MALALIM na ang gabi ngunit mas pinili pa rin ni Prinsipe Nikolai na lumabas na walang ano mang nararamdamang takot. Hindi niya alintanang malagay sa kapahamakan ang kaniyang kaligtasan. Hindi niya inisip na malaman ng hari ang kaniyang pagtakas sa kaniyang tirahan. Higit nga namang mahalaga sa kaniya ang makausap ang binatang prinsipe na si Dermot dahil hindi na makapaghihintay pa ang kung anong nararamdaman niya nang sandaling iyon. Kung ipagpapabukas niya pa ay pihadong mawawalan na siya ng pagkakataon para masabi sa binatang prinsipe. Alam niya kung saan ito nagpunta kung kaya nga ay pumasok siya ng kakawayanan kahit na mariin siyang pinagbabawalan na magtungo roon. Nilampasan niya lamang ang mga tuwid na kawayan na hindi pinagkakaabalahang tingnan ang dilim sa likuran ng mga iyon. Hi

