MONIQUE
Nagkatinginan kami ng lalaking sumira ng araw ko. Ang mukha na ayaw ko nang makita sana sapagkat kumota na ako dito kanina pa. Pero parang sinusundan talaga niya ako. Kung saan ako ando'n din siya. Ang lakas ng pang-amoy nito. Sa dinami-dami ng restaurant na pwedeng puntahan dito pa talaga sa amin. Nananadya na talaga ito.
Mukhang nakilala niya rin ako kahit naka-ayos at naka-uniform na ako. Ngingiti-ngiti pa ito habang nakaharap sa akin. Halatang nang-aasar ang loko. Kahit nakakapikon ay pinilit kong ngumiti pa rin sa mga kasama nito pero hindi sa kanya. Customer pa rin ang mga ito at kahit anong galit ko ay kailangan kong maging professional.
Nilawakan ko pa ang ngiti ko. Kailangan kong mapapayag na subukan ang mga pagkain namin. Sayang din ang benta. Ilan din sila kaya kailangan pa ring i-entertain. Mukhang masusubok ang haba ng pasensya ko dito lalo na buwiset na lalaki.
"Miss, magkano per head niyo rito?" tanong ng kalbong singkit na kasama ng mga ito.
Hindi ako sumagot. Hinayaan ko lang na si Tyra ang mag-entertain sa tanong ng mga ito. Gusto ko rin kasing marinig kung paano nito i-explain ang mga menu namin sa mga customer. Nakinig lang ako sa mga sasabihin nito at paano nito i-handle ang mga ito.
"Actually, Sir, affordable po ang mga pagkain namin dito for as low as three hundred fifty pesos ma-eexperience niyo na ang best of chinese cuisine. Try niyo po, Sir. Hindi po kayo magsisi. Heto po ang menu namin." Ini-abot ni Tyra ang menu ng mga pagkain. Binuklat ng mga ito iyon.
"Ang mahal naman," singit ng buwiset na lalaki.
Unang page palang ang nabuklat ng mga ito pero may reaksyon agad ito. Ayaw talaga nitong tumigil na mambuwiset. Nakakairita na talaga ito. Sinimangutan ko siya. Ang epal naman nito kung makapag-sabi ng mahal. Kala naman nito siya ang magbabayad.
"Meron din po kaming set meals for group mga, Sir. Pwedeng-pwede po sa inyo 'yan," sabi ulit ni Tyra.
"Pwede na 'yan. Mukhang masarap, oh," saad naman ng isa na may itsura. Tuloy pa rin ang mga ito sa pagbuklat.
Napangiti ako ng marinig ko iyon. Talaga namang masarap ang mga pagkain namin. Isa iyon sa mga dahilan kaya binabalik-balikan.
"Dito na tayo," sabi ng isa pa.
"Oo nga, Mr. Chan. Pa-experience naman ng masarap. Total manlilibre ka naman itodo mo na," anang isa pa na halatang takam na takam sa mga nakitang pagkain sa menu book.
"Try muna natin sa iba. Baka bumula ang bibig natin at malason pa tayo d:rito," sabad ulit ng lalaki habang nakatingin sa akin. Pinapatamaan niya talaga ako.
Napataas ako ng kilay dahil sa sinabi nito. At talagang hindi pa nakuntento may paninira pa talaga. Below the belt na ang mga tirada nito. Gusto pang impluwensyahan ang mga kasama niya. 'Yon talaga ang gagawin ko sa kanya para tuluyan na itong manahimik. Nakaka-gigil na talaga ito.
"Grabe ka naman, Sir. Lason agad? Malinis po ang pagkain namin at fresh ang mga ingredients. Try nyo po muna. I guaranteed you po mabubusog po kayo." Si Tyra na pilit pa ring kinukumbinsi ang mga ito.
"Oo nga, grabe ka naman, Jek. Bakit nakakain ka na ba dito?" tanong ng isang kasama.
"Hindi pa naman pero parang nase-sense ko lang. Parang andaming vetsin," anito at nakatingin pa rin sa akin. Halata talagang ako ang pinaparinggan niya. "Tara lakad pa muna tayo. Baka meron pa do'ng iba. 'Yon mas masarap," yaya pa nito sa mga kasama
"Ayoko na maglakad. Gutom na ako," reklamo ng kasama nitong may itsura.
"Tara na!" pagpupumilit pa rin nito at hinihila pa ang kasama.
"Ayoko nga. Ikaw na lang."
"Ano na Mr. Chan? Nagwawala na ang mga alaga ko sa tiyan."
"Sige na nga dito na tayo," sang-ayon nito. Sagot niyo drinks, ha?"
"Ano ba yan? Akala ko ba libre mo?"
"Oo nga, libre ko pagkain. Pero 'yong drinks kkb na, mag-tutubig lang ako."
"Hay! Kahit kailan talaga Mr. Chan ang kuripot mo."
Pare-pareho kaming walang nagawa.
"Tara na!" yaya ng kalbong si Mr. Chan at nauna nang pumasok.
Napansin kong napakamot lahat sa ulo ang mga kasama nito saka napilitang sumunod. Agad na sinalubong ng isa pang receptionist ang mga ito at in-assist papunta sa table.
JERICHO
Napilitan akong pumasok at sumunod sa mga kasama ko. Sa dinami-dami ng restaurant na nandoon ay dito pa talaga ang trip ng mga ito na kumain. At sa dinami-dami ng lugar na pwedeng magkita kami ulit ng babaeng iyon ay dito pa talaga sa pinagtatrabahuhan nito. Hindi ko alam na dito siya nagwo-work. At base sa suot nitong uniform ay rank and file na ang posisyon nito. Infairness mas lalo itong gumanda sa ayos nito. Ang layo sa kasabay ko kanina sa jeep.
Grabe na 'to ha! Destiny na ba ito? Wala pa akong ginagawa sa lagay na 'to. Pero pinagtatagpo talaga kami ng universe. Three times in a row.
Ngayon ay alam ko na kung saan ito nagtatrabaho at good to know na malapit lang ito sa opisina namin. Mga five minutes walk lang. Now I will have the chance to see her more often. Palagi naman kaming sa labas nagla-lunch at napapadaan dito. Pero hindi ko siya napapansin. Ito pa lang din ang first time naming kumain sa high end na chinese restaurant na ito. Hindi ito basta puchu-puchung kainan. Alam ko na ito before pero hindi lang talaga ako nag-try na kumain dito.
Bukod sa medyo pricey naman talaga ang mga pagkain ay hindi rin ako mahilig sa chinese food. Wala akong alam masyado sa pagkaing chinese. Hanggang siopao at siomai lang ako. Hinayaan ko na lang ang mga kasama ko na pumili ng gusto nilang orderin.
Lumipas ang mga twenty minutes ay isa-isa ng inilalapag ng mga waiter ang mga pagkain na inorder ng mga kasama ko. Binabanggit pa ng mga ito ang bawat pangalan ng pagkain. Naging interesado ako habang pinapakinggan iyon. Pamilyar sa akin ang ilan pero hindi ko alam ang tawag. May pork in sweet and sour sauce, beef with broccoli, fried noodles, wanton soup, chines dumplings at fried rice.
Halos umuusok pa ang mga iyon at mukhang bagong luto. Fresh from the kitchen pa talaga. Looks inviting at appetizing ang mga itsura no'n. Pati ang amoy mukhang masarap. Napalunok pa ako sa mga pagkaing nakahain. Ramdam ko na ang gutom kaso nag-aalangan akong tikman ang mga iyon dahil sa mga pinagsasabi ko kanina.
Hindi ko sigurado at baka tinotoo nila iyon. May naririnig kasi akong kwento-kwento na may magic na ginagawa ang mga taga-kitchen pag medyo maarte ang customer. Mayroon daw silang ginagawa o hinahalo sa pagkain para makaganti. Kaya don't mess with the kitchen people kung hindi ay yari.
Mula ng pumasok kami ay hindi ko na rin nakita ang babae kanina kung saan ito nagpunta. Wala na ito sa may entrance kung saan ito nakatayo. Baka inabisuhan na nito ang mga taga-kitchen tungkol doon. Baka nga nilamutak na itong mga pagkain. 'Wag naman sana.
Nagsimula na kaming kumain. Hindi ako masyado nakakain dahil sa kaisipang iyon. Baka bigla kasing sumakit ang tiyan ko. Pinanood ko lang ang mga kasama ko habang nilalantakan ang mga iyon. Tanging dumplings lang ang kinain ko kasi alam kong frozen na iyon at ini-i-steam lang. Ibig sabihin lang ay gawa na ito at hindi na niluluto pa ulit. Kaya 'yon na lang binanatan ko. Naka-limang piraso ako no'n.
"Uy, kain ka pa," aya sa akin ni Gio na humihigop ng wanton soup.
"Ayoko na busog na ako," tanggi ko kahit hindi pa talaga ako nabubusog. Ayaw ko lang talaga kumain ng marami. Hindi pa rin kasi ako kumbinsido at ayokong magpakampante.
Napatanaw pa ako sa may papuntang kitchen banda. Nakita ko roon ang babae at kausap ang isa sa mga chef. Nakatingin pa ang mga ito sa gawi namin. Nakangiti pa ang babae na parang may gustong iparating sa akin at mukhang tama nga ang naisip ko. May mali sa mga pagkain isi-nerve. At parang may iba na akong nararamdaman.
"Brad, okay ka lang?" puna sa akin ni Gio.
Hindi ako nakasagot. Napahawak ako bigla sa dibdib ko. Hindi ako makahinga. Nangangati rin ako. Hanggang sa tuluyan akong nabuwal sa kinauupuan ko.