"ANG DAMI mo namang dalang bulaklak. Kanino mo ba ibibigay ang mga iyan?" nagtatakang tanong ni Steve habang nakatitig sa isang bungkos ng pulang rosas na dala-dala ni Richard.
"Nagdala na ako ng maraming bulaklak para marami rin akong maisayaw mamaya. Ang hirap naman kasing maghanap ng magiging girlfriend. Mahigit isang buwan na mula nang pag-usapan natin ang tungkol doon. Pero hanggang ngayon wala pa rin akong nahahanap na babae. Kaya nga sana naman mamaya bago maubos ang dala kong bulaklak ay makahanap na ako ng babaeng liligawan ko," mahabang paliwanag ni Richard.
"So tingin mo nasa College of Engineering o sa Home Arts ang future girlfriend mo?" sabad ni Kurt na hindi nila namalayang nakalapit na pala sa kanilang dalawa.
Nagkibit-balikat si Richard. "Siguro. Sana. Ayoko na kasing lumayo pa. Mas okay na iyong nasa malapit lang para hindi na ako mahirapang puntahan o dalawin pa siya."
Sunud-sunod na napaubo si Steve.
"O, anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang usisa ni Kurt.
"Baka umaarte lang iyan. Binibiro na naman niya tayo," ang sagot naman ng kararating na si Krypton.
"Totoo ba iyon, Steve? Nagda-drama ka na naman." Sumabad na rin sa usapan si Enrico na kasunod lang ni Krypton na dumating.
Marahas na umiling si Steve. Huminto na ito sa pag-ubo ngunit namumula pa rin ang mukha nito.
"Hayaan n'yo na siya. Baka nasamid lang siya," sabi ni Richard nang mapatingin kay Steve bago bumaling sa mga kaibigan. "Sino pala sa inyo ang walang dalang bulaklak? Marami akong dala. Gusto n'yo bigyan ko na lang kayo? Sa dami nito baka mapagod naman ako sa pagsasayaw."
Inilabas ni Kurt ang isang long-stemmed rose. "May dala akong isang rosas. Wala naman kasi dito si Barbie kaya wala rin akong ganang makipagsayaw sa iba."
"Ako rin, isang rosas lang dala ko. Baka kasi hindi rin ako makakasayaw mamaya. Tutugtog kami sa buong gabi. Saka iisang babae lang naman ang gusto kong isayaw sa dance floor."
"O, heto, dagdagan ko." Inabot ni Richard kay Enrico ang dalawang long-stemmed rose. " Tiyak na matutuwa si Arrielle kapag ibinigay mo sa kanya ang mga iyan." Nakangiting kinindatan niya ang kaibigan.
"Sino si Arrielle?" magkasabay na tanong nina Steve at Krypton.
Hindi agad nakasagot si Enrico kaya si Kurt ang sumalo sa tanong ng dalawa. "Huwag n'yo nang itanong. Hintayin na lang natin na magkuwento si Enrico."
"Sino pa sa inyo ang nangangailangan ng bulaklak?" pag-iiba ni Richard sa usapan. Nahalata kasi niyang parang gustong usisain pa ni Steve si Enrico.
"Kailangan ba talaga nating makipagsayaw? Hindi ba puwedeng manood na lang tayo?" nagkakamot ang ulong tanong ni Krypton.
"O, sa iyo na ito." Inabot ni Richard ang tatlong long-stemmed rose kay Krypton. "Baka may makursunadahan kang isayaw. Sayang naman ang bihis mo kung uupo ka lang at manonood mamaya."
Tinanggap ni Krypton ang bulaklak.
"Tama. Hindi tayo nagdiriwang ng taunang Valentines Party kung ang pakay lang ng bawat isa ay magpa-check ng attendance at manood ng program. Nandito tayo para magsaya at makipagsayaw," nakangiting sambit ni Steve.
"Kung gano'n tara na sa loob. Baka hinihintay na si Enrico ng mga kasama niya." Nagpatiuna nang pumasok si Kurt, sa gym, kung saan idinadaos ang taunang Valentine's party.
Sumunod na rin sila sa kanya. Sa dami ng taong naroon, nasa bungad na sila ng entrance ng gym nang maramdaman ni Richard na may bumunggo sa likuran niya.. Awtomatikong napalingon siya sa kanyang likuran.
"Oops, sorry ha?" apologetic na pahayag ng babae na nasa likuran lang niya.
Hindi siya agad nakapagsalita. Nakatingin lang siya sa babae. Wala sa sariling napatitig siya ng husto dito. Maliit lang ito at halos hindi pa umabot sa dibdib niya. Nakasuot ito ng violet na cocktail dress na hanggang tuhod nito ang haba. Medyo singkit ang mga mata nito. Maputi ito kaysa sa pangkaraniwang Pilipina. Kung hindi siya nagkakamali ay halos magkasing-kulay ang balat nito at ni Arrielle. Malamang ay hindi ito purong Pilipino.
Sa unang tingin ay hindi mo kaagad mapapansin na maganda ito. Ngunit habang tinititigan niya ito ay lalong gumaganda sa paningin niya. Iyong tipo ng ganda na hindi man pang-beauty pageant o pang-artista ngunit maipagmamalaki mo naman ito kahit kanino.
"Pasensiya na, talaga ha?" Ang muling pagsasalita ng babae ang pumutol sa daloy ng isip ni Richard.
Nang akmang magsasalita na siya ay saka naman niya naramdaman na may humatak sa braso niya.
"Hindi ka pa ba papasok? Maiiwan ka pa ba dito?" kunot-noong tanong ni Steve. "Tara na. Iniwan na nila tayo." Hindi na siya nakapagprotesta dahil tuluyan na siyang hinatak ng kaibigan.
Nang muli niyang lingunin ang babae ay nakatingin pa rin ito sa kanya. Ngunit agad ding nabaling sa iba ang atensyon nito nang may lumapit na dalawang babae. Naglalakad na rin ito papasok habang nakikipag-usap sa mga kasama nito.
Hahanapin niya ito mamaya. Sisiguraduhin niyang maisasayaw niya ito. Makikipagkilala na rin siya dito.
" O, ANO pang hinihintay mo?" Tinapik ni Steve sa balikat si Richard. "Bakit hindi ka pa tumayo diyan? Dance for all na, sabi ng emcee."
Napatayong bigla si Richard nang mapansing nakatayo sa tabi niya ang kaibigan. "Tara, samahan mo ako," kinakabahang sabi niya kay Steve.
Bumulanghit ng tawa si Kurt na nakaupo malapit lang sa kanila. "Makikipagsayaw ka lang, Richard, pero bakit namumutla ka na? Ninenerbiyos ka ba?" pilyo ang ngiting tanong nito.
Napakamot ng ulo si Richard. "Ewan ko ba kung bakit ako kinakabahan ngayon. Ito na ang pangatlong taon natin na um-attend ng Valentine's party pero ngayon lang ako nakaramdam ng nerbiyos. Para bang first time kong a-attend ngayon."
"Huwag ka na ngang mag-drama diyan," saway ni Steve. "Maghanap na tayo nang isasayaw natin para makarami tayo." Binalingan nito si Krypton na nakaupo sa tabi ni Kurt. "Ikaw din, tumayo ka na diyan. Sumama ka na rin sa amin."
"Bakit ako lang tinatawag mo? Bakit hindi kasali si Kurt?" kunot-noong tanong ni Krypton.
"Hindi na kailangang maghanap si Kurt ng maliligawan kasi mayroon na siya. Pero kayong dalawa ni Richard ay kailangang maghanap ng prospect," pangangatwiran ni Steve.
"Kami lang ba ni Krypton ang maghahanap ng maliligawan? Hindi ba dapat ikaw rin?" nagtatakang tanong ni Richard. Ang usapan nila ay silang apat nina Enrico ay dapat na magkaroon ng girlfriend bago mag-Pasko. Unless may girlfriend na si Steve...
"May prospect na akong liligawan. Kailangan ko na lang siyang hanapin," ang sagot ni Steve.
"May nililigawan ka na?" paglilinaw ni Richard sa sinabi ng kaibigan.
"Huwag na nga ako ang pag-usapan natin. Mabuti pa'y maghanap na lang tayo nang maisasayaw." Nilapitan ni Steve si Krypton na noo'y nakaupo pa rin. Hinila nito ang kanilang kaibigan patungo sa grupo ng mga kababaihan. Napilitan na rin siyang sumunod sa kanila.
Pagdating nila sa grupo ng mga taga-College of Home Arts ay agad siyang lumapit sa isa sa mga nakaupo roon. Nang i-abot niya sa babae ang dalang rosas ay agad naman itong tinanggap ng pinagbigyan niya. Tumayo ito kaya isinama na niya ito sa gitna ng dance floor.
Hindi pa sila natatagalang magsayaw nang mapadako ang tingin niya sa grupo ng mga kababaihan sa Department of Information and Communication Technology. Napansin niya ang babaing nakabunggo sa kanya kanina. Mag-isa itong nakaupo at nakatingin lang sa mga sumasayaw.
Bigla siyang nakaramdam ng panghihinayang. Sana ay ito na lang pala ang isinayaw niya. Hindi na niya pinatagal pa ang pakikipag-sayaw sa babaing kasama niya. Tinapos na niya ang pagsasayaw nila. Nang maihatid niya ang babae sa upuan nito ay agad siyang bumalik sa kanyang upuan.
"Ang bilis mo namang nakipag-sayaw? Wala pa nga sina Steve at Krypton, pero ikaw nandito na," sita ni Kurt nang bumalik siya ng upuan.
"May gusto kasi akong isayaw na iba," katwiran niya.
"Bakit kasi hindi iyon ang isinayaw mo para nag-enjoy ka?” kunot-noong tanong ni Kurt.
"Hindi ko kasi siya nakita agad. Saka ko lang siya nakita noong nasa dance floor na kami ng kasayaw ko." Hindi kasi niya naalala agad iyong babae kaya nabaling sa iba ang atensyon niya.
Nang sumunod na magtawag sila ng dance for all ay agad niyang nilapitan ang babaeng iyon. Tatlong rosas ang dinala niya para ibigay sa babae. Ngunit nang nakatayo na siya sa harap nito ay mukhang nagdadalawang-isip pa ito kung makikipagsayaw sa kanya o hindi.
Shit! Mukhang mapupurnada pa yata ang balak niya.