Kinaumagahan nga ay nagkasakit si Alex ngunit sinat lamang kaya nakuha pa sa gamot na ininom. Kaya umagang umaga ay sinermonan ni Annie si Alex.
Pumasok pa rin si Alex at nagawa nilang magdahilan sa kanilang professor na may sakit siya kaya wala kahapon.
Maghapon silang magkasama at magkasabay na kumain ng lunch dahil wala si Kelvin. At masaya siya dahil wala rin si Chester na nakabuntot palagi kay Alex. Silang dalawa lang na mag-bestfriend. Na-miss niya rin kasi ang dati na sila lang lagi ang magkasama.
"Wala yata ang aso mo ngayon?" birong bulong niya kay Alex habang nasa library sila. Akala niya ay wala lang klase si Chester ngunit hindi talaga ito nagpakita buong maghapon.
Hinarap siya ni Alex na nakangisi. "Napapansin mo pala si Chester kapag wala siyang aali-aligid, babes?" Makahulugang sabi nito dahilan para panlakihan niya ito ng mga mata.
"Masaya lang akong wala siya. Hindi hati ang atensiyon mo sa aming dalawa!"
Natatawang muling binalingan siya ni Alex.
"Aso mo rin, wala?"asar nito sa kanya na ang tinutukoy ay si Kelvin. Busy kasi ito at may practice raw para sa finals ng basketball na gaganapin nga next week.
Sumimangot si Annie at hinampas nang mahina si Alex na tatawa-tawa. Nang biglang bumahin ito at medyo malakas dahilan para mapalingon ang ibang nasa malapit nila.
"Mukhang sisiponin talaga ako, babes," sabi ni Alex na kumuha ng tissue sa bag pagkatapos humingi ng paumanhin sa mga naroon.
Kaya ang balak nilang magtagal sa library ay hindi na nangyari pa. Umuwi sila agad sa oras na iyon dahil hindi mabuti ang itsura ni Alex. Buti na lamang at wala siyang trabaho sa araw na iyon dahil nakipagpalit ang isang kasamahan niyang si Jemma. Bukas pa ng hapon ang duty niya.
"Iyan kasi sinasabi ko. Next time huwag ka na sumama sa Chester na iyon ah!" pagalit na ika niya sa kaibigan na talagang sinipon na at hindi mapigilang bumahing.
"Magluluto ako ng lugaw. Diyan ka lang," utos niya kay Alex na nahiga na sa sofa. Sinipat niya ang noo nito. "Buti at wala kang lagnat."
Pumunta siya sa kusina para ilutuan ito nang lugaw. Masakit na rin daw kasi ang lalamunan ni Alex kaya mas nakabubuti rito at malambot na pagkain para madali na lang lunukin nito. Hinuhugasan na niya ang bigas nang dumungaw si Alex sa pinto ng kusina.
"Babes, damihan mo ang iluluto," mula sa paos na boses ay utos nito. Nagtaka man ay sinunod na lamang niya ito. Baka iyon ang gustong kainin hanggang bukas.
Hinihintay niyang maluto ang lugaw nang marinig niyang tila may kausap si Alex sa sala. Pinahinaan niya ang apoy ng niluluto at lumabas upang tignan ang kaibigan. May kausap nga ito. Sa telepono.
"Okay ka lang ba talaga? You didn't sound good. Mas malala ka yata kaysa sa akin," sabi nitong dinig niya sa may pinto na kinaroroonan niya.
"May kasama ka ba?" Puno ng pag-aalala ang boses ni Alex kaya napalapit na siya rito. May kutob na rin siya kung sino ang kausap nito. "Pupuntahan kita riyan. Send me your address." Kinunutan niya ng noo si Alex. "Basta, send it to me," pamimilit nito kaya tinaasan na niya ito ng kilay bilang babala.
Nang ibaba ni Alex ang telepono nito ay tumayo siya at pinameywangang hinarap ito.
"At saan ka pupunta? Alam mong masama rin naman ang pakiramdam mo," sita niya rito. Hindi makapaniwala sa inaasal nito.
Tila maamong tupa na kumurap-kurap ang mga mata ni Alex sa kanya at sinasabi ng mga matang iyon na hayaan siya kahit hindi magsalita Naiinis tuloy siya kay Chester na siyang dahilan kung bakit hindi na naman nakikinig si Alex sa kanya.
"May sakit ka, Alex! Gusto mo bang lumala iyan? Halika na, kumain ka para makainom ka na ng gamot!"
Hindi niya talaga ito pinansin at umalis sa harap niya pagkatapos sabihin iyon. Pumunta siya sa kusina at pinatay ang kalan. Kumuha ng mangkok at nilagyan niya ng lugaw iyon.
"Annie, kawawa naman si Chester..."
"Maupo at kumain. Pagkatapos niyan magpahinga ka!" utos niya na binalewala anumang pakiusap nito. Kailangan niyang maging matigas sa kaibigam dahil kung hindi, siguradong ang bagsak ay labis niyang pag-aalala rito.
Kumain si Alex at pinanood lamang niya ito. Wala ni anumang imik na kumain ito. Ganoon rin siya.
Bigla siyang naluluha, ewan niya sa sarili dahil habang titig na titig siya kay Alex, hindi niya kayang pigilan ang bugso ng damdamin. Isa kasi si Alex sa pinakamahalagang tao sa buhay niya. Hindi lang isang bestfriend ang turing niya rito kundi, isang kapatid. Isang pamilya na alam niyang maaasahan niya. Kaya ganoon na lamang niya pahalagahan ito.
May kaya ang pamilya nito ngunit hindi siya itinuring na iba. Mas ito pa nga ang bumaba sa level niya kaysa siya ang tumaas at abutin ito. Kaya mahal na mahal niya si Alex.
Nag-iwas siya ng tingin nang biglang iangat ni Alex ang mukha para tignan siya. Bigla rin kasing tumulo ang kanyang mga luha. Tumayo siya at pumunta sa isang drawer. Naroon kasi ang gamot para sa sipon at mabagal na kumuha roon habang palihim na pinunasan ang pisngi.
"Uminom ka agad ng gamot, Alex." Tinatawag niya sa pangalan si Alex kapag kunwaring nagtatampo o naggagalit-galitan siya.
"Babes..." nakangusong tawag naman sa kanya ngunit hindi niya ito pinansin. Bagkus ay kinuha niya ang mangkok nito at lalagyan pa sana nang tumanggi naman ito. "Ayoko na, busog na ako."
"Ang dami mong pinaluto. Iyon lang ang kakainin mo?"
Pilit itong ngumiti sa kanya. Naningkit ang mga mata niya dahil gets na gets niya anong ibig sabihin ng ngiting iyon.
"Hindi Alex, hindi ka pupunta. Magpahinga ka..."
Padabog niyang ibinaba sa lababo ang mangkok upang hugasan.
"Hindi mo siya obligasyon. May sakit ka na nga. May iba naman siguro na titingin sa kanya!" ika niyang nagtungo sarefrigerator para kumuha ng inumin. Para kasing nanuyo ang lalamunan niya. Binuksan niya ang isang bottled water at uminom.
"Annie," tawag sa kanya ni Alex. Lumingon naman siya habang umiinom pa rin. "Kung ayaw mo akong pumunta...puwedeng ikaw na lang?"
Bigla niyang nabuga ang iniinom na tubig. Buti na lamang at malayo siya rito kundi ay nabugahan niya si Alex at nabasa. Agad niyang binaba ang botelya ng tubig at naniningkit ang mga mata na tumingin sa kaibigan.
"No way!" agad niyang tanggi. "It's a big no-no, Alex. Hindi ba sabi niya okay lang siya. Huwag mo na siyang isipin..."
"Hindi talaga siya okay, Annie. Pakiramdam ko ay nagkunwari lang siya na maayos na pero noong kausap ko, hindi talaga," pamimilit ni Alex sa kanya.
Umirap siya sa kaibigan. Umiral na naman kasi ang katigasan ng ulo ni Alex.
"Hindi ako makakapagpahinga hanggang hindi ko alam ang lagay niya, Annie..."
Napatitig si Annie nang matagal kay Alex. Nagbabanta pa nga ang mga mata niya rito. Ngunit nakipagmatigasan ng titig si Alex. Naalis lamang ang titig nito sa kanya nang inubo ito.
"Alex!" nanggigigil na tawag niya sa pangalan ng kaibigan. Matigas ang ulo nito kaya alam niyang tatakasan siya nito kapag nagkataong hindi siya pumayag.
"Please, Annie. I-check mo lang kung talaga maayos siya. Hindi mo siya kailangang bantayan," ani nitong nakikiusap.
Inis na inis si Annie na napabuga ng hangin. Tumalikod siya at kumuha ng lagayan na tupperware para lagyan ng lugaw na dadalhin niya kay Chester. Pagkatapos niyang matakpan ang tupperware ay pabagsak niya iyong ipinatong sa mesa. Nagulat pa nga si Alex ngunit hindi maalis ang ngiti sa labi.
"Thank you," paos nitong saad.
Inirapan niya ito bago kumuha ng bag na lalagyan ng tupperware. "Una at huli ito, Alex...at hindi ko siya aalagaan kahit pa mag-50/50 iyon. Iche-check ko lang gaya ng sabi mo!" wika niya rito. "Magpahinga ka na."
Agad na tumalima si Alex pagkatapos ng makailang pasasalamat. Ngayon nga ay papunta na siya sa binigay na address ni Alex.
Isang condo unit sa King's Palace nakatira si Chester. Sa ika-anim na palapag ito kaya may oras pa si Annie mag-isip kung tama nga bang puntahan niya ang lalaki. Pero dahil naroon na siya ay ipinagpasya niyang silipin na lang ito. Ngayon nga ay kumakatok na siya sa pinto ng unit ni Chester.