5

1085 Words
INILIBOT ni Cathellya ang paningin sa malawak na hardin kung saan nagkakasiyahan ang lahat. Nakaakbay sa kanya si Sean. Hinila siya nito mula sa mommy nito dahil pulos matatanda raw ang nakakasalamuha niya. Dapat daw ay magsaya siya kasama ang mga kaibigan at kaklase nila. Kakaunti lang ang maituturing niyang kaibigan sa mga kaeskuwela nila. Wala siyang matatawag na best friend. Alam kasi ng lahat na mahirap lang siya at paaral ng mga Castañeda. Maraming snob sa mga kaeskuwela niya. Ngunit hindi naman siya nagpunta roon para sa mga ito. Naroon siya para sa triplets. “Alam mo minsan, nagtatampo na kami sa `yo. Parang umiiwas ka sa `min, eh.” “Hindi naman,” pagtanggi niya. Ayaw niyang aminin na minsan, pakiramdam niya ay hindi siya nababagay para maging kaibigan ng mga ito. Minsan din ay hindi siya kumportable sa mga nababasa niya sa mga mata ng mga ito kapag nakatingin sa kanya. Palaging may simpatya at awa. Malaki ang pasasalamat niya sa mga tulong na ibinibigay ng mga ito ngunit may mga pagkakataon din na tila hindi na niya makayanan ang awa at simpatya na natatanggap niya. “Hindi raw. Naalala mo noong mga bata pa tayo? Hindi na tayo ganoon ka-close ngayon. Dati halos lahat ng sekreto namin ni Simon, alam mo. Alam mo bang ikaw ang unang babae na kayang kumilala sa aming tatlo na hindi nagkakamali bukod kay Mommy? Kahit na si Lola Ancia, nagkakamali minsan.” Napako ang tingin niya kay Seth. “Bakit naman kasi ang hilig n’yong magbihis na magkakapareho.” Bahagyang naningkit ang kanyang mga mata nang makilala ang kausap nitong babae. Halos magdikit na ang mga labi ng mga ito sa sobrang lapit ng mga mukha ng mga ito. Kaagad na umahon ang inis sa dibdib niya. “Para makapanloko?” Noong mga bata ang mga ito ay talagang nakagiliwan na ni Tita Antonina na bihisan ng magkakaparehong damit ang triplets. Kahit na binata na ang mga ito ay ganoon pa rin ang mga ito.  Humalakhak si Sean. “Hindi, ah.” “Ah, gano’n?” Inalis niya ang braso nito sa balikat niya. Nilapitan niya sina Seth. “Happy birthday, Seth!” Namilog ang mga mata ni Christie, ang babaeng kasama nito. Girlfriend ito ni Sean. Alam niya na ang buong akala nito ay si Sean ang kasama nito. Loko-loko rin naman kasi ang magkakapatid. Madalas na gamitin ng mga ito ang pagiging identical triplets sa kalokohan. They loved switching identities. Hindi lang kailanman umubra ang mga ito sa kanya. Alam din sa eskuwelahan na siya lang ang kayang kumilala sa mga ito nang walang pagkakamali. Tumingin sa kanya si Seth at pinandilatan siya. Nginitian niya ito nang buong tamis. “You’re wrong, Cath,” ani Christie. “It’s Sean, not Seth.” Nakadama siya ng simpatya rito. Hindi man niya ito gaanong gusto dahil may-pagkamaldita ito, hindi pa rin ito dapat na niloloko.  “But of course you’re right,” anito bago pa man siya makatugon sa naunang sinabi nito. Inirapan muna siya nito bago tumalikod. Hindi na lang niya ininda dahil naiintindihan niya ang inis na nararamdaman nito. “`See you later, Seth,” anito habang naglalakad palayo. Inakbayan siya ni Seth. “Killjoy ka talaga.” “Ano ang nakukuha n’yo sa panloloko, ha? Hindi man lang ba kayo naaawa sa kanya?” Nagkibit-balikat ito. “She likes us. Hindi importante kung sino si Seth, si Simon, o si Sean. Hindi nga niya alam na si Simon ang sinagot niya dati dahil hindi siya nasipot ni Sean sa restaurant. Makikipaghiwalay na rin naman si Sean sa kanya. Naisip kong aliwin lang siya sandali. Teka, bakit ba ako nagpapaliwanag sa `yo, ano ba kita?” “Bakit, sinabi ko bang magpaliwanag ka?” Pilit niyang inaalis ang braso nitong nakaakbay sa balikat niya ngunit hindi siya nito hinayaang makawala. “Birthday ko ngayon. Dapat ay pinapasaya mo `ko. Don’t rain on my parade.” Inismiran niya ito. “Di sige, balikan mo na sila. Hindi na kita iistorbuhin. Happy birthday na lang. Baka hindi na kita makita mamaya.” “Thanks. Regalo ko?” Tila maganda ang mood nito. Nakangiti pa ito nang banayad sa kanya. “M-mamaya na lang,” nahihiyang sabi niya. Alam niya na pulos mamahalin ang ibinigay na regalo rito ng mga bisita. Nahihiya siyang ibigay nang personal ang regalo niya kaya baka iwan na lang niya iyon. “Let’s dance.” Bago pa man siya makatanggi ay nahila na siya nito patungo sa dance floor. Wala pang gaanong sumasayaw. Nailang siya nang husto nang pumaikot sa baywang niya ang mga braso nito at hapitin siya palapit dito. Ipinatong niya ang kanyang mga palad sa dibdib nito upang hindi sila tuluyang magkalapit. “T-teka... H-huwag m-masyadong m-malapit. H-huwag m-masyadong m-mahigpit.” “Uy, nag-i-stutter. Kinakabahan,” panunudyo nito habang nakangisi na parang baliw. “Mabilis na mabilis ang t***k ng puso mo, ano? Hindi ka makapag-isip nang matino dahil sa kaguwapuhan ko. Parang natupad ang pangarap mo kasi kasayaw mo na ako at nakakulong ka sa mga bisig ko. Ang—” Tinakpan niya ang bibig nito bago pa man nito maituloy ang mga walang-kuwentang sinasabi nito. “Ikaw ang pinakamayabang sa tatlo, ano?” May totoo sa sinabi nito. Mabilis ang t***k ng kanyang puso. Kakaiba ang nararamdaman niya sa pagkakalapit nila. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. “Pinakaguwapo.” “Magkakamukha lang kayo.” Parang may sasabihin ito ngunit may tumapik sa balikat nito. “My turn,” nakangiting sabi ni Simon. Nakahinga siya nang maluwag. Hindi siya nakararamdam ng kahit na anong uncomfortable feeling kina Simon at Sean. Isinayaw siya palayo ni Seth. “Mamaya ka na. Hindi pa ako tapos sa babaeng ito. Hindi pa ako nakakaganti sa ginawa niya kanina. Iinisin ko pa siya. Paluluhain...” Hinampas niya ang balikat nito. “Pakawalan mo `ko. Gusto kong makasayaw si Simon.” “Palagi namang mas gusto mo sila kaysa sa `kin.” Tinaasan niya ito ng isang kilay. May tampo ba talaga sa tinig nito o namali lang siya ng dinig? “Anong drama `yan? As if naman na gusto mo `ko.” Tinitigan siya nito. Sandaling naghinang ang mga mata nila. Nagsalubong ang kanyang mga kilay nang mabasa ang lungkot at hinanakit sa mga mata nito. Bago pa man niya ito matanong ay ipinasa na siya nito kay Simon. Nagtatakang sinundan na lang niya ito ng tingin. Tila wala namang problema rito dahil nakangiti nitong nilapitan ang isang babae at niyayang sumayaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD