5- Surprised in a bag

1453 Words
ENNA'S POV Ilang araw din ang lumipas, naging mas malapit at kumportable ang mga bata kay Jeth habang nakatira siya kasama namin. Bagama't nawala naman ng kaunti ang pagkailang ko sa kanya dahil sa isiping hindi ito papatol sa akin dahil lalaki rin ang hanap nito ay hindi pa rin ako nagpakampanti na iwan ang mga bata sa pangangalaga niya. Alas-kwatro pa lang ay umaalis na ako ng bahay para mamili ng aking paninda pagkatapos ay saglit akong babalik sa bahay upang asikasuhin si Bugoy habang si Jena naman ay iniiwan ko pa rin kay Aling Mameng. Pagkatapos noon ay agad akong babalik sa palengke hanggang bago magtanghalian na. Minsan naman ay diretso na ako at hindi na bumabalik, inihahanda ko na lang ng maaga ang almusal nito at siya na ang bahalang mag-asikaso sa sarili niya. Noong una ay sumusunod ito sa akin sa palengke para ako'y tulungan magtinda. Okay lang naman sana sa akin dahil kapag kasama ko ito sa pagtitinda ay kung hindi kaunti ang natitira ay madalas naman maubos ang aking paninda kaya lang ay nakakaramdam ako ng hiya dahil sa malansa ang amoy ng aking paninda. May pagkakataon pa na tumutulong ito sa paghahasang at pagkakaliskis ng isda dahilan upang magasgasan at masugatan ang kanyan makinis at malambot na palad. Kung kaya inirekomenda ko ito sa isang pagawaan ng palayok, banga at paso malapit dito. Para sa akin, hindi hamak na mas maganda doon kaysa ang tumambay ito sa palengke. Kahit na maputik ay tahimik naman doon at hindi mabaho. Dati na rin kasi akong nagtrabaho doon noon kaya lang maliit ang kita at hindi dapat para buhayin ang dalawang bata. "Enna, nasaan na yung poging tindero mo?" tanong ni Ate Sheryl, ang tindera ng mga tilapia at bangus sa tabi ko. "Ah, si Jeth po ba? Nakina Mang Raul, sa pagawaan ng paso," sagot ko habang inaayos ang aking mga natirang paninda. Balak ko sana ay maagang umuwi ngayon para makapagluto naman ako ng ulam at hindi puro lutong ulam ang naihahain ko sa mga bata. "Ah ganoon ba? Pero teka, may tanong ako sa iyo? Sino ba iyon? Manliligaw mo? Ang gwapo niya naman at saka kutis artista," palatak nito. Gusto ko tuloy matawa dahil sa sinabi nito. "Ako, liligawan ni Jeth? Haha, malabo hong mangyari iyon. Tinulungan ko lang iyon kasi tinulungan niya rin ako sa problema ko," sagot ko. Kung alam lang nito kung ano ang hanap talaga ni Jeth. Napapailing na lang ako na tinapos ang aking ginagawa saka na umalis upang umuwi. Naghanda lamang ako ng aming tanghalian at habang nagluluto ay nagsalang na rin ako ng nilabhan sa washing upang mas mabilis akong matapos. Saktong patapos na ang aking niluluto nang sabay na dumating sina Bugoy at Jeth. "Oh, sabay na naman kayong umuwi? Anong meron?" takang tanong ko dahil tatlong araw na silang magkasabay umuwi ng tanghalian. "Dinadaanan po ako ni Kuya Jeth, Ma para may kasama akong maglakad. Ito oh, nilibre pa nga ako ni Kuya ng kwek-kwek at hotdog kaya lang hindi ko inubos para matikman niyo rin ni Jana," sabi ni Bugoy at ipinakita sa akin ang plastic na naglalaman ng mga streetfoods. Nakapamewang ako tumingin kay Jeth. "Lunch na po, Sir. Bakit mo naman nililibre ang mga bata sa mga ganyan? Hindi natin sigurado kung malinis ba ang pagkakagawa niyan," sermon ko. "Mukha naman malinis. Malinis naman ang kamay noong Ale kanina, pati yung stall niya ay malinis din," hirit ni Jeth. "Kahit na. Hindi lang iyon, baka mawalan ng gana si Bugoy kumain dahil nabusog na siya sa mga pinagkakain niyo sa kalsada." Nagkatinginan ang dalawa at pagkatapos ay nakita ko ang biglang paglungkot ni Bugoy. Pakiramdam ko tuloy ay naipagkait ko sa kanya ang isang bagay na nakapagpasaya sa kanya. "Halika rito. Patingin nga ng pasalubong mo," sabi ko na lang sa bata sa mas magaan na boses. Muling nagliwanag ang kanyang mukha. "Isasalin ko na lang po sa mangkok Ma. Baka po kasi matapon, tatawagin ko na rin si Jana kina Aling Mameng," sagot ng bata. Maliksi itong nagtungo sa kusina at inilagay sa mangkok ang nabili nito, pagkatapos ay ibinaba na nito ang bag sa sala saka patakbong lumabas ng bahay. "Pasensya na. Nakita ko kasi na gusto niyang bumili kaya lang hindi siya makalapit dahil nandoon ang mga kaklase niya," hingi ng paumanhin ni Jeth nang kaming dalawa na lang naiwan sa loob ng bahay. "Hayaan mo na. Pero sa susunod huwag mo na siya pakainin noon. Pwede siya bumili pero dito niya kakainin para kahit papaano ay masustansya pa rin ang kinakain nila. Hindi rin pwede palagi dahil baka naman magkasakit siya, hindi ko kaya ang malaking gastusin lalo na sa pagpapa-ospital," sabi ko rito saka na naghain. Alam ko naman na nagmamalasakit lamang siya sa bata pero kung ako talaga ang masusunod ay iiiwas ko sila sa mga ganoong pagkain lalo na kung hindi ko alam kung maayos ang pagkakaluto. Iniingatan ko lang ang kanilang kalusugan at mas madaling umiwas kesa ma-ospital. Araw ng Byernes, hindi ako nagpunta ng palengke dahil gusto ko rin magpahinga. Balak ko rin sana palitan ang mga punda at kurtina. "Oh, Jeth. Hindi ka ba papasok?" gulat kong tanong nang nabungaran ko ito sa sala. "Mamaya na raw ako pumasok sabi ni Mang Raul. Hindi pa kasi dumarating yung clay na gagamitin sa paggawa ng paso." "Ganoon ba? Teka, marunong ka na ba gumawa ng paso?" tanong ko rito. Halos mag-iisang linggo na rin kasi ito roon at nakalimutan kong tanungin si Mang Raul kahapon kung kamusta ang performance nito sa paggawa ng paso. "Oo naman. Madali lang naman akong matuto. Dapat lang naman ay magaling ka magkontrol sa paggawa ng paso para mabigyan mo ng tamang kurba ang mga paso," mayabang at nagmamalaking sabi ni Jeth. Yabang naman. "Oh siya. Kung hindi ka papasok, mas maigi pang maglaba ka na ng damit mo. Gagamitin ko mamaya ang washing dahil maglalaba ako ng mga punda, kumot at kurtina. Isang linggo na pero hindi pa kita nakitang naglaba ng damit mo," puna ko rito. "Ipapa-laundry ko na lang. Baka kasi hindi ko matanggal ang dumi kapag ako ang naglaba," sabi nito habang nagkakamot ng ulo. "Eh kung ganoon, ako na maglaba ng damit mo. Sayang ang pambayad mo sa laundry, hindi mo rin sigurado kung malinis ang pagkakalaba. Akin na, ako na ang bahala sa labahin mo. Ako na ang maglalaba," sabi ko rito. Aba, kung magpapa-laundry lang din naman ito mas maigi ng ako na lang ang maglaba. Sayang din na dagdag na income iyon para sa akin. “Ikaw ang bahala pero tutulong na lang din ako,” sabi naman nito. Pumasok na ito sa kwarto nito at saka kinuha ang kanyang bag. Napatampal naman ako sa aking noo nang makitang doon pala nito inilalagay ang kanyang mga labahan. Gwapo nga ito pero may pagkabalahura rin pala. “Bakit dito mo inilalagay ang mga pinagbihisan mo? Kumuha na lang sana ng timba sa likod para paglagyan. Puro putik at amoy pawis ang damit mo tapos ilalagay mo diyan? Mamahalin pa iyang bag mo. Akin na nga,” sermon ko rito at kinuha ang bag nito na hindi na nito maisara dahil sa dami ng labahan nito. Habang nilalagyan ng tubig ang batya ay isa-isa kong tinanggal sa bag ang mga damit nito habang ito naman ay bumalik sa kwarto nito upang kunin ang iba pa nitong labahan. “Ibaba mo na diyan. Paghihiwalayin ko na muna ng kulay ang mga ito bago ko isalang,” utos ko rito. Nakatingin lamang ito sa akin habang binabasa ang mga damit nito at inihihiwalay. Nang mabasa ang lahat ay ang bag naman nito ang aking hinawakan. “Lalabhan ko na rin ito ha? Hindi maganda na gagamitin mo ito ng walang laba samantalang pinaglagyan mo ito ng mga labahan mo,” paalam ko rito pero may halo pa ring panenermon. “Ikaw ang bahala. Tutulong na lang ako magbanlaw, medyo malalaki kasi ang mga damit ko,” sagot nito na parang nahihiya. Napapailing na lamang ako habang kinakapa ang bawat bulsa ng kanyang bag. Gwapo nga ito pero may kapintasan din pala. Doon naman sila nagkakalayo ni Janus dahil iyon ay mapalinis sa katawan pati na rin sa paligid nito. Sa katunayan nga ay may pagka-OC ito. Habang kinakapa ang bawat bulsa nito ay may nahawakan akong mga tela sa pinakasulok ng kanyang bag. “Ano ito? Panyo?” naisaboses ko. “Ang alin?” tanong ni Jeth. “Teka… Ito oh,” sabi ko nang mailabas ang mga iyon at ipinakita ko sa kanya. Napatanga ako ng mapagtantong hindi panyo ang aking nahawakan kung hindi tatlong pirasong panty. Isang itim, pula at may pink pa!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD