Prologue
“RENÉ, anong ginagawa mo?” nagtatakang tanong ni Frianne nang madatnan ang kasintahan sa kuwarto nito na nag-iimpake ng damit.
Sinulyapan lang siya ng nobyo pero hindi ito umimik. Nagpatuloy lang ang binata sa ginagawa nito.
“Saan ka pupunta?” pangungulit ng dalaga. Umupo siya sa kama kung saan naroon ang mga damit na inaayos ng kanyang nobyo.
Akmang maglalagay ng damit si René sa bag nang pigilan ito ni Frianne.
“Aalis ka ba? Iiwan mo rin ba ako?” naluluhang wika ng dalaga.
Isang malakas na buntunghininga ang pinakawalan ni René bago ito umupo sa tabi ng kasintahan. “Hindi ko ito gustong gawin pero kinakailangan kong sumunod sa utos ng konseho. Kung hindi kami aalis ni Daniel, baka maparusahan sina Papa at Uncle David,” paliwanag ng binata.
Kumunot ang noo ni Frianne. “Hindi ko maintindihan. Ano bang nangyayari? Bakit kailangan ninyong umalis ng pinsan mo?”
Tinitigan ni René ang kasintahan. Huminga muna ito ng malalim bago nagbuka ng bibig. “Ipinag-uutos ng konseho na bawat Alpha at Beta ng buong Crescent ay magpapadala ng kanilang anak sa mundo ng mga tao. Kaya aalis kami ni Daniel,” anito sa malungkot na tinig.
Hindi agad nakaimik si Frianne. Seryosong nakatitig lang siya sa nobyo. “Pero bakit?” Iyon lang ang nasabi niya pagkatapos ng mahabang sandali ng pananahimik.
“Natatakot ang konseho na kapag magkakaroon uli ng matinding labanan ay malipol ang buong mamamayan ng Crescent. Kaya mainam daw na ang iba sa amin ay tumira muna sa mundo ng mga tao para sa aming kaligtasan,” tugon ni René sa mahinang tinig.
“Kung gano’n ay isama mo ako. Ayokong maiwan dito,” pamimilit ni Frianne.
Marahas na napailing si René. “Hindi maaari. Baka mapahamak ka lang. Galit ang mga tao sa mga katulad nating nilalang. Hindi ko masisiguro ang kaligtasan mo lalo na’t ang mga katulad kong lobo ay mahina ang kapangyarihan kapag nasa mundo ng mga tao.”
Nalaglag ang luha ni Frianne. “Huwag mo namang gawin sa akin ito. Iniwan na nga ako ng pamilya ko tapos pati rin ba ikaw, iiwanan mo rin ako,” sambit ng dalaga habang tumutulo ang luha nito.
Kinabig ni René ang nobya sa balikat nito. “Ayoko rin namang gawin ito. Pero mas makabubuting dumito ka na lang. Hintayin mo na lang ang pagbabalik ko. Kung ayaw mo namang maiwan dito, maaari kitang ihatid bukas doon sa mga magulang mo sa La Forêt. Pangako kapag nakabalik na ako, susunduin agad kita roon,” sabi ng binata habang hinahagod ang likod ng dalaga.
“Ayoko! Ayokong magpaiwan. Sasama ako sa iyo. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka sa tabi ko. Saka nakalimutan mo na ba na Hybrid ako. Kaya ko ring ipagtanggol ang sarili ko,” paniniyak ni Frianne. Tumingin pa ito ng diretso sa nobyo.
Napakamot ng kanyang ulo si Renê. “Mahal, pinaghalong dugo ng lobo at bampira ang nasa katauhan mo kaya mas mapanganib sa iyo ang tumira kasama ng mga tao,” napailing na saad ng binata.
“Kahit na. Mas gugustuhin ko pang mamatay na kasama ka kaysa maiwan ako dito at mamatay na mag-isa,” pagmamaktol ng dalaga.
Napaawang ang bibig ni René sa pahayag ng nobya. “Sige na nga, isasama na kita. Baka mamaya kung ano pa ang maisip mong gawin kapag iniwan kita dito,” nag-aalalang sambit niya.
“Mabuti naman at naisip mo iyan. Sana kapag nagkaroon tayo ng anak ay mamahalin din niya ng husto ang kanyang mate at hindi niya ito iiwan,” umaasam na wika ng dalaga.
Napatango na lang si René sa sinabi ng kanyang kasintahan.