ANG PIREA

2240 Words
HABANG papalapit si Jus sa kubo ay natigilan siya nang may marinig siyang mahinang ungol mula sa loob ng kubo. Mabilis na binuksan niya ang pintuan at agad na dumiretso ang paningin niya kay Ameera na nakahiga sa ibabaw ng papag. Kay Ameera nagmumula ang mahinang ungol. Inilagay ni Jus ang mga dala sa ibabaw ng lamesa at nilapitan ang nakahigang diwata. Sinalat niya ang leeg nito at mahina siyang napamura nang maramdamang mainit ito. Tagatak rin ang pawis sa noo at leeg ng diwata. Nang siyasatin niya ang sugat nito sa hita ay nakita niyang namamaga na ang ang paligid ng sugat nito. Kinuha niya ang first aid kit at naglabas ng bulak at alcohol. Pagkatapos ay hinubad niya ang telang nakatali sa hita ng diwata at sinimulang linisin iyon. Nilagyan din niya ng gamot ngunit hindi maampat ang pagdurugo ng sugat nito. “Aniya…Aniya…” usal ni Ameera sa gitna ng pag-ungol. “s**t!” Justin has no other choice but to bring her home. Ngunit bago niya dalhin ang diwata sa bahay nila ay kailangang mapalitan niya ito ng damit. Ayaw niyang makita ng mga kaibigan niya ang diwata na nasa ganoong kasuotan. Siguradong hindi siya patatahimikin ng mga tanong ng mga ito at wala siyang balak na sabihin sa kanila ang totoong pagkatao ni Ameera. Walang pag-aalinlangang binuhat niya ang diwata pagkatapos niya itong bihisan. Kapag hinayaan niya roon ang diwata ay siguradong mauubusan ito ng dugo na maaari nitong ikamatay. Hindi kakayanin ng konsensya niya kapag nangyari iyon sa diwata sa ilalim ng pangangalaga niya. Nang makarating sa kanilang bahay ay napaigtad si Karl nang makita siyang may buhat na babae papasok sa pintuan. Agad naman itong tumayo at sinalubong siya. “Bor!” bulalas ni Karl, “sino siya?” tanong nito. “Hindi ko siya kilala. Stop asking for now. Kailangan niya ng doktor ngayon din!” “Tatawagan ko si Doc Villaluna,” ani Karl na ang tinutukoy ang ang pinsan ni Res na doktor. Sandaling dumistansya si Karl sa kanila ni Ameera. Nakita niyang kinuha nito ang cellphone sa bulsa ng suot na pantalon at mabilis na tinawagan ang doktor. Ipinasok ni Jus si Ameera sa silid sa ibaba. Iyon ang silid na ginagamit nina Karl at ng iba pang kaibigan niya kapag naroon sa bahay nila. Inayos niya ang pagkakahiga ni Ameera at muling siniyasat ang sugat nito. Mukhang malalim ang sugat nito at sa nakikita niya ay kailangan tahiin iyon. Kumuha uli si Jus ng bulak at itinapal sa sugat ni Ameera. Sana ay makarating kaagad ang doktor bago pa ito maubusan ng dugo! “Aniya…” Mula kanina ay naririnig na niya ang pangalang iyon na sinasambit ni Ameera. Sa pagkakaalam niya ay kapatid nito ang Aniya na iyon. Totoo kayang pinaslang ang mga magulang nito? Paano kung nanganganib talaga ang buhay nito? Pero katulad ng sinabi nito ay isa itong diwata. May kapangyarihan. Bakit hindi nito kayang pagalingin ang sarili tulad ng kayang gawin ni Ereneya? O, di kaya ay samuin ang kahit anong hayop para tulungan siya katulad ng kakayahan ni Eira? Napabuntong-hininga si Jus at tinigilan na ang pag-iisip. Kumuha siya ng basang bimpo at nilinis ang katawan ni Ameera. Nang punasan niya ang palad nito ay hindi niya napigilang titigan iyon. Ang palad nitong tila palad ng sanggol. Malasutla ang kaniyang balat at malambot ang kaniyang mga daliri. Marahil ay ganoon ang katangian ng mga diwata. Katulad nina Eira at Ereneya ay pinagpala sila sa kanilang panlabas na anyo. Napansin niya ang singsing na suot nito. May malaking tampok iyon na sa tantiya niya ay Ruby at tila lalong tumitingkad ang dugong kulay nito habang tinitigan. “Bor…” Mabilis na binitiwan ni Jus ang kamay ni Ameera at nilingon ang pagpasok ni Karl at ng doktor. “Mig…” bati niya sa doktor at nakipagkamay. Icen Villaluna ang tunay nitong pangalan ngunit nakasanayan na nila itong tawaging ‘Mig’ na mula sa salitang amigo na ang ibig sabihin ay kaibigan. “Siya ba ang pasyente, Mig?” tanong nito na nilapitan na si Ameera kahit hindi pa naman niya kinokompirma. Tiningnan nito ang sugat ni Ameera. Maya-maya’y kinuha nito ang mga gamit. Nilinis uli at tinahi nito ang sugat ni Ameera pagkatapos ay lapatan ng gamot. Tinakpan din nito ng gasa ang sugat. Pati ang sugat sa ulo nito ay ginamot ng doktor. May inihanda rin itong injection oara kay Ameera na sa tantiya niya ay anti-tetanus. “Ipainom mo ito sa kaniya mamaya paggising niya,” wika nito na iniabot kay Jus ang dalawang maliit na box ng gamot. Nang tingnan niya ay pain reliever at antibacterial tablets. “Hindi pa ba siya mauubusan ng dugo?” nag-aalalang tanong ni Jus. Napangiti na umiling ang doktor. “Tinahi na ang sugat niya. Paggising niya ay pahigupin ninyo siya ng mainit na sabaw at painumin ng gamot para mabilis siyang maka-recover. Sabihin ninyong huwag munang piliting igalaw ang paa para hindi bumuka ang sugat niya,” paalala nito. Justin sigh in relief. Mabuti naman at hindi na niya kailangang dalhin sa ospital si Ameera. “Maraming salamat, Mig.” Tinapik siya ng doktor sa balikat. “A bottle of beer will do,” wika nito. “Ang mabuti pa’y dito ka muna. Samahan mo kami ni Jus uminom,” Karl suggested. “Hindi ko tatanggihan ang alok mo, Mig,” wika ni Icen at sumunod kay Karl palabas ng silid. Sinulyapan naman ni Jus ang nahihimbing ng diwata. Mukhang maayos na ang lagay nito. Tahimik siyang lumabas ng silid at marahang isinara ang pinto. BIGLANG napamulat si Ameera at napabalikwas ng bangon. Nasapo niya ang kaniyang ulo nang biglang pumintig iyon. Nahawakan niya ang sugat sa kaniyang noo na natatakpan ng malambot na tela. Nang sipatin niya ang sarili ay napasinghap siya nang makita ang ayos. Malinis na ang kaniyang katawan at iba na rin ang kaniyang kasuotan! Mabilis na iginala niya ang paningin sa paligid. Nasa isang silid siya ngunit hindi pamilyar sa kaniya. Hindi iyon isa sa mga silid ng kastilyo sa Silvana. Malayong-malayo ang ayos ng silid. Mula sa kulay abong kurtina na tinatakpan ang may kalakihang bintana. Malaking kahon na nakatayo at nakasandal sa pader. May nakapatong ding parisukat na bagay sa ibabaw ng mababang mesa. Maraming kakaibang bagay ang nakikita niya sa loob ng silid na iyon kaya nasisiguro niyang hindi siya naibalik sa Silvana. Kung ganoon, saang silid ako naroon? Sinubukan ni Ameera ang bumaba mula sa kinauupuang higaan ngunit naramdaman niya ang pagkirot ng kaniyang hita. Nakangiwing tiningnan niya iyon. Sandali niyang nakalimutan na nagkaroon pala siya ng sugat sa hita. Napaigtad si Ameera nang biglang bumukas ang pintuan. Nakita niya si Jus na pumasok at napansin niya ang mga dala nito. “Ano ang mga iyan?” tukoy niya sa isang puting kahon. Itinaas ni Jus ang hawak. “Medicine,” anito. Ngunit agad ding itinama ang lengwahe nang hindi umimik si Ameera. “Gamot ang mga ito. Kumusta na ang pakiramdam mo?” “Maliban sa kumikirot kong sugat ay maayos na ang pakiramdam ko. Maraming salamat sa iyong kabutihan, Ginoo. Paano ko matutumbasan ang kabutihan mo sa akin?” “Hindi ako humihingi ng kapalit sa lahat ng tulong na ibinibigay ko, Ameera,” seryoso ang mukhang wika ni Jus at humila ng upuan at naupo sa harapan ni Ameera. “Lalagyan ko ng gamot ang sugat mo,” wika nito. Hindi naman umimik si Ameera kaya ipinagpatuloy ni Jus ang ginagawa. “Sadyang napakabuti mo…” “Tss,” naglabas si Jus ng dalawang tableta at nagsalin ng tubig sa baso. “Inumin mo itong gamot,” aniya at ibinigay kay Ameera ang dalawang tableta at baso ng tubig. Alumpihit pang tinanggap ni Ameera ang gamot ngunit mabilis naman nitong ininom nang tingnan si Jus na seryoso ang mukha. “Maraming salamat,” sabi niya. Sabay silang napabaling ni Ameera sa pintuan nang makarinig ng katok. Nakita nilang pumasok si Zea na may dalang tray ng pagkain at umuusok na sabaw. “Come here, Sweetheart. Ilapag mo iyan dito.” “Opo,” tumalima agad si Zea at nagpakandong sa tiyuhin pagkatapos ilapag ang tray sa tabi ni Ameera. “Sino po siya?” bulong ni Zea. “Siya si Ameera,” maikling sagot ni Jus. “Bumalik ka na roon sa ninong Karl mo, sweetheart,” pagtataboy ni Jus sa pamangkin. Alam niyang kapag nanatili roon si Zea ay tatadtarin siya nito ng tanong tungkol kay Ameera. Nanunulis ang nguso na nagpaalam si Zea. “Sino ang batang iyon?” nakangiting tanong ni Ameera. “Napakaamo ng kaniyang mukha,” dagdag nito. “She’s my niece. Anak ng nakakatanda kong kapatid.” Tumango si Ameera at tinitigan ang nakalatag na pagkain sa tabi niya. “Kumain ka na,” utos ni Jus. “Kumakalam na nga ang sikmura ko at mukhang nakakatakam ang pagkain na dala ng iyong pamangkin. Halika’t sabayan mo ako,” paanyaya ni Ameera. “Para sa iyo lahat iyan. Ubusin mo para bumalik ang lakas mo.” Hindi na nagsalita pa si Ameera at dumulog sa maliit na mesa. Tinikman ang pagkain at agad niya iyong nagustuhan. “Maraming salamat.” “Walang anuman. May nais lang sana akong gawin mo habang narito ka sa bahay.” “A-Ano iyon?” “Ilihim mong isa kang diwata. Hindi nila kailangang malaman ang tunay mong pagkatao.” “Kung iyon ang nais mo.” “Ayokong ikapahamak mo iyon, Ameera.” “Maraming salamat uli. Kung hindi kalabisan ay nais kung malaman ang iyong pangalan...” Napatitig si Justin sa mukha ng diwata. “Kung hindi rin naman tayo magkikitang muli ay hindi na mahalaga pang malaman mo ang pangalan ko, Ameera.” “Kung iyan ang iyong nais,” may halong lungkot ang boses na sagot ni Ameera at itinuloy ang pagkain. “Sino-sino ang mga humahabol sa ‘yo?” tanong ni Jus habang tinititigan ang diwata sa kaniyang pagkain. “Si Argon at ang ama nitong si Ludo. Sila ang pumatay sa aking ama’t ina. Ngayon ay kami ni Aniya ang nais nilang patayin. Lalo ngayon at nasa akin ang bagay na nais nilang angkinin.” “Sino-sino ang mga diwatang binanggit mo?” “Nais mong malaman ang nangyari sa akin...” aniya na pilit itinatago ang ngiti sa labi. “Don’t flatter yourself, sweetheart. Nasa pangangalaga kita kaya karapatan kung magtanong sa tunay na nangyari sa ‘yo. Mamaya ay salamangkero ka lang pala at hindi tunay na diwata!” Napangitinsi Ameera. “Si Argon ay anak ni Ludo-isa sa pinakamataas na opisyal ng aming kaharian. Nakatakda na ang aming pag-iisang dibdib ngunit—" “Pag-iisang dibdib?” gulat na wika ni Jus. Tumango si Ameera. “Ngunit nagmamadali si Ludo na makaupo sa trono si Argon. Kaya pinaslang niya ang aking mga magulang.” “At si Aniya? Narinig kong binanggit mo siya ng ilang beses.” “Nakababata kong kapatid si Aniya. Magkasama sila ngayon ng kaibigan kong si Lusiya at hindi ko pa alam kung saan sila naroon.” “Kung gano’n ay nasundan kayo ni Ludo at Argon dito sa mundo namin?” Tumango si Ameera. “Bakit ninyo naisipang dito magtago? Hindi niyo ba alam na maaaring ikapahamak ng mga tao kung dito kayo sa mundo namin maglalaban?” “Patawad. Dahil hindi ko naisip iyon nang magpasya akong tumakas at magtago rito. Isa pa’y nasisiguro kong hindi ako nasundan ni Argon at Ludo rito sa inyong mundo.” “Paano mo natiyak? Ayokong manganib ang pamilya ko kapag nagkataon.” “Huwag kang mag-alala, Ginoo. Nasa akin ang pirea. K-Kaya ko kayong protektahan gamit ito,” wika ni Ameera na mabilis na nag-iwas ng tingin. Tumaas ang sulok ng labi ni Jus nang makitang nagsisinungaling ang diwata. “Talaga?” “Maniwala ka. Makapangyarihan ang pirea,” may kinuha si Ameera mula sa kaniyang daliri at ipinakita kay Jus ang singsing. Ibinaba nito ang kamay na may singsing at bahagyang napayuko. “Lamang ay hindi ko pa alam kung papaano ito gagamitin,” halos pabulong na wika nito. “I get it,” ani Jus at tumayo. Lumapit siya sa bintana at hinawi ang kurtina na nakatakip sa bintana. Pumasok ang liwanag ng araw sa loob ng silid. “Habang nagpapagaling ka, ang gusto ko’y magpanggap kang kauri namin. Kapag gumaling ka na’y maaari ka nang umalis,” wika ni Jus habang nakaharap sa bintana at nakatanaw sa labas. “Iyon din ang balak kong gawin, Ginoo. Kailangan kong hanapin ang kapatid ko sa lalong madaling panahon.” “Sige. Sa ngayon ay magpahinga ka muna. Huwag ka munang bumaba at baka dumugo uli ang sugat mo,” wika ni Jus habang naglalakad patungo sa pintuan. “Babalikan kita rito mamaya para sa gamot mo.” “Maraming salamat,” wika ni Ameera na sinundan ng tingin si Jus habang palabas ng pintuan. Ni hindi na nito nagawang isara ang pinto at iniwan na lang itong bahagyang nakabukas. Napabuntong-hininga si Ameera at muling nahiga sa kama. Iniangat niya ang hawak na singsing at pinakatitigan. “Tulungan mo ako, pirea. Tulungan mo akong hanapin ang mga Mira,” samo niya at mahigpit na kinuyom sa kaniyang palad ang singsing.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD