"Magsabi ka nga sa'kin ng totoo Madel? Tomboy ka ba?!" bulyaw sa'kin ni Ina.
Nanginginig ako sa takot na umiling "H-Hindi po." nauutal kong sagot.
"Siguraduhin mo! Wala akong anak na abnormal!" duro ni Ina hawak ang isang manipis na kawayan. "Matakot ka sa Diyos Madel! Matakot ka!" banta pa nito.
Hindi alam ni Ina na sakanya palang ay punong-puno na ako ng takot maitakwil bilang isang anak at maging kahihiyan ng pamilya namin. Duon ko lang din napag alaman kung gaano kadelikado at komplikado ang maging iba.
Pagkatapos ng pangyayareng 'yon ay mas naging maingat na ako. Mas naging tahimik ako sa takot na baka pati pala sa pagsasalita ko'y mahalata din nila. Pero tuwing kasama ko si Ellie ay nadadala ako sa sobrang lambing niya. Sa tuwing tinititigan niya ako, sa tuwing nagkukwento siya ay hindi ko mapigilang maging masaya. Lumalabas din ang kulit ko pagdating sakanya.
Sa piling ni Ellie, malaya ako.
Nang makapagtapos kami ng kurso sa pagtuturo ay labis ang saya namin, kahit hindi pumasa si Ellie sa Board Exam. Nanatili siyang positibo, marahil dahil may kaya naman ang pamilya nito. Hindi mauubos ang oportunidad na maaaring tahakin ni Ellie.
Habang naghihintay ng tawag sa mga eskwelahang pinag-apply-an ko ay tumutulong ako kay Ina sa gawaing bahay, pagdating ng hapon ay nagkikita kami ni Ellie. Ramdam kong pinagdududahan din ni Ina ang pakikipagkaibigan ko kay Ellie, ngunit dahil may kaya ang pamilya nito kaya 'di nila nanaising ilayo ako kay Ellie.
Iyon ang akala ko.
Hanggang sa isang araw ay bigla nalang kung sino-sinong binata ang pinadadalaw ni Ina sa bahay, para ako'y ibuyo sa mga anak ng kaibigan niya. Pinapasuot pa ako ni Ina ng bestida at kinukulot ang aking buhok sa tuwing may bibisita sa bahay na binata. Naging dahilan din iyon ng pagtatalo namin ni Ellie.
"Hindi ka dapat ibinubugaw ng Nanay mo." inis na singhal niya sa'kin.
"Hindi naman. Siguro ay nais lang ni Ina na magkaroon ako ng maraming kaibigan." pagdadahilan ko ngunit mas lalo yata siyang nainis "Hindi pa ba ako sapat?" tanong niya. Nagseselos ba siya? tanong ko naman sa sarili ko, dahil hindi na yata normal sa isang kaibigan ang ganito. Pero sa agwat namin ni Ellie ay nakakahiyang magtanong ng ganoon. Hindi ako basta nakasagot kaya humalukipkip siya at pa-suplada akong tinalikuran.
"Ellie..." Kasabay ng paglapit ko sakanya, ay dahan-dahan kong kinuha ang kamay niya kahit hindi naman kami tatawid ng kalsada. Nakita ko nanamang namula ang mukha niya pero nanatili siyang nakatanaw sa bintana na ayaw padin akong tapunan ng tingin. Tumingin nalang din ako sa kawalan habang magkahawak ang aming kamay "Madami man akong makilalang tao, sa'yo padin ako." at naramdaman kong mas hinigpitan ni Ellie ang mga daliri niya sa kamay ko "Sa'yo din ako Madel." maluha-luhang sabi niya. Tinanong ko siya kung bakit ba siya umiiyak, pero ngumiti lang siya at sinabing "Wala."
Makaraan ang ilang araw ay laking pagtataka kong wala ng dumadalaw na binata sa bahay namin. Sa wari ko'y marahil nagsawa din si Ina sa kakapakilala sa'kin. Kaya masaya kong pinagtimpla sila ng kape ng umagang iyon, ngunit ang masarap na agahan ay halos hindi ko nagalaw ng sabihin na sa'kin ni Ina na may napili na daw siyang binata para mapangasawa ko. Ni hindi ko manlang naging nobyo ay sa kasal na agad ang nais nila.
Tiningnan ko si Ama para saklolohan ako at hinawakan niya ang isang kamay ko "Mabait naman si Miguelito." wika lang nito. Halos maiyak na ako, nakalimutan kong under the saya siya ni Ina. Idinahilan kong gusto ko munang magtrabaho bago ang pag a-asawa, ngunit ang sabi ni Ina ay mas maiging magtrabaho ng may katuwang na sa buhay. Iyon ang unang beses na nakaramdam ako ng galit sa'king mga magulang, pero alam kong wala akong karapatan na suwayin sila.
Hinagis ni Ellie sa lapag ang mga pinitas kong bulaklak para sakanya. Kitang-kita ko ang pagkadismaya at galit sa kanyang mga mata.
"Akala ko ba matalino ka Madel? Bakit ngayon sinasabi mo sa'kin na wala kang magagawa?!"
Napayuko ako "Mga magulang ko sila, anong gusto mong gawin ko? Suwayin sila?"
"Oo! Dahil buhay mo na 'to! Ikaw dapat ang nagdedesisyon kung sino ang taong papakasalan mo at hindi sila!" sigaw sa'kin ni Ellie habang may nagbabadyang mga luha sa kanyang mga mata. Nilapitan niya ako at niyakap ng mahigpit "Kung magpapakasal ka, hindi ba dapat sa taong mahal mo."
Hindi agad ako nakaimik, gusto kong sabihin kay Ellie na siya ang mahal ko, na siya ang taong gusto kong pakasalan at makasama habambuhay. Pero hindi naman pumapatol si Ellie sa mga tulad ko.
Umupo ako sa paanan ng kanyang kama "Paano mo ba malalaman 'pag mahal mo ang isang tao?" naitanong ko nalang sakanya para maiba nadin ang paksa. Nakita ko ang pagsilay ng pigil na ngiti sa mukha ni Ellie at napahawak siya sa kanyang dibdib na tila ba nahihiya "Kapag nakikita mo siya, tumatalon sa saya ang puso mo. Sa tuwing nahahawakan ka niya, tila tumitigil ang 'yong paghinga sa kilig. At maisip mo palang na magkakaroon siya ng iba ay parang may punyal na itinatarak sa dibdib mo." humikbi siya na nakatingin sa'kin. Tila lahat ng sinabi niya ay tunay na niyang naramdaman. Batid kong may iniibig na si Ellie. Pero sino? Parang hindi ko yata kayang makitang may nobyo siya.
"P-Paano m-mo nasabi ang mga 'yan? N-nagmahal ka na ba?" magkahalong takot at kaba kong tanong.
Tiningnan niya ako, kumikinang ang kaniyang mga mata. Tila dagat na lumulunod sa puso kong siya lang ang ninanais. "Madel..." Napalunok ako sa malambing na pagbanggit niya sa 'ngalan ko. "Ang totoo niyan Madel ay matagal na-" biglang naputol ang sasabihin ni Ellie, sabay kaming napalingon sa pagpihit ng seradura ng kaniyang pintuan at iniluwa n'on si Tita Elizabeth na Nanay ni Ellie.
"Kanina ko pa kayo tinatawag, halina muna kayo't pinaghanda ko kayo ng meryenda." wika nito sa'min.
Ramdam ko ang koneksyon namin ni Ellie sa isat-isa. Ayoko man mag-ilusyon na pareho kami ng nararamdaman ngunit may isang parte sa loob ko na binibigyan ako ng pag-asa. Ngunit isang araw ay dumating na nga sa bahay namin si Miguelito, isa sa mga binatang dumalaw noon sa'kin. Kasama nito ang mga magulang niya para mamanhikan. Abot langit ang dasal ko na sana'y nananaginip lang ako pero hindi, pinagkasundo na nga kaming dalawa ni Miguelito at pinag-usapan na ng mga magulang namin ang magaganap na kasal. Parehas kaming walang imik, halata sa binata na sumusunod lang din siya sa kanyang mga magulang.
Mabilis na kumalat ang balita at nakarating nadin ito kay Ellie. Malalim ang kanyang mga mata't nangingitim sa puyat ng puntahan ko siya sakanila.
"Madel!" mahigpit niya akong niyakap pagpasok ko sa kanyang silid.
"Ellie, anong nangyare sa'yo?" tanong ko sakanya, inayos ko ang buhok niya sa kanyang mukha at inipit iyon sa kanyang tenga. Umiling siya "Wala ito. Nalalapit na ang kasal mo at alam kong hindi mo siya iniibig kung kaya may plano na ako..." may kinuha siya sa kaniyang munting kaha.
Libo-libong pera.
Itinaas niya ang mga iyon sa mukha ko "Bago ang araw ng kasal mo, tatakas tayo. Pupunta tayo ng Maynila." pursigidong tono niya. Nabigla ako sa mga sinasabi niya kaya iniupo ko muna siya sa kaniyang kama at ibinalik ang pera sa kanyang kahon.
"Wala ka pa yatang tulog. Mas mabuti kung magpahinga ka na muna." tatayo na sana ako para lumabas pero hinawakan niya ang kamay ko "Madel, ayokong makasal ka sa iba." mahinang wika niya. Pagharap ko sakanya ay may bahid na ng mga luha ang kanyang pisngi kaya napaluhod ako sa kanyang harapan at pinunasan iyon ng aking hinlalaki. "Ellie, wag kang umiyak pakiusap. Ayos lang naman ako."
"Oo magiging maayos din ang lahat kapag nakaalis na tayo." wika ni Ellie na inayos ang sarili.
"Ellie..." nag aalangan man ako sa sasabihin ko ay ipinagpatuloy ko padin "Walang aalis." Naglaho ang ngiti niya. "Hindi tinatakasan ang problema, hinaharap ito."
Nagusot ang mukha niya na umiling "Nangako ka... nangako tayo na lagi natin pipiliin ang isat-isa!" bulyaw niya na may matalim na tingin sa'kin. Hahawakan ko sana ang kamay niya ngunit umiwas siya at tumayo sa tabi ng bintana niya habang nakatingin sa labas.
"Sa'yo padin ako. Palagi. Walang magbabago." sabi ko sakanya na hinawakan ang makinis niyang braso.
"Ang kasal na iyon ang magpapabago ng lahat." aniya sabay baklas ng kamay ko.
"Nagkakamali ka, magkaibigan padin tayo." Humikbi siya sa sinabi ko at nakita ko ang namumuong luha sa gilid ng kaniyang mga mata.
"Kaibigan? Napakamanhid mo talaga Madel." tumatawa siya habang tumutulo ang mga luha sa kanyang mga mata. Lumapit siya sa'kin at niyakap ako ng mahigpit. Yakap na para bang iyon na ang huli. "I'm sorry sa inasal ko, tama ka. Magkaibigan lang naman tayo. Ako pala yung konta-bida at ilusyunada dito." patuloy ang tawa niya. Hinaplos ko ang ulo niya habang magkayakap padin kaming dalawa "Shhh... wag ka ng mag-isip pa ng kung ano." pag alo ko sakanya.
"Sana 'wag kang magagalit." nagsusumamo ang mga mata niyang nakatitig sa'kin ng magkalas kami ng yakap. "Bakit naman ako magagal-" hindi na natapos pa ang sinasabi ko dahil pinatahimik na ako ni Ellie sa pamamagitan ng isang halik sa labi. Muling nagliparan ang mga paru-paro sa'king sikmura at nanigas ako sa'ming kinatatayuan.
Itutuloy...