Chapter 3 - First Dance

1248 Words
"MISS puwede ka bang maisayaw?" Napatingin si Isabella sa nagsalita. Nakatayo sa harapan niya ang isang napakatangkad at guwapong lalaki. Nakangiti pa ito nang matamis sa kanya. May hawak itong tatlong piraso ng mapupulang rosas. Hindi siya kaagad nakasagot. She was mesmerized by the face of the man. Pamilyar sa kanya ang pagmumukha nito. Ang problema lang ay hindi niya maalala ang pangalan nito. Ngunit nasisiguro niyang engineering ang kurso nito at hindi architecture. Hindi niya kasi nakikita ang pagmumukha nito sa architecture building na katabi lang ICT building kung saan sila nagkaklase. Naramdaman niyang siniko siya ni Katherine. Awtomatikong napalingon siya dito. "Tumayo ka na. Guwapo naman siya saka sayang iyong mga flowers," pabulong na sabi ni Katherine. Oh! Huminga siya nang malalim. Unang pagkakataon na um-attend siya ng Valentine's party ng College of Engineering and Technology. Kaninang unang tugtog para sa dance for all ay wala pang lumapit sa kanya para isayaw siya. Kaya ito pa lang ang unang pagkakataon na may lumapit sa kanya na lalaki. Napatingin siya sa hawak nitong bulaklak. Sa pagkakaalam niya ay isang piraso lang ng bulaklak ay sapat na para maisayaw ng isang lalaki ang kursunada niyang babae. Pero bakit kaya ang lalaking ito ay tatlong piraso pa ng rosas ang ibibigay sa kanya? Hindi kaya kilala siya ng lalaking ito? Pero sa parte niya ay sigurado siyang hindi niya kilala ito. "Ah, o-okay." Tumayo na siya saka tinanggap ang bulaklak at nagpasalamat. Napangiti ang lalaki. Hinintay muna nitong maglakad siya patungo sa dance floor bago ito sumabay sa kanya. Nang nasa gitna na sila ay kinakabahan siyang ipinatong ang mga kamay  sa balikat nito. Saka pa lang siya hinawakan ng lalaki sa beywang niya. Dahil hindi niya kilala ang lalaki kaya medyo naiilang siya, binigyan niya ng distansiya ang pagitan nilang dalawa. Kung titingnan silang mabuti ay puwede pang dumaan ang isang tao sa pagitan nila. Nagpapasalamat siya at mabait din naman ang lalaki. Hindi siya nito hinihila palapit sa katawan nito na katulad ng mga nakikita niya sa ibang magkakapareha na nasa dance floor. Hangin na lang yata ang puwedeng dumaan sa pagitan ng iba. Napansin niyang halos magkayakap na ang mga ito kagaya ng mag-asawa o ng mag-steady. "Ako nga pala si Richard. Ikaw anong pangalan mo?" maya-maya'y tanong ng lalaki. "Isabella ang pangalan ko," simpleng tugon niya. "Taga-Home Arts ka ba?" muli'y tanong nito. Umiling siya. "Taga-ICT department ako." "Ah, taga-engineering ka rin pala. Computer engineering ka ba o Information Technology?" "IT student ako. Ikaw, anong course mo?" Kahit alam na niyang engineering ito ay gusto pa rin niyang makasiguro. "Mechanical engineering. Nasa fourth year na ako. Ikaw? Anong year ka na?" "Second year pa lang. Mahirap ba talaga ang mag-engineering?" Computer engineering sana ang kukunin niyang kurso. Ngunit hindi siya pumasa sa qualifying exam kaya IT na lang ang pinili niya. “Oo, mahirap din. Pero kung gusto mo talaga iyong kurso at magaling ka sa numbers, makakaya mo naman, " sagot nito. May itatanong pa sana siya dito ngunit huminto na ang tugtog. Kaya napilitan silang kumalas sa isa't isa. Inihatid pa siya ni Richard sa upuan nito bago bumalik sa sariling puwesto nito. Nang sumunod na magtawag ng dance for all ay nasa harapan na naman niya si Richard. This time ay isang stem ng rose ang dala nito. Napakagalante naman ng lalaking ito? Marami ba itong dalang bulaklak? Nasagot ang tanong niya nang nasa gitna na sila ng dance floor. "Pang-apat na rose na itong ibinigay mo sa akin, ha?" nakangiting wika ni Isabella. "Ayaw mo ba?" kunot-noong tanong ni Richard. "Hindi naman. Nagtataka lang ako." "Marami kasi iyong binili kong bulaklak. Ipinamigay ko na nga iyong iba," balewalang sabi ng binata. Oh! Marami na pala itong naisayaw na iba bukod sa kanya. Bigla siyang nakaramdam ng pagkainis. Ewan kung bakit. Ano iyon? Nagseselos ba siya? Eww! Bakit gano'n? Ngayon lang sila nagkakilala ni Richard. Ngayon lang din niya ito nakasama. Pero bakit ganito ang nararamdaman niya? Love at first sight? Totoo ba iyon? "Bakit bigla kang natahimik? May nasabi ba akong hindi maganda?" sita ni Richard sa pananahimik niya. "Ah, wala naman. Iniisip ko lang kung sino iyong binigyan mo ng..." Oh, s**t! Bakit kailangan pa niyang itanong iyon? "Oh, never mind. Hindi na mahalaga iyon," agad niyang sabi nang maisip ang kanyang pagkakamali. "Ah, iyon ba. Ibinigay ko sa mga kaibigan ko kasi wala silang dalang bulaklak. Kailangan kasi na magbigay kami ng bulaklak sa bawat babaeng isasayaw namin," paliwanag nito na para bang nabasa nito ang katanungan niya sa kanyang isip. "O-okay," tumatangong sabi niya. So wala naman pala siyang dapat ipagselos. Isa pa ay wala rin siyang karapatang magselos. Hindi naman niya boyfriend si Richard para solohin ito sa dance floor. Uh-oh! Saan ba galing ang ideyang iyon? Bakit nag-a-advance na ang utak niya? Assumera naman yata siyang masyado. Ni hindi nga niya sigurado kung may gusto sa kanya si Richard. Baka naman interesado lang ito na makipagsayaw sa kanya. Pero hindi pala siya nito type personally. Tsk tsk tsk... "Puwede ba uli kitang maisayaw mamaya?" Hindi inaasahan ni Isabella ang tanong na iyon ni Richard. Tama nga ba ang narinig niya na gusto pa siyang isayaw ng binata? "Sigurado ka na gusto mo pa akong isayaw mamaya? Hindi pa nga natatapos ang tugtog na ito, eh. Bakit parang nag-aapura ka?" Anong nakain ng lalaking ito at mukhang ayaw siyang tigilan? "Gusto ko lang na ipaalam sa iyo nang mas maaga para hindi ka na maisayaw ng iba. May natira pa naman doon sa dala kong bulaklak. Puwede ko pang ibigay iyon sa iyo. Iyan ay kung papayag kang makipagsayaw pa ulit sa akin." Seryoso nga talaga ang lalaking ito! Ano bang nakita nito sa kanya? Bakit parang ayaw na nitong mawalay sa kanya? "Bakit ayaw mo bang makipagsayaw sa iba?" ang hindi makapaniwalang tanong niya rito. Umiling si Richard. "Wala akong gustong isayaw kundi ikaw lang. Sana walang magagalit sa akin." Ano daw? Siya lang ang gusto nitong isayaw? Pero bakit? "Nagbibiro ka naman yata, eh. Bakit naman ako lang ang gusto mong isayaw? Ang dami pa namang magagandang babae na nandito ngayon. Ayaw mo silang isayaw?" "Sa maniwala ka man o hindi ay kuntento na akong maisayaw kita sa buong gabi. Hindi na ako maghahanap pa ng iba." Bigla siyang natahimik sa sinabi nito. Hindi talaga siya makapaniwala sa sinasabi ni Richard. Ngayon lang sila nagkita pero bakit gano'n ang sinasabi nito sa kanya? Ano bang ginawa niya para maakit nang husto ang binata sa kanya? Para sa kanya ay hindi naman siya kagandahan. Wala rin naman siyang maipagmamalaking magandang katawan. Higit lalo pagdating sa height. Kung hindi lang siya nakasuot ng tatlong pulgadang heels ay baka hindi siya aabot sa balikat ni Richard. Umabot lang sa five feet, one-inch ang taas niya samantalang ang binata ay mahigit anim na talampakan yata. Pang-basketbolista ang height nito. "Bakit nga ako lang ang gusto mong isayaw?" pangungulit niya rito. "Hindi ko rin alam, eh. Basta ang alam ko ay ikaw lang ang gusto kong makapareha sa sayaw. Sana ay huwag kang magagalit. Sana rin ay hindi ako susuntukin ng boyfriend mo," seryosong sabi nito. "Teka lang, ha? Hindi naman ako nagagalit sa iyo, eh. Hindi lang talaga ako makapaniwala na ako lang ang gusto mong maisayaw. Saka huwag kang mag-alala kasi wala akong boyfriend. Kaya walang magagalit o makikipagsuntukan sa iyo." "Talaga? Mabuti naman kung gano'n. So, mamaya ay isasayaw ulit kita, ha?" Tumango na lang si Isabella.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD