“GABRIEL! GABRIEL!”
Isang malakas na sigaw ang gumising sa akin habang nakahiga ako sa maliit na kubo. Nagpahinga muna ako dahil katatapos ko lang maglinis ng lupain ng mga Conrado. Naggagapas ako ng damo at pinuputol ang ibang maliliit na puno na nakasasagabal sa daraanan. Marahan kong idinilat ang mga mata ko at bumangon habang hihikab-hikab pa.
“Ang ingay mo naman, Sonya? Nagpapahinga ako, tsk, tsk, tsk!” iiling-iling kong sabi.
“Heto naman! Hindi mo ba ako na-miss?! Nakakapagtampo ka naman…” malambing na sabi nito at umupo sa tabi ko sabay yakap sa akin nang mahigpit.
“S-Sandali, Sonya… ang baho-baho ko.” Inamoy ko ang aking sarili at inangat pa ang braso upang amuyin ang aking kili-kili, “Amoy pawis ako.”
Balewala iyon kay Sonya. Girlfriend ko si Sonya at dalawang taon na kaming magkarelasyon. Kababata ko siya at kapitbahay. Nag-aaral siya ng kolehiyo at magtatapos na. Habang ako ay, heto… nagtatyagang maggapas at ume-extra kung saan me’ron. Mahirap ang buhay naming at tanging pagtitinda lang ng gulay at kung anu-ano ang kinabubuhay namin. Matyagang nagtitinda sa palengke sa bayan si Nanay. Habang ang Tatay ko naman ay nagtatrabaho sa talyer. Mababa lang ang sahod dahil isa itong probinsya.
“Huwag mo akong alalahanin. Mahal na mahal kaya kita! Kahit pa amoy pawis ka na dahil sa pagtatrabaho mo— ikaw lang ang nag-iisang Gabriel ng buhay ko!”
Gumuhit ang ngiti sa aking labi. Para bang may mga paru-paro sa aking sikmura. Mahal ko si Sonya at matagal ko na siyang gusto. Hindi man ako pinalad ay sa akin pa rin ang bagsak niya. Kahit maraming babaeng nagkandarapa sa ‘kin ay hindi ko sila pinansin. Si Sonya lang ang tanging tinitibok ng aking puso.
Binuksan ni Sonya ang basket na naglalaman ng mga pagkain. Ang bait talaga ni Sonya. Lamang lang ang pamilya ni Sonya sa antas ng buhay pero nagsisikap ako para maipakita sa kaniya na gagawin ko ang lahat. Wala na yata akong mahihiling pa.
Sumapit ang twenty-third birthday ni Sonya at inimbita niya ako. Nanghiram nga lang ako ng polong checkered sa nakababatang kapatid ko na nag-aaral pa sa kolehiyo. Siya na muna ang pinagtatapos ng pag-aaral at huminto ako. Wala na yata akong pag-asa dahil next year ay twenty-seven years old na ako.
“Kuya! Ingatan mo ‘yang polo ko, ha!” ani Jestoni na aking nakababatang kapatid.
Ngumiti lang ako at patuloy sa pagbubutones. Manghang-mangha akong nakatitig sa kabuuan ko sa harap ng salamin. Gwapo naman ako, matangkad, matangos ang ilong— moreno at hindi nga lang kaputian. Madalas kasi akong nakabilad sa ilalim ng sikat ng araw.
“Huwag kang mag-alala. Isang gabi ko lang naman ‘tong susuotin. Nakakahiya sa mga bisita ni Sonya.”
“Kuya, kakain ako ng marami sa bahay ni Ate Sonya.”
“Oo, walang problema,” sagot ko at sinuklay ang buhok ko paitaas.
Nadako ang tingin namin ni Jestoni sa pintuan nang dumating ang bunsong kapatid namin na si Anika. Nakasuot ito ng kulay pink na bestida at may bitbit na maliit na bag.
“Kuya Gab! Tapos ka na ba?” magiliw na tanong ni Anika.
Bakas sa mga mata ni Anika ang excitement. Gustong-gusto niyang pumunta sa birthday ni Sonya. Gumuhit ang ngiti sa aking labi at kinuha ang isang maliit na box. Nakabalot iyon sa kulay pulang gift wrapper. Bumili ako ng kwintas at hikaw para kay Sonya. Gusto kong makita na suot ang mga iyon.
“Tara na. Alam kong kanina pa kayo naghihintay.”
Naglakad kami palabas at nakasalubong ang aking ina na si Melda. Nakangiti ito at masayang makita kaming magkakapatid na magkakasama at magkakasundo.
“Nakagayak na pala kayo.”
“Nanay, hindi ka ba pupunta?” usisa ni Jestoni.
“Naku, kayo na lang. Hihintayin ko ang tatay ninyo. Pagod sa trabaho iyon at paghahandaan ko ng masarap na sabaw.”
Matipid akong Ngumiti kay Nanay. Hindi sa ayaw niya kay Sonya, ngunit sa mga magulang nito.
“Sige, Nay… may next time pa naman.”
“Sa kasal ninyo Kuya Gab at ni Ate Sonya,” ngingisi-ngising pabiro naman ni Jestoni.
“Anak, hindi kita pipigilan. Kung mahal ninyo ang isa’t isa— hindi kami tututol. Basta irespeto ka rin ng mga magulang ni Sonya na gaya nang paggalang mo sa kanila. Naiintindihan mo ba anak?” nakangiting tugon ni Nanay.
Malaki ang pasasalamat ko dahil mahaba ang pasensya ni Nanay at malawak ang kaniyang pang-unawa.
…
Naglalakad kaming magkakapatid ang mga bisita sa labas ng bahay ni Sonya. Malawak na bakuran lang naman nila ang pagitan ng aming mga tirahan. Hindi ako mapakali dahil kinakabahan ako. Sana magustuhan niya itong regalo ko. Pinag-ipunan ko ang mga ito.
“Uy, si Kuya! Kinakabahan!” pang-aasar ni Anika sa ‘kin.
Inakbayan ko siya at marahang inipit ng aking mga braso. “Hindi ako kinakabahan. Malakas yata sa chiks ang Kuya Gab mo.”
“A-Aray, Kuya Gab! H-Hindi na kita aasarin!” tatawa-tawang pakiusap ni Anika.
Napahinto kami nang marating naming ang tapat ng bahay ni Sonya. Napakaraming tao. Hindi na ako dapat magtaka dahil parati namang ganito kapag kaawaran niya. Pangalawang beses pa lang namin um-attend sa birthday niya.
“Kuya Gab, tara na…”
Nagyayaya na si Anika dahil gusto rin nitong makita ang nakababatang kapatid ni Sonya. Napako ang tingin ko sa hawak kong regalo.
“Magugustuhan niya ‘yan, Kuya. Huwag kang mag-alala,” singit ni Jestoni.
Huminga ako nang malalim at pinakawalan din iyon upang makagugot ng lakas ng loob. “Sana nga…”
Lumabas si Sonya at nang magtama ang mga mata namin ay lumawak ang ngiti nito sa labi. Hindi ko maialis ang titig ko sa kaniya. Nakasuot kasi si Sonya ng puting bestida. Para siyang anghel sa nagsisilbing liwang na nagmula sa kanilang pinto.
“Gab!” Inilang hakbang ni Sonya ang kinatatayuan namin. “Mabuti at pumunta kayo. Akala ko ay hindi na kayo darating?”
Gumuhit ang ngiti sa aking labi. “Mahalagang araw mo ‘to, Sonya. Palalagpasin ko ba?” Niyakap ko siya at ginantihan niya rin ako ng mahigpit na yakap. Panay naman ang kantyaw ng mga nakababatang kapatid ko. Bakas sa mukha ni Sonya ang kasiyahan. Nangniningning pa ang mga mat anito. Nang magkahiwalay kami sa pagkayakap ay hindi na ako nagdalawang-isip na iabot sa kaniya ang aking regalo.
“W-Wow! Para sa ‘kin ba ‘to, Gabriel?”
Tumango ako at yumuko dahil sa labis na hiya. Pakiramdam ko ay nag-iinit ang magkabilang pisngi ko.
“Wow, thank you, mahal!”
Sa tuwa nito ay binuksan niya kaagad ang regalo. “Nag-abala ka pa talaga…”
Lingid sa kaalaman ni Sonya ang hirap namin sa buhay. Isa lang naman ang kinatatakutan ko balang-araw. Ang iwan ako ni Sonya dahil wala akong nararating. Hindi gaya niya ay magtatapos na sa pag-aaral. Umabot hanggang tainga ang ngiti ni Sonya nang bumungad sa kaniyang harapan ang regalo kong kuwintas at hikaw. Silver lang ang mga iyon. Hindi ko kayang bumili ng ginto.
“A-Ang ganda nito, Gabriel…” usal niya.
“Salamat at nagustuhan mo, Sonya.”
Kinuha ko ang kuwintas sa box at isinuot sa kaniya. Hinawi niya ang kaniyang buhok at inilagay sa harapan. Ang puti ng batok ni Sonya at makinis ang kaniyang kutis. Alaga ang kaniyang balat at isa sa pinakamaganda si Sonya sa aming baryo. Madalas nga siyang kasali sa mga beauty pageant.
“Napakaganda nito, Gab…” mahina niyang sabi at hinarap ako.
May bakas ng pag-aalala sa kaniyang mukha. “Gab… hindi ba may kamahalan din ang mga ito?”
“Hindi naman gano’n kamahal, Sonya… huwag mong alalahanin at pinag-ipunan ko talaga ‘yan.”
Isang marahang halik ang ginawad sa akin ni Sonya. Sila namang pagkantyaw ng mga kapatid ko sa amin. Ang bili nang t***k ng puso ko dahil sa labis na kasiyahan. Pumasok kami sa loob at naroon ang mga magulang ni Sonya. Naiwan sa labas sina Jestoni at Anika. Kausap nila ang nakababatang kapatid ni Sonya.
“Magandang gabi, ho—” putol kong sabi nang biglang magsalita ang ina ni Sonya.
“Narito ka pala, Gabriel. Si Sonya ba ang nag-imbita sa ‘yo?” may pang-uuyam na bati nito.
Natigagal ako nang mga sandaling ‘yon. Kinuyom ni Sonya nang mariin ang kanang palad ko. Para bang sinasabi niyang huwag kong pansinin ang kaniyang ina.
“Ma, kasintahan ko si Gabriel. Walang masama kung iimbitahan ko siya,” malambing na sagot ni Sonya.
Napalunok ako at tila may bara sa aking lalamunan. Muli ay binalingan ko ng tingin ang ina ni Sonya at nginitian nang matipid.
“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na may darating tayong bisita.”
“Hayaan mo at narito na lamang si Gabriel ay wala na tayong magagawa pa,” singit ng ama ni Sonya.
“Pasensya na sa abala…” sabi ko.
“Gabriel, halika at umupo ka muna. Mamaya-maya pa ay magsisimula na ang party.”
“Hijo, mabuti pa nga ay umupo ka muna riyan,” turan ng ama ni Sonya.
“M-Maraming salamat, ho…”
Kaagad namang napadungaw sa bintana ang ina ni Sonya. Nakangisi ito at pinagsalikop pa ang mga kamay nito. Habang si Sonya ay nakaupo sa aking tabi at sinusuot ang hikaw na aking binigay. “O! Nariyan na pala ang inaasahang bisita ni Sonya!”
“S-Sino ang ‘yong bisita, Sonya?”
Bago pa man makasagot si Sonya ay pumasok na ang mga bisita. Tuwang-tuwa ang ina ni Sonya na akala mo’y nanalo sa lottery.
“Henry! Pasok ka. Ang gwapong binata talaga ng anak mo, mayor!” magiliw na papuri ng ina ni Sonya.
Nagtama ang tingin namin ni Sonya at pilit itong ngumiti. Nilapitan kami ng ina ni Sonya at walang pagkuwan ay hinatak nito si Sonya sa kanang kamay upang tumayo. Naiwang akong mag-isa sa upuan at mukhang napipilitan lamang ang mukha ni Sonya. Nang makalapit si Sonya ay hinagkan siya sa pisngi ni Henry.
Bahagyang umiwas si Sonya. Napakuyom ang mga palad ko sa galit. Sa harapan ko pa talaga ginawa. Palibhasa ay anak ng mayor kaya malakas ang loob. Para akong nabalewala noong gabing iyon. Lumapit sa akin si Sonya at hinawakan ang mga kamay ko. Tumayo ako at ngumiti na lamang.
“G-Gabriel, pasensya ka na. Huli ko nang malaman na inimbita ni ina ang mayor.”
Yumuko ako at mabilis na binalik ang tingin ko kay Sonya. “A-Ayos lang, Sonya. Walang problema…”
Lumapit sa amin ang ina ni Sonya at pinaghiwalay ang mga kamay namin. Natigilan na lamang ako at sinamaan ako nang tingin nito. Napaawang na lamang ang labi ko.
“Mamaya na nga ‘yan. Gabriel, roon ka muna sa labas. Huwag ka na munang makadikit-dikit sa aking anak.”
“Ina… maghunos-dili ka…” naiinis na bulong ni Sonya.
“Hindi, ayos lang ako, Sonya.”
“Mabuti naman at alam mo ang kinalalagyan mo,” mariin na bulong nito. “Halika, Sonya. Lumabas ka na at sasamahan ka ni Henry. Magsisimula na ang party mo.”
Umalis na sila at sinundan ko na lamang sila ng tingin. Iniwan na rin ako ng ama ni Sonya sa loob. Iiling-iling pa ito habang naglalakad. Mayamaya pa ay pumasok ang mga kapatid ko kasama na rin ang nakababatang kapatid ni Sonya na si Daniel.
“Kuya Gab? Ano’ng nangyari? Magkasama sina Ate Sonya at anak ng mayor,” bungad sa akin ni Anika.
“Sorry, Kuya Gab. Hindi ko kaagad sinabi sa ‘yo,” ani Daniel.
“Ayos lang… mahalagang bisita sila ng Ate Sonya mo,” matipid kong sagot at nagpasyang lumabas dahil magsisimula na ang party.
“Magsisimula na pala ang party,” sabi ni Jestoni at sumunod na rin sila sa akin.
Ang daming mesa na may sapin na kulay puti. May mga bulaklak sa gitna at babasaging plorera. Ang mga upuan ay may tela ring nakabalot. Nakatayo sa gawing gilid sina Sonya at Henry. Kasama rin ang kanilang mga magulang. Tila inaapuhap ni Sonya kung saan ako naroon. Kalaunan ay nahagip ako ng kaniyang mga mata. May pag-aalala sa mga mata nito. Kinakausap siya ni Henry ngunit na sa ‘kin ang kaniyang atensyon. Ipinakilala ng mga magulang ni Sonya si Henry bilang anak ng mayor.
“Kailangan pa bang ipakilala? Alam naman ng mga tao na anak siya ni Mayor…” bulong ni Jestoni.
Marahan kong sinikmuraan si Jestoni. “A-Aray… biro lang naman, Kuya… inaagaw kasi ni Henry si Ate Sonya…”
“Maraming salamat sa pagdalo sa kaarawan ni Sonya… Narito na rin lang naman tayo at nais kong ipaalam sa lahat ang nalalapit na kasalan ng aking anak na si Sonya at anak ni mayor na si Henry,” magilaw na saad ng ina ni Sonya.
Binalingan ako ng tingin ng aking mga kapatid. Gano’n na rin si Daniel na hindi makapaniwala sa narinig. Napaawang ang labi ko. Kinuyom nang mariin ang mga palad ko sa galit na aking nararamdaman.
“K-Kuya…” mahinang usal ni Anika.
Nagtama ang tingin namin ni Sonya na hindi rin makapaniwala. Inilabas ni Henry ang isang jewelry box at hinawi nang marahan ang malambot na buhok ni Sonya. Tumambad ang kumikinang na kuwintas na gawa sa ginto. Nagpalakpakan ang mga tao at mangha-mangha pa. Napayuko si Sonya habang umiwas nang tingin sa akin.
“Ang ganda-ganda. Anak, hubarin na ‘yang nasa leeg mo. Mas nababagay iyang ginto sa makinis mong leeg,” suhestyon ng ina ni Sonya.
Walang nagawa si Sonya at dahil ayaw rin niyang mapahiya si Henry ay siya mismo ang nag-alis ng kuwintas. Ang puso ko ay parang nilamukos. Masakit. Lumapit si Anika sa akin at niyakap ako nang mahigpit. Yumakap din sa likuran ko si Jestoni. Hindi nila kayang makita ang sinapit ko.
“Ayos lang... huwag kayong mag-alala.”
Nang maisuot na sa leeg ni Sonya ang gintong kuwintas ay hinalikan siya ni Henry sa labi nito na mas lalo kong ikanagulat. Hindi ako nakatiis at minabuti ko na lamang na umalis sa party. Sumunod sa akin sina Jestoni at Anika. Hindi na nila napansin ang pag-alis ko dahil abala sila. Hindi ko na nagawang magpaalam pa kay Sonya. Gayong ikakasal na pala siya at bakit hindi ko alam.