3

1422 Words
PATUNGO si Cathellya sa hardin nang marinig niya ang nagmamaktol na tinig ni Seth. Nagtatakang sinundan niya ang pinanggagalingan ng tinig. Nakaawang ang pintuan ng isang silid na kung tawagin ng triplets ay “playroom.” Kasama ni Seth ang mommy nito. “Ayoko nga po!” nagdadabog na sabi ni Seth kay Tita Antonina. “Ayoko! Ayoko! Ayoko!” “Seth Alberto! Pumayag na sina Simon at Sean. Masaya sila na magkakaroon sila ng sister. Bakit ikaw ayaw mo?” “Eh, ayaw ko nga! Hindi ko gustong maging sister si Cathellya! Kapag inampon n’yo siya, maglalayas ako! Hindi na ako babalik dito! I swear!” Kaagad siyang tumakbo palayo roon. Nagtungo siya sa labas ng bahay, sa hardin. Marahas na pinunasan ng likod ng palad niya ang kanyang mga luha. Naiinis siya. Inis na inis siya kay Seth. Bakit ba ayaw nito sa kanya? Wala naman siyang ginagawang masama rito. Mabait naman siya. Bakit ba ganoon ito kasalbahe samantalang mabait naman sina Sean at Simon? Kung ayaw nito sa kanya, ayaw na rin niya rito! PAG-UWI ni Cathellya sa Villa Cattleya ay may nadatnan siyang bisita ni Lola Ancia. Malungkot siyang umuwi dahil hindi na muling binanggit ni Tita Antonina ang tungkol sa pagiging mommy nito sa kanya habang nasa Maynila siya. Alam niyang nagbago na ang isip nito. Kahit na ipinasyal siya nito at ibinili ng maraming laruan at damit, hindi niya magawang maging masaya. Mas gusto niyang maging mommy si Tita Antonina kaysa magkaroon ng maraming laruan at damit. Kasalanan ni Seth kung bakit siya malungkot! Napatingin siya sa lalaking bisita ni Lola Ancia. Hindi niya ito kilala at noon lang niya ito nakita roon. Nakatingin din ito sa kanya. Medyo nakakatawa ang hitsura nito. Tila maiiyak ito na napapangiti. “Halika rito, apo,” tawag ni Lola Ancia sa kanya. Tahimik siyang lumapit dito. “Gusto kong makilala mo si Reynaldo Capinpin.” Kakaiba ang tinig ni Lola Ancia. Tila may nakabara sa lalamunan nito at nahihirapan itong magsalita. Bakit tila maiiyak din ito? Tatanungin sana niya ito kung may sakit ito ngunit naunahan siya nito sa pagsasalita. “Siya ang tatay mo, Cath.” HALOS ayaw kumawala ni Cathellya kay Lola Ancia. “Ayoko pong umalis, Lola,” umiiyak na sabi niya. Ayaw niyang lumayo rito. “Ako rin, Cath,” sabi nito habang hinahagod ang likod niya. “Pero mas may karapatan sa `yo ang tatay mo. Ayaw kitang ibigay sa kanya kung maaari lang. Pero hindi puwedeng hindi natin siya bigyan ng tsansa na makasama ka. Napatunayan ko nang siya ang tunay mong ama at ayoko siyang pagkaitan. Hindi ako gaanong kampante pero sa ngayon ay wala akong magagawa, hija. Nangako siya na aalagaan ka niya at mamahalin. May mabait daw siyang asawa na maaaring maging ina para sa `yo. May mga kapatid kang babae. Magkakaroon ka na ng totoong pamilya. Ipagdarasal ko palagi ang kaligayahan mo. Tandaan mo palagi na narito lang ang Lola Ancia. Hindi kita pababayaan.” Ayaw niyang kumawala rito kahit na oras na ng pag-alis nila ng lalaking sinasabi nitong tunay niyang ama. Dapat ay masaya siya dahil binalikan siya ng kanyang ama ngunit hindi niya ito kilala. Iilang araw pa lang mula nang unang beses niya itong makita. Ayaw niyang sumama rito. “Tara na, anak,” yaya ng lalaki sa kanya. “Ako na ang bahala sa `yo. Hindi kita pababayaan. Magiging masaya tayo bilang isang pamilya.” Wala na siyang nagawa kundi ang sumama rito. Sa Maynila na raw sila titira. Habang palayo sila ng Mahiwaga ay pilit na lang tinanggap ng murang isip niya ang sitwasyon. Pinaniwalaan niya ang tatay niya na mas masaya sa pupuntahan nila. May tatay at nanay siya roon at may mga kapatid na babae. Gusto sana niyang maging mommy at daddy rin sina Tita Antonina at Tito Pepe pero ayaw naman sa kanya ni Seth. Baka mas gustuhin siya ng mga kapatid niyang babae. Pagdating nila sa bahay nito ay sinalubong sila ng isang matabang babae na may maraming alahas sa katawan. May karga-karga itong bata at nasa tagiliran nito ang dalawang babae. Nakangiti ang mga ito sa kanya. Gumanti siya ng ngiti. Gusto siya ng mga ito. Tama ang tatay niya, magiging masaya siya roon. Hindi ganoon kalaki ang bahay ng tatay niya katulad ng Villa Cattleya pero lumaki naman siya sa bahay na mas maliit doon. Hindi naman importante iyon. Ang mahalaga, gusto siya ng mga ito at may totoo na siyang pamilya. NAPAHAWAK si Cathellya sa sikmura niya nang tumunog iyon. Sunod-sunod ang naging paglunok niya. Gutom na gutom na siya. Hindi siya nakakain kagabi dahil wala nang natirang kanin at ulam. Paggising niya ay natuklasan niyang wala pang kaya napilitan siyang pumasok na walang laman ang sikmura. Inabot niya ang baunan niya ng tubig at uminom. Hindi natighaw ang gutom niya. Namasa ang kanyang mga mata ngunit pinigilan niya ang sarili na maluha. Hindi na siya iiyak. Nagsasawa na siya. Ipinagpatuloy niya ang paggawa ng assignment. Lunch break niya at nagdesisyon siyang maglagi na lang sa library katulad ng palagi niyang ginagawa. Tatapusin na niya ang lahat ng dapat na tapusing assignment dahil wala siyang panahong gumawa mamaya. Marami siyang lalabhan. Pilit niyang kinalimutan ang gutom niya. Lilipas din iyon. Iilang buwan na lang ang bubunuin niya sa high school. Hindi pa siya sigurado kung makakapagkolehiyo siya pero sisikapin niyang makatapos ng pag-aaral. Hindi siya habang-buhay na magiging ganoon. Balang-araw, magbabago rin ang takbo ng buhay niya. Ibang-iba ang naging buhay niya sa buhay na inasahan niya nang umalis siya ng Villa Cattleya, ngunit wala na siyang magagawa. Iyon marahil ang kapalaran niya. Matagal na niyang tanggap iyon. Hindi naman siya pinababayaan ng mga Castañeda. Suportado pa rin siya ni Lola Ancia. Dahil dito kaya nakakapag-aral siya ngayon sa isang maganda at pribadong eskuwelahan. May allowance din na regular na ipinapadala. Ang kanyang ama ang tumatanggap niyon. “Hey!” Napapitlag siya nang may bigla na lang tumabi sa kanya. Tumingin siya sa lalaking nakangiti nang matamis sa kanya. Sandali niya itong kinilala. “O, Sean,” kaswal na bati niya. Inilapag nito ang isang brown na paper bag sa harap niya. “Tama. Hindi ka talaga nagkakamali sa aming tatlo. Para sa `yo pala. Padala `yan ni Mommy. Hindi kita nakita sa cafeteria kanina kaya naisip ko na baka narito ka.” “Maraming salamat `kamo.” Hindi siya nakakalimutan ni Tita Antonina. Kapag may oras itong magluto sa umaga ay palagi siya nitong iginagawa ng baon at ipinapadala sa mga anak nito. Bihira na silang magkita ngunit hindi nagbabago ang concern nito sa kanya. Kahit na sa mga nakalipas na taon ay sinikap niyang idistansiya ang sarili sa mga ito dahil labis na siyang nahihiya, hindi pa rin ito nakakalimot. “Huwag mong kalilimutan sa Friday, ha? Ipasusundo ka raw ni Mommy para hindi ka mahirapan sa pagko-commute. Kung puwede rin daw baka sa bahay ka na matulog? Walang gumagamit ng kuwarto mo. Nami-miss ka na ng mga teddy bear at manyika mo. Saka nami-miss ka na ni Mommy.” “Sean, ano kasi... baka hindi ako—” “Magtatampo kami kapag hindi ka pumunta, Cath. Last year, hindi ka na pumunta. Nalungkot si Mommy. Pupunta ka, ha? Birthday naman namin.” Wala na siyang nagawa kundi tumango. “Sige, makakarating ako.” Nahihiya kasi siyang magpunta dahil wala siyang pambili ng regalo para sa tatlo. Alam niyang hindi naman umaasa ang mga ito sa kanya ng mamahaling regalo, pero nakakahiya pa ring magpunta na walang dala. Iisip na lang siguro siya ng paraan para makapagbigay kahit na maliit na bagay lang para sa triplets. “Yes! Magiging masaya ang party, maniwala ka sa `kin. Paano, mauuna na ako, ha? Hinihintay ako ng girlfriend ko sa canteen. Hinanap lang talaga kita para ibigay `yan. Sasabihin ko na kay Mommy na darating ka, ha?” Nakangiting tumango siya. Pag-alis nito ay mabilis niyang tinapos ang isinusulat sa notebook niya. Bawal kumain sa loob ng library. Nagtungo siya sa pinakamalapit na fire escape. Binuksan niya ang paper bag. Hindi lang sandwich ang naroon, mayroon ding cupcake at chocolate bars. Kinain niya ang sandwich at cupcake. Itatabi niya ang chocolate bars para kapag nagutom uli siya ay may kakainin siya. Hahatian niya si Isay, ang bunsong kapatid niya na napamahal na sa kanya. Habang kumakain ay inilabas niya ang sketchbook niya at nagsimula siyang gumuhit. Mamayang vacant period niya sa hapon ay dadaan siya sa computer laboratory. Nakaisip na siya ng maaari niyang iregalo sa triplets.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD