I. Mga Paano Kung
Taong 1970s sa maliit na bayan ng Malolos, Bulacan. Maingay ang stereo at puno ng mga nagsasayawang kabataan ang paligid. Halos mabali ang leeg ng mga kalalakihan na habol tingin sa dalagitang nakasuot ng kulay kahel na bestida. Ang maliit nitong bewang na may laso ang mas lalong nagpalabas ng magandang hubog nito. Kasing puti ng porselana ang balat niya, mestizang dalagita na kinaiinggitan ng mga kapwa niya babae. Ngunit sanay na ang labing pitong taong gulang na si Ellie sa mga matang nakamasid lagi sakanya.
Pitong taong gulang pa lamang kami noong una ko siyang makilala sa puno ng santol nila na kinukupitan ko noon ng bunga. Batang alaala na hinding-hindi ko malilimutan.
Pinagmasdan ko ang repleksyon ko sa baso na aking hawak. Nakasuot ako ng maong na pantalon at blusang itim, ngunit wala itong mahika tulad ng sa pelikula, sapagkat ganun parin naman ang itsura ko.
Pangkaraniwan.
Hindi napapansin.
Pero salamat parin, dahil nakita niya ako...
"Madel!" pagtawag sa'kin ni Ellie "Bakit ba nag iisa ka? Sayaw tayo dun." pag aaya niya sa'kin.
"Alam mo namang kaliwa ang dalawang paa ko." sagot ko kay Ellie.
Ngunit hindi siya nagpatinag sa sinabi ko at basta hinila ako sa gitna ng nag i-indakang mga kabataan. Kinuha niya ang dalawang kamay ko at unti-unting inilapit ni Ellie ang mukha niya sa mukha ko, halos hindi ako makahinga ng mapatingin ako sa mapulang labi niya.
"Nandito ka na din eh, so lets enjoy the night." sabi nito na suot ang matamis na ngiti sa labi
Bumilis ang beat ng tugtog at paduyan-duyan ang magkahawak naming mga kamay sa sayaw na Twist. Unti-unti ay nag-enjoy na din ako, naisip kong hindi rin pala masama ang mga parties na tulad nito. Nanatiling ayaw ko ng mapait na alak at mabahong usok ng sigarilyo, ngunit ang mahalaga ay nakakasayaw ko ang pinakapaborito kong tao sa buong mundo.
Si Ellie.
Malaya kong napagmamasdan ang mala-Anghel nitong mukha at ang pag-indak ng bilugang baewang niya. Malaya ko din nahahawakan ang malambot niyang mga palad na nagbibigay ng mga nakakakiliting kuryente sa'kin. Noon pa man ay nabibighani na ako kay Ellie at sa bawat araw na nakakasama ko siya ay mas lumalakas ang tinig sa puso kong pilit kong itinatanggi, dahil natatakot ako sa'king mga magulang.
Linggo ng misa sa simbahan ng Barasoain. Relihiyoso sina Ina at Ama kaya ni minsan yata ay hindi kami nagmintis sa pagsimba. Nakakahiya man aminin pero naiinip ako sa mga dasal at sermon ng Pari na wala naman nakakaalam kung maging sila ba ay sinusunod ito? Ayon pa kay Ellie, ang Diyos at Relihiyon daw ay ginagamit lamang ng mga tao para gawing basahan; punasan ng kanilang mga kasalanan, tila bakang ginagatasan ng walang humpay na paghiling ng kung anu-ano. Hindi ako nakapagsalita nun, pero sa isip ko'y may punto naman siya.
Sinilip ko Ellie sa kabilang hilera ng mga upuan na napipilitan lang sumama sa mga magulang. Bagay na bagay ang bulaklaking bestida na suot niya, tila mala-dyosa lalo na't nakatirintas pa na parang korona ang buhok niya. Nagpalitan kami ng matatamis na ngiti. Kundi pa ako siniko ni Ina ay hindi babalik sa pulpito ang atensyon ko.
"Ano ba kasi yung sasabihin mo?" tanong ko kay Ellie matapos ang misa. Nakasilong kami sa ilalim ng puno ng kalayaan na nasa tapat ng simbahan habang hinihintay ang aming mga magulang na nakikipag-tsismisan din sa mga dumalo ng misa. Halata ko ang pagdadalawang isip sa mukha ni Ellie "A-ano kasi. . ." nauutal niyang sabi.
"Ano nga?" pag ulit ko sa aking tanong.
"Kasi nanli-"
"Hi Ellie." Putol sakanya ng lumapit na binata. Nakasuot ito ng terno at sombrero.
"Fabio-" ang nabiglang si Ellie.
"Eh gusto ko lang sanang magpasalamat sa chance na binigay mo." Ngumiti naman ng mahinhin si Ellie sa sinabi ni Fabio. Nagsalubong ang kilay ko sa pagtataka "Anong chance?" tanong ko sakanila.
"Chance na manligaw. Pinayagan niya na ako Madel." masayang sabi ni Fabio sa'kin. Fine Arts student siya sa Unibersidad namin at tanyag sa pagiging school president dahil natatangi ang halos magkapantay na galing nito sa parehong larangan ng Sining at Akademya. Gulat na gulat kong tiningnan si Ellie pero tiningnan lang din niya ako. May dinukot na papel sa bulsa si Fabio, wari ko'y love letter iyon.
"Hindi na ako magtatagal pa, gusto ko lang talagang masilayan ka Ellie at ibigay nadin ito." inabot niya sa kamay nito ang nakatuping papel.
"Salamat Fabio." wika ni Ellie na ibinulsa na ang liham. May kirot sa puso kong hindi ko maintindihan. Sanay naman na ako na may mga mangingibig si Ellie sapagkat kahit noong nasa Elementarya't Hayskul pa kami ay 'di na maikakaila ang kanyang kariktan. Ngunit lahat sila'y inuunahan na ni Ellie na ayaw niya ng manliligaw. Kaya kataka-takang si Fabio ay binigyan niya ng pagkakataong manuyo.
Nang makaalis na si Fabio ay tinalikuran ko siya at aktong lalakad na palayo, ngunit nilapitan niya ako at hinawakan ang aking kamay. Winasiwas kong padabog ang braso ko "Pangako mo walang lihiman. Nagpapaligaw ka na pala kay Fabio." may diin kong sabi sakanya.
"Madel sasabihin ko naman talaga. Yun yung sasabihin ko sa'yo dapat kanina pero naunahan lang ako ni Fabio." paliwanag ni Ellie "At ramdam kong mabait naman siya." dagdag pa nito na mas kinainis ko.
"Gusto mo siya?" tanong ko.
"Paano kung oo?" ani Ellie.
Napailing ako sa pagkadismaya at naglakad ng muli palayo sakanya pero sinundan parin niya ako at hinarang.
"Bakit ka ba nagagalit? Nagagalit ka ba dahil hindi ko agad nasabi sa'yo o nagagalit ka dahil nagseselos ka?" ang huling tanong nito ang nagpatigil ng paghinga ko ng ilang segundo. Hindi ko magawang tumingin sa mga mata niya ng diretso kaya ang nasabi ko nalang ay. . .
"Paano kung oo." Hindi iyon patanong kundi isang sagot. Nakita kong nagulat din si Ellie sa narinig, hindi siya nakapagsalita. Naglakad na akong palayo dala ang puso kong may takot ng baka tuluyan ng makuha ni Fabio sa'kin si Ellie. Pinagtawanan ko ang sarili ko ng gabing 'yon dahil paulit-ulit kong sinasabi sa sarili kong kaibigan lang si Ellie.
Kinabukasan sa canteen ng eskwelahan ay nakita ko si Ellie na kausap si Fabio. Lalabas nalang sana ako ng marinig ko ang tinig niya.
"Madel sandali!"
Hindi ko siya nilingon dahil alam kong kapag nakita ko silang magkasama ay madudurog lang ako.
"Madel ano ba!" hinila niya ang kamay ko para iharap ako.
"Oh, nakakapagtaka yatang hindi mo kasama ang manliligaw mo?" sarkastikong sabi ko sakanya. Umiling siya "Nagkakamali ka. Binasted ko na siya, ngayon lang."
Muli kaming nagka-ayos ni Ellie at mas lumalim pa ang aming pagkakaibigan. Isang araw sa library ay bigla na lamang niya akong ginulat ng isang halik sa pisngi. Ramdam ko ang mga nagliparang paru-paro sa aking sikmura kasabay ng aking pigil na pag ngiti.
"Kilig na kilig naman!" wika ni Ellie na pinindot ang biloy ko sa pisnging tatawa-tawa.
"Silence please!"
Madalas tuloy kaming pagalitan ng librarian sa kulit ni Ellie. Sa klase ay madalas kaming nagpapasahan ng mga maiikling liham sa likod ng aming kuwaderno. Tuwing uwian naman ay lagi kong kinukuha ang kamay ni Ellie sa tuwing tatawid kami, noon kasi ay muntik na itong masagasaan kaya simula n'on ay sinisiguro ko ng ligtas siyang makakatawid. Hindi ko alam kung bakit namumula ang mukha niya sa tuwing hinahawakan ko ang kamay niya, kung naiilang ba siya sa'kin? Nahihiya naman akong tanungin siya.
Isang hapon sa ilalim ng puno ng santol nila. Nakahiga si Ellie sa hita ko na nagbabasa ng libro, habang ako naman ay nakaupo sa bermuda na alagang-alaga ng mga magulang niya. Solo namin ang bahay nila sa tuwing uuwi kami sapagkat gabi na dumadating mula trabaho ang Papa niya at namamalengke naman tuwing hapon ang Mama niya.
"After 10 years sana ganito padin tayo 'no?" wika ni Ellie na ipinatong ang libro sa kanyang dibdib habang nakatingin sa bughaw na alapaap.
"Lahat ng bagay nagbabago... pero nasa tao naman kung pipiliin padin nila ang mga bagay na ayaw nilang matapos o mawala." kusang nasabi ko na lamang.
Bumangon si Ellie at tila nag aalangan pa n'ong unang hawakan ang kamay ko pero sa huli ay ipinatong niya din ang dalawang palad niya sa'king kamay "Sana Madel, lagi nating piliin ang isat-isa."
Ipinatong ko ang isang kamay ko sa kamay naming dalawa "Oo naman. Mahalaga ka sa'kin Ellie." Hindi ko dapat sinabi ang huli pero nabitawan ko na. Kita kong nanlaki ang mga mata niya na tila nagulat "A-Ang ibig kong sabihin ay d-dahil matalik kitang kaibigan kaya napaka importante mo sa'kin. Oo, yun nga!" nauutal na paliwanag ko. Ngumiti lamang siya na inihilig ang ulo sa balikat ko "Mahalaga ka din sa'kin, at hindi magbabago 'yun."
Ayaw kong bigyan ng ibig sabihin ang lahat ng ginagawa at sinasabi ni Ellie, dahil alam kong magkaibigan lang naman kami. Pero kung minsan hindi ko maiwasang isipin na baka sakaling may nararamdaman din siya tulad ko... pero paano?
Eh hindi naman siya katulad ko.
Nasa elementarya palang kami ni Ellie ay alam ko na sa sarili ko na kapwa babae din ang gusto ko. At isa si Ellie sa mga naging girl crush ko. Nanatiling lihim ang pagkatao ko, dahil sa mapanghusgang lipunan at sa mga relihiyoso kong magulang. Ngunit kahit anong tago ko ay unti-unti akong ibinubunyag ng mga kasuotan kong maluluwag na t-shirt, pantalon na maong, rubber shoes at sombrero. Saka lang ako nagbe-bestida pag sinabihan ako ng aking Ina.
Isang gabing pagdating ko sa aming bahay ay bumungad sa'kin ang galit na galit na mukha ni Ina, sabay hablot ng aking sobrero sa ulo at basta hinagis kung saan.
"Magsabi ka nga sa'kin ng totoo Madel? Tomboy ka ba?!" bulyaw sa'kin ni Ina.
Itutuloy...