Lakad takbo ang ginawa ni Maricon para lang mas mabilis siyang makatakas. Wala siyang sinayang na oras kanina nang makita niya si Gabriel na natutulog sa sala. Pasado alas sais na ng hapon at ang sabi ng caretaker sa bahay na tinutuluyan nila ay ganoong oras daw nagkakaroon ng kuryente sa isla Camito.
Nagugutom na siya pero wala siyang balak na pagsilbihan ang asawa niya. Mas gugustuhin pa niyang mangapitbahay na lang at makikain. Kakapalan na lang niya ang mukha niya kaysa naman pagsilbihan niya ang lalaki.
Hinihingal na hinagod niya ang dibdib. Nakakaramdam na siya ng pagod. Medyo malayo kasi ang bahay na tinutuluyan nila ni Gabriel mula sa mga kubo ng mga residente sa isla na iyon. Naiinis na natapik na lang niya ang noo nang magsimula ng kumulo ang tiyan niya.
Kasalanan mo naman! Masyado kang nagmamatigas kaya magdusa ka ngayon!
Sermon niya sa sarili.
Kompleto ang mga gamit sa bahay na pag aari ni Juancho kaya wala na siyang ibang gagawin kundi ang magluto. May sariling generator din ang bayaw niya kaya hindi niya kailangan na magtiis sa dilim.
Ngayon ay parang gusto niyang pagsisihan ang pagtakas niya. Bumalik na lang kaya siya at lunukin na muna ang pride? Kailangan na niyang maitawid ang gutom niya bago pa siya tuluyang magkaroon ng ulcer.
Ah, hindi! Magtiis din siya gutom…
Napaismid siya at muling itinuloy ang pagtakbo. Medyo may kalayuan din ang bahay sa mismong dagat kaya siguro wala pa siyang nasasalubong na kahit isang tao doon.
Halatang sinadya ni Juancho na bilihin ang bahay na iyon para lang mailayo nito ang sarili sa mga tao. Hindi niya masyadong alam ang detalye dahil ang nabanggit lang sa kaniya ni Dorothea ay minsan na daw na nagpaka ‘ermitanyo’ si Juacho at inilayo ang sarili sa pamilya nito lalo na kay Suzy dahil sa personal nitong rason.
Maganda ang isla Camito na matatagpuan sa kabilang bayan ng Mondemar. Hindi masyadong dinadayo ng mga tao ang lugar na iyon kaya malinis ang tubig at maputi ang buhangin doon. Sa pagkakaalam niya ay ang mismong mga residente ang ayaw na magpapasok ng mga dayuhan sa isla dahil na rin sa ayaw ng mga ito na masira ang natural na ganda ng isla. May iba naman na nagagawang magtayo ng sariling bahay doon pero malaking halaga ang kailangang ilabas ng mga ito.
“Sa wakas!” hinihingal na bulalas niya nang matanaw na niya ang hilera ng mga kubo.
Nagsimula nang magsindi ng ilaw ang mga residente mula sa labas at loob ng bahay. Napakunot noo siya nang mapansin ang mahabang mesa mula sa labas ng mga kubo. Mas lalo pang kumulo ang tiyan niya nang makita na bumabaha ng pagkain sa mesa.
Napapalakpak siya sa tuwa at patakbong lumapit sa apat na matandang babae na naglalagay ng mga plato sa mesa.
“Magandang gabi po.” Magalang na pagbati. Halatang nagulat ang mga ito nang makita siya.
“Nandito na pala ang misis ni Gabriel.”
Kamuntik nang mauwi sa pagsimangot ang matamis na ngiti niya. Pakiramdam kasi niya ay may gumapang na boltahe ng kuryete sa katawan niya nang banggitin ng isang ginang ang salitang iniiwasan niyang marinig.
“Ah, haha! Oo ako nga po.” Mas itinodo pa niya ang pagngiti.
“Ipapasundo ko na nga dapat kayo sa pamangkin ko, hinintay ko lang na bumalik na ang kuryente dahil baka mahirapan kayong pumunta dito. Alam mo naman dito sa amin, tuwing alas sais lang ng hapon hanggang alas onse ng gabi nagkakaroon ng kuryente. Nasaan ang asawa mo? Hindi mo ba kasama?”
Tuluyan nang napalis ang ngiti sa mga labi niya. Hindi niya pwedeng sabihin sa mga tao doon na iniwan niyang naghihilik sa bahay ang magaling niyang mister. Baka isipin pa ng mga ito na wala siyang kwentang asawa dahil plano niyang gutumin si Gabriel.
Mahinang tumikhim siya at muling nagsalita.
“Hinatid po niya ako dito pero umalis din siya agad, babalik din naman po agad ang asawa ko. May naiwan lang po siyang gamit sa bahay. Plano po talaga namin na puntahan kayo para magpakilala, hindi naman po namin alam na may celebration po pala ngayon dito sa inyo.” Tugon niya habang nakatitig sa mga nakakatakam na pagkain sa long table.
Ngumiti ang babaeng kausap niya. Ibinaba nito sa mesa ang hawak na plato at inilahad ang palad sa kaniya.
“Kilala ko si Gabriel, dati akong kusinera sa mansiyon nila. Mabuti naman at nagpakasal na kayo, madalas ka kasi niyang maikwento sa akin. Ako nga pala si Pilar, Nanay Pilar na lang ang itawag mo sa akin.”
Hindi niya magawang magsalita nang maramdaman ang biglang pagkislot ng puso niya matapos sabihin ni nanay Pilar na madalas siyang mabanggit ni Gabriel.
Base sa nakikita niyang kislap ng mga mata ng matandang babae ay sigurado siya na maganda ang image na nabuo nito tungkol sa kaniya dahil sa mga kwento ng lalaki. Parang lumubo ang puso niya at hindi niya mapigilan ang pagkurot ng konsensiya sa dibdib niya.
“Maricon ang pangalan mo, 'di ba? kilalang kilala ka na ng mga residente dito sa amin dahil nang malaman ko na magbabakasyon kayo dito ni Gabriel ay nabanggit ko na sa kanila ang tungkol sa'yo.”
“Anak ka pala ni mang Tunying? Noong araw ay madalas na nagpupunta kami sa sinehan ninyo lalo na kapag may bagong pelikula si Sharon.” Sabi ng isa pang matandang babae na may kargang sanggol na siguro ay apo na nito.
Bumuhos ang saya sa dibdib niya nang ipaalala sa kaniya ng kausap niya ang tungkol sa sinehan. Kahit matagal na ring hindi nag ooperate ang sinehan ng mga magulang niya ay sariwa pa rin sa alaala niya ang buhay nila noon. Hindi naman kasi dating sabik sa pera ang pamilya niya.
Siguro ay mas tumindi lang ang paghahangad ng mga ito sa pera dahil mula nang malugi ang negosyo nila ay naranasan na nila ang maghirap.
Tiningnan niya ang mga taong naroon na abala sa pag aasikaso para sa munting handaan.
May videoke pa at inuman. Nagkatay din ng baboy ang mga ito at halatang pinaghandaan talaga ang okasyon ngayon.
“Wedding anniversary kasi namin ngayon ng asawa ko, nagkasundo ang mga anak namin na maghanda para icelebrate ang anniversary namin.” Nahihiyang paliwanag sa kaniya ni nanay Pilar.
Ang sweet naman…
Nangingiting ibinaling niya ang tingin sa matandang babae. Mayamaya pa ay lumapit sa kanila ang isang matangkad at matandang lalaki na medyo kahawig ng aktor na si Eddie Garcia.
“Nandito na pala si ma'am Maricon.” Anito.
Mabilis na ikinumpas niya ang mga kamay.
“Naku, Maricon na lang po ang itawag ninyo sa akin.”
Tumango ito at nakangiting inakbayan si nanay Pilar.
“Ako nga pala ang asawa nitong napakagandang babae na kausap mo ngayon, tatay Rody na lang ang itawag mo sa akin.”
Hindi siya nakapagsalita dahil masyado siyang namangha sa nakikita niyang sweetness ng mag asawa. Kahit may edad na ay hindi nahihiya ang mga ito na ipakita sa ibang naroon kung gaano katamis ang pagsasamahan ng mga ito.
Bihira lang siyang makakita ng mag asawa na dumating sa ganoong edad na naglalambingan pa rin. Ang mga magulang kasi niya ay palaging pormal kung mag usap at kahit isang beses ay hindi niya nakita ang ama na inakbayan o niyakap man lang ang kaniyang ina.
“Happy wedding anniversary po, pasensiya na po kung wala po akong dalang regalo para sa inyo. Hindi po kasi namin alam ni Gabriel na may okasyon po pala ngayon.”
“Naku ineng, hindi namin kailangan ng regalo dahil sanay naman kami sa simpleng celebration lang dito. Pwede ka namang makabawi sa ibang paraan kung gusto mo?” ani nanay Pilar at makahulugang kinindatan siya at itinuro sa kaniya ang ilang bote ng lambanog na nasa mesa.
Napangisi siya nang maintidihan ang gustong sabihin ng matanda. Hindi siya magpapatalo sa inuman dahil kahit noon pa man ay nasanay na siyang kainuman ang mga kapatid niya. Madalas pa nga ay siya ang nakakaubos ng alak at napapabagsak niya ang mga ito.
“Game!” excited na tinanggap niya ang hamon ni nanay Pilar.