ENNA'S POV
Hindi ko inaasahan na makikita ko sa palengke si Jeth. Simple lang ang suot nito na katulad ng karaniwan. May hawak pa nga itong plastic ng mga damit na kanyang pinamili pero ganoon pa man Hindi talaga maiwasan na pagtinginan ito at makaagaw pansin ng ilan sa mga naroroon.
Matangkad kasi ito, matangos ang ilong na hindi ko alam kung tunay o sponsor, maputi na parang nagpapa-schedule every week sa mga spa para magpa-gluta at aaminin kong gwapo ito. Pero kahit na gwapo ito ay hindi niya ako maloloko.
Sa panahon ngayon, marami ng gwapo ang mahilig din sa gwapo. Parang kahapon, habang papunta ako ng kapitolyo upang ipa-discharge si Jana, may dalawang lalaking nakaupo sa katapat ng inuupuan ko sa bus. Kung titingnan ay parehong mga gwapo. Sa katunayan ay napahanga ako sa isa dahil nga bet ko pero napataas kilay ko ng nag-holding hands ang mga ito at pagkatapos ay nagyakapan pa ang mga ito.
Kaya hindi niya ako maloloko.
Bago mag-alas onse ay nakita ko na ito. Dala na nito ang kanyang bag na lumapit patungo sa aking pwesto.
"Oh Jeth, sandali lang ah. May tira pa akong isda, pwede bang maya-mayang kaunti tayo pumunta? Sayang kasi ang mabebenta ko pa," sabi ko rito.
"Walang problema. Kung gusto mo, tulungan na kita maubos yang paninda mo," sagot naman ni Jeth. Pumunta ito sa likod, katabi ko. Ibinaba sa ibabaw ng malaking cooler ang kanyang bag at tumayo sa harapan.
Wala pang ilang segundo ay may lumapit na nga sa amin.
"Magkano sa isda mo Kuya?" tanong ng isang dalaga na nakangiting nakatingin kay Jeth. Pumupungay pa ang kanyang mga mata.
"Ano ba gusto mo diyan, Ganda? Pili ka na. Lahat yan ay sariwa. Pabili na lang ako ng Alumahan, kalahati lang. Pakitanggalan na rin ng hasang," sagot pa ng babae na titig na titig kay Jeth at halos hindi man lang tapunan ng tingin ang isdang binibili. Bumulong sa akin si Jeth at tinanong kung saan banda ang Alumahan kaya itinuro ko rito pero ako na ang nagtanggal ng hasang. Mayamaya pa ay may mga nagsilapitwn na rin na ibang mamimili at hindi pa umaabot ng alas-dose ay naubos ang aking panindang isda.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasimot ang aking panindang isda. Labis ang tuwa na aking nararamdaman dahil malaking pera ang maiiuuwi ngayon.
Mabilis akong nagligpit upang kami'y agad na makauwi pagkatapos ay balak ko sanang dumaan muna sa isang karenderya upang bumili ng ulam dahil tanghali na ngunit agad na nagbago ang aking isip at sa halip ay bumili ng isang bucket ng chicken mula sa isang fastfood.
"Pasensya na sa paghihintay. Nauna ka na sana sa akin, mag-cocommute lang ako pauwi," sabi ko kay Jeth na matiyagang naghihintay.
"Wala na kasi yung motor ko. Isinauli ko na kahapon," sagot nito. Bahagya akong nakadama ng pangongonsensya dahil paniguradong inaway siya ng kaibigan niya dahil nasira ang side mirror ng big bike nito at bukod pa roon ay nagasgasan pa ito.
"G-Ganoon ba? Nakakahiya Naman. Ikaw pa ang sumagot sa kasalanan ng anak ko."
"Okay lang iyon, Enna. Hindi naman kasalanan ng bata kung bakit nasira iyon. Aksidente lang ang nangyari," sagot pa nito.
"Salamat. Tara na," yaya ko na rito. Hindi naman kalayuan ang bahay namin sa palengke pero hindi rin kayang lakarin kung kaya nag-abang na lang kami ng tricycle na aming masasakyan. Magkatabi kaming naupo sa loob at bigla na naman akong nahiya sa sarili nang malanghap ang kanyang amoy. Napakabango nito na kahit pa tagaktak na ang pawis at halos Isang oras din na nagtagal sa loob ng palengke ay parang hindi man lang ito nangamoy isda. Doon ko lang din napagtanto na gwapo rin ito kahit na naka-sideview. Ibinaling ko na ang aking tingin sa iba bago pa niya ako mahuling nakatitig sa kanya.
Nang makarating ay iniwan ko na muna ito sandali sa aming bahay upang sunduin ang mga bata kay Aling Mameng. Nagsaing na din muna ako upang sandali na lang ang aming hihintayin para makapananghalian.
Nagulat at bahagyang natakot si Bugoy nang makita nito si Jeth na nakaupo sa sala.
"Ma, bakit nandito yung Kuya na may-ari ng motor? Huhulihin niya na ba ako?" takot na tanong ni Bugoy.
"Hindi, ano ka ba anak. Tinulungan tayo ni Kuya at Hindi na pinagbayad kaya nagpasalamat ka sa kanya," paliwanag ko kay Bugoy.
"Ganoon po ba?"
Napatango na lamang ako sa kanya at muling nagsalita.
"Pansamantala ay dito na muna titira si Kuya kasama natin," paalam ko pa sa mga ito. Tumango-tango lamang ang mga ito. Nagpalit na si Bugoy ng damit pang-itaas dahil pagkatapos mananghalian ay babalik pa ito sa school dahil buong araw ang klase nito samantalang si Jana ay hindi ko pa pinapapasok dahil kailangan pa nitong magpagaling ng husto.
Pagkatapos ng mananghalian ay nagkaroon pa ko ng pagkakataon na maihatid si Bugoy sa eskwelahan na hindi ko madalas gawin dahil sa pagod.
"Jeth, dito ka na lang sa isang kwarto matulog kaya lang clip fan lang ang meron. Kunin mo na lang ang electric fan sa sala at iyon na lang ang gamitin mo para hindi mainit," sabi ko rito. Binuksan ko na rin ang mga bintana kanina para kahit papaano ay mahangin.
Mabuti na lang kahit na maganda ang kutis nito ay hindi naman ito maarte.
Pagkatapos talaga mananghalian ay natutulog ako dahil maaga akong umaalis sa bahay tuwing umaga para mag-angkat ng isda. Napasarap ang aking tulog dahil alam kong hindi ko kailangan bumalik ng hapon sa merkado para magtinda kung kaya pagabi na nang ako ay magising.
Napabalikwas ako nang makitang nag-aagaw na ang liwanag at dilim sa labas kung kaya dali-dali na akong tumayo. Kailangan ko pa kasing magluto upang maagang makakain ang mga bata ngunit pagbukas ko pa lang ng kwarto ay naririnig ko na ang kwentuhan ng tatlo. Mainit din ang singaw mula sa niluluto nito na humahalimuyak ang amoy sa buong kabahayan.
Nang ako'y makalabas ay nakita ko na ang dalawang batang nakaupo sa hapag at kumakain habang si Jeth naman ay kinukuhaan ang mga ito ng tubig.
"Ma! Kain na tayo," tawag sa akin ni Jana nang makita niya ako.
Napatingin na rin sa akin ang dalawa.
"Tara, kain na rin tayo," aya nito sa akin at kumuha na rin ng dalawang plato para sa aming dalawa.
"Pasensya na kung pinakialaman ko na ang kusina mo, kinukulit na kasi ni Jana si Bugoy na nagugutom na raw siya."
"Ako nga ang dapat na mahiya. Nagkaatraso na nga kami sa iyo, dapat ay bisita ka rito pero pinagluto mo pa ang mga bata," nahihiya kong sagot at naupo na rin sa pagitan ng dalawang bata.
"Wala iyon. Hindi ba sinabi ko na sa iyo, aksidente ang lahat. Hindi sinasadya ng bata kaya hindi siya dapat sisihin," sagot nito saka inabot sa akin ang plato ng kanin.
Habang kumakain ay hindi ko mapigilan ang aking sarili na obserbahan ang kanyang kilos. Katulad na katulad nito si Janus, ang kaibigan kong bi na siyang nagpatira sa amin sa bahay na ito.
Matikas din ito, parang lalaki manamit. Kung hindi mo ito kilalang talaga ay mapagkakamalan mo itong lalaking lalaki. Katulad ni Jeth ay maalaga rin ito sa bata.
Ganoon nga siguro ang mga bi o silahis. Kahit dalawa ang puso nila ay may instinct din sila ng gaya sa isang ina.