“GINAWA mo `to para sa `min? Thanks, Cath!”
Nahihiyang nginitian ni Cathellya sina Simon at Sean. “Pasensiya na kayo kung iyan lang, ha. Paghahandaan ko na lang sa susunod. Ano kasi...” Paano nga ba niya sasabihin na wala siyang pambili ng ibang regalo kaya isang handmade card lang ang naibigay niya sa mga ito? Iginuhit niya ang mukha ng tatlo sa card at mas pinaganda niya sa computer.
Pinagitnaan siya nina Sean at Simon sa sofa. Kaaalis lang ng lahat ng mga bisita. Tumutulong siya sa mga kawaksi sa pagliligpit nang sawayin siya ng magkapatid. Niyaya siya ng mga ito sa sala upang makipagkuwentuhan. Doon na rin niya ibinigay ang regalo niya.
“This is perfect,” ani Sean habang nakatingin sa card. “Hindi naman namin kailangan ng mahal na regalo. Mas gusto namin ito.”
“Tama,” segunda ni Simon. “You’re talented talaga.”
Natuwa naman siya nang makitang hindi nagkukunwari ang mga ito. Talagang nagustuhan ng mga ito ang regalo niya. Kahit kailan naman ay hindi naging materialistic ang mga ito.
Napangiti siya nang sabay na hagkan ng mga ito ang pisngi niya. “Thank you, baby girl!” sabay ring sabi ng mga ito.
Nabura ang ngiti sa kanyang mga labi nang mapatingin siya kay Seth. Nakakunot ang noo nitong nakatingin lang sa card. Mababasa sa mga mata nito ang disappointment. Hindi nito nagustuhan ang birthday gift nito na galing sa kanya. Tila may malaking kamay na sumakal sa puso niya. Labis siyang nalungkot.
Ano pa nga ba ang inaasahan niya?
“Seth?” untag dito ni Tita Antonina. “Wala ka bang sasabihin kay Cath?”
“Thanks,” anito sa malamyang tinig. “Pagod na `ko,” anito, saka tumayo mula sa couch. “Mauuna na ako sa kuwarto ko.”
Habang pinapanood niya ang pag-alis nito ay hindi niya napigilan ang pangingilid ng kanyang mga luha. Dapat ay inasahan na niya ang ganoong pag-uugali mula rito. Hindi naman ito kailanman natuwa sa kanya.
Tinapik ni Sean ang balikat niya. “He likes it. Nahihiya lang siyang aminin. He loves the gift, trust me.”
“He’s right,” segunda ni Simon.
Kahit na gustuhin niya, hindi niya magawang maniwala sa mga ito. Hindi siya gusto ni Seth at hindi na yata magugustuhan kahit kailan.
Sandali siyang nakipagkuwentuhan kina Simon at Sean sa sala bago siya nagtungo sa silid na inookupa niya kapag natutulog siya roon. Inilibot niya ang paningin sa buong silid bago siya umupo sa four-poster bed. Walang ipinagbago ang silid. Naroon pa rin ang mga manyika at stuffed toys niya. Ang sabi ni Tita Antonina ay kuwarto talaga niya iyon at walang gumagamit niyon kapag wala siya.
Nangulila siya sa silid na iyon. Sa bahay ng tatay niya ay wala siyang sariling silid. Naglalatag lang siya ng banig sa ilalim ng hagdan at doon siya natutulog. Nahiga siya sa malambot na kama at niyakap ang isang unan. Nakangiting pumikit siya. Ngayong gabi, matutulog siya nang walang alalahanin at takot. Hindi siya mag-iisip ng mga negatibong bagay. Hindi niya hahayaan na malungkot siya. Iisipin niyang isa siyang prinsesa.
“CONGRATULATIONS, Cath!”
“Salamat po, Lola!” naluluhang sabi ni Cathellya habang mahigpit niyang yakap si Lola Ancia. Nagtungo siya sa bahay nina Tito Pepe nang malaman niyang lumuwas ito at doon manunuluyan. Binati siya nito dahil sa pagtatapos niya ng kolehiyo kahapon.
“Pasensiya ka na kung hindi ako nakarating, apo. Hindi ako nakaluwas kaagad dahil may mga kailangang asikasuhin sa hacienda. But I’m so proud of you! Hindi bale, magkakasama naman tayo buong araw ngayon. Babawi ako sa `yo.”
“Okay lang po. Naroon naman po sina Tita Antonina at Tito Pepe.” Kahit na sumaglit lang ang mga ito dahil may kailangang daluhang party ang mag-asawa ay masaya pa rin siyang makasama ang mga ito sa pinakaimportanteng okasyon ng buhay niya. Hanggang ngayon ay hindi niya mapaniwalaan na nairaos niya ang kolehiyo. Hindi birong hirap ang mga pinagdaanan niya ngunit nalagpasan niya ang lahat ng iyon.
Hindi na nga niya iniisip ang lahat ng naging paghihirap niya. Ayaw na niyang balikan hanggang maaari. Ang importante ay may diploma na siya. Kung hindi rin dahil sa mga paghihirap na iyon ay hindi siya magsusumikap nang husto. Hindi siya magiging matatag.
“I’m glad. Naroon din daw ang tatay at kapatid mong babae. Halika na sa loob. May inihanda para sa `yo si Antonina dahil hindi ka niya nailabas kahapon.”
Magkahawak-kamay na tinungo nila ang hardin kung saan nakahanda ang mga espesyal na pagkain. “Hindi na sana nag-abala si Tita. Nagpansit naman po kami nina Tatay kahapon.” Bago sila umuwi ay dumaan sila sa isang karinderya at um-order ng pancit ang tatay nila para sa kanila ni Isay. “Lola, maraming salamat po pala sa lahat ng naitulong n’yo sa `kin. Hindi ako matatapos kung hindi dahil sa inyo.” Ito ang nagbayad ng edukasyon niya hanggang sa kolehiyo.
Banayad nitong hinagkan ang kanyang pisngi. “Walang anuman, apo. Hindi naman ganoon kalaki ang naitulong ko kung tutuusin. Suporta lang ang naibigay ko. Ikaw ang nagsumikap na makatapos. Masayang-masaya ako para sa `yo.” Napabuntong-hininga ito at bahagyang nanamlay ang mukha nito. “Mas magiging masaya siguro ako kung hindi na aalis si Seth.”
Nabantuan na rin ang kaligayahan niya. Lilipad sa makalawa si Seth pa-Amerika. Kaya nga naghanda si Tita Antonina at naroon ang halos lahat ng apo ni Lola Ancia. Parang despedida ni Seth at idinawit na lang ang graduation celebration niya. Hindi niya alam ang eksaktong gagawin nito roon pero alam niyang may kinalaman sa sasakyan at pangangarera. Ang kuwento sa kanya ni Sean ay may usapan daw sina Seth at Tito Pepe. Kapag natapos na sa pag-aaral si Seth ay hahayaan na ng ama ang binata sa lahat ng gusto nitong gawin sa buhay nito.
Iba si Seth sa mga kakambal nito. Alam na niya iyon noon pa man. Mula sa simula, nakita na niya ang pagkakaiba nito kina Simon at Sean kahit na kamukhang-kamukha nito ang mga kapatid nito. Ayon sa isang nabasa niya, bihira sa triplets ang maging identical. Karaniwang ang dalawa ay identical at ang isa naman ay fraternal. Hindi lang marahil physically nag-manifest ang bagay na iyon. Palaging nasa ibang wavelength si Seth. Palaging iba ang paraan ng pag-iisip nito.
Simon and Sean were both the bookish type while Seth had been the sporty one. Hindi bumabagsak ang dalawa sa anumang pagsusulit o exam sa eskuwelahan, samantalang palaging nasa balag ng alanganin ang mga grado si Seth. Palaging may nakahandang plano sina Simon at Sean, Seth was spontaneous. Kapag naisipan nito, kaagad nitong ginagawa. Simon and Sean could stay at home and read a book. Seth couldn’t.
Pare-parehong mahihilig sa sasakyan ang triplets—lahat naman yata ng mga lalaki ay mahilig sa sasakyan. Ngunit si Seth ang kakaiba ang pagmamahal sa sasakyan partikular na ang mga race car. Malaki ang gastos nito sa mga modified race car nito. Palagi nitong sinisiguro na sophisticated at technology advanced ang mga sasakyan nito.
Simon was going to medical school, following in their dad’s footsteps. Sean finished a business course. Ang alam niya ay kukuha ito ng MBA habang nagtatrabaho sa kompanya ng pamilya. Seth was carefree and a little daredevil. Nahilig ito sa car racing pagtuntong sa kolehiyo. Nakatapos din ito ng business course ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila alam kung ano ang talagang gusto nito.
Kahit na ayaw ni Cathellya, nalulungkot pa rin siya dahil lalayo si Seth. Matagal marahil bago uli sila magkita—hindi sa dati ay gusto niyang panay-panay itong nakikita. Normal naman sigurong pakiramdam iyon. Magkababata sila. Hindi rin marahil siya sanay na hindi kompleto ang triplets.
“Well, wala naman na akong magagawa pa. Ayoko siyang piliting `wag umalis. Nang subukan kong kausapin ay sinabi niyang hindi naman siya ang unang apo ko na aalis ng bansa.” Bumuntong-hininga ito bago napangiti. “Kailangan talaga sigurong mangyari ang lahat ng mga ito. Lumalaki na kayo.You start to explore. Kung hindi ko kayo hahayaan, hindi naman kayo matututo. Hindi kayo magiging matatag.”
Tumango siya. “Thank you for always being there for us. Maraming salamat po at palagi kayong nakasuporta.”
“Ganoon talaga, mahal ko kayo, eh.”
“Mahal na mahal din po namin kayo.”