"HOY! BILISAN ninyong dalawa. Nagugutom na ako," mataray na sabi ni Jade at nauna na itong lumabas ng kuwarto.
Naiiling na sumunod sina Isabella at Katherine sa kanilang kaibigan. Katatapos lang ng klase nila sa kanilang last period ng tanghaling iyon.
"Si Jade talaga, basta pagkain ang usapan laging nagmamadali," nakakunot ang noong tinuran ni Katherine.
Natawa naman si Isabella sa ekspresyon ng mukha ni Katherine. Hinila niya ito at nagmamadaling sinundan nila si Jade na naglalakad na palayo sa classroom nila.
"What's for lunch?" tanong ni Isabella kay Jade nang maabutan nila ito sa hallway.
Linggu-linggo ay nagbibigay siya ng five hundred kay Jade bilang share niya sa pagkain. Ayaw niya kasing kumaing mag-isa kaya minabuti na lang niyang sumabay sa mga kaibigan na parehong nakatira sa dorm. Ang dalawang kaibigan niya ang nagluluto ng kanilang tanghalian at naghuhugas ng kanilang pinagkainan. Hindi nila gustong tumulong pa siya dahil sobra pa nga raw ang ibinibigay niyang pera sa kinakain niya.
Hindi na namilit si Isabella. Tutal hindi rin naman siya sanay na magtrabaho dahil bukod sa may maid sila, siya rin ang bunso. Ayaw siyang pagtrabahuin sa mga gawaing bahay. Mag-aral na lang daw siyang mabuti sabi ng mga magulang niya, na siya naman niyang ginagawa. Katunayan ay matataas ang mga grades niya simula pa noong nasa elementary siya hanggang ngayong nasa college na siya.
"Adobong manok at ginisang kangkong." Si Katherine ang sumagot dahil ang mga mata ni Jade ay seryosong nakatuon sa unahan.
"Bakit nga pala iniwan ninyo ako kahapon?" naalala ni Isabella na itanong sa mga kaibigan. Hindi siya nagkaroon ng oras na itanong ito kanina dahil nawala iyon sa isip niya. Diretso kasi ang klase nila.
"Paano sinabihan kasi kami ni Richard na siya na lang daw ang maghihintay sa iyo? Ayoko sanang umalis kaso si Jade ang excited na umuwi," kuwento ni Katherine. Inirapan pa nito si Jade ngunit hindi naman ito napansin ng huli dahil may kung anong tinitingnan ito sa unahan nila.
"Speaking of the devil, there he is!" biglang sambit ni Jade. May ininguso ito. "Parang hinihintay ka niya," dugtong pa nito.
Tumaas ang mga kilay ni Isabella. "Ako ba ang kinakausap mo?" naninigurong tanong niya.
Napatingin si Jade sa kanya. "Yes. Ikaw po ang kausap ko," pilya ang ngiting sagot nito saka muling tumingin sa unahan.
Nang sundan ng tingin ni Isabella ang tinitingnan ni Jade ay bigla siyang kinabahan. Nakaupo sa students' hall ng College of Engineering si Richard at pasulyap-sulyap ito sa kinaroroonan nila habang nakikipag-usap sa mga katabi nito.
Nakaramdam ng kaba si Isabella. Tanghaling-tapat na ay nakaistambay pa ang lalaking ito? Tapos na kaya itong nag-lunch?
"Siguro hinihintay ka na naman niya kaya nandiyan siya," narinig niyang sabi ni Jade.
Sinulyapan ni Isabella ang kaibigan. Nakakaloko ang ngiti nito. "Paano mo naman nasabi iyan? Malay mo naman, baka diyan ang tambayan niya." Sa pagkakaalam niya, karamihan sa mga engineering at architecture students ay sa students' hall nag-iistambay. Samantalang sila na ICT students ay sa hallway naman mahilig umistambay.
"Wanna bet? Kapag tama ang hinala ko ay triplehin mo ang iyong share sa pagkain next week," malapad ang ngiting sabi ni Jade.
"Hindi ako nakikipagpustahan, ano?" Tinaasan ng kilay ni Isabella ang kaibigan.
"Ows? Talaga lang, ha? Takot ka lang yatang matalo, eh," tatawa-tawang sabi ni Jade.
Napakamot ng ulo si Isabella. Grabe talagang mang-asar ang kaibigan niyang ito.
"Huwag mo nang pansinin si Jade. Nang-aasar lang iyan," ani Katherine sabay hawak sa balikat niya.
"Heh! Tumahimik ka Katherine! Kita mo na ngang gumagawa ako ng paraan para malibre tayo sa pagkain next week," sansala ni Jade sa sinabi ni Katherine.
Pinaikot ni Isabella ang kanyang mga mata. "Lumabas din ang totoo. Gusto mo lang akong pagkaperahan, Jade. Bakit hindi mo na lang sabihin kung gusto mong umutang? Pauutangin naman kita, eh."
Alam ni Isabella na laging gipit sa pera si Jade. Sa kanilang tatlo ay ito ang may pinakamahirap na buhay. Pinag-aaral lang ito ng sariling tiyahin na kapatid ng Nanay nito.
"Hay, naku! Bakit pa ako mangungutang kung puwede namang libre, hindi ba?" tudyo ni Jade.
Napaismid si Isabella. Ang tindi talaga ng pangangailangan ng kaibigan niya sa pera. "Hindi ka naman sigurado sa sinasabi mo. Paano kung hindi iyan magkatotoo?"
"Kung hindi magkatotoo ang sinabi ko, libre ka na ng lunch next week," awtomatikong sagot ni Jade. "Ano payag ka na?" nanghahamong tanong pa nito
Hindi kaagad nakasagot si Isabella. Nang mapatingin siya kay Katherine ay umiiling ito. Bumuga siya ng hangin. Nakakainis talaga si Jade. Mabilis talaga ito basta may kinalaman sa pera ang usapan.
"Okay, deal," napilitang sagot ni Isabellaa.
Pumalakpak si Jade. "Okay let's go," masayang sabi nito sabay akbay sa kanya.
Napansin ni Isabella na napailing si Katherine.
Ilang hakbang na lang ang layo nila sa kinaroroonan ni Richard nang mapatingin ito sa kanila. Nang magtama ang kanilang tingin ay ngumiti ito at agad na naglakad patungo sa kanila.
Oh, no!
"Hi, girls!" masayang bati ni Richard nang makalapit sa kanila.
Nanigas ang buong katawan ni Isabella. What the f! Lagot siya nito.
"Oh! Hello, Richard!" nakangiting tugon ni Jade. "Mabuti naman at nandito ka. Iiwan na namin sa iyo si Isabella. Uuwi pa kasi kami ni Katherine sa dorm." Siniko siya ni Jade. "Isabella, mauna na kami."
Pinandilatan ni Isabella ang kaibigan. Ngunit hindi naman makuha sa tingin si Jade.
"Okay. Ako na ang bahala kay Isabella," malapad ang ngiting wika ni Richard.
"Thanks," sabi ni Jade saka nito hinila si Katherine na kanina pa nakasimangot.
Bago pa man makapag-react si Isabella ay nagmamadali nang umalis ang dalawang kaibigan niya. Napailing na lang siya sabay kamot ng kanyang ulo.
Shit! There goes my one thousand five hundred! Sigaw ng isip ni Isabella habang nakatingin sa papalayong mga kaibigan.
“May problema ba, Isabella?” narinig niyang tanong ni Richard.
Nilingon ito ni Isabella. “Ah…w-wala naman,” pilit ang ngiting tugon niya.
“Parang ang laki kasi ng problema mo. Ayaw mo ba akong kasabay na kumain?” tanong ni Richard.
Napakamot ng ulo si Isabella. “Wala naman akong sinabing gano’n, ah.”