaktan din.
Humawak ako sa tiyan ko.
Hindi pa halata. Pero alam kong andiyan na siya.
Maliit pa lang. Tahimik. Pero totoo.
“Hey,” mahina kong bulong, “we’re leaving, okay?”
Walang sumagot, siyempre. Pero sa loob ng ilang segundo, parang naging magaan ‘yung gabi. Parang kahit paano, may kasama pa rin ako.
Lumabas ako ng bahay bago sumikat ang araw. Tahimik ang paligid, tanging mga kuliglig lang ang naririnig. Bitbit ko ‘yung bag, at bawat hakbang sa lupa, parang paalis din ako sa parte ng sarili kong natutong magmahal dito.
Pagdaan ko sa may gate ng hacienda, napahinto ako.
Ang mga ilaw sa loob, nakasindi pa rin. Baka gising pa siya.
O baka, tulad ko, hindi rin siya makatulog.
Naalala ko ‘yung tawa niya—yung ngiti niyang palaging pilit niyang itinatago kapag nahuhuli ko siyang nakatingin sa’kin.
Naalala ko rin ‘yung huling gabi naming magkasama—kung paanong ni hindi ko man lang narinig na sinabi niyang mahal niya ako, pero ramdam ko sa bawat titig niya.
Hanggang sa dumating siya.
Lara Benitez.
Pangalan pa lang, may sakit na.
Hindi ko naman kasalanan kung narinig ko ‘yung usapan nila sa likod ng bodega.
Hindi ko naman gustong malaman na “maybe we could try again.”
Pero paano mo pa ipaglalaban ang isang laban na alam mong natalo ka na bago ka pa lumaban?
Napangiti ako ng mapait.
“Congrats, Lexie,” bulong ko sa sarili, “ang galing mong umarte, pero ikaw din pala ‘yung talo.”
Naglakad ako palabas, papunta sa terminal. Ang mga poste, unti-unting nagkakailaw. Ang mga taho vendor nagsisimula na.
Dati, sabay kaming bumibili ni Elian sa umaga.
Ngayon, ako na lang.
At oo, tinikman ko pa rin ‘yung taho—kasi kahit sa sakit, kailangan ko pa ring maalala kung gaano kasarap mabuhay kahit sandali lang.
Pagdating ko sa terminal, umupo ako sa pinakamalayong bench. May dalang karton ‘yung mga magsasaka, nagtatawanan. Pare-pareho silang nakasuot ng lumang t-shirt, pero may ngiti sa mukha nila. Siguro kasi sila, marunong umalis nang hindi nagdadala ng bigat.
Tumingin ako sa langit.
Madilim pa rin. Pero may liwanag na sa malayo.
Sabi ng isang matandang babae na umupo sa tabi ko, “Anak, minsan kailangan mong umalis hindi dahil ayaw mo na… kundi dahil wala ka nang lugar diyan.”
Tumango lang ako. Hindi ko kayang magsalita.
Pero gusto kong sumigaw — gusto kong sabihing mahal ko pa rin siya.
Na kung may choice lang ako, mananatili ako.
Pero wala na.
Umikot ang bus sa harap namin. Sumakay ako. Umupo sa tabi ng bintana.
Habang umaandar, sinubukan kong huwag tumingin pabalik.
Pero syempre, tumingin pa rin ako.
Doon sa mga bukirin, sa lumang gate, sa langit na minsan naming pinagsaluhan.
Habang lumalayo, narinig ko sa isip ko ‘yung mga salitang hindi ko nasabi sa kanya.
“Thank you for making me believe in simple things.”
“Thank you for teaching me that silence can be love too.”
“And I’m sorry… for leaving without saying goodbye.”
At sa unang beses mula nung umalis ako sa hacienda, umiyak ako nang hindi na tahimik.
Yung iyak na may kasamang pagbitaw, pero may kaunting pag-asa.
Kasi kahit gaano kasakit, alam kong darating din ‘yung araw na babalik ako.
Hindi bilang estudyanteng nag-project,
hindi bilang babaeng iniwan,
kundi bilang taong natutong magmahal kahit kailangang umalis.
At kung sakaling magkita ulit kami—
sana, maramdaman niya pa rin ‘yung parehong hangin na dala ko nung una kaming nagkita.
Sana, kahit sandali, maalala niya ako.
Yung babaeng iniwan niya sa San Felipe.
At ‘yung parte ng puso niyang iniwan niya sa akin.