Naghalong inis at pag-aalala ang nararamdaman ni Annie dahil hindi niya makontak si Alex. Wala ito sa klase nila kanina at hanggang ngayon ay hindi pa niya makontak. Nasa parking lot sila ni Kelvin. Papasok na kasi sana siya.
"Hindi na ako papasok. Hahanapin ko si Alex," ika niya kay Kelvin at aalis na sana nang pigilan siya nito.
"Take it easy, baka kasama lang naman niya si Chester..."
Nanggigil ang kalooban niya. Iyon nga eh. Kasama na naman nito si Chester. Paano kung uminom ang mga ito ngayon? Paano kung pinagsamantalahan na ito ni Chester dahil sa kahinaan ng kaibigan. Napakaraming tumatakbo sa isip niya.
Mula sa braso ay dumausdos ang kamay ni Kelvin papunta sa kanyang palad. Ngayon ay hawak na nito iyon.
"Tara, samahan kitang hanapin siya kung gusto mo?" malumanay na saad nito.
Tila hinaplos ang kanyang puso sa kilos na ipinapakita ni Kelvin. Mas lalo siyang nahuhulog dito. Ang bait kasi nito at maalaga pa. Walang pinapakitang mali.
"Wala ka bang practice ngayon? Ayaw kong maging sagabal sa iyo, Kelvin," tanong niya. Kahit kasi nililigawan na siya nito, ayaw naman niyang maging sagabal sa mga bagay na nais nitong gawin. Gaya na lamang ang basketball. O pag-aaral nito. Sa tuwina kasi ay sinasamahan siya nito.
"Hindi ka kailanman naging sagabal sa akin, Annie. Walang practice ngayon kahit laro dahil waiting na lang ang koponan namin sa finals. At..." Bago ituliy ang sinasabi ay dinalawang kamay nito ang paghawak sa kanyang kamay. "Importante ka rin katulad ng basketball."
Pinamulahan siya ng mukha at hindi niya mapigilang mangiti. "Kalakas talagang mambola. Naku..." natatawang wika niya at naitulak pa ng bahagya ito sa balikat. "Basket-bolero nga naman." Natawa ito sa turan niya.
"Let's go."
Katatapos lamang ng ulan kaya madali lang sa kanila ni Kelvin magpaikot para hanapin ang kaibigan. Nagbabakasakali siyang makita ito sa daan. Habang nag-iikot sila ay tinatawagan naman niya ang telepono ni Alex. Ngunit wala siyang napala na kahit ano. Ni text o tawag ay hindi nagawang gawin ni Alex. Lalo tuloy siyang nag-alala at natakot para sa kaibigan.
"Sa bahay na tayo Kelvin. Baka naroon na si Alex," utos niya sa kasama. Alam niyang pagod na si Kelvin at halata na niya ang pagkayamot nito. Hindi niya ito masisisi.
Sana nga ay nasa bahay na nila si Alex...
Dumidilim na kasi ang paligid kaya umaasa na lamang siyang naroon na ang kaibigan.
"Alex!" Gigil na tawag niya sa pangalan ng kaibigan nang makita niyang wala ito sa kuwarto. At halatang hindi pa nga umuwi ito.
Kauupo lamang ni Kelvin sa sofa nang pababa siyang muli.
"Wala pa siya, lalabas akong muli," ika niyang hindi na hinintay si Kelvin makatayo mula sa pagkakaupo.
Mabilis niyang tinungo ang pinto at pipihitin na sana ang seradura nang bigla ring bumukas iyon. Mula sa gulat ay magkahalong inis at saya ang naramdaman niya.
Agad niyang niyakap ang kaibigan na halos hindi nakita ng kalahating araw.
"Alex, saan ka ba nagpupunta? Pinag-alala mo ako," mangiyak-ngiyak niyang usal habang yakap pa rin ito nang mahigpit. Napabitiw lamang siya nang maramdamang basa ang kaibigan. "Basa ka? Nagpakaulan ka ba?" puno nang pag-aala na tanong niya sa kaibigan.
Siya namang pagbungad ni Chester sa pinto na may dalang kape na ang brand ay sa isang mamahaling coffee shop.
Hindi nakapagtimpi si Annie at agad na sinugod ang nagtatakang si Chester.
"Saan mo dinala ang bestfriend ko? Alam mo, isa kang bad influence sa kaibigan ko eh. Simula noong nakilala ka niya heto nangyayari sa kanya..." pagalit na sermon niya. Dinuro-duro pa si Chester na nagtiim bagang lang.
Ayaw nang patulan ni Chester si Annie na halatang galit na galit sa kanya. Aminado naman siyang may kasalanan siya ngayon.
"Annie..." pigil ni Alex sa kaibigan. Hinawakan ang daliri ni Annie na nakaduro sa lalaki.
Matalim at halos mangiyak-ngiyak na hinarap ni Annie si Alex.
"Ipagtatanggol mo pa talaga siya, ha?" Tumulo ang luha niya sa mga mata dahil hindi na mapigilan ang bugso ng damdamin niya. "Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala sa iyo, Alex. Hindi mo alam kung gaano ako katakot na baka... baka..."humagulgol siya sa iyak at halos hindi na makapagsalita. Naghalo na rin kasi ang galit niya sa lalaking dahilan bakit tila nalalayo si Alex sa kanya.
Agad naman siyang niyakap ni Alex kahit basa pa ito. Naiyak na rin dahil ramdam niya na mahal na mahal siya ng kaibigan.
" I'm sorry babes. Hindi na mauulit." Inilayo niya ang sarili at sinakop ng mga palad niya ang pisngi ng kaibigan. Pinunasan ng kanyang hinlalaki ang luha nito sa pisngi. "Tama na, pumapangit ka tuloy. Hindi ka ba nahihiya kay Kelvin. Nakikita ka niyang ganito kapangit!" birong saad ni Alex kahit maluha-luha pa rin.
Lalong pinamulahan ng mukha si Annie. Nakalimutan na niyang naroon pala si Kelvin. Maging si Chester na tahimik lang kahit kung ano-ano na sinabi niya.
"Wala rin kasalanan si Chester. Gumawa lamang siya ng paraan para makalimutan ko ang problemang bumabagabag sa akin..." paliwanag ni Alex sa kanya ngunit kahit gusto niyang tanggapin ang paliwanag na iyon ay hindi niya magawa. Inis na inis siya sa binata.
"Maligo ka na baka magkasakit ka pa," utos niya sa kaibigan na hindi pinansin ang sinasabi nito. Itinulak niya ito papunta sa banyo. "Kukuhanan kita ng damit."
Nang makapasok si Alex sa banyo ay hinarap naman niya ang dalawang lalaki.
"Kelvin, salamat sa pagsama at paghatid sa akin. Pasensiya na sa abala..."
"It's okay, Annie. Alam mo naman na gagawin ko ang lahat para sa iyo."
Napakagat labi siya dahil kahit gaano ito kabuti sa kanya ay nababalewala pa rin niya ito.
"Magpahinga ka na. Basta next week, manood ka ng finals namin."
Napatango na lamang si Annie. Kanina pa sinasabi ni Kelvin na dapat ay naroon siya sa finals ng mga ito. Para sumuporta at para na rin maging lucky charm daw ng binata.
"Hmmm."
Napaikot ang bola ng mga mata ni Annie nang marinig ang pagtikhim ni Chester na hindi pa talaga umaalis. Lumapit ito sa gawi nila sa sala. Ibinaba ang kape na kanina pa hawak nito sa center table.
Walang imik rin itong tumalikod at agad na umalis na walang isa mang salita.
"Aalis na rin ako. Lock the door," wika ni Kelvin na naglakad na rin papunta sa pinto. Sinabayan niya ito papunta sa kotse nito.
"Mag-ingat ka. Salamat," muli niyang ika at hinintay na makapasok ito sa sasakyan. Siya naman pag-alis ng sasakyan ni Chester.
Napabuntong hininga siya at napalingon talaga sa papalayong sasakyan ng lalaki.
"Annie," tawag ni Kelvin upang kunin ang kanyang atensiyon. Napayuko siya sa may bintana nito. "Sana, sagutin mo na ako after the game."
Napakagat labi siya habang hindi makatitig kay Kelvin ng matagal. Umiwas ang tingin niya rito.
"Nagbabakasakali lang ako, Annie. Huwag kang ma-pressure. Kaya ko pa rin maghintay," kapagdaka'y wikang muli ni Kelvin na sa boses ay halatang may pagkadismaya.
Para kay Annie, masyado pang maaga para masabing totoo ang nararamdaman niya. Maging si Kelvin . Gusto niyang makasiguro.
Umalis ang lalaki na wala siyang sagot. Ngunit bagsak rin ang kanyang balikat nang makapasok na sa kanilang apartment.
Tinapunan niya ng tingin ang kapeng iniwan ni Chester. Dalawa iyon at nakasisiguro siyang para sa kanya ulit ang isa. Napaismid siya at kukunin na sana iyon para itapon nang biglang sumilip si Alex sa pinto ng banyo.
"Babes, asan na damit ko? Akala ko kukuha ka."
Nanlaki ang mga mata niyang humingi ng paumanhin kay Alex at dali-daling tumakbo sa kuwarto nito.
"Here," sabi niyang iniabot ang pangtulog na magkapares. "Gininaw ka na ba?"
Umiling si Alex kaya naman nabunutan siya ng tinik. Madali pa naman magkasakit ang kaibigan. Kaya nga sobrang inis niya kay Chester dahil hinayaan nitong mabasa sa ulan si Alex.
Lumabas si Alex na suot na ang damit at nakapatong sa ulo ang tuwalya upang patuyuin ang mahabang buhok.
"Nasaan na sila?" agad na tanong nito nang magtungo ito sa sala.
"Umuwi na," maikling sagot niya at kukunin na muli sana ang kape sa center table nang agad na kuhanin ni Alex ang isa at inuman.
"Wow, mainit-init pa rin," sabi nitong tila naginhawaan. "Para sa iyo ang isa, babes. Binili ni Chester."
Napairap siya at naupo sa tabi ng kaibigan. Pagkaupo ay napatitig siya sa hawak na kape. Mainit init pa nga ito mula sa labas. Kaya imbes na itapon iyon ay mabagal niyang iniangat iyon sa bibig.
Mula sa maliit na pagsimsim sa kape ay tinuloy-tuloy niya ang higop doon. Tila kumalma ang pakiramdam niya sa amoy at lasa ng kape. French vanilla ang flavor ng kanyang kape.
"Sorry talaga, babes."
Napatingin siya sa kaibigan. Inangat niya ang kape nakunwaring makikipag-cheers siya kay Alex. Napangiti ito at iniangat ang kape. Tahimik nilang inubos iyon at wala ng nagsalita pa.