Chapter 1 - The Bet

623 Words
"MABUTI pa ang isa diyan, masayang-masaya na naman. Magkikita na naman kasi sila ng my loves niya. Kumpletong-kompleto na naman ang araw niya," nakangiting kantiyaw ni Steve habang nakatuon ang tingin kay Kurt. "Naiinggit ka lang kasi wala kang girlfriend," biglang sabad ni Richard. Napaismid si Steve. "Kung makapagsalita ka, akala mo naman may girlfriend ka. Kung di ko pa alam kahit nililigawan nga wala ka kasi takot ka sa mga babae," nakasimangot nitong sabi. Humagalpak ng tawa si Kurt. Napakamot naman ng ulo si Krypton samantalang si Enrico ay pinamulahan ng mukha. "Bakit ikaw, may nililigawan ka ba?" naghahamong tanong ni Richard. "Wala pa. Pero may prospect na ako. Kung gusto mo, magpustahan pa tayo kung sino sa ating dalawa ang unang magkaka-girlfriend," mayabang namang sagot ni Steve. "Okay iyang pustahan ninyo. Magandang ideya iyan, para hindi lang naman ako ang may minamahal dito at para hindi na rin kayo mainggit sa akin. Pero isama na rin ninyo ang dalawang ito para hindi lang libro ang inaatupag nila." Inginuso ni Kurt ang magkatabing sina Enrico at Krypton. "Mas magiging masaya kung tayong lahat ay may inspirasyon. Tutal naman, tatlong semester na lang at ga-graduate na tayo. Hindi ba maganda iyon, Enrico?" Tinapik nito sa balikat si Enrico. Imbes na sumagot ay umiwas naman ng tingin si Enrico. Napangisi si Steve. "Maganda iyang sinabi mo Kurt. So, ganito na lang ang gawin nating apat. Kung sinuman ang unang magkakaroon ng girlfriend sa atin ay magiging slave niya ng isang buwan ang huling magkaka-girlfriend sa atin. Bukod doon ay siya rin ang sasagot ng graduation fee nating lahat next year. Anong..." "Teka lang…teka lang," biglang putol ni Krypton sa sasabihin ni Steve. "Huwag ninyo akong isali diyan. Hindi ako interesado. Kayo na lang ang magpustahan." Napailing si Kurt. "Bakit ano bang problema mo, Krypton? Huwag mong sabihin na ayaw mong magkaroon ng girlfriend. Bakit...bakla ka ba, bro?" seryosong tanong nito. Pinamulahan ng mukha si Krypton. Hindi ito kaagad nakasagot. Si Enrico ay nakangiting nag-fake ng ubo. Kunot-noong nagkatinginan naman sina Richard at Steve. "Mga bro, hindi ako bakla. Pero alam naman ninyo ang sitwasyon namin ni Enrico na kaya kami nakapag-aral dito sa SMU ay dahil sa scholarship. Kaya nga nag-aaral akong mabuti para hindi mawala iyon. Wala akong panahong manligaw o makipag-girlfriend." "Krypton, hindi mo naman kailangang magka-girlfriend. Ang sinasabi ko lang naman ay sana magkaroon ka ng inspirasyon. Tulad namin ni Barbie, officially, hindi ko naman siya girlfriend. Mag-MU lang kami. Pero hindi ako puwedeng manligaw sa iba at siya ay hindi rin puwedeng magpaligaw sa ibang lalaki. May usapan kasi kami na pagdating ng tamang panahon ay magiging girlfriend ko siya," paliwanag ni Kurt. "Okay iyon, ah. Kahit mag-MU lang pala puwede na," nakangiting sambit ni Richard. "Oo, puwede na iyon. Basta ang importante ay may inspirasyon tayo. Sayang naman ang pananatili natin dito sa SMU kung wala man lang babaeng napalapit sa puso natin," wika ni Kurt. "O, sige, payag na ako. Ewan ko lang dito kay Krypton." Napatingin si Enrico kay Krypton. "Sige na nga, payag na rin ako," napilitang tugon ni Krypton. "Pero kahit MU lang, ha? Hindi kailangang official girlfriend. Kaya lang kailangan nating liwanagin ang time frame. Ngayong semester ba na ito? O kahit hanggang next year pa?" "Para walang lugi, bago mag-Pasko ay dapat may ka-MU o girlfriend na ang bawat isa. Kaya mahaba pa ang panahon ninyong maghanap kasi January pa lang ngayon," suhestiyon ni Kurt. "Maganda ang suggestion ni Kurt. Payag ako diyan. Ang walang lovelife hanggang December ay mapaparusahan. Let's do it, boys, Operation MU s***h girlfriend. " Inilahad ni Steve ang kanang kamay sa gitna at ganoon din ang ginawa ng tatlo pa. Para silang mga batang naglalaro lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD