Fours years later
NANG malaman ni Cathellya ang nangyari kay Lola Ancia ay kaagad siyang sumugod sa Mahiwaga. Binitiwan at iniwan niya ang lahat ng gawain niya sa lungsod upang makarating kaagad sa probinsiya. Alalang-alala siya. Dasal siya nang dasal habang nasa biyahe siya. Alam niya na wala pang handa sa kanila na maiwan ng matanda.
Ayon sa ibinalita sa kanya ay may nanloob daw sa villa. Biglang tumaas ang presyon ng matanda. Naisugod naman kaagad ito sa ospital. Ang huling balita sa kanya ay stable na ang lahat ng vital signs nito. Kailangan lang daw nito ng mahabang pahinga upang manumbalik ang dating lakas nito. Gayunman, hindi mapayapa ang kalooban niya. Hindi siya makakalma hangga’t hindi niya nakikitang nasa maayos na kalagayan si Lola Ancia.
Masyadong espesyal sa puso niya si Lola Venancia. Hindi niya kakayanin kapag may nangyaring masama rito. Hinding-hindi niya makakalimutan ang unang pagkakataon na nagkakilala sila. Naninirahan sila noon ni Lola Asuncion sa isang liblib at mahirap na baryo. Iniwan daw siya ng kanyang ina sa matanda noong sanggol pa lang siya at hindi na binalikan. Napakahirap ng buhay nilang maglola noon. Nagtatanim lang sila ng mga gulay sa likod ng bahay at inilalako ang mga iyon sa bayan. Sa maliit na gulayan na iyon lang sila umaasa. Ngunit nasalanta sila ng malakas na bagyo at nalubog sa baha ang gulayan na iyon. Nagkasakit pa ito at naratay sa higaan. Madalas na umiiyak na lang siya dahil wala siyang magawa upang matulungan ito.
Hulog ng langit sa kanilang maglola si Lola Ancia. Sumama ito sa relief operation ng Cattleya Foundation noon. Kahit na batang munti ay pinilit niyang pumila upang makakuha ng bigas para sa kanila ng lola niya. Hindi na kasi sila pinapautang sa tindahan. Nahihiya na rin siyang mangutang sa mga kapitbahay.
Naalala niya noon na hindi masukat ang kaligayahan niya nang ibigay sa kanya ang isang malaking plastic bag na naglalaman ng limang kilong bigas, sampung piraso ng de-latang pagkain, sampung balot na instant noodles, asukal, kape, at gatas. May kasama pa iyong masarap na lutong pagkain na maaari niyang ipakain sa maysakit niyang lola. Masaya siya noon dahil alam niya na hindi na sila magugutom nang ilang araw. Hindi na rin siya iiyak dahil wala siyang maisusubo sa lola niya. Hindi na sasakit ang tiyan nito.
Dahil batang munti at may-kapayatan, nahirapan siyang bitbitin ang relief goods. Ngunit pinilit niya. Wala siyang ibang iniisip noon kundi ang maiuwi ang lahat ng iyon kahit na ano ang mangyari. Noon siya napansin ni Lola Ancia. Ang ganda-ganda nito, tandang-tanda niya. Halos matulala siya rito. Simple lang ang suot nitong damit at wala itong suot na kahit na anong alahas, ngunit sopistikadang-sopistikada pa rin ang dating nito. Tinulungan siya nito sa pagbibitbit. Sinamahan siya nito hanggang sa kubo nila. Pinatuloy niya ito at ipinakilala sa lola niya.
Nagulat siya dahil kilala pala nito ang Lola Asuncion niya. Nalaman niyang magpinsan pala ang mga ito. Second cousin na ngunit magpinsan pa rin. Nang mas nakakaintindi na siya ay nalaman niyang galing pala sa marangyang pamilya ang lola niya. Umibig ito sa isang mahirap na lalaki kaya itinakwil ito ng pamilya nito.
Tinulungan sila ni Lola Ancia. Dinala nito sa ospital ang lola niya upang matingnan ng doktor. Malala na pala ang sakit nito—colon cancer. Hindi niya gaanong maintindihan noon dahil musmos pa lang siya. Masaya na siya na nasa isang magandang silid ito at inaasikaso ng mga doktor. Ang akala niya noon ay gagaling din ito at magiging maayos ang lahat sa buhay nila.
Takot na takot siya nang pumanaw ang Lola Asuncion niya. Ayaw niyang mag-isa. Hindi niya alam kung nasaang lupalop na ang kanyang ina. Hindi pa niya nakikilala noon ang kanyang ama. Hindi naman siya pinabayaan ni Lola Ancia. Malaki ang pasasalamat niya sa pagkalinga at pag-aalaga nito. Ipinaramdam nito sa kanya na hindi siya nag-iisa hanggang sa kunin na nga siya ng kanyang ama.
Kinalinga siya nito noong mga panahong pakiramdam niya ay nag-iisa lang siya at wala siyang makapang pag-asa.
Sa lahat ng hirap at pighating dinanas niya, dito siya kumapit. Dito siya umamot ng lakas. Tuwing nawawalan na siya ng pag-asa, binibigyan siya nito ng maraming rason upang maging masaya, upang umasa sa mas magandang bukas. Mahal na mahal niya ito. Hindi lang dahil sa lahat ng itinulong nito sa kanya kundi dahil minahal din siya nito. Hindi lang suporta sa pera ang ibinigay nito sa kanya. Hindi siya nito itinuring na iba. Dahil dito, kahit paano ay naramdaman niyang may totoong pamilya siyang matatawag.
Hindi pa siya handang mawala ito sa mundo. Kailangan na kailangan pa niya ito. Ikinurap niya ang kanyang mga mata habang nakatingin sa labas ng bintana ng bus. Pilit niyang kinalma ang kanyang damdamin. Hindi pa kukunin sa kanila si Lola Ancia.
Pagdating niya sa kabisera ng probinsiya ay kaagad siyang dumeretso sa ospital kung saan ito naroon. Kaagad niyang ipinagtanong kung nasaang bahagi ito. Nagmamadali niya itong pinuntahan nang malaman niya ang room number.
Pagkakita niya kay Lola Ancia ay kaagad niya itong sinugod ng yakap. Hindi na niya napigilan ang tuluyang pag-alpas ng kanyang mga luha. She looked so pale and so fragile. Tila tumanda ito nang ilang taon. Naalala niya ang hitsura ng Lola Asuncion niya noon.
“Lola...” aniya sa pagitan ng mga luha. Matagal na siyang hindi naging iyakin. Matagal na siyang natuto kung paano maging matatag, ngunit iba ang usapan kung sangkot si Lola Ancia.
Marahan nitong hinagod ang kanyang likod. “Tahan na, apo. I’ll be fine. I’m okay.”
Nanghihina pa ito ngunit bahagyang naglubag ang kalooban niya. Kapag sinabi nitong magiging maayos ito, magiging maayos talaga ito.
“`Wag muna, `La, ha?”
Alam niya na hindi naman ito imortal. Alam nila na matanda na ito at mahina. Ngunit hindi pa talaga nila kakayanin kung mawawala ito.
“Sshh... `Wag ka nang umiyak, Cathellya. Tahan na.”
Niyakap niya ito nang mahipit na mahigpit. “Mahal na mahal po kita.”
“You know I love you, too.”
“I’M PROUD of you, Xan and Kila. Ako nga, hindi makatagal nang seven days kasama ang iisang babae lang.”
“Kasi gago ka,” hindi napigilang sabi ni Cathellya kay Seth pagpasok niya sa entertainment room ng Villa Cattleya. Hindi na niya napigilan ang sarili sa sobrang inis niya sa lalaki. Naroon din sa loob ng entertainment room ang mga kakambal nitong sina Simon at Sean, ang mag-asawang Xander at Kila, at ang dalawa pang apo ni Lola Ancia na sina Wilt at Kiyora.
Mula noon hanggang sa ngayon ay naging mabubuting kaibigan sa kanya ang magpipinsan.
Maliban kay Seth. Hindi na bago iyon. Ipinanganak yata ito upang maging tinik ng lalamunan niya. Mahigit isang buwan pa lang mula nang makabalik ito sa bansa. Apat na taon din itong naglagi sa Amerika. Umuuwi-uwi naman ito ngunit hindi sila gaanong nagkikita dahil hindi naman ito nagtatagal. Mula nang magising siya sa ospital apat na taon na ang nakararaan ay nagbago na nang husto ang buhay niya. Aminado siyang idinistansiya niya sandali ang sarili sa mga Castañeda. Ngunit kaagad din siyang nagbalik-loob.
Nang muli silang magkita ni Seth ay malaki na ang ipinagbago ng relasyon nila. Hindi na sila tulad noong mga bata sila na madalas magkainisan at mag-away. Ngunit may mga pagkakataon pa ring talagang naiinis siya rito. Medyo napapadalas nga nitong nakaraang dalawang linggo. Dahil iyon sa pagiging mapaglaro nito sa mga babae.
Nagbago na sina Simon at Sean sa pagiging babaero. Natuto na ang mga ito na magmahal nang totoo. Si Seth ay walang ipinagbago sa pagiging maloko sa babae. Dahil na rin marahil sa tinatamasa nitong katanyagan kaya ganoon ito. Dahil kusang lumalapit ang mga babae sa simpleng ngiti nito.
Hindi ito naapektuhan sa pagtawag niya rito ng “gago,” bagkus ay nginisihan siya nito. “Cathellya, Cathellya, Cathellya. Mahal mo talaga ako.”
Nalukot ang mukha niya. Alam na alam nito ang mga sasabihin upang mainis siya nang husto. “Hambog ka pa rin,” ganti niya nang tabihan si Kiyora. “Hindi ko malaman kung bakit mahal na mahal ka ni Celine.” Kaya siya naiinis nang labis dito ay dahil sinaktan nito ang kaibigan niya. Kaklase niya si Celine noong kolehiyo at nahikayat niyang mag-volunteer sa foundation. Naging aktibo na ito sa pagtulong sa foundation mula noon. Nagkita uli sila at mas naging mas malapit sa isa’t isa nang magdesisyon siyang ilaan na ang halos lahat ng oras niya sa foundation.
Nakilala nito si Seth nang tumulong ang binata sa relief operations nila sa mga sinalanta ng bagyo. Nagkaigihan ang mga ito. Binalaan niya si Celine tungkol sa pagiging babaero ni Seth ngunit hindi ito nakinig. Nahumaling ang kaibigan niya.
She fell head over heels in love with him. Hindi naman totoong hindi makatagal nang isang linggo si Seth sa iisang babae. Nakadalawang linggo rin ang relasyon nito kay Celine bago ito nakipaghiwalay. Tatlong linggo na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay iniiyakan pa rin ito ng kaibigan niya. Hindi na ito maka-function.
“Inggit ka lang. Wala kasing nagkakagusto sa `yo na kasingguwapo ko kaya ganyan ka ka-bitter.”
“Kung ikaw rin lang, magpapakatandang-dalaga na lang ako.”
“Bakit, hindi ka pa ba matandang-dalaga? Kung makaasta ka, parang daig mo pa ang maasim na old maid. Kung ganyan ka nang ganyan, wala na talagang lalaking magkakagusto sa `yo.”
“Sino naman kasi ang may sabing kailangan ko ng lalaki?”
“Babae ang kailangan mo? Lesbiana ka?” Pinanlakihan pa siya nito ng mga mata.
“Eh, ano ngayon?”
“Bitter.”
“Babaero. Bakit ako magiging bitter?”
Kilala siya ng lahat bilang simpleng dalaga na palaging tahimik, ngunit pagdating kay Seth ay tila nawawala siyang palagi sa sarili. Palaging nawawala ang kontrol niya. Palagi niyang nakakalimutan ang lahat ng nasa paligid niya. Nakakalimutan niya ang mga alalahanin niya. Mula noon hanggang ngayon, ganoon pa rin ang epekto ni Seth sa kanya.
Mas naiinis si Cathellya dahil doon. Naiinis siya dahil palagi ay naiiba ito sa lahat. Ngunit wala siyang magawa. Kadalasan ay hindi niya makontrol ang kanyang damdamin pagdating sa lalaking ito.
Tumingin siya sa mga kasama nila. Amused na pinapanood sila ng mga ito. Dahil kay Seth ay nakalimutan niyang batiin ang mga kaibigan niya.
“Hanggang ngayon, ganyan pa rin kayong dalawa,” umiiling at nakangiting sabi ni Simon sa kanila.