ENNA’S POV
Hindi ko alam kung bakit sambakol ang mukha ni Jeth at tahimik ito habang kumakain. Para bang napakalaking problema ang kanyang iniisip, paminsan-minsan pa nga itong tumitingin sa akin saka bigla na lang magbubuntong hininga.
Siguro ay iniisip nito kung paano ito magpapaalam sa akin. Wala naman problema sa akin kung magpaalam na ito pero hindi ko maintindihan ay ang mga tingin nito na para bang kasama ako sa kanyang problema.
Nag-away sila ng boyfriend niya. Confirm ko na iyon dahil ang sabi ni Bugoy sa akin ay lalaki ang kausap nito sa kabilang linya dahil nabosesan niya iyon.
“Ma, bakla ba si Kuya Jeth?” tanong ni Bugoy habang naglalakad kami sa kalapit na tindahan upang libangin sandali ang mga bata. Base kasi sa pagkakarinig ko kanina ay mukhang malaki ang naging pagtatalo nilang dalawa ng kanyang nobyo. Nobyo dahil base na rin sa narinig ni Bugoy.
“Paano mo naman nasabi anak?” kunot ang noong napatanong ako sa kanya.
“Eh mukhang lalaki po kasi ang kausap ni Kuya Jeth kanina sa cellphone at saka bakit niya tinawag na Babe? Hindi ba dapat sa girlfriend mo lang iyon dapat na itawag. Ang babae para sa lalaki, at ang lalaki ay para sa babae. Ganoon po kasi ang itinuro sa amin sa school,” sagot naman ni Bugoy.
“Nak, ang mabuti pa ay huwag mo na iyon isipin. May mga bagay kasi ang hindi pa maiintindihan ng mga batang katulad mo. Tara na, baka tapos na silang mag-usap ng kausap niya, medyo mainit na rin kasi,” sagot ko na lang kay Bugoy. Mabuti na lang ay mabait na bata si Bugoy at nakinig ito sa akin at hindi na nagtanong pa.
Pagdating namin sa tarangkahan ng pinto ay mukhang saktong papatapos na ang kanilang pag-uusap.
““Fine, I’ll go back. Just give me one more week,” dinig naming sabi ni Jeth na sa pagkakataon na iyon ay mas kalmado na.
Pagkatapos ng aming tanghalian ay umalis na si Jethro papunta sa pagawaan ng paso na hindi ako kinakausap. Kahit nang maghapunan kami ay hindi niya ako kinausap. Lumipas ang buong araw maging ang sumunod na araw hanggang umabot ng tatlong araw ay hindi niya pa rin ako kinakausap bagay na aking ipinagtataka. Hindi rin ito dumadaan sa palengke at mas madalas na nitong kasabay si Bugoy pauwi dahil magkalapit lamang ang school ng bata at ng pinagtatrabahuan nito.
“Aalis na po ako, Ma,” paalam sa akin ni Bugoy pagkatapos namin mananghalian. Nasa kalsada na si Jeth at naghihintay sa kanya.
“Sige, mag-ingat sa paglalakad. Tumingin sa kalsada kung may papalapit na sasakyan at sa gilid lang lagi maglalakad, huwag kang gigitna. Huwag ka rin basta-basta tatawid ng walang kasabay na matanda. Magpatulong ka kay Mang Tino, naiintindihan mo ba?” paalala ko rito na ang tinutukoy sa huli ay ang traffic enforcer na nakabantay sa pedistrian lane katapat ng school.
“Opo, Ma,” paalam ng bata. Napatingin ako kay Jeth na sa mga oras na iyon ay nakatingin din sa akin subalit nang magtama ang mga mata namin ay agad itong nag-iwas at naglakad na papalayo.
Anong problema ng baklang ‘to?
Ang sungit.
May nagawa ba akong kasalanan para sungitan niya ako ng ganoon.
Hindi ko naman kasalanan kung bakit narinig namin ng mga bata ang naging pag-uusap niya sa kanyang nobyo at kung nahihiya naman siya dahil sa pag-alis niya ay wala namang problema doon. Kakausapin ko na lang si Mang Raul para hindi ito magalit pero ang silent treatment niya sa akin na para bang hindi kami magkasama sa iisang bahay ay sadyang nakakainis para sa akin kahit alam ko sa sarili kong wala naman akong ginawang kasalanan.
“Enna, Enna!” tawag sa akin ni Aling Mameng na nakasilip sa kanyang gate, ilang bahay lang naman ang pagitan nito sa amin.
“Bakit po Aling Mameng?”
“Sino ba iyang madalas kasama ni Bugoy? Ilang araw ko ng napapansin eh, nakakalimutan ko lang itanong sa iyo. Sino ba iyan? Boyfriend mo?” tanong nito kaagad nang makalapit ako sa kanya. Gusto ko tuloy matawa dahil sa sinabi ni Aling Mameng.
“Naku, hindi po. Si Jeth po iyan, iyong lalaking nakwento ko sa inyo noong isang araw. Iyong nasira ni Bugoy ang side mirror ng Big Bike na dala niya na pagmamay-ari raw ng kaibigan niya. Hindi niya na ako pinagbayad sa pagpapaayos noon kapalit ng sandaling pagpapatira ko sa kanya sa bahay at saka napaka-impossible pong maging boyfriend ko siya. Kung alam niyo lang ho,” pigil ang tawa ngunit nakangiti kong sagot.
“Huwag mong sabihin na binabae iyan? Sayang naman at napakagwapo. Irereto ko sana sa bunso kong si Irene at siya na lang ang walang asawa,” palatak na sabi ni Aling Mameng.
“Kung manligaw po iyan sa akin ay baka may pag-asang masagot ko pa at maging boyfriend. Baka ako na nga mismo ang mag-alok ng kasal kung nagkataon pero mas malabo pa sa pagputi ng uwak ang sinasabi niyo,” biro ko pa.
“Hindi nga? Sigurado ka bang bakla iyang si Jeth? Aba’y base sa naririnig kong usap-usapan sa tindahan ni Tekla ay napakarami raw nagpupunta sa pagawaan ni Raul para bumili ng paso dahil sa kanya. Bukod sa itsura ay napakatikas naman ng katawan niya at mukha namang walang bahid.”
“May lalaki po bang nagsusuot ng pink na tshirt?”
“Mayroon naman. Ang judgemental mo naman. Parang t-shirt na pink lang eh. Bagay naman sa kanya dahil maputi.”
“Eh ang pagsusuot po ng panty at ang pagtawag ng Babe sa isang lalaki?”
“Ah, eh. Iyan ang hindi ko sigurado. Pero natanong mo na ba siya? Dapat tanungin mo na muna siya para makasigurado ka at hindi ka basta-basta nanghuhusga,” sabi pa ni Aling Mameng.
“Hindi na ho kailangan Aling Mameng. Kung sasabihin niya sa akin, wala namang problema. HIndi naman ako galit sa mga ganoon pero kung iliihim niya pa rin ay wala ding kaso dahil baka nahihiya lamang siyang ipaalam sa iba ang tungkol sa kanya at takot na mahusgahan ng mga mapagmatang tao, kagaya na lamang ng panghuhusga nila sa akin,” sagot ko naman.
Dahil sa aking pagiging single mom ko ay hindi nakaligtas sa akin ang mga tsismis na patungkol sa akin. May mga naririnig ako na kaya raw walang ama sina Jana at Bugoy ay dahil iniwan daw kami. Hindi raw totoong patay na ang ama ng mga bata at maaga akong lumandi kung kaya naging single mom ako. Wala naman akong pake sa mga iyon dahil hindi nila alam ang pinagdaraanan ko.
At ang tungkol kay Jeth, aaminin ko naman na na-aattract din ako rito. Sino ba naman ang hindi? Parang nasa kanya naman na ang lahat ng gugustuhin mo sa isang lalaki. Itsura, pangangatawan, matangkad, mabait, masipag, iyon nga lang medyo may pagkabalahura pagdating sa damit niya pero madali lang naman itong turuan.
Ang sinabi ko kay Aling Mameng ay biro lang dahil kung nagkataon na hindi ito binabae o silahis ay hindi ko iaalok ang aming bahay upang kanyang pansamatalang matuluyan.