LAKAD-TAKBO ang ginawa ni Isabella pagkatapos ng first period nila ng umagang iyon. Kailangan niyang makuha ang lecture notes na naiwan niya kahapon sa locker niya. Hinihingal na siya pagdating sa ground floor kung saan naroon ang locker niya. Paano'y galing pa siya sa third floor ng ICT building. Pagkabukas niya ng locker ay agad niyang kinuha ang notebook na kailangan niya. Pagkatapos maisara ang locker ay muntik na siyang mapasigaw nang marinig ang pamilyar na boses.
"Good morning, babe!"
Marahas siyang napalingon. "Richard, anong ginagawa mo dito?" Tutop ang dibdib na bumaling siya rito. Hindi niya inaasahang makikita ito sa building ng ganitong oras. "May klase ka ba rito?" muli niyang tanong habang yakap-yakap ang lecture notes niya.
"Wala naman. Napadaan lang ako para makita ka ngayong umaga," ,alapad ang ngiti at nangingislap ang mga matang sabi nito.
Napalunok siya nang wala sa oras. Ayaw man niyang aminin ngunit kinikilig siya sa sinabi nito. Kahit pa hindi siya sigurado kung seryoso si Richard sa sinasabi nito o binibiro lang siya ng lalaki.
"What does that mean?" lakas-loob niyang tanong dito.
Tinitigan siya nito ng diretso sa mga mata. "It means, I missed you. It's been two weeks since the last time we saw each other."
Uh-oh. Two weeks lang pala ang nakalipas mula noong gabi ng Valentine's Party. Akala niya ay isang buwan na ang nakaraan dahil pakiramdam niya'y napakatagal na noong huli silang magkita.
"Did you miss me too?" Biglang sumeryoso ang mukha nito.
Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon ni Richard. Wala tuloy siyang maisip na isagot dito. "I better go. Late na yata ako sa klase ko," sabi bilang pag-iwas rito bago siya tumalikod at naglakad palayo. Nakailang hakbang na siya nang muling magsalita si Richard.
"I'll see you again! That I can promise you!" pasigaw nitong sabi.
Lihim siyang napangiti sa sinabi nito. Napahinto siya sa paglalakad. Nang lingunin niya ang binata ay nakatayo pa rin ito sa tabi ng locker niya. Kumaway ito bago tumalikod at lumakad palabas ng building. Kailan kaya sila uli magkikita?
"ISABELLA, hindi ka pa ba tapos diyan?"
Mula sa kanyang pagta-type ay nag-angat ng paningin si Isabella. Nakita niyang nag-aayos na ng kanilang gamit ang mga kaibigan niya. "Tapos na kayo?" Sabay-sabay lang silang nagsimula sa activity nila kanina pero hindi siya makapaniwalang naunahan pa siya ng mga kaibigan.
"Oo, tapos na kami ni Katherine," sagot ni Jade.
"Hintayin na ninyo ako. Malapit na rin akong matapos." Hindi na niya hinintay na sumagot si Jade. Muli niyang ipinagpatuloy ang ginagawang pagta-type.
"Sige, hintayin ka na lang namin sa labas." Narinig niyang sabi ni Katherine.
Makalipas ang limang minuto ay natapos na rin niya ang kanyang ginagawa. Pagkatapos mai-send sa email ang composition niya ay nag-log out na siya saka nag-shut down ng kanyang laptop.
"Are you done with your composition Miss De Cordova?" tanong ng instructor niyang si Miss Santillan nang lumapit siya dito.
"Yes, Ma'am," nakangiting sagot niya.
"Alright, you may go home now."
Nagpasalamat siya dito saka lumabas na ng kuwarto. Pagdating niya sa labas ay hindi niya nakita ang mga kaibigan. Sa halip ang hindi niya inaasahang tao ang nakita niyang naroon.
"Hi, Babe! Hinahanap mo ba ang mga kaibigan mo?" nakangiting tanong ni Richard nang lumapit ito sa kanya.
"Puwede bang tigilan mo na ang katatawag ng babe sa akin? Mamaya may makarinig sa iyo at isiping may relasyon tayo," mahina ngunit may diing sabi niya sa binata.
Lalong lumapad ang pagkakangiti ni Richard. "Wala namang masama kung gano'n ang isipin ng ibang tao. Single naman ako at wala ka rin namang boyfriend, 'di ba?"
Bigla niya itong hinampas sa braso nito. "Huwag ka ngang magbiro ng ganyan! Hindi iyan nakakatuwa, ah," kunwari'y nagagalit na sabi niya. Ngunit ang totoo ay kinilig siya sa sinabi nito.
"Hindi naman ako nagbibiro, ah! Hindi ba sinabi ko na sa iyo na gusto kitang maging girlfriend. Nakalimutan mo na ba iyon?"
Nakakainis ang lalaking ito, ah! Malapit na talaga siyang maniwala sa sinasabi nito. "Wala na pala ang mga kaibigan ko," sabi niya habang palinga-linga sa paligid. Iniiwasan niyang mapatingin sa binata. "Mabuti pa ay uuwi na rin ako." Bago pa siya makahakbang ay hinawakan siya ni Richard sa kamay upang pigilan.
"Teka lang, ha? Kanina pa ako naghihintay sa iyo dito. Bakit naman bigla ka na lang aalis? Hindi na nga ako pupunta sa praktis namin para lang makita kita. Tapos iiwan mo lang pala ako dito. Nasaan naman ang hustisya?"
Tumaas ang kilay niya sa sinabi nito at pilit na hinila ang kamay mula sa binata. "Bitiwan mo nga ako. Anong hustisya na sinasabi mo diyan? Wala naman akong sinabi na hintayin mo ako, ah? Saka hindi rin naman kita pinipigilan na pumunta sa praktis na dapat mong puntahan. Uuwi na nga ako kaya tumuloy ka na rin sa praktis mo." Tinalikuran na niya ito at tuluy-tuloy na siyang naglakad. Ngunit hindi niya inakalang hahabulin pa siya ng binata.
"Hintayin mo naman ako para maihatid kita pauwi sa inyo," sabi ni Richard habang sinasabayan siya nito sa paglalakad.
Nilingon niya ang binata. "Bakit may sasakyan ka ba?"
"Meron naman, ah. Nandoon sa parking area."
"Seryoso ka ba? Gusto mo talaga akong ihatid?" ang hindi makapaniwalang tanong niya rito. "Baka hanapin ka sa praktis ninyo."
"Minsan lang naman akong um-absent ng praktis namin. Saka ang importante naman sa akin ngayon ay maihatid kita kahit saan pa ang bahay ninyo."
Natahimik siyang bigla sa narinig mula sa binata. Kung ibang babae siguro ang sinabihan nito ng ganoong dayalog ay siguradong maglulundag sa tuwa. Ngunit iba naman ang dating sa kanya ng sinabi nito. Hindi niya maiwasang mag-alala para sa binata.
"Ito ba ang sasakyan mo?" tanong ni Isabella nang huminto si Richard sa tabi ng kulay asul na Toyota Vios.
"Yup. Ito nga." Binuksan nito ang pintuan ng driver's seat. Ipinasok nito ang backpack sa loob ng sasakyan saka muli rin itong isinara. "Kumain muna tayo bago kita ihatid sa inyo," baling nito sa kanya.
"Kakain pa tayo? Saan naman?"
"Diyan sa Food Center kung okay lang sa iyo." Inginuso nito ang mga nakahilerang food stalls na nasa labas lang ng gate at ‘di kalayuan sa kinatatayuan nila.
"Kumakain ka diyan?" ang hindi makapaniwalang tanong niya sa binata. Wala kasi sa itsura nito ang kumain sa mga ganoong klaseng lugar.
"Oo naman. Hindi ako maarteng tao. Ikaw nga ang inaalala ko. Baka hindi ka kumakain diyan. Okay lang naman sa akin kung gusto mong sa fastfood na lang tayo kumain."
Umiling siya. "Okay na sa akin kahit diyan sa Food Center. Masarap naman ang mga pagkain diyan."
"Good. Kung gano'n, tara na."
"Wait lang," pigil niya rito.
Napatingin sa kanya si Richard saka ito bumaling sa kamay niyang nakahawak sa kamay nito.
Parang napasong bigla niyang binitiwan ang kamay ng binata. "Puwede bang iwan ko itong bag ko sa loob ng kotse mo? Mabigat eh. May dala kasi akong laptop," pakiusap niya rito.
Hindi umimik ang binata. Ngumiti lang ito sa kanya. Binuksan nito ang kotse saka kinuha ang backpack niya at ipinasok sa loob. Pagkatapos maisara ang kotse ay sabay na silang naglakad palabas ng gate.
"Anong gusto mong kainin?" tanong nito habang naglalakad sila.
"Gusto ko ng cheesesticks at waffles."
"Okay. Dito ka lang at ako na ang bibili ng pagkain natin." Humila ito ng upuan sa tabi ng isang mesa at pinaupo siya bago ito umalis.
Habang hinihintay ang binata ay inabala niya ang sarili sa panonood sa mga estudyanteng naroroon. Nang magsawa ang mata niya ay hinanap niya si Richard mula sa mga bumibili. Hindi niya makita ang binata sa dami ng mga estudyanteng nakatayo sa mga food stall. Napakamot na lang siya ng ulo.
"Pasensiya na kung natagalan ako. Ang dami kasing bumibili," paliwanag ni Richard nang bumalik ito. Nang ibaba nito ang dalang tray sa mesa ay bigla siyang natakam sa nakita. Tatlong piraso ng waffles, anim na piraso ng siomai, ilang piraso ng cheesesticks at dynamite na sinamahan pa ng dalawang malalaking baso ng buko juice. "Kumain ka na," sabi nito pagkatapos mailagay ang waffles, cheesesticks at buko juice sa harap niya.
"Puwede bang humingi ng dynamite? Gusto ko rin iyan, eh."
Namilog ang mga mata ni Richard. "Kumakain ka nito? Maanghang ito, ah."
"Walang problema. Gusto ko rin naman ang maanghang."
"Okay. Sinabi mo iyan, ha? Huwag mo akong sisihin kapag..." Bumaba ang tingin nito sa mga labi niya. "Hindi mo nagustuhan ang epekto nito sa iyo," dugtong nito.
Nagkibit-balikat lang siya. Nakatatlong piraso na siya ng dynamite nang mapansin niyang titig na titig sa kanya ang binata.
"Hoy, ano ka ba? Kumain ka na nga. Huwag mo akong titigan nang ganyan, baka matunaw ako," pabirong sabi niya.
Napangiti si Richard. "Ang sarap mo kasing panoorin habang kumakain. Hindi ako makapaniwalang may babaeng katulad mo na mahilig sa maanghang na pagkain," sagot nito bago sumubo ng siomai.
"Sabi ko naman sa iyo, eh. Mahilig ako sa maanghang."
Tumango lang ito sa sinabi niya.
"Bakit nga pala ang dami mong biniling waffles? Tama na sa akin itong dalawa."
"Tatlo talaga ang binili ko." Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Kasi ibig sabihin no'n I love you," pabulong na sabi nito.
Sukat sa narinig ay bigla siyang naubo. Biglang tumayo si Richard at hinagod nito ang likod niya. "Uminom ka muna." Inabot nito ang buko juice sa kanya.
Marahas siyang umiling at muling ibinaba sa mesa ang juice na inabot sa kanya ni Richard. Ilang sandali pa siyang nag-uubo bago tuluyang huminto. Saka pa lang siya uminom ng juice.
"Okay ka na?" nag-aalalang tanong ng binata nang ilapag niya ang halos wala ng laman na baso.
Napatingin siya sa binatang nakatayo sa tabi niya at nakahawak pa sa likod niya. "Okay na ako. Puwede ka nang bumalik sa upuan mo."
Noon pa lang bumitiw sa kanya ang binata at bumalik sa pagkakaupo.
"Sa susunod huwag ka nang magbibiro ng gano'n para hindi ako nagugulat. Muntik na akong hindi makahinga sa nangyari."
"Sorry, ha? Nagsasabi lang naman kasi ako ng totoo. Ayaw mo lang kasing maniwala."
Umikot ang mga mata niya sa narinig. "Mabuti pa ay tapusin na natin itong pagkain para makauwi na tayo. Baka hinahanap na ako ng Mommy ko."
Hindi nga nagtagal ay natapos rin silang kumain. "Okay. Tara nang umuwi." Nauna nang tumayo si Richard.
Tumayo na rin siya at sabay silang naglakad pabalik ng kotse nito. Nang makapasok sa loob ng sasakyan ay narinig niya ang kantang Ikaw ni Yeng Constantino. Ring tone iyon ng cellphone niya. Agad niyang binuksan ang kanyang bag at inilabas ang cellphone niya. Pagkahawak niya sa cellphone ay eksakto namang huminto na ang kanta. Sino kayang tumatawag? Tanong niya sa kanyang isip.
Nang buksan niya ang cellphone ay saka niya nakita na may sampung miscalls siya at galing lahat iyon sa Mommy niya. May tatlong unread messages din sa inbox niya.
"Hey, anong nangyari sa iyo?" Narinig niyang tanong ni Richard.
Mula sa binabasang text ay nag-angat siya ng tingin sa binata. "Nandito na raw iyong driver namin at sinusundo ako," malungkot niyang sagot dito.
Biglang nalukot ang guwapong mukha ng binata. "Ha? Sayang naman. Gusto pa naman kitang ihatid sa inyo."
Nakaramdam din siya ng panghihinayang. Ngunit hindi na lang niya ipinahalata dito. "Some other time na lang, Richard," sabi niya saka binuksan ang pintuan ng kotse "Maraming salamat sa mireyenda, ha?" nakangiting sabi niya sa binata nang makababa sa kotse nito.
"Wala iyon. Masaya ako na makasalo kita sa pagkain," malapad ang ngiting sagot ni Richard.
Nginitian din niya ito saka marahang isinara ang pintuan ng kotse. Pagkatapos ay nagmamadali siyang umalis.
"Kita tayo bukas! Libre kita ulit ng mireyenda!" pasigaw na sabi ni Richard nang nakalayo na siya.
Talaga lang, ha? Nilingon niya ito. Nasa labas ng kotse nito ang binata at nakangiting nakatingin sa kanya. Ngumiti rin siya dito. Nakaramdam siya ng excitement kaya napa-thumbs up siya.