4

1542 Words
“P*T*NG-INA mo! Huwag mong pakikialaman ang pagsusugal ko! Iyon na nga lang ang kaligayahan ko, eh.” “Buwisit ka talaga sa buhay kong babae ka! Inubos mo na ang lahat ng naipundar natin dahil sa pagiging sugalera mo.” “Pinakasalan mo ang buwisit at sugalera na ito kaya magtiis ka!” Nagkunwari si Cathellya na walang naririnig kahit na alam niyang dinig hanggang sa kanto ang pagsisinghalan ng kanyang ama at madrasta. Nasanay na siya sa ganoong ingay. Pati na rin yata ang mga kapitbahay ay sanay na sanay na. Alam niyang magkakasundo rin ang mga ito mamaya. Ganoon naman palagi ang mga ito. Ipinagpatuloy niya ang pagkukusot ng mga damit. Kailangan niyang matapos ang lahat ng labahin ngayong gabi dahil hindi niya iyon mahaharap bukas. Nagpaalam na siya sa kanyang ama na dadalo sa birthday party ng triplets bukas. Pinayagan na siya nito. “Sige, para makadelihensiya ka kahit paano. Kapag tinanong ka kung may kailangan ka, huwag ka nang mahihiyang magsabi, Cathellya. Sabihin mong medyo nagigipit tayo ngayon. Totoo naman iyon. Lumalaki na ang mga gastusin natin. Mapagbigay naman ang mga Castañeda” Marahas siyang napabuntong-hininga. Tatlong buwan pa lang mula nang kunin siya ng kanyang ama ay nawasak na ang lahat ng ilusyon niya sa masayang pamilya. Sugarol ang kanyang madrasta. Dati itong domestic helper sa Dubai, ngunit unti-unti rin nitong naubos ang mga naipundar nito dahil sa sugal. May regular na trabaho ang kanyang ama, ngunit kulang ang kinikita nito para sa luho ng asawa at mga anak nito.  May mga pagkakataon na hindi niya alam kung magagalit o mas mamahalin niya ang kanyang ama. Matagal nang nakatanim sa isip niya na kinuha lang siya nito dahil alam nitong pagkakakitaan nito ang mga Castañeda. Tanggap na rin naman niya na mas mahal nito ang mga anak nito kay Tiya Esther. Ngunit maraming pagkakataon din naman niyang naramdaman na sinusubukan nitong maging ama sa kanya. Sumubok ito, ngunit hindi nito ibinigay ang lahat ng makakaya nito. Matiyaga ito sa trabaho kahit na maliit lang ang kinikita nito. Nakikita niya ang pagsisikap nitong mapag-aral ang mga kapatid niya sa maayos na eskuwelahan. Ginagawan nito ng paraan kapag nanghihingi ng mga kung ano-ano ang mga kapatid niyang sina Elsie at Eloisa. Kung hindi lang marahil sugarol ang asawa nito ay baka naging mas maganda ang buhay nila.  May mga pagkakataon na naaawa siya rito dahil kitang-kita niya ang pagod nito, ang lahat ng pagsusumikap nito. Kaya hanggang maaari din ay ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya. Malaking tulong dito na hindi na nito kailangang alalahanin ang gastos sa pag-aaral niya. Ang allowance niya ay napapakinabangan nilang lahat. Hindi siya nanghihingi ng suporta sa mga Castañeda dahil sobra na ang mga ibinibigay ng mga ito na libreng edukasyon at allowance. Walang obligasyon ang mga ito sa kanya kung tutuusin. Sinisikap niyang huwag na lang mas pahirapan ang kanyang ama. Hindi siya nagsusumbong ng hindi magagandang bagay. Hanggang kaya niyang tiisin ang lahat ng hirap, tinitiis niya. Natigil siya sa pagkukusot nang may bigla na lang tumama sa likod niya. Isang pantalong maong iyon. Kaagad na nasundan pa iyon ng ilang piraso ng damit. Hindi na niya nilingon ang nagbato ng mga iyon, isa-isa na lang niyang pinulot at inilublob sa batya. Alam na niya kung sino ito kahit na hindi siya lumingon. “Ulitin mo ang paglalaba ng mga iyan. Ang babantot. Ano bang klaseng laba ang ginagawa mo?” ani Elsie. Mas matanda ito sa kanya nang isang taon ngunit hindi niya ito nakasanayang tawaging “Ate.” Hindi na lang siya umimik. Kapag nagsalita pa siya ay lalo lang itong manggagalaiti. Lalo lang siya nitong aapihin. Wala namang kakampi sa kanya kapag nagsumbong siya sa mga ginagawa nito sa kanya. Nang magsumbong siya dati sa tatay niya na sinira nito ang manyikang pinakamamahal niya ay mas kumampi pa rito ang tatay nila. Bakit daw kasi niya ipinagdadamot ang mga manyika niya. Alam naman daw niyang hindi pinalad na magkaroon ng ganoon ang mga kapatid niya dahil may-kamahalan ang ganoong klase ng manyika.  Mula noon ay alam niyang wala siyang panalo rito. Tinanggap na lang niya na ganoon talaga. Lalabhan na lang uli niya ang mga damit nitong hindi pa naman yata naisusuot. Ayaw na niyang pumatol. Ayaw rin niyang isipin na para siyang si Cinderella. Ayaw niyang iasa ang lahat ng ikagiginhawa ng buhay niya kay Prince Charming. Ang inisip na lang niya, bukas ay makakasama niya si Tita Antonina. Makakatulog siya sa magandang silid niya. “`Yan, ganyan nga. Para naman may pakinabang ka rito sa bahay na ito,” narinig niyang sabi ni Eloisa na hindi niya napansin na kasama na ni Elsie. Balang-araw ay makakawala rin siya sa sitwasyong iyon. “Ate, tutulungan na kita.” Napangiti siya nang samahan siya ni Isay roon. Ito ang tanging kapatid na mabait sa kanya. Ito ang nagbibigay ng pag-asa sa kanya. Dahil siguro sa siya ang nag-aalaga rito tuwing nasa sugalan ang ina nito kaya iba ang bonding nila. Nailublob na nito ang mga kamay nito sa bula bago pa man siya makasagot. “Ako na,” nakangiting sabi niya. “Gumawa ka na lang ng assignment mo sa loob.” “Tapos na, Ate. Tulungan na kita rito para mabilis at saka para hindi ko na marinig ang away nina Mama at Papa.” Pumayag na siya. “Ipagbabalot kita ng cake pag-uwi ko sa makalawa.” Ngumiti ito. “Sige, sige. Da best ka talaga, `Te.” “Kahit na gaano kapangit at kahirap ang buhay, mayroon pa ring mahahanap na isang maganda at positibong bagay ang isang tao kung gugustuhin niya. Ang kailangan lang ay buksan ang puso at maging appreciative sa mga munting biyayang dumarating.” Sinabi iyon sa kanya dati ni Lola Ancia. Isa si Isay sa magagandang bagay na nahanap niya sa magulong buhay niya. YUMAKAP si Cathellya kay Tita Antonina nang makita niya ito. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. Nangulila siya nang husto rito. Sa mata at puso niya, ito ang epitome ng ulirang ina. Nasa puso pa rin niya ang paghahangad na matawag itong “mommy.” Tuwing nahihirapan siya sa bahay ng kanyang ama, sumasagi sa isip niya kung ano kaya ang naging buhay niya kung natuloy ang pag-ampon sa kanya ng mga ito? Kung naging mas mabait siguro siya kay Seth, baka pumayag itong maging kapatid siya. Paano kung legal na siyang naampon bago dumating ang kanyang ama?  Gabi-gabi siyang makakatulog sa magandang silid na inayos ni Tita Antonina para sa kanya. Hindi siya mahihirapan. Hindi siya tutuksuhin sa eskuwelahan at marami siyang magiging kaibigan dahil isa siyang Castañeda. Bago pa man lumalim ang iniisip niya ay kusa na niyang pinipigilan ang sarili. Ayaw niyang maghangad ng mga ganoong bagay.  Hindi pagiging Castañeda ang kapalaran niya. Hindi isang marangyang buhay ang nararapat sa kanya. Hindi para sa kanya ang ilang mga bagay. Iisang taon niyang naranasan kung paano mabuhay nang masagana. Hindi siya dapat na nasanay sa mga luho. Hindi niya dapat hanap-hanapin ang buhay na iyon. Hindi lang marahil marangya at magandang buhay ang hinahangad niya. Naiisip din kasi niya na baka naging mas masaya siya sa piling ni Tita Antonina. Mas naramdaman niya ang pagiging ina nito kaysa kay Tiya Esther. “Kumusta ka na?” nakangiting tanong ni Tita Antonina nang pakawalan siya nito. Hinagod nito ng tingin ang kabuuan niya. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito. “Bakit parang pumayat ka yata ngayon? Kumakain ka ba nang maayos?” Hinawakan nito ang mga kamay niya. Lalong nagsalubong ang mga kilay nito nang pisilin ang mga kamay niya. “Bakit mas magaspang ngayon ang mga kamay mo? Namumula pa at parang may blisters.” Sinikap niyang ngitian ito kahit na bigla ay nais niyang magsumbong dito. “Hindi lang po talaga ako tabain. Matagal n’yo na kasi akong hindi nakikita kaya parang payat ako sa paningin n’yo. Saka po naglaba po ako kagabi kaya medyo pangit ang mga kamay ko.” “Bakit ikaw ang naglalaba?” Banayad siyang natawa. “Tita, ganoon po talaga kapag walang tagalaba.” “Pero... pero...” Mababakas ang pag-aalala sa mga mata nito. “Tita, okay lang po ako. Huwag n’yo na po akong masyadong alalahanin. Birthday ngayon ng triplets. Dapat ay masaya kayo, hindi nag-aalala.” “I can’t help it, Cath. I’ve missed you. Dito ka matutulog, ha?” “Opo. Na-miss din po kita, Tita.” Magkahawak-kamay na nag-ikot sila at bumati sa mga bisita. Bahagya siyang nailang ngunit ayaw siya nitong pakawalan. Nang makita siya ni Tito Pepe ay kaagad niya itong nginitian at niyakap. “How are you, darling?” masuyong tanong nito. “Pumayat ka yata,” puna nito. “That’s what I’ve been telling her,” sabi ni Tita Antonina. Ngiti na lang ang naitugon niya. “May mga food supplement at vitamins ako sa home clinic ko. Ipadala mo sa kanya, Antonina.” Tila may kung anong humaplos sa puso niya. Napakalaki na ng pasasalamat niya na ganoon pa rin kabait sa kanya ang mag-asawa. Hindi nagbago ang turing ng mga ito sa kanya. Naisip niya na masuwerte pa rin siya sa buhay niya. Marami pa ring magagandang biyaya na ibinigay ng Diyos sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD