Kahit anong gawin ni Alex ay tila aso at pusa pa rin nagbabangayan sila Chester at Annie. Walang araw na hindi nagsusungit ang bestfriend niyang babae. Minsan ay pinapatulan na rin ito ni Chester kaya hindi na niya alam ang gagawin at hindi na rin niya sinubukang pagbatiin ang dalawa.
Isang linggo na ang nakalilipas nang makilala niya ang itinuring na matalik na kaibigang lalaki. Isang linggo na rin na nililigawan ni Kelvin si Annie.
Tingin niya ay gusto na rin ni Annie si Kelvin. Effort na effort rin kasi ang lalaki sa paghatid sundo sa kaibigan niya. Lalo na kapag may trabaho ito sa gabi.
Masaya si Alex. Masaya siya ngunit ang kasiyahang iyon ay hindi nagtagal dahil sa biglang pag-uwi ng lalaking sinundan niya sa Maynila. Ang lalaking minahal ngunit minahal ay iba. Ang masaklap, step sister pa niya ang minahal nito.
"Are you okay?"
Isang araw ay nasa may bench sila ni Chester. Doon sila naglalagi kapag parehong may bakanteng mga oras. Minsan ay kasama nila si Annie, ngunit ngayon nga ay wala ito dahil sa pag-imbita ni Kelvin.
Sa pagsasama nila ni Chester, nalaman niya ang ibang mg detalye sa buhay ng binata. Interior designing ang kinukuha ni Chester dahil sa negosyo ng pamilya nito. Kaya nga may subject silang kasama ito. Base na sa US ang halos buong pamilya nito. May ibang negosyo rin amg pamilya nito sa Pinas. Ano man iyon ay hindi na niya inabalang alamin pa. Kay Chester niya rin nasasabi ang mga bagay na minsan ay hirap siyang sabihin kay Annie. May mga bagay kasi na ayaw na niyang madamay pa si Annie. Marami na rin kasi itong pinagdaanan at pinagdadaanan.
"Ang hirap pa lang magmahal ano?" bulalas niya at nagsimulang muling kausapin si Chester. Gumaralgal pa ang boses dahil naiiyak na naman siya.
Hindi lumingon si Chester dahil ayaw niyang makita ang mukha ni Alex na puno ng lungkot.
"Hindi ko alam kung paano ka sagutin," napapakamot na saad ni Chester habang pinapagaan ang sitwasyon. Hindi naman niya talaga alam dahil karamihan sa mga relasyon niya ay isang laro. Walang naging seryoso. Wala siyang sineryoso.
Muling nilagay ni Chester ang earphone sa kanyang teynga. "Talk," utos niya kay Alex. Ganoon silang dalawa. Saka lamang magsasabi si Alex at magkukuwento ng tuloy-tuloy kapag may nakalagay sa teynga niya. Kahit alam naman nitong wala naman talaga siyang pinapakinggan at naririnig pa rin niya ito.
"Bata pa lang ako, minahal ko na siya. Alam kong alam niya ang nararamdaman ko, pero hindi niya kayang suklian. Hindi niya ako kayang mahalin, Chester."
Napakuyom ang mga kamao ni Chester habang nakikinig.
"Bakit kasi hindi ko maturuan ang puso kong kalimutan siya. Na maging masaya sa kanila..."
Napalunok siya nang mahimigan si Alex na umiiyak na.
"Pinipilit ko naman na lumimot. Na huwag masaktan. Pero ang puso ko, Chester. Ayaw tumigil ng puso kong mahalin siya..."
Hindi niya napigilang akbayan si Alex at hilain ito patungo sa kanyang dibdib upang yakapin nang magsimula na itong humagulgol. Ramdam niya ang sakit sa mga salita nito. Ayaw man niyang maramdaman iyon, hindi niya mapigilan. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang siya sa babae.
Dahil ba si Alex ang tanging babaeng hindi nagpakita sa kanya ng masama sa umpisa? Genuine ang ipinapakita nito at hindi pagkukunwari. Hindi gaya ng iba. Gaya ng kanyang kinilalang ina.
Minsan naiisip niya sa sariling punan na lamang ang isang bagay na gusto ni Alex. Ngunit alam niyang hindi niya puwedeng pilitin ang babaeng magmahal ng iba. Kahit siya pa iyon.
Mas hinigpitan pa niya ang yakap kay Alex lalo nang mapalakas ang hagulgol nito. Umiihip ang hangin at gumagalaw ang mga dahon ng puno sa kanyang pagtingala.
Nang maramdaman niya ang teleponong nagba-vibrate. Pagtingin niya, ang ama niya ang tumatawag.
Binalewala niya ang tawag na iyon. Maingat siyang gumalaw para patayin ang telepono. Hindi niya kailangan ang sermon ng ama sa ngayon.
Ilang saglit pa sila ni Alex sa ganoong ayos. Nang mahimasmasan ito, nahihiya nang humarap sa kanya.
"Alam mo kung anong masarap gawin pagkatapos umiyak?"
Ang mugtong mga mata ni Alex ay bumaling sa kanya. Gumalaw ang kanyang panga sa galit sa lalaking dahilan ng pag-iyak nito ngunit pinilit niyang maging masaya. Alex needs someone na magpapasaya rito.
"Ano?"
Tumayo siya at kinuha ang mga gamit nila bago hilain si Alex patayo. Hinila niya ito patungo sa parking lot kung nasaan ang kanyang sasakyan.
"Saan tayo pupunta, Chester?" atubiling tanong ni Alex ngunit hindi niya sinagot. "May klase pa tayo."
Wala siyang pakialam sa klase niya. Si Alex naman ay alam niyang alas dos pa ang sunod na klase. Ala una lamang ngayon.
"Basta akong bahala sa iyo. Narito ka na sa sunod mong klase," sabi niyang pinagbuksan na ng pinto si Alex at bahagyang itinulak ito para sumakay.
Walang nagawa si Alex dahil iyon din naman ang gusto niya. Ang makalimutan muna ang lahat. Kaya naman hinayaan niya si Chester na dalhin siya kahit saan.
Hindi naman kalayuan ang pinagdalhan sa kanya ni Chester. Sa isang park na nadadaanan nila siya nito dinala. May iilang mga kabataan ang naroon na naglalaro.
"Anong gagawin natin dito?" tanong ni Alex at tila ayaw bumaba.
"Come on. Maglaro tayo. Iwanan muna natin ang problema sa ngayon. Bumalik tayo sa kabataan natin. Iyong free. Iyong laro lang ang nasa isip."
Pagkasabi noon ay hinayaan siya ni Chester na bumaba sa sariling kagustuhan. Pinanood niya itong tumakbo sa isang slide at doon masayang naglaro.
Umarko ang ngiti sa labi ni Alex. Ang saya-saya tignan ni Chester habang nagpaikot-ikot sa palaruan. Ngayon nga ay nasa swing na ito. Nakatayo pa habang ginagalaw ang katawan upang gumalaw ang swing.
Naengganyo siyang lumapit dito at naupo sa isang swing. Buti na lamang at hindi lamang pambata ang palaruan dahil baka nasira na iyon sa kanila.
Gamit ang paa ay pinagalaw niya ang inuupuang swing. Hanggang sa tumataas na rin siya sa lupa. Ang init at hanging nasasalubong ng kanyang mukha ay tila naging dahilan para makalimutan niya ang bagay na nagpapabigat sa kanyang damdamin.
"Woohoo!" sigaw ni Chester.
Natawa si Alex dahil napalingon ang ilang kabataang naglalaro. Hindi naman pinansin iyon ni Chester at patuloy sa pag-swing nang napakataas.
"Alex...parang palaruan lang ang damdamin. Parang slide lang na tumataas ka, pero bubulusok ka pababa. Parang seesaw na pataas-pababa. Parang itong swing, kung hindi natin iusad, hindi siya uusad mag-isa. Laruin mo lang ang damdaming iyan hanggang sa mapagod ka at gusto nang sumuko. I'm here. Hihintayin kong mapagod ka. Dahil sasamahan kitang magpahinga," wika niya habang patuloy silang umaangat sa swing. Magkasalungat ang direksiyon.
Napapikit si Alex sa narinig mula sa matalik na kaibigan. Sana nga ay mapagod na siya. Mapagod ng magmahal sa iisang lalaking wala naman gusto sa kanya.
Mula sa swing ay napunta naman sila sa spinning wheel, kailangang nilang gamitin ang katawan nila at balanse para hindi mahulog doon. Tawa nang tawa si Alex dahil laging hulog si Chester doon.
"Ang hirap!" reklamo nitong bumaba na ng tuluyan at hinayaan siyang manatili roon.
Hanggang sa marinig nila ang ilang kabataang nag-uusap. Maglalaro ang mga ito ng habulan.
Nagkatinginan sila ni Chester. "Sali tayo?" tanong niya rito.
"Game," agad na pagpayag nito at ito na ang humila sa kanya para kausapin ang mga kabataan.
"Puwedeng sumali?" Nakangiting nilapitan ni Chester ang tila leader ng mga kabataang iyon. Sa tingin nila ay pawang mga teenagers na ang mga iyon na nagtataon ng labing apat hanggang labing anim.
"Isali natin sila kuya at ate," biglang singit ng isang babae na naka-shorts lang at sleeveless.
Nagkatanguhan ang ilan pang mga kasama ng mga ito kaya ilang saglit lamang ay nagsimula na ang kanilang laro. Dahil nga nakisali sila, si Chester ang ginawang taya.
Heaven and Earth ang tawag sa laro nila. Kapag sinabi niyang heaven, hindi puwedeng tumapak ang hinahabol niya sa lupa at doon rin niya hahabulin ang mga ito. Puwedeng gamiting ang monkey bars at iba pang palaruan huwag lang tumapak sa lupa.
Kapag sinabi niyang Earth, puwedeng magtakbuhan ang mga kalahok sa lupa upang makalayo sa kanya.
Hindi mahirap gawin iyon. Athlete siya sa pinasukang highschool sa US kaya mabilis niyang nahabol ang isang lalaki para ito naman ang maging taya.
Napuno ng tawanan nilang lahat ang playground. Nakalimutan na rin nila na kailangang bumalik ni Alex para sa sunod na klase. Kahit pa tawag nang tawag si Annie ay hindi nila masagot dahil iniwan nila ang kanilang mga gamit sa kanyang sasakyan.
Nagtagal ang habulan at laro na tila wala silang kapaguran. Kahit pa nga bumuhos na ang ulan ay nagpatuloy sila sa paglalaro. Ngayon, siya na naman ang taya dahil iniligtas niya si Alex nang muntikan itong mahuli.
Nagtakbuhan na muli ang mga kasamahan at nagsimula na siyang habulin ang mga ito. Ngunit dahil lumalakas na ang ulan ay nahirapan siyang habulin ang mga ito.
"Earth!" sigaw niya at nagsigalawan ang mga hinahabol. Kailangan kasi nilang umalis kung nasaan ang mga ito ngayon.
"Heaven!" sa pagsigaw niyang iyon, si Alex ang malapit sa kanya kaya agad niya itong hinuli.
"Got you," natatawang saad niya at hinuli ito sa beywang.
"Chester!" sigaw nitong humalakhak at tinapik ang kamay niya. Ang ginawa niya, binuhat niya ito habang basang basa na sila ng ulan.
"Ang sweet!" sigaw ng mga kalaro nilang pareho nilang naliligo na sa ulan. Mga pagod na rin kaya nagsiupo na.
Maging sila ni Alex ay pagod na kaya inalalayan niya itong maupo sa tila tulay na nagdudugtong sa monkey bars papunta sa slides.
Itinaas niya ang kamay at ibinuka ang palad. Doon ay pinanood niya ang ulan na pumapatak habang sinasalo ito.
"Iiyak ka ng gaya ng ulan, Alex. But remember, titigil rin naman ito at muling magliliwanag. But the truth is...I don't want to see you crying like this ever again," anas niyang tila sarili ang kinakausap.
Alam niyang naririnig siya ni Alex. Ngunit hindi ito sumagot. Bagkus ay tumingala ito at nakapikit na hinayaang pumatak ang ulan sa kanyang mukha.
Napatitig si Chester kay Alex. Ang kagandahan nito ay napupuno ng lungkot.
"Kuya, baka matunaw si ate, huwag mo titigan," biglang biro sa kanya ng mga kabataang nagsitayo na.
Natawa siya gayon din si Alex na napatingin muna sa kanya bago sa mga kabataang tila aalis na.
"Alis na po kami. Salamat po," paalam ng lalaking kinausap ni Chester kanina.
"Kuya, alagaan mo si Ate ha," sabi naman ng babaeng kanina pa sila tinutukso. Nagtawanan ang mga ito habang kumakaway palayo.
Naging tahimik ang kanilang paligid. Nagmamasid si Chester sa kanyang katabi. Tahimik rin kasi itong nakatanaw na lamang sa malayo.
"Salamat, Chester. Salamat dahil narito ka sa tabi ko..."